Ipaglaban ang Karapatan sa Pagkain, Pabahay, Trabaho, Kalusugan at Edukasyon!
Tayo ang 99%! Sa halos lahat ng panig ng mundo, mainit ang paglaganap ng pagpapahayag ng mamamayan ng kanilang pagtutol sa kasalukuyang umiiral na inhustisya sa sistemang panlipunan at pang-ekonomikong hindi pagkakapantay-pantay ng mamamayan, mataas na antas ng kawalan ng trabaho, korapsyon, kasakiman, pang-aapi at eksploytasyong dulot ng kapitalismo at hindi marapat na impluwensya ng mga korporasyon sa pulitika ng bansa. Mula sa Occupy Wall Street (OWS), isang kilusang nabuo mula sa lakas ng masang nagsimula noong September 17, 2011 sa Liberty Square, sa financial district ng Manhattan, ay kumalat sa mahigit na isandaang lungsod sa Estados Unidos at malawakang pagkilos ng masa mula sa mahigit isanlibo at limandaang lungsod sa walong daang bansa sa buong daigdig. Ang OWS ay naglalayong labanan ang kapangyarihan ng mga bangko at multinational na mga korporasyon sa demokratikong proseso ng bansa, at ang bahaging ginagampanan ng Wall Street sa pagkakaroon ng pagguho sa ekonomiya, na nagdulot ng pinakamalaking resesyon sa bansa. Ang kilusang ito ay humugot ng inspirasyon mula sa mga rebolusyong naganap sa gitnang silangan, partikular sa Egypt at Tunisia, at naglalayong labanan ang pinakamayamang 1% na gumagawa ng mga batas at polisiyang hindi makatarungan para sa mga mahihirap, at sa nalalabing 99% ng populasyon. Ang isinisigaw ng masang "kami ang 99 %" ay tumutukoy sa agwat kung saan ang yaman ng isang bansa ay nakakonsentra sa mayamang 1% at ang natitira ay sa masang 99%. Ang mga protestang nagaganap sa iba't ibang bahagi ng mundo ay naglalayong magkaroon ng pagbabago sa nabubulok na sistemang kapitalismo. Sa Estados Unidos lamang noong 2007, ang pinakamayamang 1% sa kanilang populasyon ay nagmamay-ari ng 34.6% ng kabuuang yaman ng bansa, at ang susunod na 19% ay namamay-ari ng 50.5%. Samakatuwid, ang pinakamayamang 20% ng Estados Unidos ay nagmamay-ari ng 85% ng yaman ng bansa at ang masang 80% ay nagmamay-ari ng 15%. Subalit pagkatapos ng Great Recession na nag-umpisa noong 2007, lumobo ang bahagi ng mayamang 1% sa yaman ng bansa, na nagdulot ng lalong paglayo ng agwat ng mayamang 1%. Bago pa man sumambulat ang "Occupy Movement," ramdam na natin ang krisis na dulot ng sistemang kapitalismo sa lipunang Pilipino. Sa NCSB (National Census and Statistical Board) - CAR latest report (2009 data), napakalayo pa natin sa pagkakamit ng mga itinakda ng 2015 Millenium Development Goals o MDG. Ang per capita income ay P 44.16 kada araw, kalahati lamang ng naitakdang international poverty threshold na P 80/day o $2/day. Patuloy na lumalaki ang poverty gap: 4.8 (2009) kumpara sa 2.1 target sa 2015. Lumalala ang problema ng akses sa edukasyon, sa 100 pumasok ng Grade 1, 64 lamang ang nakakatapos ng Grade 6. Tuloy-tuloy ang taas ng matrikula at patuloy ang budget cuts sa state colleges and universities gaya ng UP. Ang mga "pinalad" na makagradweyt ay bumabagsak sa call centers, malls o di kaya'y sa walang katiyakang trabaho sa labas ng bansa. Kalunos-lunos din ang aspetong pangkalusugan. Napakataas ng maternal mortality rate sa CAR - 79% kumpara sa target na 24.8% sa 2015. Tumaas din ng 5 ulit ang mga sakit na nakukuha sa pagkain at