SM Supermall Expansion,
Sinalubong ng Protesta Jim Pag-a Jan. 20, 2012 Nilahukan ng libo-libong mamamayan ng Baguio noong Enero 20 ang planong expansion ng SM Supermall. Para sa pagpapalawak ng SM at pagtatayo ng dagdag na parking area, nakaambang putulin ang 182 puno. Nakiisa sa protesta ang mga environmentalists, estudyante, taong simbahan, maliliit na negosyante, NGOs, iba’t ibang people’s organizations, at mga ordinaryong mamamayan. Ang protesta ay pagtugon sa panawagan ni Dr. Mike Bengwayan ng Cordillera Ecological Center, na siya ring nagpasimula ng signature campaign sa internet laban sa plano ng SM. Isa sa pinakamalaking bulto ng pagkilos ang academic community, sa pamumuno ni Deg Daupan, Presidente ng UP student Council at lider ng Campus Alliance Dedicated for United Action (CADUA), ang Student Party ng UP. Lumahok din sa kilos protesta ang, Service Education Research Volunteers and pro-Environment Network (SERVE-NET) at KPD NL. Nagkaisa ang lahat upang tutulan ang mapanlinlang na proyekto ng SM. Ayon sa management ng SM City Baguio, kakailanganin nilang pumutol ng mga puno upang maitayo ang pitong palapag na parking structure. I-aaccommodate nito ang lumalaking bilang ng customers at bigyang espasyo ang iba pa nitong negosyo. Naging kontrobersyal ang proyektong ito dahil hindi man lang nagkaroon ng konsultasyon sa publiko. Giit ng mga taga Baguio, walang karapatan ang SM na gawin ang gusto nitong proyekto ng walang pag-apruba ng mga maapektuhang residente. Nagmamatigas ang SM. May karapatan daw silang gawin ito sa kadahilanang pribadong pag-aari nila ang lugar. Katwiran pa ng SM management, makabubuti raw sa publiko ang nasabing ekspansiyon dahil sa dagdag na trabaho na ibibigay nito. Umamin naman si Mayor Domogan na mismong siya ang nag-endorso sa proposal na ito sa DENR upang bigyang permiso ang pagputol ng mga puno. Agad naming nagrelease ng permit ang DENR. Ayon sa Cordillera Ecological Center, nilabag ng DENR ang batas na dapat nitong ipatupad. Ito ay ang “DENR Administrative Order No. 2003-30 covering the Implementing Rules and Regulations (IRR) for the Philippine Environmental Impact Statement (EIS) - Environmentally Critical Projects (ECPs) DAO 2003-30 under Section 5.3 Article 2 that there should have been a mandatory Public Hearing Consultation of projects involved .” Hanggang sa kasalukuyan, walang anumang public hearing kaugnay nito ang ipinatatawag ng mga kaukulang ahensiya. Ayon sa Kilusan para sa Pambansang Demokrasya “...hindi pa man naitatayo ang dambuhalang SM retail store, tutol na rito ang publiko. Pinatay nito ang maliliit na negosyo at binastardo pa nito ang heritage ng lungsod bilang mountain resort city.” Dagdag pa, hindi malls ang dinarayo sa Baguio, kundi ang klima, pine trees, luntiang paligid, kultura at mismong mga taong naninirahan dito. Itinuro din ng KPD ang usapin ng SM sa capitalist greed na siyang kalakaran sa kasalukuyang sistema. TUBO ang sentrong usapin, sukdang magdulot ito ng pagkasira ng kalikasan, ng buhay at kabuhayan. Para naman sa SERVE-NET, napakalaki ng magiging epekto ng 182 puno sa pagbabago ng klima ng siudad. Pananggalang ang mga pine trees sa lumalalang problema sa polusyon sa Baguio at makakabawas ito sa carbon dioxide emission. Idagdag pa na ang Baguio ang pinaka-bulnerableng siyudad ng bansa sa climate change. Ang pagbibigay permit sa proyekto ay walang pakundangan at walang pagsasaalang-alang sa tuloy-tuloy na pagkasira ng kalikasan sa Baguio-Benguet at sa buong Cordillera. Parang walang epekto sa mga nanunungkulan ang bangungot na dala ni Pepeng at ang katotohanang kalakhan ng bahagi ng Baguio-Benguet ay disaster-prone. Hindi pa natutuldukan ang isyu ng SM at nakaambang pagputol sa 182 puno. Kasama ang KPD at Serve-Net sa tuloy-tuloy na panawagan upang tutulan ito, kasabay ng mga kumprehensibong paglalarga ng gawain kaugnay ng environment protection campaign.
0 Comments
|
Categories
All
|