Huling SONA ng Tirano(?) Huling SONA na ni Rodrigo Duterte. Matatapos ang kanyang termino sa Hunyo 30, 2022, ayon sa itinatakda ng Konstitusyon. Ngunit papel na pandewang para kay Duterte ang konstitusyong 1987. Bangag siya sa kapangyarihan. Para matakasan ang pag-uusig ng batas sa mga krimen sa mamamayan at upang patuloy na supilin ang mga sumisigaw ng katarungan, lantaran ang pakana ng dinastiyang Duterte at mga kampon na manatili sa kapangyarihan, lampas ng 2022. Imbing layon na tuluyang iluklok sa ibabaw ng bansa at lipunan ang dinastiyang Duterte. Abala si Duterte at mga kasapakat sa labanan sa kapangyarihan sa eleksyong 2022. Papatindi atake sa mga “kalaban”. Tumataya ang mga puno ng local na dinastiya sa “tiyak na panalong tambalang Duterte-Duterte”, lalo’t “mamimigay” si Duterte ng “sako-sakong salapi sa kanila. Pusali ang pulitika, dekadente ang kultura ng awtokratikong rehimen. Salamin ito ng nagnanaknak na krisis pang-ekonomy at panlipunan ng Pilipinas. Pinakamalalim na krisis sa kasaysayan mula 1947 Umatras nang -9.6% ang ekonomya o GDP ng 2020. Umatras pa nang -4.2% sa unang kwarto ng 2021. Kahulugan nito: 9.1 milyon ang nawalan ng trabaho mula Marso 2020 – Pebrero 2021. Muling nagka-trabaho ang 6.9M ngunit di-istable at sa mas mababang sahod. Maraming binibilang na may empleyo ngunit walang trabaho, sa gayon, walang suweldo. Hindi kasama sa 9.1 milyong nawalan ng trabaho ang 612,000 OFWs na nagsibalik-bayan mula Mayo 2020 hanggang June 30, 2021. Batay sa hulinng survey ng SWS (April 28- May 2, 2021) -- 25.8% ang tantos ng walang empleyo o 12.2M Pilipino ay walang trabaho sa mga panahong naturan. Natukoy rin na 16.8% ng lahat ng mga pamilya sa bansa (4.2 milyong pamilya) ang gutom, kasama ang 674,000 pamilyang matinding nagugutom. Salik sa kahirapan at gutom ang mataas na tantos ng implasyon o pagtaas ng presyo ng mga bilihin, laluna ng pagkain. Gutom na nga, itinatali pang gubyernong Duterte sa importasyon ang seguridad sa pagkain ng bansa, sukdang mapawi ang kabuhayan ng lokal na agrikultura--pagsasaka, paghahayupan at pangisngida. Sa kanayunan, kung saan ang produksyon ng pagkain, pinakamataas ang tantos ng kahirapan at gutom. Bansag na sa Department of Agriculture ay “Department of Importation”—manhid at bingi sa sinasapit ng sektor! Humpak man ang ating pisngi, hitik naman tayo sa utang na nasa P11.4 trilyon mula P7.7T nuong 2019. Umabot ng P3.3 Trilyon ang inutang ng rehimeng Duterte sa loob ng 16 buwan (Marso 2020 – Hunyo 2021). Pumapatak ito na tig- P100,000 ang utang ng bawat Pilipino mula sa mga isisilang pang sanggol hanggang mga senior! Lagpas kalahati (60.4%) na ito ng GDP kung kaya’t nailalagay sa alanganin ang kakayahan natin makabayad ng utang. Sabi ng gubyerno, lumobo di umano ang utang dahil sa gastos paglaban sa Covid-19. Ngunit P82.5B lamang ang budget sa pagbili ng bakuna kontra Covid-19 ayon sa 2021 budget. Manapa’y P2.5B lamang ang may tiyak na pondo, P70B ay hahanapin pa at ang P10B ay ipinagpapalagay na makukuha sa natira sa pondo ng Bayanihan 2. At sa kabila ng pandemya, budget cut na P40B para sa DOH habang dagdag na P255B (pagtaas ng 58% mula 2020) para sa DPWH! May pera nga, pero di ramdam ng mamamayan! Pinakamahabang lockdown, kulang-kulang sa mga sangkap at talamak sa katiwaliang pagharap sa pandemyang Covid-19 Tayo ngayon ay 2nd sa pinakamaraming kaso ng COVID sa ASEAN at 5th sa buong Asya. Palpak ang tugon ng rehimeng Duterte sa pandemya – nagpataw ng mahabang lockdown sa Luzon na may mahigit 55 milyon populasyong bumubuo sa 74% ng ekonomya ng bansa. Hindi nagtagal ganito rin