Garapal na pinaiigting ng US ang kanyang militarismo. Inihayag ng gubyernong Obama nito lamang Pebrero ang dokumento ng National Security Strategy nito na naglilinaw sa walong nangungunang “stratehikong panganib (strategic risks)” na nakatakdang magpasaklaw sa mga opsyon para sa direktang pakikialam ng US. Karaniwan nang binabanggit ang apat sa mga risgong ito sa mga patakarang pandepensa at panlabas ng US. Gayunman, dahil sa masaklaw na depinisyon, malabo ang nais ipahiwatig at sa gayon, ay maaaring mailapat sa alinmang bayan. Ang mga ito ay ang “pag-atake sa teritoryo ng US, sa mga mamamayang Amerkano o mga kaalyado ng US; pagkakaruon ng mga mapamuksang sandata (weapons of mass destruction); at, pagbagsak ng mga palyadong estado.” Nagbibigay ang apat pa na “estratehikong panganib,” nang higit na dahilan para makialam ang US kahit saan. Mga “panganib” ito na lagi nang umiiral saanman sa daigdig: “pandaigdigigang krisis sa ekonomya at paghina ng ekonomya”; “paglaganap ng nakakahawang sakit”; “climate change”; at “matinding pagkabulabog ng energy market.” Nanawagan din ang national security strategy ni Obama sa US Congress na huwag limitahan, at sa halip ay dagdagan pa ang pondong militar. Hiniling din ng White House sa Kongreso na amyendahan na ang 2011 Budget Control Act na kung hindi nila pagbibigyan, sasalungatin ng veto ni Obama ang anumang kabawasan sa badyet ng Pentagon. Batayang badyet na $561B para sa pondong militar at $51B para sa mga gerang agresyon ng US na tinaguriang “Overseas Contingency Operations” (OCO) ang hinihingi ng bagong US Defense Sec. Ashton Carter. Sinalubong ito ng Republicans sa House of Representatives ng $523B para sa badyet militar at dagdag na $94B para sa OCO, o kabuuang $617B, higit ng $5B sa panukala ng Pentagon. Mungkahi ng US Senate Budget Committee: magbuo ng “deficit neutral reserve fund”. Wala sa apropriasyon ang pondong ito, na pwedeng maging “placeholder” o tagapag-ingat ng dagdag na military spending na maaaring ilyabe sa loob ng taong kasalukuyan. Hindi pa kasama sa panukalang military at war budgets ang alokasyon para sa intelligence agencies gaya ng National Security Agency (NSA) at Central Intelligence Agency (CIA). Hindi inihayag ng White House ang panukalang badyet para sa mga ahensya. Pero mas malaki ito sa $52.6B ng NSA at CIA nuong 2013. Pahayag ni Carter sa US Congress: “para mananatiling pinakamagaling na panlabang pwersa sa mundo, dapat pawiin natin ang duda sa katiyakan na pondong salapi na sa nakaraan ay nagpalabo sa ating mga plano at nagpahina sa ating mga pasya”. Samantala, nagbabala si Gen. Martin Dempsey, pinuno ng Joint Chiefs of Staff ng US Armed Forces na: matatapyas nang sangkatlo ang ating forward presence,” o , “lalong hihina ang impluwensya” sa daigdig kung hindi daragdagan ang budget ng militar. Nagpahiwatig din si Carter na naghahanda ng malaking gera ang Pentagon laban sa Russia, China at Iran. Makapal ang mga mukha ng mga lider ng US sa pagkakalat ng kasinungalingan. Ginagawa nilang halimaw ang kanilang mga karibal sa pambubola sa mga Amerikano at mamamayan ng mundo na kailangang manatili ang US na solong lider ng daigdig. Paulit-ulit itong ipinapahayag ni Obama at ng lahat ng kandidato sa pagkapangulo ng US. At sa parehong mala- haring tinig, idiniin ni Carter sa mga mambabatas na nagtutulak ang Russia, China, Iran at North Korea ng “pangmatagalan, at komprehensibong programa sa modernisasyong militar”. Para bang walang isa man sa US Congress ang nakababatid na hindi aabot ang pinagsama-samang badyet sa depensa ng mga bansang ito kahit sa kalahati ng badyet militar ng US. Maliban pa, walang mga pwersang militar ang mga katunggaling ito ng US na nakadeploy sa iba pang bansa. Nasa $600.4B ang badyet sa depensa ng US nuong 2013. Isangkatlo ito ng kabuuan ng defense budget ng daigdig na $1.56T sa taong iyon. Ang pinagsamang badyet sa