'MAGBIGAY BATAY SA KAKAYAHAN, KUMUHA AYON SA PANGANGAILANGAN' 'Magbigay batay sa kakayahan. Kumuha ayon sa pangangailangan.' Isang inspirasyon ang community pantry sa gitna ng kapabayaan at korupsyon ng gubyerno. Muli, ipinakita ng ordinaryong mamamayan na nasa kanilang mga kamay at disisyon ang signipikanteng pagtugon sa sitwasyon ng paghihikahos. Pangunahing responsibilidad ito ng gubyerno subalit nasa ikalawang taon na tayo ng pandemya at patuloy pa rin tayong hikahos at bagsak ang sistemang pangkalusugan. Sa diwa at inspirasyon ng community pantry slogan, nagsagawa ng online protest ang WPL North Luzon. Mula sa mga napili at ginawang placards, nagkaroon ng bahaginan hinggil sa tampok na kalagayan ng mga manggagawa at kalagayan sa kani-kanilang sektor at barangay. Pinuri at nagpasalamat sa dalawa nang barangay na nakakapagsagawa ng community pantries. Lumahok sa aktibidad ang mga kinatawan ng mga kabataan ng Baguio, La Trinidad, at ng San Fabian. Kasama din sa programa ang pag-'showcase' sa mga larawang kuha ng mga kabataan mula sa San Fabian na nagpapakita ng temang 'Kalikasan at Kabuhayan sa Gitna ng Pandemya.' Narito po ang winning entries na pinamagatang 'UMPUKAN' at 'LAMBAT.' Ipinakikita sa larawan ang simpleng pamumuhay ng mga mangingisda sa Bolasi, San Fabian. Simpleng pamumuhay na hindi man lamang kayang suportahan ng gubyerno. Magtatagal pa ang pandemya. Magtatagal pa rin ang kapabayaan at korupsyon. Patuloy nilang pagkakakitaan ang covid 19. Kaya't kailangan nating iaangat ang diwa ng bayanihan. Patuloy nating panghawakan at palakasin ang lakas at kapangyarihan ng mamamayan na siyang tunay na reresolba sa ating paghihikahos at pagkalugmok. Sa Araw ng Paggawa, ipinahahayag natin ang pinakamataas na pagpupugay sa uring manggagawa na siyang tunay na bumubuhay sa ekonomiya at mamamayan. Ang aming mga slogan para sa Araw ng Paggawa. Naging inspirasyon dito ang nakakahawang slogan ng community pantry. Pagpupugay sa mga mamamayang nagsasagawa nito na nagsisilbing panawid-gutom sa gitna ng paghihikahos. Ang winning entries ng photo contest: Ang 'Umpukan' at 'Lambat.'
0 Comments
PAGDADAMAYAN: |
Categories
All
|