Mariing kinokondena ng Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (KILUSAN), Workers for Peoples’ Liberation (WPL) at iba pang kasaping organisasyon ng KILUSAN ang, Department of Labor and Employment (DOLE) ng gubyernong PNoy, ang lokal na gubyerno ng Valenzuela City at mga kapitalistang sina Beato Ang at Ong King Guan na may-ari ng Kentex Manufacturing Corp., sa masaklap na kamatayan ng higit 70 manggagawa nuong Mayo 13, 2014. Dumulo sa pagka-abo nang buhay ng mga manggagawang nakakarami ay kababaihan, at kinabilangan ng ilang menor de edad ang serye ng mga paglabag sa mga karapatan at pagsasamantala sa mga manggagawa. Una, ay madiing katibayan na ang gusali ay FIRE TRAP. Ibig sabihin isang gusali na sa pagkaka-layout nito ay isang tiyak na panganib kapag nagkasunog. Walang mga fire exit sa ikalawang palapag, na lugar ng trabaho ng higit na nakakaraming manggagawa . Ang iisang fire exit sa unang palapag ay hindi fire exit kundi main door! Sa katunayan, hindi dito lumabas ang sampung (10) nakaligtas na manggagawang sa halip ay sa pinto sa likod o back door. Iisa, ang hagdan paakyat at pababa mula sa ikalawang palapag. Ang mga bintana ng gusali ay may rehas na bakal, animo’y rehas ng bilangguan. Pangalawa, ang mga kemikal at iba pang materyales na health and fire hazards ay naka-imbak sa unang palapag. Walang hiwalay na bodega nito sa labas ng gusaling lugar ng trabaho. Pangatlo, walang fire drill na isinagawa kailanman sa nakaraan. Ito ay pinatunayan ng mga nakaligtas na manggagawa. Walang safety officer na itinalaga ng may-ari ng Kentex. Sa kabila nito at ng mala-cremation na sinapit ng mga buhay na manggagawa ay walang kahihiyang sinabi ni Sec. Baldoz ng DOLE na ang Kentex ay pasado sa general labor standards at sa occupational health and safety standards. Pinatunayan ito diumano sa inspeksyong ginawa ng DOLE nuong Setyembre 2014. Ang Kentex, diumano, ay binigyan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng fire safety inspection certificate taong 2014 din. Sa totoo’y walang pagsusuring ginawa ang DOLE. Ang tunay na nangyari ay self assessment ng may-ari ng Kentext, kaladkad ang company union ng tatatlumpong manggagawa. Ito ay naaayon sa Department Order (DO) 57-04 ng DOLE na nagpapahintulot sa malalaking kapitalista na may 200 o higit pang bilang ng maggagawa na gawin ang self-assessment. Sino bang kapitalista, na walang ibang layon kundi magkamal ng tubo sa pagpiga sa manggagawa, na magsasabing hindi pasado sa general labor standards ang kanilang empresa! Paulit-ulit naming kinokondina ang DOLE at gubyerno ni PNoy sa pagpapaubaya sa iilang malalaking kapitalista sa DO 57-04. Ito ay naaayon sa maka-kapitalista, laluna sa dayuhan, na tindig na mismong sinabi ni PNoy, “ Ang gubyerno ay hindi magiging balakid sa kapital, sa halip, ito ay tagapagpalago (enhancer) ng interes ng kapital”. Impiyernong kondisyon ng trabaho Bago pa ang sunog, ay impyerno na ang kondisyon ng trabaho ng mga manggagawa ng Kentex na gumagawa ng produktong tsinelas na goma (flipflops) tatak Havanas at iba pang rubber footwear. Ang kabuuang bilang ng trabahador ay mahigit 200. Ang tinuturing ng kapitalista ng Kentex na “regular” ay lampas 20 taong nagtatrabaho dito. Samantala, ang mga “casual” ay karaniwang 10 o higit pang taon sa Kentex. Ang mga “regular” at “casual” na manggagwa lamang ang tumatanggap ng minimum na sahod batay sa itinatakda ng Wage Board ng NCR. Humigit kumulang ang mga “regular” at “casual” ay bumibilang sa 80 katao o 40% ng pwersang manggagawa! Ang mga “regular” ay 15% ng ng mga manggagawa ng Kentex. Sila ang 30-kataong company union na kaladkad ng