UP Baguio Student Council – HALALAN 2012: IKALAWANG TAONG TAGUMPAY NG CADUA AT PAGKATALO NG PARTIDONG ACS NG ANAKBAYAN
Feb.16, 2011 Maingay at makulay ang paligid ng pamantasan sa matitingkad na pula, asul at itim na simbolikong representasyon ng kinaaanibang partido ng mga estudyante. Panahon na naman ng halalan at ang mga iskolar ng bayan ay muling mamimili ng mga iluluklok sa UP Student Council, mga ehemplong lider at partido na makakapamuno at kakatawan sa kanilang interes. Ang mga aktibong kalahok ay pulahan na partido ng CADUA (Campus Alliance for Dedicated and Unified Action), ang asul na ACS (Alliance of Concerned Students), Student Party ng LFS at Anakbayan, at ang itim na UP Unite Students Party. Pinakapopular ang CADUA sa lahat ng partidong kalahok. Ito rin ang kasalukuyang mayorya sa kasalukuyang konseho. Kabaliktaran naman ito ng dalawang natitirang partido. Napilitang magsanib - pwersa ang ACS at UP Unite dulot ng kanilang kahinaan sa usapin ng popularidad at pamunuan. Naging mainit ang palitan ng mga political parties noong Pebrero 15 Miting de Avance, lalo na ng magkampihan ang ACS at UP Unite laban sa CADUA. Mas lumutang ang mga atakeng personal kesa politikal ng minorya laban sa mayoryang partido. Ayon sa minorya, hindi raw ginampanan ng kasalukuyang konseho ang kanyang tungkulin bilang kinatawan ng masang estudyante na agad namang sinalubong ng di pabor na tugon mula sa mga estudyante. Ayon naman sa CADUA, tumugon ito ng naaayon lamang sa tamang kondukta ng pakikitungo sa mga mahahalagang usapin ng mamamayan tulad na lamang ng Dec.10, 2011 International Human Right Day Rally, anti-SM protests at kampanya para sa karapatan sa edukasyon. Sa kabila ng mga atakeng personal sa mga lider ng CADUA, nanatiling matatag ang hanay nito. Dumami ang bilang ng mga estudyante nagpakita ng suporta rito. Pinalakas pa ito ng alyadong organisasyon gaya ng APO (Alpha Phi Omega) at Demolae Brotherhood. Sumuporta rin ang YND (Youth for Nationalism and Democracy) sa kampanya ng CADUA na nakapagsimula ng joint projects gaya ng Occupy Baguio at ang tuloy-tuloy na anti-SM campaign. Sa eleksyong 2011, naagaw mula sa ACS at Anakbayan ang UP Student Council na sa mahabang panahon ay kanilang napamumunuan. Simula noon, nahirati na ang CADUA sa mga atake ng kalabang partido, habang patuloy itong nagkokonsilida sa kanilang hanay. Mabilis na nakakarecruit ang CADUA, lalo pa’t isa sa pamantayan nito ang good academic records bilang rekisito sa pagsapi. Landslides ang resulta ng 2012 eleksyon pabor sa CADUA. Ito ang kanilang ikalawang taon ng tagumpay laban sa ACS na napilitan na ngang makipagsanib sa UP Unite. Nakuha ng CADUA ang Chair ng Konseho, 8 sa 10 Konsehal, at mga Reresentante ng 2 sa 3 Colleges. Umuwi na namang luhaan, ika nga, ang ACS, LFS at Anakbayan. Paano ngay itinuturing nilang bastion ang UP Baguio! Hanggang ngayon kaya? Naniniwala ang YND at CADUA na ang usapin ng mga estudyante ay hindi hiwalay sa iba pang mas malalaking isyu sa labas ng pamantasan. Patuloy na pinatutunayan ng CADUA at ng kasalukuyang pamunuan ng UP Student Council na lubhang mahalaga ang tamang kondukta bilang mga lider-estudyante, at bilang mga aktibista. Ang respeto ay tinatrabaho at hindi iwinawasiwas. Ang pagiging pulitikal at pagiging aktibista ay buuhan, hindi lamang sa bibig, hindi lamang sa kasisigaw, hindi lamang sa sloganeering. Higit na mahalaga ang kondukta, ang pandama sa ordinaryong masang estudyante at buhay na pakikipag-ugnayan sa kanila kasabay sa pagharap sa kanilang karaingan at pangarap, habang lumalahok sa usapin ng buong mamamayan at ng bansa.
