Anti-Terror Bill, Anti-Wiretapping Law Amendment, etc. etc.… Higit na Kapangyarihan sa EstadoIbayong panunupil sa mga karapatan ng mamamayan sa panukalang konstitusyon. Lalong pagbangis ng tiraniya sa lehislatibong adyenda ng gubyernong Duterte. Sa SONA, sa pagbubukas ng 18th Congress, ihahanay ni Pres. Rodrigo Duterte ang kanyang legislative agenda— salansan ng prayoridad niyang isabatas sa gitna ng pandaigdigang pagkondena sa mga extra-judicial killing (EJK) sa kanyang war on drugs, sa nalalantad niyang kataksilan sa pagpapaubaya ng WPS sa kontrol ng Tsina, sa lumolobong utang dahil sa build, build, build; at, sa lumalawak nang oposisyon sa kanyang paghahari. Sa ubod ng adyendang ito ay ang higit na pagbigat ng kamay na bakal ng kanyang tranikong rehimen at pagpapataw ng mga bagong buwis na pipiga sa mamamayan. Maingay muli ang chacha, na kung ang modelo ay ang panukala ni Gloria Arroyo ay magwawasak sa pundamental na laman ng bill of rights. Pursigido rin ang mga alipures ni Duterte sa Kongreso na isabatas na ang death penalty at ang pagpapababa ng minimum age of criminal responsibility. Pero tuloy o hindi ang chacha at iba pang naihanay sa itaas, nakaumang na ang amyenda sa RA 9372 o Human Security Act (HSA) of 2007— tinatawag ngayong Anti-Terrorism Act of 2019 na siyang laman ng SB 2204 sa 17th Congress. Dagdag na matatalim na ngipin ang layon ng amyenda. Pinasaklaw ng Anti-Terrorism Act of 2019 ang kahulugan ng terorismo bilang mga hakbanging labag sa batas; “Anuman ang yugto ng pagpapatupad, na maaaring maghatid ng takot, manindak, magpwersa o mag-udyok sa gubuyerno o anumang internasyunal na organisasyon, o ang publiko na gawin o hindi gawin ang anumang hakbang, o seryosong papanghinain o wasakin ang mga pundamental na pulitikal, pang-ekonomya o panlipunang estruktura ng bayan, o lumikha ng isang public emergency o isapanganib ang kaligtasan ng publiko.” Pinasimple nito ang pagkuha ng judicial authorization sa wiretapping sa pagpapahintulot na makakuha nito hindi lamang sa Court of Appeals kundi maging sa Regional Trial Courts na may hurisdiksyon sa target ng surveillance. Pinapahaba naman ang detensyon (Period of Detention Without Judicial Warrant of Arrest ) ng mga pinaghihinalaan sa 14 araw (working day period) mula sa 3 araw ayon sa HSA 2007, o laluna kumpara sa 6 hanggang 36 na oras lamang sa iba pang kasong hindi nabibilang sa terorismo. Taglay din ng amyenda ang pagpapasimple ng mga proseso at kapangyarihan ng korte sa pagdedeklara o pagtatatak sa alinmang organisasyon na hinihinalang terorista. Gayundin, tatanggalin ang probisyon na nagbibigay ng danyos na P500,000/araw sa mga nakulong na napatunayang walang kasalanan. Paniguro ang probisyong ito sa HSA 2007 upang hindi maabuso sa walang batayang pang-aaresto at pagkukulong sa ngalan ng kampanyang anti-terorismo. Kung gagamitin ng isang tirano ang batas, pwede nang mang-aresto sa simpleng hinala (“anumang yugto ng pagpapatupad”). Mapanganib lalo kapag tinatakang terorista ang mga orgasnisasyon at indibidwal nang walang sapat na batayan gaya ng ginawa ng DOJ nuong 2017 na nagtatak ng terorista sa 700 indibidwal. Hindi nalalayo ito kung paano idineklara ng diktador na si Marcos na subersibo ang mga indibidual at organisasyong tutol sa kanyang rehimen at sa batas militar na nagresulta sa malawakang pang-aaresto, tortyur, pagpatay at iba pang paglabag sa mga karapatang pantao. Kaugnay nito, Nobyembre 15, 2018, inilabas ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang Memo Circular 15 S 2018. Ito ang “Guidelines for the Protection of SEC Registered Non-Profit Organizations from Money Laundering and Terrorist Financing Abuse,” na nagkabisa, Mayo 7, 2019. Pinabigat nito ang kondisyon sa operasyon ng NGOs kahit yaong nakatuon sa relief and rehabilitation. Magagamit ito para gipitin ang NGOs na ituturing ng gubyerno na “enemy of the state” dahil sa kanilang pulitikal na oryentasyon at/o pagiging bahagi ng oposisyon. Mga hakbangin ito ng kamay na bakal na paghahari kahit pa walang deklarasyon ng martial law sa buong bayan. Umaangkin ng higit na kapangyarihan ang pinuno ng estado na ngayon ay si Duterte. Para din ito sa makitid na pansariling interes nila Gloria Macapagal-Arroyo, ng pamilyang Marcos at Villar. Tungkulin ng mga Pilipino na ilantad at hadlangan ang mga tiranikong pakana na ito. Ating ipagtanggol ang mga soberano at demokratikong karapatan, bilang mamamayan at bilang bayan. Kilusan para sa Pambansang Demokrasya Hulyo 22, 2019
0 Comments
Leave a Reply. |
Categories
All
|