management para magpatibay na pasado ang Kentex sa labor standards and health and safety standards. Humigit-kumulang, 40 katao o 20% ng mga manggawa ay kontraktuwal na tuwirang tinanggap (direct-hired) ng Kentex. Sila ay nagtatrabaho sa batayang pakyawan o piece rate nang walang malinaw na basic pay at walang mga benepisyo. Kung ilang taon na silang kontraktuwal, tulad ng isa na 11 taon na sa ganitong katayuan. Sapagkat pakyawan o piece rate kadalasan ay kasama nila sa trabaho ang kanilang kapatid o anak, laluna kapag bakasyon, kung kaya may nasawi na mga menor de edad. Ang Kentex Inc, diumano’y pasado sa labor standards, ay pinahihintulot na magtrabaho dito ang mga menor de edad! Ayon sa mga nakausap na trabahador, ang 40% o 80 manggagawa ay agency hired sa pamamagitan ng CJC Manpower Services. Ang mga agency hired ay sumasahod ng minimum na P202/araw at may karagdagang P187-P220 daily allowance depende sa tagal sa serbisyo. Ngunit natuklasan ng mga agency hired ng CJC na hindi nito nire-remit sa SSS, Philhealth at Pag-ibig ang kapwa bahagi ng manggagawa at ng management. Nang mabisto, inamin ng DOLE na ang CJC ay hindi legal na nag-oopereyt at wala ito sa listahan ng recognized ng DOLE na Labor Agencies! Ang P202 na minimum na sahod ay lubhang mababa sa P466 na minimum wage na itinakda ng Wage Board ng NCR. Samantala ang P466 na minimum na sahod ay lubhang mababa sa mahigit P1,000 na arawang kita ng isang pamilya para makamit ang mga batayang pangangailangan. Walang pagsang-alang-alang ang may-ari ng Kentex sa kalagayan ng kanilang mga manggagawa. Ni walang maayos na bentilasyon sa loob ng pabrika na naglalagay sa kapahamakan ng kalusugan ng kanilang mga manggagawa. Isang katunayan na ang kapitalista ay walang pagkalinga sa kanyang mga manggagawa na siyang lumilikha ng yaman para sa kanya. Samantala, ang P5,000 na ipapatong sa P8,000 na katumbas sa kalahati ng buwanang sahod, na tulong para sa pamilya ng mga manggagawang namatay ay hindi sasapat at hindi makatwiran at makatarungan. Masalot na insult ito sa mga naulila laluna kung isasaalang alang ang napakalaking kita at tubo na piniga ng mga may-ari ng Kentex sa pagtatrabaho ng mga nasawi sa loob ng ilang taon. Ang pagka-abo ng higit sa 70 manggagawa ng Kentex ay malagim na paalala sa sinapit ng 17 empleyado ng Novo Jeans and Shirts na nasawi nang masunog ang department store nito sa Butuan City. Buwan din iyon ng Mayo, 2012. Ang mga biktima ay stay-in na manggagawa na natutulog sa dormitoryo sa ikatlong palapag. Ang limang nakaligtas ay nasaktan din sa kanilang pagtalon mula sa ikatlong palapag sapagkat ang dormitoryo ay naka-padlock mula sa labas upang maiwasan daw ang pagnanakaw ng mga manggagawang pinasasahod lamang ng P160 sa pagtatrabaho nang 12-14 oras sa bawat araw nang walang overtime pay. Sapagkat sila’y kontraktuwal. Hindi lamang dito sa Pilipinas nangyayari ang ganitong kalunos-lunos na sinasapit ng mga manggagawa. Sa iba’t ibang panig ng mundo ay mayroong mga manggagawang nagbubuwis ng buhay sa ngalan ng tubo para sa mga kapitalista. Hindi nga ba’t nitong Abril lamang ay isang ginagawang planta ng semento sa Bangladesh ang gumuho na ikinasawi ng 5 at kinasugat ng marami pang construction workers sa Bangladesh. Iyon ay alingawngaw ng tulad na sinapit ng 2 nasawi at 11 nasaktan na construction workers nang gumuho ang bahagi ng ika-7 palapag ng ginagawang gusali sa Bonifacio Global City, Taguig City; Pebrero 2015 lang ito. Ito ang mukha ng kapitalismong itinataguyod ng gubyerno. Ang disensyong neo-liberal ng imperyalistang globalisasyon na nagbibigay ng higit kalayaan sa mga kapitalistang magkamal ng