4 Comments
SM Supermall Expansion,
Sinalubong ng Protesta Jim Pag-a Jan. 20, 2012 Nilahukan ng libo-libong mamamayan ng Baguio noong Enero 20 ang planong expansion ng SM Supermall. Para sa pagpapalawak ng SM at pagtatayo ng dagdag na parking area, nakaambang putulin ang 182 puno. Nakiisa sa protesta ang mga environmentalists, estudyante, taong simbahan, maliliit na negosyante, NGOs, iba’t ibang people’s organizations, at mga ordinaryong mamamayan. Ang protesta ay pagtugon sa panawagan ni Dr. Mike Bengwayan ng Cordillera Ecological Center, na siya ring nagpasimula ng signature campaign sa internet laban sa plano ng SM. Isa sa pinakamalaking bulto ng pagkilos ang academic community, sa pamumuno ni Deg Daupan, Presidente ng UP student Council at lider ng Campus Alliance Dedicated for United Action (CADUA), ang Student Party ng UP. Lumahok din sa kilos protesta ang, Service Education Research Volunteers and pro-Environment Network (SERVE-NET) at KPD NL. Nagkaisa ang lahat upang tutulan ang mapanlinlang na proyekto ng SM. Ayon sa management ng SM City Baguio, kakailanganin nilang pumutol ng mga puno upang maitayo ang pitong palapag na parking structure. I-aaccommodate nito ang lumalaking bilang ng customers at bigyang espasyo ang iba pa nitong negosyo. Naging kontrobersyal ang proyektong ito dahil hindi man lang nagkaroon ng konsultasyon sa publiko. Giit ng mga taga Baguio, walang karapatan ang SM na gawin ang gusto nitong proyekto ng walang pag-apruba ng mga maapektuhang residente. Nagmamatigas ang SM. May karapatan daw silang gawin ito sa kadahilanang pribadong pag-aari nila ang lugar. Katwiran pa ng SM management, makabubuti raw sa publiko ang nasabing ekspansiyon dahil sa dagdag na trabaho na ibibigay nito. Umamin naman si Mayor Domogan na mismong siya ang nag-endorso sa proposal na ito sa DENR upang bigyang permiso ang pagputol ng mga puno. Agad naming nagrelease ng permit ang DENR. Ayon sa Cordillera Ecological Center, nilabag ng DENR ang batas na dapat nitong ipatupad. Ito ay ang “DENR Administrative Order No. 2003-30 covering the Implementing Rules and Regulations (IRR) for the Philippine Environmental Impact Statement (EIS) - Environmentally Critical Projects (ECPs) DAO 2003-30 under Section 5.3 Article 2 that there should have been a mandatory Public Hearing Consultation of projects involved .” Hanggang sa kasalukuyan, walang anumang public hearing kaugnay nito ang ipinatatawag ng mga kaukulang ahensiya. Ayon sa Kilusan para sa Pambansang Demokrasya “...hindi pa man naitatayo ang dambuhalang SM retail store, tutol na rito ang publiko. Pinatay nito ang maliliit na negosyo at binastardo pa nito ang heritage ng lungsod bilang mountain resort city.” Dagdag pa, hindi malls ang dinarayo sa Baguio, kundi ang klima, pine trees, luntiang paligid, kultura at mismong mga taong naninirahan dito. Itinuro din ng KPD ang usapin ng SM sa capitalist greed na siyang kalakaran sa kasalukuyang sistema. TUBO ang sentrong usapin, sukdang magdulot ito ng pagkasira ng kalikasan, ng buhay at kabuhayan. Para naman sa SERVE-NET, napakalaki ng magiging epekto ng 182 puno sa pagbabago ng klima ng siudad. Pananggalang ang mga pine trees sa lumalalang problema sa polusyon sa Baguio at makakabawas ito sa carbon dioxide emission. Idagdag pa na ang Baguio ang pinaka-bulnerableng siyudad ng bansa sa climate change. Ang pagbibigay permit sa proyekto ay walang pakundangan