ang inabot ng Cebu, Davao at iba pang probinsya at syudad sa Visayas at Mindanao. Ngunit kapus na ay madalang pa ang ayuda sa mga dumaming naghihirap at nagugutom na mamamayan. Ang ECQ na ito nagbulusok sa -16.9% ng GDP ng bansa nuong ikalawang kwarto ng 2020. Kulang-kulang din sa mga sangkap sa pagsugpo ng virus. Hindi na umabot sa 50,000 kada araw ang napapailalim sa RT-PCR test. Sa karaniwan, 2 araw bago lumabas ang resulta, kaya atrasado ng 2 araw ang ulat na bilang ng positibo sa Covid-19. Sa gayun, palyado ang contact tracing. Sapagkat kapos at palyado sa unang 2 sangkap, atrasado rin ang pagtukoy sa dapat ilagay sa isolation at ipailalim sa paggamot o treatment. Nasasagad ang mga isolation facility at ospital sa kusang pagpunta rito ng mga may sintomas ng virus, laluna sa panahon sumisirit ang mga kaso ng covid-19, tulad ng ibubunsod ngayon ng mabangis na Delta variant. Ang masaklap nasa kritikal na katayuan ang mga publiko at pribadong ospital. Hindi nababayaran ng Philhealth ang abot sa P26B gastos ng mga hospital sa mga pasyenteng tinamaan ng Covid-19 mula Marso 2020! Tutok ngayon sa pagtuturok ng bakunang kontra-Covid19. Aabutin diumano sa Disyembre ang herd immunity. Ngunit bumibitin ang dating ng “legal” na bakuna sa bansa sa bawat buwan. Laging itinuturo ng AITF ang mayayamang bansa na kumopo sa karamihan ng mga bakunang gawa nila. Ngunit maagang nagkaruon ng mga bakuna mga kalapit-bayan natin sa ASEAN. Ibinando rin ni Duterte na Setyembre 2020 pa nabakunahan ang “my sodiers”. Pero, smuggled pala mga bakunang Sinopharm na itinurok hindi lang sa “my soldiers”, kundi maging sa mga pulitikong dikit sa Malakanyang. Maaga rin nakipag-usap ang Department of Foreign Affairs sa mga kinatawan ng Pfizer ng US at sumunod sa Ambassador ng Britain, sa ngalan ng Astra Zeneca, para mag-benta ng bakuna sa Pilipinas. Ngunit bumara usapan sa 2 Pharma. Suki pala ng Malakanyang ang Sinovac ng China, ngunit sekreto ang presyo. Talamak sa kurapsyon sa pondo at buong pamamalakad ng gubyerno Kalakhan ng inutang na P3.3 trillion ay inilaan diumano sa paglaban sa Covid-19. Kasama dito ang ibibigay na ayuda sa mahihirap na pamilya at mga nawalan ng trabaho at hanapbuhay. Ngunit walang ayuda, kung magkaruon man ay kakarampot at kung nasa “ECQ”. Tila nabalewala ang abiso ng mga ekonomista na ‘under-spending’ ang gubyerno at kayang pondohan ang ayuda sa hawak nitong pera! Donasyon o ayuda na dumaan sa COVAX ng WHO at binili ng mga LGU at mga pribadong korporasyon ang karamihan sa mga bakunang dumating at darating pa. Kakaunti lamang ang binili ng Malakanyang sa “secret” na presyo. Pero kulang pa ng P25B para daw mabakunahan ang mga nasa edad 12 – 17 taong gulang. Department of Finance (DOF) ang nagsabi nito, hindi Department of Health (DoH). P75B ang nakalaan sa budget ngayong 2021 para sa pagbili ng bakuna. Daragdagan pa ito ng P90B sa 2022 budget. Ngunit inamin ni vaccine czar Carlito Galvez kamakailan, “68 milyong dosis ng bakuna kontra-Covid19 ay libreng makukuha” ng Pilipinas. Ito ay 48.5% o halos kalahati ng 140 milyong dosis ng bakuna na kailangan para maturukan ng tig-2 dosis ang 70 milyon ng populasyon ng bansa para makamit ang “herd immunity”. Gustong ibaba pa ng IATF sa 50 milyon ang target na babakunahan. Kung maigiit nila ito, sagot na ng 68 milyong libreng bakuna ang 68% ng 100 milyong dosis na ituturok sa 50 milyong babakunahan. Tiba-tiba na naman mga taga Malakanyang kapag nagkataon. Kinakapos, hanggang ngayon, sa mga kagamitan ng mga laboratoryo, hospital at mga health and medical frontliner. Hindi naibibigay dagdag na