tubo habang isinasadlak ang mga manggagawa sa kadusta-dustang kalagayan. Dagdag na madiing insulto sa mga manggagawa na ang naka-abang na trahedya ay naganap sa MAYO, buwan ng manggagawa ng buong daigdig. Kaisa ang KILUSAN sa pakikiramay sa mga pamilya, kaanak at kaibigan ng mga manggagawang namatay sa sunog sa pabrika ng Kentex noong Mayo 13. Kaisa nila kami sa pagsigaw ng katarungan. Mahigpit naming kahilingan na: 1. Panagutin ang mga may-ari ng Kentex, ang DOLE at Panguluhang Noyboy Aquino at lokal na gubyerno ng Valenzuela sa kriminal na paglabag sa mga karapatan at kaligtasan ng mga manggagawa na tulak ng DO 57-04! 2. Agad na ipawalang-bisa ang DO 57-04! 3. Kasama ang mga manggagawa, isagawa ang mahigpit na imbestigasyon at pagsusuri sa bawat empresa na may mula 200 at higit pang bilang ng manggagawa! 4. Katarungan para sa mahigit 70 manggagawa at kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng pagpaparusa sa mga may sala at makatarungang bayad-pinsala sa mga pamilyang naulila! Manggagawa magkaisa at lumaban para sa kapakanan at kalayaan natin at ng buong mamamayan! Ibasura ang mga patakarang neo-liberal na nagbibigay ng higit na kalayaan sa kapital at may-ari ng kapital! Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (KILUSAN) Workers for Peoples’ Liberation (WPL-MAKABAYAN) May 18, 2015
0 Comments
Higit na mapaminsala ang resulta ng operasyong pumatay sa teroristang si Marwan (Sulkifli bin Hir) kaysa sa pagpapasabog ng bomba ng mga terorista. Maliban sa malagim na pagkamatay ng 44 SAF commandos, 18 tauhan ng MILF at 7 na sibilyan, ikinumpromiso nito ang peace process sa Maguindanao- Sulu. Nauga ang buong makinarya ng estado sa magulong resulta ng top secret operation laban sa dalawang high value targets. Naiwang nangangapa sa dilim kahit na ang dalawang acting chief ng PNP, chief of staff ng AFP, kalihim ng Interior and local governments, at ang kalihim ng national defense. Nakatutok ang US Lumilitaw sa imbestigasyon na hindi kontrolado ng Pangulo at ng pinakamatataas na kumander ng AFP at PNP ang kaganapan nuong umaga ng Enero 25. Walang tigil ang pag-ukilkil ng katanungan sa nangungunang papel ng US sa operasyon—mula sa pagngangalap ng paniktik, pagpopondo, hanggang sa aktwal na eksekusyon. Patuloy mang itinatanggi ito kapawa ng pamahalaang PNoy at gubyernong US, natutunton ng balita kahit ang sikretong opisina ng tropang paniktik ng US na nakatutok sa operasyon. Iba pa ito sa mga nakahayag at nakalihim na lokasyon sa Mindanao, Sulu at Palawan na mula 2002 ay nakaistasyon na ang tropang Kano— mga abanteng pwersa ng Asia Pivot ng US at bantay sa ekonomikong interes nito sa Pilipinas at sa rehiyong Asia-Pasipiko. Hindi maitagong internal na tunggalian Bilang neokolonya, hinubog ng US ayon sa kanyang interes at disenyo ang lokal na makinarya ng paghahari sa Pilipinas. Pinopondohan, inaarmasan at sinasanay nito ang security forces ng bansa. Subalit pinahihina ang paghahari ng iilan sa higit na nakararaming mamamayan ng likas na panloob na kontradiksyon at tunggalian para sa kapangyarihan, at sa pakinabang na nagmumula dito. Higit na hayag ngayon ang trahedya ng kahinaang ito, ngayong iniimbestigahan ang sentro at mga haligi ng kapangyarihan ng estado ng sarili nitong law making bodies. Karaniwan nang larangan ang mga pagdinig sa dalawang kapulungan ng Kongreso ng wala sa katwirang gitgitan sa makikitid, personal, parokyal at pampartidong interes at ambisyon. Tumindi pa ito sa mga pagdinig sa insidente sa Mamasapano. Kalamansi sa sariling likhang sugat at maaaring lumala, hindi malayo na humakbang ang presidente, ang AFP at ang PNP para iligtas