at walang pagsasaalang-alang sa tuloy-tuloy na pagkasira ng kalikasan sa Baguio-Benguet at sa buong Cordillera. Parang walang epekto sa mga nanunungkulan ang bangungot na dala ni Pepeng at ang katotohanang kalakhan ng bahagi ng Baguio-Benguet ay disaster-prone. Hindi pa natutuldukan ang isyu ng SM at nakaambang pagputol sa 182 puno. Kasama ang KPD at Serve-Net sa tuloy-tuloy na panawagan upang tutulan ito, kasabay ng mga kumprehensibong paglalarga ng gawain kaugnay ng environment protection campaign. HUMAN RIGHTS DAY PROTEST sa Baguio, GINULO
“Peke! Peke ! ITIGIL NYO YAN!” at dirty-finger signs mula sa CPP/NPA/KM Jim Pag-a Tagumpay ang Human Rights Day Protest sa Baguio sa kabila ng panggugulo ng CPP/NPA/Kabataang Makabayan. Nagmartsa-protesta ang mga militante at iba pang progresibong organisasyon ng mga estudyante at kabataan sa Baguio para sa Ika - 63 anibersaryo ng pandaigdigang araw ng karapatang pantao noong Disyembre 10, 2011. Kasama ng KPD (Kilusan para sa Pambansang Demokrasya) – North Luzon ang CADUA Students Party at UP Baguio University Students Council. Dala ng mga organisasyong ito ang kampanyang “OCCUPY for our RIGHTS” para sa makataong pamumuhay. Nanawagan ang mga nagprotesta ng pagkakaisa para itulak ang gobyernong Aquino na tumindig sa panig ng mamamayan at itigil ang pribatisasyon ng edukasyon at kalusugan, kontraktwalisasyon sa hanay ng manggagawa, talamak na pagmimina, logging at liberalisasyon ng agrikultura at pangisdaan. Habang papalakas ang pagsigaw ng “OCCUPY, OCCUPY, OCCUPY for our RIGHTS”, lumitaw sa likod ng mga militante ang di- abot 15 kataong nakahawak ng bandila ng CPP/NPA/NDF. Sa gitna ng sigaw para sa karapatan sa TRABAHO, PAGKAIN, PABAHAY,KALUSUGAN at EDUKASYON, umeksena ang grupong CPP/KM/NPA ng sigaw ng REBOLUSYON, IPAGPATULOY ANG DIWA NI KA ROGER at mga panawagan sa mga kabataang MAG-ARMAS habang ang ilang miyembro nila ay nagpinta ng VIVA CPP-NPA sa gitna ng mapayapang protesta. Naging tensyonado ang sitwasyon dahil inakala ng mga pulis na kasama ng KPD at UP ang grupong ito. Sumandaling huminto sa martsa ang Occupy marchers habang hinahabol ng mga pulis ang mga kabataang nakamaskara. Matapos madisperse ang KM/CPP/NPA group, nagpatuloy sa martsa ang mga militante at tuloy-tuloy sa pagpapaliwanag kaugnay ng diwa ng Kilusang Kami ang 99%. Sinalubong ito ng mga kasamang MAKABAYAN vendors sa Magsaysay Avenue bilang suporta. Nagpatuloy ang protesta subalit muling nagkaroon ng tensyon ng sumigaw ng “PEKE-PEKE, ITIGIL NYO YAN, MGA WALANG KWENTANG UP!” ang limang myembro ng Kabataang Makabayan na noon ay nakapwesto na sa Maharlika-Tiongsan Overpass. Nakunan ng TV Patrol Northern Luzon ang mga nanggugulong kabataan habang naka-dirty-finger sign at patuloy sa pagsigaw g PEKE sa grupong Occupy ng KPD. May ilang bahagi rin ng KM/CPP/NPA group ang muling nag-dirty-finger sign noong makarating sa Harrisson Road ang grupong KPD/OCCUPY. Mariing kinundena ng KPD at ng UP Student Council ang nasabing panggugulo. Nakilala ng UP Student Council contingents ang ilan sa mga nanggulo na mga LFS at ANAKBAYAN members ng UP at sila ring mga masugid na nanggugulo sa mga proyekto at pagkilos ng UP Student Council, na nagkataong hindi mula sa mga pinatakbo ng ACS, ang Student Party ng Anakbayan sa UP. Hindi maiiwasang magkaroon ng kalituhan ang mga masang nakasaksi sa naturang pangyayari. Nagkaroon ng pagkakataon ang KPD na