𝙸𝚋𝚊𝚢𝚘𝚗𝚐 𝚙𝚊𝚐𝚜𝚞𝚙𝚒𝚕 𝚗𝚐 𝚖𝚐𝚊 𝚖𝚊𝚖𝚊𝚖𝚊𝚢𝚊𝚗𝚐 𝚜𝚊𝚍𝚕𝚊𝚔 𝚜𝚊 𝚑𝚒𝚛𝚊𝚙, 𝚐𝚞𝚝𝚘𝚖 𝚊𝚝 𝚜𝚊𝚔𝚒𝚝 Grabe ang panunupil ng rehimeng Duterte. Sinusupil ang mga karapatan sapagkat ipinagbabawal ng tiranitikong rehimen ang mga puna o batikos ng mamamayan. Para kay Duterte maging mga mungkahi o unsolicited advice ay pagpapahiya sa kanyang administrasyon. Binabansagang communist terrorists ang mga aktibista at mga samahang nagtataguyod at lumalaban para sa mga karapatan at kapakanan ng masang anakpawis at maralita; ikinukulong o pinapaslang ang mga lider-aktibista. Lalong pinahihirapan ng rehimen ang mamamayan sa kawalan o kapos na ayuda laluna sa mga sinalanta ng sunud-sunod na bagyo, baha, lindol at ng Covid 19 at iba pang sakit. Lalong pinabibigat ang pasanin ng mamamayan sa mga fake news, pananakot at panlilinlang ng rehimen. Kinumpirma ito sa pag-aaral ng Civicus Monitor, isang pandaigdigang institusyong nagtataguyod ng mga karapatang pantao. Pinatibayan nito na sa gitna ng pandemya ng Covid 19 at krisis sa kabuhayan at kalusugan, lalong kumipot ang mga sibiko o demokratikong espasyo dahil sa pagsupil rehimeng Duterte ng mga karapatan sa malayang pagtitipon at pamamahayag.
Imbing layon ng tiranikong rehimen na pigilan ang mga protesta at mga karaingan ng mamamayang nagdurusa sa kawalang trabaho o hanapbuhay, gutom at labis na kahirapan. Walang katiyakan sa istableng trabaho at hanapbuhay Sa kabila ng pagduktor ng mga datos, hindi na maikubli ng rehimen ang pagbagsak ng ekonomya sa negatibong 11.5% sa ikatlong kwarto ng taon. Iniulat na 3.8 milyong ang walang trabaho nitong Oktubre, taliwas sa malapit sa katotohanang 4.5 milyong walang trabaho sa loob ng isang taon mula Oktubre 2019. Ngunit higit sa 4.5 milyon ang walang trabaho. Unang napabalita na 7.3 milyon ang walang trabaho nuong Abril 2020. Hindi kabilang sa walang trabaho ang mga “tumigil maghanap ng trabaho” at mga manggagawang naghihintay sa muling pagbukas o pag-opereyt ng mga empresang pinapasukan. Nuong Abril 2020 ay 7.3 milyon na walang trabaho. Sa ganitong sitwasyon, daragdagan pa nang kulang 1 milyon ang tuluyang aalisan ng hanapbuhay. Sa Disyembre 31, 2020 ang katapusan ng mga indibidwal na prangkisa ng maliliit na mga operator ng pampasaherong dyipni. Ito ang deadline na itinakda ng DOTr-LTFRB para magkonsolida sa kooperatiba ang maliliit na operator na kalakhan ay driver din at mag-apply ng bagong prangkisa. Ibig sabihin, sa katapusan ng 2020 ay katapusan din ng mga tradisyunal na dyipni na simula pa ng pandemya ay hindi na pumapasada sa mga lansangan. Ganap nang pulubi ang nakakarami sa mga drayber. Samantala, patuloy na bumabagsak ang presyo ng palay. Kahulugan nito ay pagbagsak ng kabuhayan ng mga nagtanim at nag-ani nito na mahigit 2 milyong magsasakang Pilipino. Ngunit hindi bumababa ang presyo ng bigas na ang bulto ay magkahalong imported at smuggled. Hanggang balita lamang ang presyong itinakda ng gubyerno laluna sa mga produktong pagkain at mga gamot o medisina. Supil na karapatan sa wastong impormasyon at libre o abot-kayang serbisyong medical at pangkalusugan Pinapaasa ni Duterte ang mamamayan sa bakuna kontra Covid-19 gayong nagpapaalala ang World Health Organization (WHO) na hindi ito garantisadong tatapos ng pandemya. Nauna dito, nang sumabog ang pandemya ay umalingasaw rin ang katiwalian sa Philhealth. Nakompromiso ang universal health care laluna sa mga karaniwang mamamayang kinukolektahan o nagbabayad ng premium sa Philhealth. Napakagastos magkasakit laluna kung Covid-19. Subalit maraming myembro ng Philhealth na hindi pa man nagkasakit o na-ospital ay ninakawan na pala ng pera nila sa Philhealth. Abot sa P15B pondo nito ang nakurakot, laluna ang para sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) para sa mga ospital na tumatanggap ng mga tinamaan ng Covid-19. Samantala patuloy na malaki ang utang ng Philhealth sa Red Cross. Sa gayon ay nahihinto ang pagsasagawa ng Red Cross ng murang swab test sa mga karaniwang mamamayan. Samantala, wala pang naipakukulong na mataas na opisyal sa kurapsyon sa Philhealth; wala pa ring nabawi o naibalik, kahit piso, sa pondong nakulimbat. Hindi pa man nalilitis ay inabswelto na ni Duterte si DOH Secretary Francisco Duque sa pananagutan niya sa Philhealth. Wala na ito sa balita, sa gayo’y nakakompromiso ang karapatan ng mamamayan sa wastong impormasyon at sa universal health care. Samantala, 7 buwan na’ng nakalipas hindi pa naibibigay ang dagdag sa sweldo at ang hazard pay ng marami sa mga healthcare workers, laluna ng nakakaraming mga nurse. Labanan ang lahatang pagsupil ng mga karapatan ng mamamayan Sinasamatala ng tiranikong rehimeng Duterte ang kondisyon ng pandemya at krisis sa ekonomya at publikong kalusugan para magkamal ng labis na kapangyarihan at ibayong supilin ang mga karapatan ng mamamayan. Sinusupil ang mga karapatan ng mamamayan sa lahat ng aspeto ng buhay panlipunan—karapatang pulitikal, legal at demokratiko; karapatan sa pangangalagang medical at pangkalusugan; karapatan sa ekonomya, edukasyon, kultura at pangkapaligiran. Kahulugan nito, sinusupil ang kabuuan ng mga karapatang pantao. Walang nalalabi sa mamamayan kundi ang paggigiit at pagtatanggol ng mga karapatang ipinagkakait at sinusupil ng tiranikong rehimeng Duterte. Kasabay nito ang pagbigo sa bawat pakana na patuloy na maghari ang tiranikong rehimen. Sobra na! Tama na! Wakasan ang pagsasamantala at panunupil! Makibaka, Huwag Matakot!
0 Comments
Leave a Reply. |
Categories
All
|