ang estado sa sarili nito at mula sa mga “terorista” at “mapanggulo.” Malinaw ang suhestyon ni Sen. Miriam Santiago kay Defense Sec. Voltaire Gazmin sa Senate hearing, Pebrero 12: Arestuhin ang mga nagpapakana at nagpaplano ng kudeta laban sa gubyerno. Digmaan o Kapayapaan Dapat managot ang Pangulo, ang mga opisyal ng AFP at PNP, at sa kasong ito, ang MILF sa masaklap na pagkamatay ng 44 na law enfocers at iba pang biktima. Kwestyunable ngayon ang peace process na itinutulak ng gubyerno at ng MILF. Nagsisimula pa lamang ang deliberasyon sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL), ang organikong batas ng Bangsamoro Political Entity nang pumutok ang insidente. Natigil ang deliberasyon dito ng Kongreso habang umuusad ang imbestigasyon. Sinuhayan ng Mamasapano incident ang duda sa sinseridad ng MILF sa peace process at anti-terorismo. Nabuhay ang mga ultra-reaksyunaryong pananaw sa paglutas sa kaligaligan sa Mindanao. Pinaka-reaksyunaryo rito ang sektaryan at sobenistang pagtingin sa mamamayang Moro. Iniangat nito ang panawagan ng total war at ang pagtanggi sa anumang paraan ng mapayapang solusyon. Patuloy na idinedeklara ng gubyerno, ng AFP, PNP at ng MILF na hindi mahahadlangan ng mapait na insidente ang prosesong pangkapayapaan. Nasa kongreso na ang susi sa pagkumpleto ng prosesong ito—ang pagsasabatas ng BBL. Pero maliban sa implikasyon ng Mamasapano tragedy, batayang hadlang sa BBL ang Konstitusyon, laluna kapag igigiit ito ng Kongreso o ng Korte Suprema. Kamakailan, nangako ang liderato ng dalawang kapulungan ng Kongreso na tatapusin nila ang kanilang trabaho ukol dito “nang may kinakailangang mga amyenda,” at tiyak na hindi sa orihinal na itinakdang panahon. Nagpahiwatig si Sen. Santiago sa pagdinig sa senado na sinisikap nilang iakma sa Konstitusyon ang ilang probisyon ng BBL. Nagtanong din si Sen. Ralph Recto kay Mohagher Iqbal, chief ng negotiating panel at chair ng Bangsamoro Transition Commission kung tatanggapin ng MILF ang BBL kahit may mga mayor na amyenda. Sinagot ito ni Iqbal ng “oo, basta’t hindi ito sobrang pinalabnaw (watered down).” Pero sa kanyang pahayag nitong Pebrero 16, na hindi nila tatanggapin ang anumang pagbabago sa BBL. BBL at ang inhustisyang ugat ng kaguluhan Laman ng orihinal na draft ng BBL ang masasalimuot na usapin ng paglilimita ng kontrol ng pambansang gubyerno sa awtonomya sa Mindanao-Sulu. Higit nitong pinaluluwag ang paglinang at paggamit ng dayuhan sa likas yaman ng lugar na ito. Kaya interesado dito ang US at mga korporasyong multinasyunal. Habang naghahabol ang pamahalaan at ang MILF sa pagpapasa ng BBL, patuloy na ginagapos ng pangamba ang mamamayang Moro at hindi Moro. Mawawakasan na kaya ng BBL ang pinag-ugatan nitong inhustisya? Magaganap na kaya dito ang tunay na kapayapaan? Hindi humuhupa ang mga agam-agam; nananatiling kubkob ng takot ang mga biktima at kanilang kaanak, sa isang siglo na nang karahasan at pagdanak ng dugong nag-umpisa sa pagsalakay at pagkolonisa ng US sa bansa nuong 1898. Nakapagngingitngit na mapabilang pa ang 44 SAF, ang 18 MILF fighters at 7 na sibilyan sa napakahaba nang listahan ng kaswalti sa gera sa Sulu at Mindanao. Pero, sadyang makakamit lamang ang hustisya para sa lahat ng mamamayan kapag nagpasya silang kumilos nang sama-sama para sa resolusyon ng pinag-uugatan ng digmaan at ligalig-- kasama na ang mahigpit na pagtutol at pagtuligsa sa patuloy na panghihimasok ng US sa mga panloob na pambansang usapin na yumuyurak sa pambansang soberanya at lalo pang nagpapalubha sa panlipunang mga gusot. Kilusan Para sa Pambansang Demokrasya (KILUSAN) Pebrero 17, 2015 |
Categories
All
|