BAKIT SI VP LENI? Hindi siya trapo. Hindi kabilang sa naghaharing uri. Hindi elitista. Hindi tagapagpatuloy ng dinastiyang pulitikal. Abogada siya, hindi para protektahan ang mga dambuhalang korporasyon. Hindi rin para ipagtanggol ang mga kriminal at mandarambong. Makataong karapatan ang kanyang adbokasiya sa pagpapairal ng batas. Ang kanyang integridad ay nakatuntong sa kanyang komitment na paglingkuran ang pinakamahihirap sa lipunan, at pinatutunayan niya ito sa pamamagitan ng gawa. Hindi siya korap. Patunay dito ang tatlong magkakasunod na taon mula 2017, ng highest audit rating ng Commission on Audit para sa Office of the Vice President Kampeon siya ng karapatan ng kababaihan, lumaban para lumaya sa lahat ng anyo ng pang-aapi, kabilang ang misoginistang paghamak gaya ng pakikitungo sa kababaihan ni Duterte. Tinutulungan ni VP Leni ang mga kapwa kababaihang nabibilang sa laylayan ng lipunan na umangat at magkaruon ng kumpiyansa sa sarili, at kamtin ang dignidad sa pamamamagitan ng mga proyektong pangkabuhayan at pagsasanay sa organisasyon at pamumuno. Hindi siya mahina, gaya ng lagi nang patutsada ni Duterte. Kapartner siya sa pagbuo ng People’s Council sa syudad na pinagmulan. Konseptong ibinuo niya at nang namayapang asawang Jesse Robredo na modelo at paraan ng paggugubyernong sangkot ang mamamayan. Wala rin siyang trabahong inatrasan. Tinanggap niya ang hamon na pamunuan ang PDEA. Na kaaagad ding binawi ni Duterte nang ugain ni VP Leni ang ahensya sa pagkatuklas sa talamak na iregularidad at paglabag sa mga proseso ng batas. Lalong hindi siya bobo, na madalas na naratibo ng mga DDS. Nasa wasto at makatwirang lugar at silbi ang kanyang talino, hindi para sa katiwalian gaya ni Duterte at mga kampon. Ang isip at talino ni Leni ay sa panig ng katarungan para sa mahihirap at inaapi, at sa makatuturang suri at pahayag sa mga usaping pambayan. Isa siya sa iilang mga halal sa pamahalaan ang sa ngayon ay nakapaghahapag ng lapat na alternatibang solusyon sa palpak na pagharap sa pandemya at sa mga palpak na programa ng rehimen, kahit napakalimitado ng pondo ng kanyang tanggapan. Kaya sa gitna ng namamagang kaso ng COVID 19, sige lamang si VP Leni sa pagbibigay ng libreng konsulta, libreng testing, libreng gamot at alaga sa mga maysakit. Tuluy-tuloy ang kanyang pangangalap ng suporta para ayudahan ang mga hindi inaabot ng tulong ng pamahalaan Habang tinatangay sa alon ang soberanya ng Pilipinas sa WPS dahil sa paglunod ni Duterte sa UN Arbitral Tribunal Ruling, salbabida naman ang inihahagis ni VP Leni sa mga mangingisdang Pilipino na itinataboy ng mga barkong Tsino. “Hindi totoong hawak ng Tsina ang WPS,” sabi niya, taliwas sa iginigiit ni Duterte, kasabay sa kanyang babala na nakababahala na sa pangmatagalang epekto sa soberanya ng Pilipinas sa WPS ang pagpanig ni Duterte sa Tsina. Habang higit na nagiging mapanganib ang pagiging aktibista at madugo ang Oplan Tokhang, binibigyan ni VP Leni ng pag-asa ang mga biktima, na ang katarungan ay makakamit, na ang lagim ay magwawakas. Sa halip na manahimik dahil sa gawa-gawang mga kaso at pananakot at paninira sa kanya, lalo namang nagiging abala ang kanyang opisina sa pagsisilbi sa mga salat sa buhay at kapangyarihan gaya ng mga tsuper na tinatanggalan ng hanapbuhay, mga gurong tambak ang trabaho ngunit mababa ang sahod, mga doktor at nars na kulang sa PPE at di binabayaran ng hazard pay, mga mangingisdang hindi makalaot, mga grupong minoridad at katutubo na humaharap sa pagkapinsala ng kanilang mga lupain, o kaya ay sa pagbibigay ng proyekto o pagsasanay sa mga nangangailangan ng pandugtong-buhay upang mairaos ang kanilang kakainin sa araw-araw. Si VP Leni ay laging agad na tuwirang kasalungat ng tiraniko, otoritaryan, inutil, palpak, hambog ngunit duwag na si Duterte— Si Meyor Digong— ang patron ng mga mandarambong, ang utak ng madugong Oplan Tokhang at pagpaslang sa mga aktibista, ang bumubundat sa kanyang mga kroni, ang nagtimon sa pagdagsa ng mga barkong Tsino, ang diyos ng trolls at bosing ng mga tagapagpalaganap ng fake news, ang nagpalala ng kontraktwalisasyon sa paggawa, ang pumatay sa agrikultura sa walang kontrol na pag-angkat ng bigas, karne, gulay, at iba pa, ang lider ng gang ng mga berdugong walang kinikilalang pananagutan sa batas. Ang malaganap na korapsyon ngayon sa pamahalaan ay senyales ng paghahanda ng pangkating Duterte-Arroyo-Marcos para sa eleksyong 2022, kasabay ng pagpapalalalim ng kanilang kontrol at impluwensya sa mga korap sa hudikatura, Comelec at mga tiwaling opisyal ng militar, hindi na dapat pang magpagoyo sa huwad na pangako ng pagbabago ang mamamayan. Dapat nang hadlangan ang tangka nilang pangibabawin pa ang tiraniya at palpak na gobyerno sa susunod na anim na taon. Nilulumpo ng kambal na krisis ng pandaigdigang kapital at pandemyang Covid 19 ang buong daigdig, at ang pagpapatuloy sa poder ng pangkating Duterte ay tiyak na mas malagim at mas pahirap sa mamamayang Pilipino— isang pambansang trahedyang dapat, at kayang gapiin ng sambayanan sa pamamagitan ng iba’t-ibang anyo, paraan, at igting ng pakikibaka, kabilang ang pag-angkin sa kapangyarihan ng balota sa 2022. Si VP Leni ang kailangan natin sa 2022. Siya, na may matatag na rekord ng pagtataguyod ng karapatang pantao at demokrasya, laban sa tiraniya ni Duterte at sa nonombrahan niyang tagapagpamana ng kanyang inutil, kontra mamamayan at korap na otokratikong rehimen. VP Leni, Presidente sa 2022. Demokrasya at Soberanya laban sa Tiraniya. Alterpol (Alternatibong Politika) Mayo 2022
0 Comments
Leave a Reply. |
Categories
All
|