Patapos na ang Balikatan 2015. Halos 12,000 sundalo, kabilang ang 6,656 Amerkano, 61 Australians at 5,023 Filipino ang kalahok dito. Pinakamalaking pagsasanay militar ito. Sa nagdaang taon, 2,500 sundalong Kano lamang ang lumahok sa Balikatan. May iba pang nais ipakahulugan ang Balikatan 2015. Sa araw ng pagtatapos nito sa Clark Special Economic Zone, dating base ng US Air Force sa Pampanga, isang taon na ang Enhanced Defence Cooperation Agreement (EDCA). Grabeng insulto rin ang pagdating ng libu-libong sundalong Kano sa mga Pilipino na humihingi ng hustisya para sa transgender Pinay na pinaslang ng isang tauhan ng US Marines, anim na buwan na ang nakakaraan. Kasama ang Clark at ang dating US Naval base sa Subic, Zambales sa mga pagdarausan ng war games. Kailangan ng buong pwersang Kano, kabilang ang 3 barko at 76 eroplano, ng pasilidad ng mga dati nilang base militar para sa paghimpil ng mga tropa, pag-angkla ng mga barko at paradahan ng mga eroplano. Sa dami ng kalahok, maituturing ang Baliktan 2015 na pasimula ng muling pagbabase ng mga tropang Kano sa bansa. Kabilang ang dalawang dating US military bases sa inihanay na “napagkasunduang lokasyon” (agreed locations) na itinatadhana ng EDCA. Nilagdaan ang kasunduang ito sa bagong tipo ng pagbabase nang bumisita sa Pilipinas si US President Obama, Abril 28, 2014. Nilaman ng EDCA ang pagbibigay sa US military ng agreed locations sa loob ng mga kampong militar ng Pilipinas para gamitin ng kanilang “rotating forces”. May kampo sa loob ng Clark ang Philippine Air Force, malapit sa airport na orihinal na nakadisenyo para gamitin ng lahat ng tipo ng US military aircraft. Katunayan, nakaistasyon na sa Clark, mula Pebrero 2015, sa batayang rotasyunal ang isang air unit ng US Navy, ang Patrol Squadron 45. Ang Patrol Squadron 45 ay suportang yunit ng US 7th Fleet. Ito ay may gamit na P-A8 Poseidon, ang pinakamodernong maritime intelligence gathering aircraft ng US Navy. Sa Subic, na dating base ng US gaya ng Clark, na naisara sa pagbasura ng Senado sa bagong kasunduan sa base militar nuong 1991, nagreserba ang AFP ng 200 ektaryang lugar na sumasaklaw sa dating naval magazine, pasilidad para sa ship repair at airfield bilang base ng Philippine Navy. Nakalaan din ito para himpilan ng mga rotating na pwersa ng US. Sa katunayan, regular ang port calls sa Subic ng mga barko ng US Navy. Ang Pilipinas sa mahigit isang siglo ng pandaigdigang mga disenyo at pakana ng US Lagi nang nagsisilbi ang estratehikong lokasyon ng Pilipinas sa pagpapasaklaw, pagpapalawak at pagpapanatili ng global hegemony ng US mula nang lumitaw ito bilang isa sa mga imperyalistang kapangyarihan pagpasok ng ika-20 siglo. Kungkretong nalantad ang halagang ito nang ipadala ng US ang kanyang mga sundalo mula sa Pilipinas sa China, nuong 1900. Binuo ng US marines at army troops ang US contigent sa internasyunal na pwersa na sumupil sa Boxer Rebellion ng mga Tsino. Lumipas ang ilang taon, 1918, naglayag mula Pilipinas ang 2,000 US Marines na tumungo sa Vladivostok para suportahan ang rebelyon ng mga “White” Russians. Bilang tanging imperyalistang superpower sa pagtatapos ng World War 2, at sa simula ng cold war era nuong 1948, naglunsad ang US ng mga gera ng panghihimasok at pananalakay para “hadlangan ang komunismo” at “ipagtanggol ang malayang daigdig,” kailanman at saanman may banta sa kanyang interes. Kaladkad ng US ang Pilipinas sa gera nito sa Korea (1950-1953) at sa kasunod na higit na mahabang gera sa Indochina, laluna sa Vietnam (1954-1975). Itinakda ng US ang papel na ito ng Pilipinas sa pamamagitan ng iba’t-ibang mga tratado at kasunduan na nilagdaan sa mismong araw at makaraan ang pagbibigay ng US ng “kasarinlan” sa “dati” nitong kolonya nuong 1946. Bago ito, inilatag na ng US sa 47 taon ng direktang pananakop ang pundasyon para sa patuloy na paggamit sa Pilipinas bilang lunsaran at “partner” sa mga pakana nito sa dagdig . Sa pag-usad ng mga taon mula nang gawaran nito ng “kasarinlan,” inangkin ng US ang walang balakid na awtoridad sa mga teritoryo ng Pilipinas na reserbado para sa layuning pangmilitar at pandepensa at sa hurisdiksyon sa lahat ng kanyang tauhan sa militar at depensa sa bansa. Ang kapangyarihang ito, na idinikta ng Treaty of General Relations (nilagdaan Hulyo 4, 1946) na kakatwang “naggawad ng kasarinlan” sa bansa, ay ipinwersa pang lalo ng US-RP Military Bases Agreement (MBA), Marso 14 1947 at ng Military Assistance Pact, Marso 21, 1947. Ang awtoridad na ito ng US sa bansa ay pinalalawig ng Mutual Defense Treaty (Agosto 30, 1951), na umiiral pa hanggang ngayon. Ginawang pamalagian ng MDT ang “espesyal na relasyong