depensa ng lahat ng bansang Asyano ay $321.8B o 21% ng kabuuan. Sa mga bansang European, $279B o 18% ng kabuuan. Nagkakaisa ang mambabatas na Democrats at Republicans sa pagtataas ng military at war spending ng US. Para dito’y babawsan pa nila ang pinaliit nang panukalang badyet sa serbisyong panlipunan, gaya ng kalusugan at edukasyon at sa core social programs na Food Stamps, Medicare at Social Security. Ang nakataya sa papaigting na militarismong suhay sa padausdos na kapangyarihan ng US sa mundo Naglunsad ang US ng mga gera ng pananalakay at panghihimasok para panatilihin ang pangingibabaw sa daigdig laluna matapos ang WW2. Mula nuon, sentral na ang gera, ang paghahanda sa gera at paghahamon ng gera sa pulitikal at pang-ekonomyang pag-usad ng US, kapwa sa larangangang pandaigdig at panloob. Pasan ng mamamayang Amerkano ang pagsusustini sa makinaryang panggera at mismong digma ng US. Hindi lamang gabundok na utang at papaunting serbisyong panlipunan ang kahulugan. Higit pa dito ang mga buhay at dugo ng mga kabataang Amerkano na nalinlang magsilbi sa US armed forces. Pinag-ibayong pagsupil sa karapatang demokratiko ng mamamayang Amerkano, kabilang ang kanilang privacy, ang dulo ng militarismong ito ng US. Tinitiktikan ng NSA ang halos lahat ng mamamayan sa Amerika, laluna ang mga aktibistang kontra sa gera at iba pang sumasalungat sa gubyerno na tinatatakan nito na mga potensyal na “terorista” o “kaaway ng estado.” Subalit ang pinakamatinding pinsala sa mga gera ng US ay dinadanas ng mamamayan ng Afghanistan, Iraq, Syria, Libya, Yemen, at Ukraine, kung saan direktang naglulunsad ng gerang agresyon ang US o sumusuporta sa lokal na mga gera dito. Kamakailan, sinalakay ang Nigeria ng mga armadong pwersa ng Chad na suportado ng US at NATO. Maliban sa direktang panggigera, naghahasik ang US ng mga panlipunan at pang-ekonomyang kaguluhan sa pakana nito ng pagpapalit ng rehimen sa Egypt, Venezuela at sa kalilipas lamang na taon, sa Ukraine, kung saan ipinuwesto ng US ang isang pasista, Neo-Nazi na rehimen. Maliban sa mga gera ngayon, nakakasuklam ang rekord ng mga digmang mapanalakay at mapanghimasok ng US sa di-malayong nagdaang panahon. Kinaladkad ng US ang NATO allies nito sa unang gera laban sa Iraq (1991, Dessert Storm) at sa mga gera na naghati at lumikha ng bagong “nation-states” mula sa Yugoslavia nuong 1990s. Sinalakay ng US Marines ang maliit na Carribean island-nation na Grenada para iluklok ang isang gubyernong maka-US, unang bahagi ng 1980s. Sa nasabi ring panahon, binuo at inarmasan ng US ang Contras na naghasik ng terorismo sa mamamayang Nicaraguan na katatapos sa matagumpay na rebolusyon nuong 1979. Todo suporta ang US sa nuo’y alyado pa nitong si Saddam Hussein ng Iraq sa pakikipaggera sa Iran. Pumutok ang Iran-Iraq war matapos na pabagsakin ng Islamic Revolution ang suportado ng US na rehimeng Reza Pahlavi ng Iran, 1979. Walang pahinga ang US sa gera gayung ilang taon lang ang nakakaraan ay ginapi ito ng mamamayan ng Vietnam at Cambodia sa mapait at mahabang Indochina War (1954–1975). Kahiya-hiyang pagkatalo ito ng US. Sa mapanalakay na gerang ito, nagbagsak ang US ng higit na maraming bomba, kabilang ang napalm, kaysa sa dami ng bombang sumabog nuong WW2. Gumamit din ang US ng bio-chemical weapons gaya ng nakasisindak na Agent Orange, isang napakatapang na defoliant na isinaboy sa South Vietnam, 1961–1972. Layon ay pagwasak sa mga pananim at kagubatan, pumatay at nagkalat ng sakit sa mga sundalo at sibilyang Vietnamese, pati na Amerkano ang isinaboy na kemikal . Ang agent orange ay nagdudulot pa ng sakit hanggang ngayon. Tumitindi ang pangamba ng US. Kahit nananatili itong pinakamalaking ekonomya, humuhupa na ang superyoridad nito mula pa 1970s. Mula sa dating netong tagapag-pautang, naging netong mangungutang na ito mula 1985. Dahil sa pang-ekonomyang istagplasyon nuong 1979–1981, naging “rust