Higit na mapaminsala ang resulta ng operasyong pumatay sa teroristang si Marwan (Sulkifli bin Hir) kaysa sa pagpapasabog ng bomba ng mga terorista. Maliban sa malagim na pagkamatay ng 44 SAF commandos, 18 tauhan ng MILF at 7 na sibilyan, ikinumpromiso nito ang peace process sa Maguindanao- Sulu. Nauga ang buong makinarya ng estado sa magulong resulta ng top secret operation laban sa dalawang high value targets. Naiwang nangangapa sa dilim kahit na ang dalawang acting chief ng PNP, chief of staff ng AFP, kalihim ng Interior and local governments, at ang kalihim ng national defense. Nakatutok ang US Lumilitaw sa imbestigasyon na hindi kontrolado ng Pangulo at ng pinakamatataas na kumander ng AFP at PNP ang kaganapan nuong umaga ng Enero 25. Walang tigil ang pag-ukilkil ng katanungan sa nangungunang papel ng US sa operasyon—mula sa pagngangalap ng paniktik, pagpopondo, hanggang sa aktwal na eksekusyon. Patuloy mang itinatanggi ito kapawa ng pamahalaang PNoy at gubyernong US, natutunton ng balita kahit ang sikretong opisina ng tropang paniktik ng US na nakatutok sa operasyon. Iba pa ito sa mga nakahayag at nakalihim na lokasyon sa Mindanao, Sulu at Palawan na mula 2002 ay nakaistasyon na ang tropang Kano— mga abanteng pwersa ng Asia Pivot ng US at bantay sa ekonomikong interes nito sa Pilipinas at sa rehiyong Asia-Pasipiko. Hindi maitagong internal na tunggalian Bilang neokolonya, hinubog ng US ayon sa kanyang interes at disenyo ang lokal na makinarya ng paghahari sa Pilipinas. Pinopondohan, inaarmasan at sinasanay nito ang security forces ng bansa. Subalit pinahihina ang paghahari ng iilan sa higit na nakararaming mamamayan ng likas na panloob na kontradiksyon at tunggalian para sa kapangyarihan, at sa pakinabang na nagmumula dito. Higit na hayag ngayon ang trahedya ng kahinaang ito, ngayong iniimbestigahan ang sentro at mga haligi ng kapangyarihan ng estado ng sarili nitong law making bodies. Karaniwan nang larangan ang mga pagdinig sa dalawang kapulungan ng Kongreso ng wala sa katwirang gitgitan sa makikitid, personal, parokyal at pampartidong interes at ambisyon. Tumindi pa ito sa mga pagdinig sa insidente sa Mamasapano. Kalamansi sa sariling likhang sugat at maaaring lumala, hindi malayo na humakbang ang presidente, ang AFP at ang PNP para iligtas ang estado sa sarili nito at mula sa mga “terorista” at “mapanggulo.” Malinaw ang suhestyon ni Sen. Miriam Santiago kay Defense Sec. Voltaire Gazmin sa Senate hearing, Pebrero 12: Arestuhin ang mga nagpapakana at nagpaplano ng kudeta laban sa gubyerno. Digmaan o Kapayapaan Dapat managot ang Pangulo, ang mga opisyal ng AFP at PNP, at sa kasong ito, ang MILF sa masaklap na pagkamatay ng 44 na law enfocers at iba pang biktima. Kwestyunable ngayon ang peace process na itinutulak ng gubyerno at ng MILF. Nagsisimula pa lamang ang deliberasyon sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL), ang organikong batas ng Bangsamoro Political Entity nang pumutok ang insidente. Natigil ang deliberasyon dito ng Kongreso habang umuusad ang imbestigasyon. Sinuhayan ng Mamasapano incident ang duda sa sinseridad ng MILF sa peace process at anti-terorismo. Nabuhay ang mga ultra-reaksyunaryong pananaw sa paglutas sa kaligaligan sa Mindanao. Pinaka-reaksyunaryo rito ang sektaryan at sobenistang pagtingin sa mamamayang Moro. Iniangat nito ang panawagan ng total war at ang pagtanggi sa anumang paraan ng mapayapang solusyon. Patuloy na idinedeklara ng gubyerno, ng AFP, PNP at ng MILF na hindi mahahadlangan ng mapait na insidente ang prosesong pangkapayapaan. Nasa kongreso na ang susi sa pagkumpleto ng prosesong ito—ang pagsasabatas ng BBL. Pero maliban sa implikasyon ng Mamasapano tragedy, batayang hadlang sa BBL ang Konstitusyon, laluna kapag igigiit ito ng Kongreso o ng Korte Suprema. Kamakailan, nangako ang liderato ng dalawang kapulungan ng Kongreso na tatapusin nila ang kanilang trabaho ukol dito “nang may kinakailangang mga amyenda,” at tiyak na hindi sa orihinal na itinakdang panahon. Nagpahiwatig si Sen. Santiago sa pagdinig sa senado na sinisikap nilang iakma sa Konstitusyon ang ilang probisyon ng BBL. Nagtanong din si Sen. Ralph Recto kay Mohagher Iqbal, chief ng negotiating panel at chair ng Bangsamoro Transition Commission kung tatanggapin ng MILF ang BBL kahit may mga mayor na amyenda. Sinagot ito ni Iqbal ng “oo, basta’t hindi ito sobrang pinalabnaw (watered down).” Pero sa kanyang pahayag nitong Pebrero 16, na hindi nila tatanggapin ang anumang pagbabago sa BBL. BBL at ang inhustisyang ugat ng kaguluhan Laman ng orihinal na draft ng BBL ang masasalimuot na usapin ng paglilimita ng kontrol ng pambansang gubyerno sa awtonomya sa Mindanao-Sulu. Higit nitong pinaluluwag ang paglinang at paggamit ng dayuhan sa likas yaman ng lugar na ito. Kaya interesado dito ang US at mga korporasyong multinasyunal. Habang naghahabol ang pamahalaan at ang MILF sa pagpapasa ng BBL, patuloy na ginagapos ng pangamba ang mamamayang Moro at hindi Moro. Mawawakasan na kaya ng BBL ang pinag-ugatan nitong inhustisya? Magaganap na kaya dito ang tunay na kapayapaan? Hindi humuhupa ang mga agam-agam; nananatiling kubkob ng takot ang mga biktima at kanilang kaanak, sa isang siglo na nang karahasan at pagdanak ng dugong nag-umpisa sa pagsalakay at pagkolonisa ng US sa bansa nuong 1898. Nakapagngingitngit na mapabilang pa ang 44 SAF, ang 18 MILF fighters at 7 na sibilyan sa napakahaba nang listahan ng kaswalti sa gera sa Sulu at Mindanao. Pero, sadyang makakamit lamang ang hustisya para sa lahat ng mamamayan kapag nagpasya silang kumilos nang sama-sama para sa resolusyon ng pinag-uugatan ng digmaan at ligalig-- kasama na ang mahigpit na pagtutol at pagtuligsa sa patuloy na panghihimasok ng US sa mga panloob na pambansang usapin na yumuyurak sa pambansang soberanya at lalo pang nagpapalubha sa panlipunang mga gusot. Kilusan Para sa Pambansang Demokrasya (KILUSAN) Pebrero 17, 2015
0 Comments
|
Categories
All
|