KARAPATANG PANTAO ANG LUMABAN AT LUMAYA SA TIRANYA AT PANUNUPIL! Isinasaad ng Universal Declaration of Human Rights na makakairal lamang ang mga karapatang pantao kung naghahari ang batas o umiiral ang rule of law. Taliwas sa rule of law at human rights ang patakaran at panawagan ni Duterte sa PNP, AFP at iba pang pwersa ng estado na “kill, kill, kill” at ‘ignore human rights’ sa Oplan Tokhang at sa mga kampanyang kontra-kriminalidad at kontra-“insureksyon.” Nilikha nito ang kultura ng kawalangpakundangan (culture of impunity) ng gubyerno at estado. Inihasik nito ang klima ng takot, laluna sa maralitang biktima ng extra judicial killings (EJKs) at sa mararahas na demolisyon mga komunidad ng maralita at ng katutubong Pilipino. Umangkin ng higit na kapangyarihan ang rehimeng Duterte sa pagsabatas ng Anti-Terror Law (ATL) at EO 70 na naglikha sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Higit na kontra-demokratiko kaysa kontra-terorista ang ATL. Salungat ito sa Konstitusyon at sa mga karapatang pantao. Gayundin ang NTF-ELCAC na pasimuno sa red-tagging pagdakip at pagpaslang sa mga unyonista, aktibista, pati ng mga abogado at media people, na nagtatanggol ng mga karapatang pantao, kalikasan at katotohanan. Target din maging ang mga personalidad na kritiko ng rehimeng Duterte. Hubad na kapangyarihan ang iwinawasiwas ng tiranikong rehimeng Duterte. Wala itong pagsasa-alang-alang sa pamumuhay, kabuhayan at kalusugan ng mamamayan. Walang pakundangan nitong ipinatupad ang pinakamatagal at malupit na lockdown sa buong mundo. Umatras dahil dito ang kabuhayan ng bansa, nawasak ang milyun-milyong hanapbuhay at daang libong negosyo at empresa. Sa ganitong kondisyon lalong dumami ang nawalan ng trabaho, naging maralita at nagugutom. Kakarampot na ayuda ang ipinamahagi sa mamamayan, habang ginigitgit ang mga community pantry at iba pang pagsisikap para tugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan sa gitna ng pandemya. Kasama sa mga karapatang pantao ang mabuting serbisyo ng gubyerno. Salungat dito, malaking bahagi ng pondong pantugon sa pandemya at programang Build, Build, Build ang nauuwi sa korapsyon. Bilyun-bilyong piso ang dinadambong. Salungat sa pangakong sugpuin ang korapsyon, ipinagtatanggol pa ni Duterte ang mga sangkot dito. Garapalan ang korapsyon sa ilalim ng rehimeng Duterte. Talamak ang pagsikot sa mga batas sa government procurement sa pagkubli ng “pork barrel” sa mga partikular na item tulad ng for future release at special purpose fund na mas garapal kaysa dating PDAF. Lantarang pagnanakaw o pribadong pag-angkin ito ng publikong yaman at kung gayon, ay lantarang pagyurak sa kapakanan ng mamamayan. Karapatang pantao ang lumaban at lumaya sa tiraniya at panunupil Makaraang mabigo sa mga pakanang charter change at deklarasyon ng “revolutionary government”, hindi naglulubay ang naghaharing pangkating Duterte-Arroyo-Marcos sa mga maniobra na manatili at makabalik sa kapangyarihan. Kasama ngayon ang dinastiyang Estrada, binuo nila ang alyansa ng mga pamilyang naghari na sa bansa na may kanya-kanyang rekord ng pag-abuso ng kapangyarihan, paglabag sa mga karapatang pantao, pagdambong sa yaman ng bayan at pagkakanulo ng soberanya at patrimonya ng bansa sa mga dayuhang kapangyarihan. Layon nilang manatili ang panghaharing tiraniko-otokratiko. Gagawin nila ang mga ito upang matakasan ang kanilang mga kriminal na pananagutan sa mamamayan at sa bayan. Gamit ang dinambong na yaman at mga rekurso at makinarya ng estado at gubyerno, binabaligtad nila ang kasaysayan, nagkakalat ng fake news, nanlilinlang at namumudmod ng salaping nakaw upang tiyakin ang panalo ng tambalang Marcos-Duterte sa eleksyon sa Mayo 2022. Paninindigan at matibay na adhikain para sa kalayaan ang tanging panlaban ng mamamayang naghahangad ng paglaya sa hirap, gutom, karahasan at panunupil. Igiit natin ang karapatan sa malayang pagboto. Iguhit sa balota ang malaya at masaganang kinabukasan ng bayan at ng mamamayan. Igiit ang karapatang lumaya sa tiraniya at panunupil! Ipaglaban ang soberanya at demokrasyang bayan! Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (KILUSAN) Pahayag sa Pandaigdigng Araw ng Mga Karapatang Pantao Disyembre 10, 2021
0 Comments
Leave a Reply. |
Categories
All
|