'Sa 2022, itakwil ang trapo at mga pahirap sa transport at mamamayanSa panahon ng pandemya, sobrang ginipit and mga hari ng kalsada. Namalimos ang mga tinaguriang 'great lover.' Masakit panuorin ang inabot na pagkaaba ng public transport sector matapos manilbihan sa mananakay sa napakahabang panahon. Imbis na saklolohan at sagipin, lalo pa silang binusabos ng mga ahensiya sa public transpot. Sa ngalan ng pekeng modernisasyon, walang tigil silang binully ng LTFRB. Ilang beses nag-anunsyo ng ayuda pero natapos ang Bayanihan 1 at 2, hanggang ngayon walang natanggap ang marami. Samantala, sa COA report ngayong Agosto, kasama ang DOTr sa mga ahensiyang na-flag. May P2.1 bilyon na undelivered license plates. Nagsoli sa national treasury ng P101.425 million na dapat sana ay pang-ayuda. Kulang na ayuda. Kinurakot na pondo. Mga programang palpak at pahirap sa transport at mamamayan. Pebrero 2021, inanunsyo ang ayuda para sa mga sektor na naapektuhan ng pagbagsak ng turismo. Kasama ang transport sector sa pwedeng maka-akses sa ayuda. Pumapel ang isang national transport federation na PRO-PUVMP. Tumataginting na 500 pesos ang kinuhang facilitation fee kada operator! Ang 5,000 pesos na ayuda, naging 4,500 na lamang! Ginawa pang kundisyon sa ‘pagtulong’ ang pagsapi sa kanila. Paanung nakalusot ito sa DOLE? Inilarga din ang programang 'service contracting' pero delayed ang naging pagbabayad dahil ₱1.5 bilyon lamang ang ni-release ng LTFRB nuong Hunyo mula sa kabuuang ₱5.6 bilyong budget. Sa ikalawang taon ng pandemya, kung anu-anong ipinanukala at pinakulo ng DOTr at LTFRB. June 17, lumabas ang MC 2021-041 re: ‘Mandatory Use of Staysafe.ph App for all PUVs.’ Pasakit na naman ito sa mga tsuper at operators at maging sa mga mananakay. Hindi lahat ng PUV drivers at operators, at maging mga mananakya ay may cellphone o may pang-load. May 17, 2021, inilabas ang LTFRB Resolution 046 na nanghihingi ng paliwanag (affidavit) kung saan ginamit ang fuel subsidy sa mga taong 2018 at 2019. Kapag ginastos sa iba, kailangan itong ireimburse sa gubyerno. Ginawang itong requirement sa pagpaparehistro. Para hindi na maabala, napilitang magbayad ng 200 pesos para sa affidavit ang mga nagparehsitro. Hindi nakausad ang bigo at palpak na PUVMP Matagal na nating alam na HINDI MAISASAKATUPARAN ANG PEKENG MODERNISASYON. Hindi nagbago ang ating argumento. Imposibleng makapagkonsolida ang lahat ng JODAs. At kapag hindi pinayagang pumasada ang hindi nagkonsolida, sinu ang papalit? Naka-tatlong taning at ekstensyon ang LTFRB pero BIGO PA RIN ANG PEKENG MODERNISASYON. Patunay ang sumusunod na datos. Sa Baguio - Benguet, mayroon lamang 20 fully consolidated coops at 8 with provisional status ayon sa January 2021 Masterlist at mga naidagdag nuong February - July. Sa buong bansa, mayroon lamang 1,483 coops (bilang na dito ang PUJs, bus, taxi, vans, iba pa). Napakaliit ng bilang na ito kumpara sa total na bilang ng mga JODAs at ruta, sa Baguio-Benguet man o sa buong bansa. Nasadlak sa kumunoy ng pagsisisi, pagkalugi at kawalang katiyakan ang mga napilitang magkonsolida. Matapos mawalan ng prangkisa at magbayad para sa initial capital build up, ito ngayon ang kanilang kalagayan: 1. Nahilahan ng mga units dahil hindi nababayaran ang monthly amortization. 2. Walang pondong pambayad sa staff, office, at iba pang maintenance and administrative fees. 3. Walang kita at pondong pambayad sa mga bumibiyahe. 4. Hindi makabili ng bagong units dahil wala namang pondong pampautang ang gubyerno. Higit na marami ang hindi tumuloy sa aktwal na pagkokonsolida. Pero patuloy silang nakakapasada sa bisa ng provisional authorities (PA). Ang mga aral sa ating karanasan ng paglaban sa phase-out 1. Huwag magpadala sa takot. 2. Ibatay sa kongkretong datos at kongkretong pagsusuri ang mga hakbang at desisyon. 3. Kilalanin sinu ang mga totoo at pekeng lider. Matutong kumilatis kung sino ang LEADER at DEALER. 4. Nagbabagu-bago ang tindig ng mga pulitiko. Ang pagkampi at pagkiling nila ay ayon sa kani-kanilang personal na interes at ihip ng hangin sa pulitika. 5. Kilalanin ang pederasyon na matamang nag-aaral sa mga isyu, naghahapag ng mga kongkretong pagsusuri batay sa kongkretong kondisyon at hindi batay sa mga 'marahil' at 'akala' o sa takot. 6. Tanging ang matibay na pagkakaisa ang magluluwal ng tagumpay. 7. Mahalaga ang pagiging matatag ng mga lider - hindi madaling masindak, democratic, nag-aaral ng sitwasyon, kumukonsulta at nagsusuri. Hindi nagdedesisyong mag-isa. Hindi pa tapos ang laban. Marami tayong kaharap na iba’t iba isyu sa public transport. Hindi maipagwawagi ang laban nang hiwa-hiwalay na asosasyon. Mahalaga ang pakikipagkaisa sa iba pang asosasyon, sa labas ng lokalidad at sa buong bansa. Kailangan ang matinung pambansang pederasyon sa pagtutuloy ng laban. Tayo ang magpapasya sa 2022 Nakita at naranasan natin ang walang katulad na pambubusabos at panggigipit sa ating hanay sa ilalim ng kasalukuyang gubyerno. Ang ating pagtutol ay sinagot lamang ng 'Wala akong pakialam kung maghirap kayo, mga p_____ i__ nyo!' Aligaga na ang lahat ng trapo sa eleksyon 2022. Muling manliligaw ang mga kandidato. Makapangyarihan ang ating boto. Gamitin natin ito upang isalba ang ating kabuhayan at hanapbuhay. Kilalanin sinu ang totoong tumitindig para sa atin. Sino ang magluluwal ng matitinung programa sa public transport sector. Sinu ang wastong makapagbibigay ng solusyon sa pandemya at sa ibinungang krisis sa kabuhayan. Sinu ang magsasaalang-alang sa interes ng bansa kesa sa interes ng Tsina. Kabilang ang STOP – WPL sa #WeDecide at #AlternatibongPulitika na nagtatakwil sa trapo. Buhay at kamatayan ang nakasalang sa 2022 elections. Matamang sinubaybayan at pinag-aralan ng STOP - WPL ang lahat ng kilos at tindig ng mga pulitiko at nakapagpasyang suportahan ang kandidatura ni LENI ROBREDO, ang tanging kandidatong hindi trapo. Aktibong lumahok sa #AlternatibongPulitika. Tuldukan na ang sobrang pang-gigipit sa mamamayan. #TayoAngMagpasya (WeDecide) sa #2022. STOP BB – WPL WeDecide – Alternative Politics August 2021
0 Comments
Leave a Reply. |
Categories
All
|