suweldo at benepisyo para sa mga nurse at iba pang health workers. Overpriced ang mga test kit, PPEs, kasama na ang mga face mask at face shield. Sobra sa taas ang presyo ng mga gamot laban sa Covid-19 kumpara sa presyong itinakda ng gumagawa nito. Tinatangkilik ng rehimeng Duterte mga imported, kahit mayruong gumagawa ng mga PPE sa bansa, kasama na ang murang test kit na dinibelop ng UP. Sa Pilipinas lamang obligado mga mamamayang magsuot ng faceshield sa ibabaw ng face mask. Umimbento pa dati ang DILG ng “motorcycle barrier” na obligadong bilhin at gamitin ng mga riders. Hindi napigilan ni Sen. Tito Sotto na ihayag ang duda, “may kumikita sa face shield”. Ngunit hanggang duon lang. Pasingaw lang ng kurapsyon, tameme na. Iyon nga ang pangako ni Duterte, “singaw pa lang ng kurapsyon” may patatalsiki sa gubyerno. Hindi pala patatalsikin, ipo-promote pa nga ang sangkot. Tatapalan ang “singaw” at “nagpasingaw”; patatabihin ang “isiningaw”. Wala nang balita makaraang ipasa sa NBI at DOJ ang imbestigasyon ng Senado at House of Representatives sa nawawalang P15Bilyon ng Philhealth, ang tinatayang P40B “pastillas scam” at mga naunang kaso tulad ng paglusot sa Customs ng bilyun-bilyong halaga ng tone-toneladang shabu. Promoted sina dating Customs commissioner Nicanor Faeldon at Isidro Lapena. Inilipat sa ibang ahensya ang ilan pang “sinibak” sa Customs. Sa tagubilin ni Duterte, nagbitiw si Ricardo Morales sa Philhealth. Pinalitan siya ni dating NBI director Dante Gierran. Himala ng mga himala, wala raw nawawalang P15B sa Philhealth! Sabi ni Gierran, “malapit nang makumpleto ulat ng paggastos (liquidation report)” ng mga hospital na nabahaginan sa P15B. Abot P169B ng kabuuang pondo ng Bayanihan 1 at 2 ay hindi nagastos sa mga programa sa ilalim nito. Bayanihan pala sa pag-iipon ng “savings” na pagsasaluhan ng mga tiwaling opisyal na marahil gagamitin sa eleksyong 2022. Hindi malayo…Subalit, “wala na akong pera”, madalas sabihin ni Duterte. Nakabalangkas na at pasado na ang panukalang Bayanihan 3 ng HoR. Hahanapin pa kung saan kukunin ang P401B pondo nito. Mangungutang na naman ang rehimeng Duterte, para masaya sila ng mga alipures niya. Masaya sila, sapagkat kung magsasalubong ang bersyon ng HoR at Senado, bistadong P54.6B ng kabuuang budget ng Bayanihan 3 ay para sa pension ng kung ilan libong retiradong tauhan/opisyal ng PNP at AFP kumpara sa P216B na pang-ayuda sa milyon-milyong maralitang pamilya! Samantala, pinalaya at pinawalang-sala ang mga senador at dating presidente Gloria Macapagal-Arroyo na ikinulong ng nakaraang administrasyon sa kasong pandarambong. Kamakailan lamang, ibinasura ng Sandigang Bayan ang 30-taon nang kaso ng nakaw ng yaman ng mga Marcos dahil, “kulang ang ebidensya”. Pagkamal ng higit na kapangyarihan para sa ibayong panlilinlang at panunupil ng mga karapatan ng mamamayan Mistulang diktador si Duterte sa mga emergency powers na ibinigay ng Konggreso para harapin ang pandemya. Ang Inter-Agency Task Force for Management of Emerging Infectious Diseases o IATF ay maituturing na military-civilian junta. Ngunit kay Duterte ang ultimong pagpapasya sa mga rekomendasyon ng IATF. Meron pang National Task Force Against Covid-19 at kambal nitong Joint Task Force Covid-19 Shield na parehong kaugnay ng IATF. Iba pa ang “vaccine czar”, “testing czar”, “contact tracing czar”, “treatment czar” at, “isolation czar”, na may mga kapangyarihang nagmumula kay Duterte. Sinasamantala ng rehimen ang pandemya para umangkin ng dagdag na kapangyarihan. Layon ay takutin at gawing pasibo ang mamamayan sa dinaranas nilang hirap, gutom, mga