makapaglinaw kaugnay ng pangyayari nang maimbitahan ito sa “Naimbag Nga Morning Kapamilya,” local morning TV program ng Channel 2. Nagkaharap dito si Jim Pag-a at isang kinatawan ng Anakbayan. Kapwa tinanong ang dalawa kaugnay ng naging kaganapan sa HR Rally. Itinanggi ng Anakbayan na kasamahan nila ang KM/CPP/NPA na nanggulo, subalit sa palitan ng tanungan, magpapaliwanag sila kung bakit karapat-dapat tawaging PEKE ang KPD. Hindi daw kasi nito diretsong maatake si Pnoy. At sa pagsasabi raw na may mga LFS/Anakbayan na kasama sa grupong CPP/KM/NPA na nanggulo sa rally. Hindi na raw, kung ganun, naiiba ang KPD sa mga bayarang ahente ng AFP. Sa bahagi ng KPD, hinamon nito ang lahat ng nagsasabing progresibong kilusan sila ng mamamayan na umayon sa layuning abutin ang kaisahan ng nakararami o ng 99% kaysa maghasik ng panghahati at panggugulo. Dagdag pa ng KPD, dapat respetuhin ng ibang political block ang kilusan ng mamamayan sapagkat hindi ito kailanman magiging pag-aari ng isang organisasyon o ng iilan lamang. Dagdag pa ng grupo ngayon higit kailangan ang pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba upang mapuspos ang pagbabago. Naniniwala rin ang mga militante na hindi kailanman magiging solusyon sa malalang paglabag sa karapatang pantao ang mga reporma ng gobyernong Aquino, dahil ito ay panakip butas lamang sa pagkaganid ng kapitalismo. ### Ipaglaban ang Karapatan sa Pagkain, Pabahay, Trabaho, Kalusugan at Edukasyon!
Tayo ang 99%! Sa halos lahat ng panig ng mundo, mainit ang paglaganap ng pagpapahayag ng mamamayan ng kanilang pagtutol sa kasalukuyang umiiral na inhustisya sa sistemang panlipunan at pang-ekonomikong hindi pagkakapantay-pantay ng mamamayan, mataas na antas ng kawalan ng trabaho, korapsyon, kasakiman, pang-aapi at eksploytasyong dulot ng kapitalismo at hindi marapat na impluwensya ng mga korporasyon sa pulitika ng bansa. Mula sa Occupy Wall Street (OWS), isang kilusang nabuo mula sa lakas ng masang nagsimula noong September 17, 2011 sa Liberty Square, sa financial district ng Manhattan, ay kumalat sa mahigit na isandaang lungsod sa Estados Unidos at malawakang pagkilos ng masa mula sa mahigit isanlibo at limandaang lungsod sa walong daang bansa sa buong daigdig. Ang OWS ay naglalayong labanan ang kapangyarihan ng mga bangko at multinational na mga korporasyon sa demokratikong proseso ng bansa, at ang bahaging ginagampanan ng Wall Street sa pagkakaroon ng pagguho sa ekonomiya, na nagdulot ng pinakamalaking resesyon sa bansa. Ang kilusang ito ay humugot ng inspirasyon mula sa mga rebolusyong naganap sa gitnang silangan, partikular sa Egypt at Tunisia, at naglalayong labanan ang pinakamayamang 1% na gumagawa ng mga batas at polisiyang hindi makatarungan para sa mga mahihirap, at sa nalalabing 99% ng populasyon. Ang isinisigaw ng masang "kami ang 99 %" ay tumutukoy sa agwat kung saan ang yaman ng isang bansa ay nakakonsentra sa mayamang 1% at ang natitira ay sa masang 99%. Ang mga protestang nagaganap sa iba't ibang bahagi ng mundo ay naglalayong magkaroon ng pagbabago sa nabubulok na sistemang kapitalismo. Sa Estados Unidos lamang noong 2007, ang pinakamayamang 1% sa kanilang populasyon ay nagmamay-ari ng 34.6% ng kabuuang yaman ng bansa, at ang susunod na 19% ay namamay-ari ng 50.5%. Samakatuwid, ang pinakamayamang 20% ng Estados Unidos ay nagmamay-ari ng 85% ng yaman ng bansa at ang masang 80% ay nagmamay-ari ng 15%. Subalit