belts” ang ilang eryang industriyal sa US at hindi na nakabawi mula nuon. Naging heavilly financialized (naging “bula”) ang ekonomya ng US at sa isang antas, nagde-industriyalisa na maliban sa industriya ng langis at armas. Sa kabilang banda, nakabawi na nang malaki ang mga dating kalaban nito nuong WW2 na Japan at Germany at nilagpasan na ang US sa susing industriyang gaya ng steel, electronics, paggawa ng makina at mga sasakyan mula 1970s. Dahil humina na ito mula nuon, hindi nasamantala ng US ang paghiwa-hiwalay ng Soviet Union, 1991 at ang pampulitikang krisis ng China kasunod ng Tienanmen Massacre, 1989. Kalahatian ng 1990s hanggang sa unang dekada ng kasalukuyang siglo, tuluy-tuloy na lumago ang mga ekonomya ng Russia at China sa relatibong mas mataas na annual growth rates kumpara sa US, Japan at mga bansa sa Europe. Naging mga kapitalistang kapangyarihan na rin ang dalawang lider na ito ng dating ”socialist bloc,” at ikalawa ngayon ang China sa pinakamalalaking ekonomya sa daigdig. Nakaangkla ang US sa pagwasiwas ng lakas militar sa patuloy na aroganteng pagsisikap na pigilan ang pagdausdos habang abitraryong ipinupwersa ang kanyang interes sa daigdig. Baliw itong nagbubukas ng mga bagong larangan ng digma sa kabila ng pagkamatay, pinsala at dislokasyon ng milyun-milyong inosenteng mamamayan at ng lumalaking utang at kaswalti ng US sa hindi mapagwawagiang digma nito sa Afghanistan, Iraq at iba pang dako ng mundo. Maliban sa hayag na gera at panghihimasok, naglulunsad din ang US ng mga “lihim at hindi masyadong lihim na mga gera” sa mahigit 130 bansa, kasama ang Pilipinas at sa loob mismo ng US. Nagsasagawa ng gera ang US Special Forces laban sa mga “terorista” at “iba pang mga banta sa “pambansang seguridad” ng US sa 70% ng mga bayan sa daigdig. Kabilang sa mga banta ang : “sanggano (rouge)” at “palyadong” mga estado at maging ang mga mamamayan ng US na tinatakang “kaaway ng estado” ng NSA o CIA. Hinahamon ng US at mga alyado nito sa NATO para buyuhin sa gera ang Russia. Naglunsad na sila ng war exercises sa mga hangganan ng Russia kahit malaganap ang protesta ng mamamayan sa Eastern Europe at sa mga bayang dating kasapi ng Soviet Union. Inaarmasan at pinopondohan din ng US ang pinakabago ngunit mapusok nitong piyon, ang rehimeng Poroshenko sa Ukraine, na nagsusulong ng gera laban sa Eastern o Russian-Ukrainians. Pumatay na ang gerang ito, na naglalayong buyuhin ang Russia sa digmaan, ng mahigit 6,000 sibilyan ayon sa United Nations (50,000 batay sa mga indipendyenteng pagtaya). Nagpadala ang US kamakailan ng 300 military-trainer advisers sa Ukraine para sanayin at iangat ang morale ng armadong pwersa na lumasap ng serye ng pagkatalo sa kamay ng armadong pwersa at milisya ng mga Republikang Bayan ng Lugansk at Donetsk. Todo kayod ngayon ang US sa pagtutulak ng prinsipal niyang estratehiya ng “rebalancing” o “ Asian Pivot,” na nakatutok sa nangunguna nitong karibal na China. Tinukoy ng US ang China na pinakamalaking banta sa kanyang global hegemony. Nakahanap ng dahilan ang Asian Pivot para sa deployment ng 60% ng US naval at air forces sa Asia Pasipiko sa agresibong ekstensyon ng China ng kanyang teritoryo sa mga pinag-aagawang maliliit na isla at bahura sa South China Sea. Mahalagang maiaambag ng mamamayang Pilipino sa internasyunal na kilusang kontra militarismong US ang aktibong pagkilos para ibasura ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na bagong kasunduan sa pagbabase ng mga pwersang militar ng US at Pilipinas. Gayundin ang pagwawakas sa ligal na balangkas at batayan ng EDCA na, US-PH Mutual Defense Treaty. Kaladkad ng US sa mga gera nito ang Pilipinas dahil sa mga “kasunduang” ito. Inilalagay ng mga ito ang Pilipipinas sa katayuan bilang kaaway na rin ng mga kaaway ng US. Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (KILUSAN) Abril 28, 2015
0 Comments
|
Categories
All
|