karamdaman at pagkabalisa. At, para supilin, usigin at patahimikin ang mga mulat na kritiko at “kalaban” ng rehimeng Duterte. Sa kondisyon ng pandemya, iniratsada ang pagpasa ng Batas Kontra-Terorismo (Anti-Terrorism Act of 2020) o RA 11479, nilagdaan, Hulyo 3, 2020. Ipinatutupad ito sa kabila ng malaganap na pagtutol ng mamamayan at petisyong isinampa sa Korte Suprema ng 37 grupong kumakatawan sa iba’t ibang sector ng mamamayan at lipunan. Lahat ng petisyon ay mabubuo sa panawagang-- Ibasura ang ATA! Ang ATA ay tahasang labag sa Konstitusyon ng Pilipinas at sa Pandaigdigang Kumbensyon para sa Universal Declaration of Human Rights. Kontra-demokratiko at kontra-mamamayan ito kaysa kontra-terorista. Ang ATA ay nagbibigay ng ibayong kapangyarihan sa presidente at kanyang gabinete, sa PNP at AFP na bumubuo ng “Anti-Terrorism Council” (ATC). Ang komposisyon ng ATC ay sila ring bumubuo sa IATF at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na pasimuno sa “red tagging”. Hindi, mapag-iiba iba sa operasyon ang tatlong Task Force sapagkat ang ATA o RA 11479 ay higit na otoridad sa E.O. no. 70 ni Duterte na naglikha sa NTF-ELCAC at sa EO No. 168, ng nakaraang Presidente Noynoy Aquino, na ginamit na balangkas sa paglikha ng IATF. Dumalas ang mga kaso ng pagpaslang sa mga tinatakang pulahan o red-tagged at mga “nanlabang” aktibistang hinuli makaraang maisabatas ang ATA. Bukod dito, isahang-panig (unilateral) na binawi ni DND secretary Lorenzana ang kasunduang UP-DND ng 1989 nuong Enero 18, 2021. Ang UP daw ay “sanayan at kanlungan” ng mga “kalaban ng estado”. Gayung palpak ang AFP intelligence sa mga diumanong komunista-teroristang graduates ng UP, hindi ibinalik sa dating katayuan ang kasunduang UP-DND. Layunin ng rehimen-- militarisasyon ng UP at lahat ng mga kolehiyo at unibersidad na pinagmumulan ng mga “kaaway ng estado”. Hindi naglulubay sa “red-tagging” o “terrorist-tagging” ang NTF-ELCAC at ATC. Pinagdiskitahan ang mga nagkukusang tumulong sa mga kapwa naghihirap at nagugutom ngayong pandemya. Ni-red-tag ang nagpasimula ng community pantry na mabilis lumaganap sa buong bansa. Komunista daw ang panuntunang “magbigay ayon sa kakayahan, kumuha ayon sa pangangailangan” ng mga community pantry! At, kasi “graduate sa UP” ang nag-umpisa ng community pantry. Wala pa man “red o terrorist-tagging”, mayruon nang hindi nakasulat na patakarang “Kill, Kill, Kill” kaugnay ng “Gera kontra Droga o Tokhang ng rehimen. Hindi bababa sa 30,000 suspek na adik o tulak ng droga, karamiha’y maralita, ang “nanlaban” at napatay na sa mga operasyong kontra-droga ng PNP at PDEA. Hindi kasama sa bilang na ito ang mga napatay na tauhan at ahente ng PDEA at PNP. Sa mga kasong ito ng extra-judicial killing (EJK) na isinagawa ng mga yunit at tauhan ng PNP ayon sa patakaran ni Duterte na, “kill, kill, kill” , “Wag kayong pauuna” at “sagot ko kayo” ibinatay ang isinampang kasong “crimes against humanity” sa International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte at ilan pang opisyal ng PNP at gubyerno. Dahil dito, nagpapakana si Duterte at mga kasapakat na manatili sa kapangyarihan. Dapat biguin ang pakana ng tirano at awtokratikong dinastiya na manatili sa kapangyarihan. Dapat nang tuldukan ito ng mapagpasyang kilos at pasya ng nagkakaisang mamamayan at papanagutin sila sa mga krimen laban sa bayan at mamamayan. Igiit at itaguyod ang karapatan, kagalingan at Kalayaan ng mamamayan! Tiranya Wakasan, Demokrasya Ipaglaban! Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (KILUSAN) 7.26.2021
0 Comments
Leave a Reply. |
Categories
All
|