panseguridad” ng Pilipinas at US. Ang MDT ay nagsisilbing balangkas at batayan ng US-RP Visiting Forces Agreement (VFA) at ng EDCA. Batid ng mamamayang Pilipino laluna sa Pampanga, Zambales at Tarlac, at sa di malayong nagdaan, sa Sulu, Basilan, Zamboanga at iba pang bahagi ng Mindanao, kung ano ang kahulugan ng pagiging “host” sa isang dominanteng dayuhang pwersang militar. Mahabang listahan ng krimen na kagagawan ng mga tropang US —pagpatay at masaker, pag-abuso sa kababaihan, pagmaltrato sa manggagawa, panggigipit sa mga mangingisda at katutubo – ang kaakibat ng pananatili ng mga dayuhang tropang militar na ang kontrol hurisdiskyon ay hawak ng US at hindi ng Pilipinas. Henerasyon na ng mga Pilipino ang nakibaka laban sa dominasyon ng US. Tinutulan nila ang pananatili at ang mga operasyon ng tropang Kano sa Pilipinas. Nag-alay ang bawat henerasyon ng makabuluhang bilang ng pinakamahuhusay na mga anak. Nakapagkamit, gayunman, ang mga pakikibakang ito ng limitadong karapatan at ilang mahahalagang konsesyon gaya ng pagpapa-iksi sa termino ng MBA. Gayunman, nanatili ang dominasyon ng US. Iangat ang pakikibaka para makalaya sa pangangaladkad ng militaristang USA Rumurok ang pakikibaka para sa soberanya ng mamamayan nang magpasya ang Senado ng Pilipinas, sa pamumuno nuon ni Jovito Salonga, na ibasura ang bagong kasunduan sa base-militar, 1991. Nagbigay ang pagbabasura ng bagong kasunduan ng oportunidad para itransporma ang Subic Naval Base at Clark Air Base mula sa pandigmang gamit at layon tungo sa mga komersyal at produktibong economic zones. Saklaw ngayon ng special economic zones na katatagpuan ng industrial parks, real estate and commercial areas at tourism oriented sites ang halos 100,000 ektaryang lupain ng mga dating base militar. Nag-eempleyo ang mga economic zones ng Clark at Subic nang higit doble sa bilang ng nabigyan ng trabaho nuong mga base militar pa ito. Gayunman, kahit bukas sa lahat, prinsipal na nagsisilbi ang mga sonang pang-ekonomyang ito sa mga dayuhang mamumuhunan. Nananatiling bawal ang pagpasok sa ilang erya gaya ng naval magazine site sa Subic at ang malawak na erya ng practice bombing and gunnery site sa Crow Valley sa Tarlac na ekstensyon ng dating Clark Air Base. Ginagamit pa rin ng US Navy ang dating naval communuication station sa San Antonio, Zambales na diumano’y nalipat na sa Philippine Navy. Kumikislap muli ang pumusyaw nang nakasisirang tatak ng mga syudad ng mga base militar na “Sin City” sa Olongapo at “City of Angels” sa Angeles kapag dumarating ang mga tropang Amerkano para sa war exercises. Sa katunayan, makaraang pirmahan ang EDCA, nagpaskel ang mga may-ari ng bar at club, sa paghikayat ng mga lokal na gubyerno ng dalawang syudad, ng mga mensaheng “Welcome, we love you US military!” Mayruon man o walang base, hindi naputol ang pananatili ng tropag militar ng US sa Pilipinas. Lumagda ang mga pinuno ng sandatahang lakas ng US at Pilipinas sa Access and Cross Servicing Agreement (ACSA) nuong Nobyembre 7, 1992 bago pa man mawalan ng bisa ang MBA ng 1947. Nagtagumpay ang US na maiparatipika sa Philippine Senate ang VFA, Mayo 27, 1999. Kasunod nito, nilagdaan ng mga kalihim ng depensa ng US at ng Pilipinas ang 5-taon, na maaari pang palawigin nang 5 taon, na Mutual Logistics Support Agreement (MLSA), 2002. Pero hindi sapat ang mga kasunduang ito sa superpower na US. Dapat na kongretong pakinabangan ng US ang maligoy na nilalaman ng MDT sa kasalukuyang pangmilitar na pangangailangan at iskema nito. Nangangahulugan ang kasalukuyang estratehiya ng US na Asian Pivot o ang deployment ng 60% ng naval at air forces sa Asia Pacific ng dagdag na mga base para sa paparaming bilang ng tropa sa “rotating” na tours of duty. Ang Asian Pivot ay prinsipal na nakatuon sa China, ang pangunahing karibal ng US, na may teritoryal na sigalot sa mga bayang kinabibilangan ng Japan, Vietnam at Pilipinas. Ginamit ng US at Pilipinas ang agresibong pagigiit at pag-angkin ng China sa pinasaklaw nitong teritoryal na hangganan bilang argumento para itulak ang EDCA na bagong basing arrangement o kaayusan sa pagbabase ng mga “rotating” na pwersang Kano sa Pilipinas. Makaraan ang walong rounds ng sikretong usapan ng mga kinatawan ng US at Pilipinas saka hayag na nilagdaan ang EDCA nuong nakaraang taon. Tutulan ang pagbabase ng tropang Amerkano sa Pilipinas! Tanggihan ang EDCA at itakwil ang lahat ng hindi pantay na relasyon at kasunduang panseguridad sa US! Labanan ang pandaigdigang militarismo ng US! Ipaglaban ang soberanya ng mamamayang Pilipino! Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (KILUSAN) Abril 28, 2015
0 Comments
|
Categories
All
|