pagkatapos ng Great Recession na nag-umpisa noong 2007, lumobo ang bahagi ng mayamang 1% sa yaman ng bansa, na nagdulot ng lalong paglayo ng agwat ng mayamang 1%. Bago pa man sumambulat ang "Occupy Movement," ramdam na natin ang krisis na dulot ng sistemang kapitalismo sa lipunang Pilipino. Sa NCSB (National Census and Statistical Board) - CAR latest report (2009 data), napakalayo pa natin sa pagkakamit ng mga itinakda ng 2015 Millenium Development Goals o MDG. Ang per capita income ay P 44.16 kada araw, kalahati lamang ng naitakdang international poverty threshold na P 80/day o $2/day. Patuloy na lumalaki ang poverty gap: 4.8 (2009) kumpara sa 2.1 target sa 2015. Lumalala ang problema ng akses sa edukasyon, sa 100 pumasok ng Grade 1, 64 lamang ang nakakatapos ng Grade 6. Tuloy-tuloy ang taas ng matrikula at patuloy ang budget cuts sa state colleges and universities gaya ng UP. Ang mga "pinalad" na makagradweyt ay bumabagsak sa call centers, malls o di kaya'y sa walang katiyakang trabaho sa labas ng bansa. Kalunos-lunos din ang aspetong pangkalusugan. Napakataas ng maternal mortality rate sa CAR - 79% kumpara sa target na 24.8% sa 2015. Tumaas din ng 5 ulit ang mga sakit na nakukuha sa pagkain at tubig. Patuloy ding binabagabag ng posibilidad ng demolisyon ang mayorya ng residente sa Baguio City na walang sariling tirahan. Lumulobo ang bilang ng informal sector o yaong walang tiyak na hanapbuhay. Mahigit 5,000 libo ang bilang ng vendors sa lunsod, gaano man naisin ng pamahalaan na pababain ito o pigilan ang paglaki sa pamamagitan ng kung anu-anong ordinansa. Ilan lamang ito sa mga dahilan ng ating pakikisimpatiya sa Kilusang Kami ang 99%! Bilang bahagi ng 99% sa ating bansa, ang Kilusan Para sa Pambansang Demokrasya (KPD) ng Baguio City, kasama ang iba't ibang grupo at organisasyon ng mga estudyante't kabataan, manggagawa at mala-manggagawa, magbubukid, kababaihan at mga propesyunal, ay nagpapahayag ng pakikiisa sa laban ng buong daigdig upang igiit ang karapatan ng bawat mamamayan para sa hustisyang pang-ekonomiya at panlipunan. Sama-sama nating isigaw ang ating lehitimong karapatan na matagal ng ipinagkakait sa atin. Wala ng iba pang magtatanggol sa atin mula sa ganitong kaayusan ng lipunan kundi ang ating mga sarili. Ang ating bilang ang ating lakas at sandata laban sa mga nagsasamantala. Milyun-milyon sa Pilipinas lamang ang buhay na winawaldas ng kapitalismo. Sa gitna ng napakaunlad na teknolohiya na lumilikha ng sobra-sobrang produkto at kapital ay patuloy na pagdarahop, kasalatan at kawalang katiyakan ang dulot sa 99% ng sangkatauhan! Sa patuloy na sumisigaw ng katarungan, sa mga nagdurusa sa paghahanap ng trabaho, sa mga manggagawa at empleyadong tig-lilimang buwan lamang ang trabaho, sa mga magulang na halos igapang ang pagpapaaral sa kanilang mga anak, sa mga mamamamayang nababaon sa mga utang sa bangko, sa mga nangangamba kung paano magkakaroon ng pagkaing ihahain sa hapag-kainan, sa masang anakpawis na walang akses sa matinong pagamutan at serbisyong pangkalusugan, sa mga nakakapasok ng kolehiyo ngunit nagiging drop outs, sa mga matagal nang walang sariling tirahan at palaging may demolisyong nakaamba, sa mga propesyunal na mabilis na dumadausdos ang katayuan sa lipunan, sa mga vendors na laging nakikipaghabulan sa pulis para isalba ang kanilang mga pwesto at paninda, sa mga drivers, construction workers at lahat ng nabubuhay