tubig. Patuloy ding binabagabag ng posibilidad ng demolisyon ang mayorya ng residente sa Baguio City na walang sariling tirahan. Lumulobo ang bilang ng informal sector o yaong walang tiyak na hanapbuhay. Mahigit 5,000 libo ang bilang ng vendors sa lunsod, gaano man naisin ng pamahalaan na pababain ito o pigilan ang paglaki sa pamamagitan ng kung anu-anong ordinansa. Ilan lamang ito sa mga dahilan ng ating pakikisimpatiya sa Kilusang Kami ang 99%! Bilang bahagi ng 99% sa ating bansa, ang Kilusan Para sa Pambansang Demokrasya (KPD) ng Baguio City, kasama ang iba't ibang grupo at organisasyon ng mga estudyante't kabataan, manggagawa at mala-manggagawa, magbubukid, kababaihan at mga propesyunal, ay nagpapahayag ng pakikiisa sa laban ng buong daigdig upang igiit ang karapatan ng bawat mamamayan para sa hustisyang pang-ekonomiya at panlipunan. Sama-sama nating isigaw ang ating lehitimong karapatan na matagal ng ipinagkakait sa atin. Wala ng iba pang magtatanggol sa atin mula sa ganitong kaayusan ng lipunan kundi ang ating mga sarili. Ang ating bilang ang ating lakas at sandata laban sa mga nagsasamantala. Milyun-milyon sa Pilipinas lamang ang buhay na winawaldas ng kapitalismo. Sa gitna ng napakaunlad na teknolohiya na lumilikha ng sobra-sobrang produkto at kapital ay patuloy na pagdarahop, kasalatan at kawalang katiyakan ang dulot sa 99% ng sangkatauhan! Sa patuloy na sumisigaw ng katarungan, sa mga nagdurusa sa paghahanap ng trabaho, sa mga manggagawa at empleyadong tig-lilimang buwan lamang ang trabaho, sa mga magulang na halos igapang ang pagpapaaral sa kanilang mga anak, sa mga mamamamayang nababaon sa mga utang sa bangko, sa mga nangangamba kung paano magkakaroon ng pagkaing ihahain sa hapag-kainan, sa masang anakpawis na walang akses sa matinong pagamutan at serbisyong pangkalusugan, sa mga nakakapasok ng kolehiyo ngunit nagiging drop outs, sa mga matagal nang walang sariling tirahan at palaging may demolisyong nakaamba, sa mga propesyunal na mabilis na dumadausdos ang katayuan sa lipunan, sa mga vendors na laging nakikipaghabulan sa pulis para isalba ang kanilang mga pwesto at paninda, sa mga drivers, construction workers at lahat ng nabubuhay sa para-paraan, sa mga gradweyts na napapabilang lamang sa milyon-milyong walang hanapbuhay, sa mga empleyado ng gubyernong nakaambang mawalan ng trabaho dahil sa austerity measures, sa mga guro at government retirees na walang makuhang kagalang-galang na retirement benefits, sa mga negosyteng patuloy na nababangkrap ... TAYO ANG 99%! TAYO ang bumubuhay sa lipunan! Sa ating pawis nagmumula ang superganansiya ng natitirang 1%! Tayo ang lumilikha ng yaman subalit tayo ang walang katiyakan ang buhay at kinabukasan! Isulong ang Kilusang "Kami ang 99%!" Ang ating bilang ang ating tanging lakas at sandata! Kamtin natin ang yamang tayo ang lumikha at dapat ay sa atin! Isulong ang hustiyang pang-ekonomya at panlipunan! Likhain ang lipunan at sistemang kakalinga sa higit na nakararami! Occupy Movement Baguio-Benguet/Kilusang Kami ang 99%: KPD UP Baguio Student Council CADUA - UP Serve - Net Kaisa Ka Baguio Women Grassroots Vendors Association YELL and OCCUPY! (Youth Environment League for Green Occupation) Teatro Linnaaw
0 Comments
Leave a Reply. |
Categories
All
|