HUMAN RIGHTS DAY PROTEST sa Baguio, GINULO
“Peke! Peke ! ITIGIL NYO YAN!” at dirty-finger signs mula sa CPP/NPA/KM Jim Pag-a Tagumpay ang Human Rights Day Protest sa Baguio sa kabila ng panggugulo ng CPP/NPA/Kabataang Makabayan. Nagmartsa-protesta ang mga militante at iba pang progresibong organisasyon ng mga estudyante at kabataan sa Baguio para sa Ika - 63 anibersaryo ng pandaigdigang araw ng karapatang pantao noong Disyembre 10, 2011. Kasama ng KPD (Kilusan para sa Pambansang Demokrasya) – North Luzon ang CADUA Students Party at UP Baguio University Students Council. Dala ng mga organisasyong ito ang kampanyang “OCCUPY for our RIGHTS” para sa makataong pamumuhay. Nanawagan ang mga nagprotesta ng pagkakaisa para itulak ang gobyernong Aquino na tumindig sa panig ng mamamayan at itigil ang pribatisasyon ng edukasyon at kalusugan, kontraktwalisasyon sa hanay ng manggagawa, talamak na pagmimina, logging at liberalisasyon ng agrikultura at pangisdaan. Habang papalakas ang pagsigaw ng “OCCUPY, OCCUPY, OCCUPY for our RIGHTS”, lumitaw sa likod ng mga militante ang di- abot 15 kataong nakahawak ng bandila ng CPP/NPA/NDF. Sa gitna ng sigaw para sa karapatan sa TRABAHO, PAGKAIN, PABAHAY,KALUSUGAN at EDUKASYON, umeksena ang grupong CPP/KM/NPA ng sigaw ng REBOLUSYON, IPAGPATULOY ANG DIWA NI KA ROGER at mga panawagan sa mga kabataang MAG-ARMAS habang ang ilang miyembro nila ay nagpinta ng VIVA CPP-NPA sa gitna ng mapayapang protesta. Naging tensyonado ang sitwasyon dahil inakala ng mga pulis na kasama ng KPD at UP ang grupong ito. Sumandaling huminto sa martsa ang Occupy marchers habang hinahabol ng mga pulis ang mga kabataang nakamaskara. Matapos madisperse ang KM/CPP/NPA group, nagpatuloy sa martsa ang mga militante at tuloy-tuloy sa pagpapaliwanag kaugnay ng diwa ng Kilusang Kami ang 99%. Sinalubong ito ng mga kasamang MAKABAYAN vendors sa Magsaysay Avenue bilang suporta. Nagpatuloy ang protesta subalit muling nagkaroon ng tensyon ng sumigaw ng “PEKE-PEKE, ITIGIL NYO YAN, MGA WALANG KWENTANG UP!” ang limang myembro ng Kabataang Makabayan na noon ay nakapwesto na sa Maharlika-Tiongsan Overpass. Nakunan ng TV Patrol Northern Luzon ang mga nanggugulong kabataan habang naka-dirty-finger sign at patuloy sa pagsigaw g PEKE sa grupong Occupy ng KPD. May ilang bahagi rin ng KM/CPP/NPA group ang muling nag-dirty-finger sign noong makarating sa Harrisson Road ang grupong KPD/OCCUPY. Mariing kinundena ng KPD at ng UP Student Council ang nasabing panggugulo. Nakilala ng UP Student Council contingents ang ilan sa mga nanggulo na mga LFS at ANAKBAYAN members ng UP at sila ring mga masugid na nanggugulo sa mga proyekto at pagkilos ng UP Student Council, na nagkataong hindi mula sa mga pinatakbo ng ACS, ang Student Party ng Anakbayan sa UP. Hindi maiiwasang magkaroon ng kalituhan ang mga masang nakasaksi sa naturang pangyayari. Nagkaroon ng pagkakataon ang KPD na makapaglinaw kaugnay ng pangyayari nang maimbitahan ito sa “Naimbag Nga Morning Kapamilya,” local morning TV program ng Channel 2. Nagkaharap dito si Jim Pag-a at isang kinatawan ng Anakbayan. Kapwa tinanong ang dalawa kaugnay ng naging kaganapan sa HR Rally. Itinanggi ng Anakbayan na kasamahan nila ang KM/CPP/NPA na nanggulo, subalit sa palitan ng tanungan, magpapaliwanag sila kung bakit karapat-dapat tawaging PEKE ang KPD. Hindi daw kasi nito diretsong maatake si Pnoy. At sa pagsasabi raw na may mga LFS/Anakbayan na kasama sa grupong CPP/KM/NPA na nanggulo sa rally. Hindi na raw, kung ganun, naiiba ang KPD sa mga bayarang ahente ng AFP. Sa bahagi ng KPD, hinamon nito ang lahat ng nagsasabing progresibong kilusan sila ng mamamayan na umayon sa layuning abutin ang kaisahan ng nakararami o ng 99% kaysa maghasik ng panghahati at panggugulo. Dagdag pa ng KPD, dapat respetuhin ng ibang political block ang kilusan ng mamamayan sapagkat hindi ito kailanman magiging pag-aari ng isang organisasyon o ng iilan lamang. Dagdag pa ng grupo ngayon higit kailangan ang pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba upang mapuspos ang pagbabago. Naniniwala rin ang mga militante na hindi kailanman magiging solusyon sa malalang paglabag sa karapatang pantao ang mga reporma ng gobyernong Aquino, dahil ito ay panakip butas lamang sa pagkaganid ng kapitalismo. ###
1 Comment
ANAKBAYAN Metro Baguio
3/7/2012 10:46:41 pm
Ilang puntong paglilinaw hinggil sa pahayag ni Jim Pag-a ng YND
Reply
Leave a Reply. |
Categories
All
|