sa para-paraan, sa mga gradweyts na napapabilang lamang sa milyon-milyong walang hanapbuhay, sa mga empleyado ng gubyernong nakaambang mawalan ng trabaho dahil sa austerity measures, sa mga guro at government retirees na walang makuhang kagalang-galang na retirement benefits, sa mga negosyteng patuloy na nababangkrap ... TAYO ANG 99%! TAYO ang bumubuhay sa lipunan! Sa ating pawis nagmumula ang superganansiya ng natitirang 1%! Tayo ang lumilikha ng yaman subalit tayo ang walang katiyakan ang buhay at kinabukasan! Isulong ang Kilusang "Kami ang 99%!" Ang ating bilang ang ating tanging lakas at sandata! Kamtin natin ang yamang tayo ang lumikha at dapat ay sa atin! Isulong ang hustiyang pang-ekonomya at panlipunan! Likhain ang lipunan at sistemang kakalinga sa higit na nakararami! Occupy Movement Baguio-Benguet/Kilusang Kami ang 99%: KPD UP Baguio Student Council CADUA - UP Serve - Net Kaisa Ka Baguio Women Grassroots Vendors Association YELL and OCCUPY! (Youth Environment League for Green Occupation) Teatro Linnaaw KILUSANG OCCUPY sa Baguio, INILUNSAD
Jim Pag-a, KPD NL Secretary General Baguio city – “Occupy for Rights to Food, Jobs, Shelter and Education!” Ito ang sentro ng panawagan sa inilunsad na pagdiriwang ng ika-63 anibersaryo ng International Human Rights Day. Nilahukan ito ng Kilusan Para sa Pambansang Demokrasya kasama ang UP Baguio Students Council, CADUA (UP Students Party) at iba pang progresibong youth organizations sa UP Baguio. Ang nasabing aktibidad ay paglulunsad ng Kilusang Occupy sa Baguio City. Ayon sa mga organisador ng Kilusan, simbolo ito ng pakikiisa sa panawagan at adhikain ng Kilusang Kami ang 99% o Occupy Movement na sinimulan ng Kilusang Occupy Wall Street. Naniniwala ang KPD NL na ang kasalukuyang sistema ay mapaniil ng buhay, mapangwasak ng produktibong pwersa at mapanira ng kalikasan. Sapat na mga batayan ito upang ilunsad ang Kilusang Occupy, hamunin ang kasalukuyang sistemang kapitalismo at bigyang daan ang pagpasok ng panibagong sistema na magsasaalang-alang sa interes ng nakararami o ng 99% ng lipunan. Ang epekto sa Baguio ng walang katapusang kontraktwalisasyon sa hanay ng manggagawa, demolisyon sa mga street vendors at squatters, budget cuts sa mga serbisyo publiko gaya ng edukasyon at kalusugan, malalang pagmimina, malalang dislokasyon at displacement dulot ng kalamidad at disaster, ay ilan lamang sa mga direktang karanasan ng mamamayan ng Baguio. Ito ang mga buhay at kamatayang dahilan upang makaugnay sa mga panawagan ng Kilusang Occupy. Ayon naman sa mga lider estudyante at ng UP Student Council, ang kanilang layuning magsilbi sa nakararaming estudyante ang kanilang motibasyon sa pagsama sa nasabing pagkilos. Layunin ng grupong maimulat ang masang estudyante sa lumalalang kalagayan ng mga kabataan sa bulok na sistemang pang-edukasyon sa bansa. Naniniwala rin silang ang mga usapin ng mga manggagawa at produktibong pwersa ng daigdig ay mga usaping kagyat nilang haharapin paglabas ng paaralan. Sa diwa ng Kilusang Kami ang 99%, tuloy-tuloy ang ugnayan ng KPD, Youth for Nationalism and Democracy at CADUA Students Party ng UP-Baguio sa layuning mapalakas ang panawagang Occupy at kampanya para sa malayang edukasyon at karapatang pangkabuhayan. Hinamon ng grupo ang pamahalaang Aquino na tahakin ang ipinangako nitong tuwid na daan at unahin ang pambansa demokratikong interes ng mamamayan. ### |
Categories
All
|