𝙼𝚊𝚛𝚊𝚕𝚒𝚝𝚊𝚗𝚐 𝚔𝚘𝚖𝚞𝚗𝚒𝚍𝚊𝚍 𝚊𝚗𝚐 𝚙𝚒𝚗𝚊𝚔𝚊-𝚋𝚞𝚕𝚗𝚎𝚛𝚊𝚋𝚕𝚎 𝚜𝚊 𝚙𝚒𝚗𝚊𝚗𝚐𝚊𝚗𝚐𝚊𝚖𝚋𝚊𝚑𝚊𝚗𝚐 𝚖𝚞𝚕𝚒𝚗𝚐 𝚙𝚊𝚐𝚙𝚞𝚝𝚘𝚔 𝚗𝚐 𝚝𝚛𝚊𝚗𝚜𝚖𝚒𝚜𝚢𝚘𝚗 𝚗𝚐 𝚌𝚘𝚟𝚒𝚍-𝟷𝟿 𝚜𝚊𝚙𝚞𝚜𝚒𝚋𝚕𝚎𝚗𝚐 𝚙𝚊𝚐𝚕𝚞𝚕𝚞𝚠𝚊𝚐 𝚗𝚐 𝚛𝚎𝚜𝚝𝚛𝚒𝚔𝚜𝚢𝚘𝚗 𝚗𝚐 𝙴𝙲𝚀 Inilantad ng kasalukuyang krisis ang pagkabangkorote ng serbisyong pambayan sa malalaking bayang kapitalista sa buong daigdig. Halos gumuho ang sistemang pangkalusugan sa mga bayang gaya ng US at Europe na naging mga bagong episentro ng sakit na nakaimpeksyon na ng 1.5 milyong tao at kumitil na sa 100,000. Kabilang sa mga namatay ang malaking bilang na ng pinakamahuhusay na doktor at propesyunal sa larangang pangkalusugan dahil sa malalang kakapusan sa personal protective equipment (PPE) tulad ng mga face mask, face shields, gloves at iba pa. Introduksyon Inilantad ng kasalukuyang krisis ang pagkabangkorote ng serbisyong pambayan sa malalaking bayang kapitalista sa buong daigdig. Halos gumuho ang sistemang pangkalusugan sa mga bayang gaya ng US at Europe na naging mga bagong episentro ng sakit na nakaimpeksyon na ng 1.5 milyong tao at kumitil na sa 100,000. Kabilang sa mga namatay ang malaking bilang na ng pinakamahuhusay na doktor at propesyunal sa larangang pangkalusugan dahil sa malalang kakapusan sa personal protective equipment (PPE) tulad ng mga face mask, face shields, gloves at iba pa. Sa US, pinaka-sinalanta ng virus ang mga komunidad ng mga Latino at African-American sa mga tirahan ng manggagawa sa serbisyo na karamihan ay walang komprehensibong health insurance (Afp, 2020). Maaga pa lamang, napakalaki na ng bilang ng namatay na mga matatandang nasa care homes sa Spain at Italy dahil sa kapos sa mga propesyunal para pakitunguhan ang krisis o kaya ay inabandona (NYT, 2010). Inilarawan ang nakapanghihilakbot na katotohanang ito sa pagtambak ng mga pumanaw sa morge ng mga ospital at paghuhukay ng iisang libingan para sa mga walang umaangking mga bangkay. Dahil sa krisis, nag-aagawan ang mga bayan sa pagkukunan ng PPEs, ventilators at iba pang kailangan sa pagharap sa pandemya. Umabot ito sa pagpigil ni US Pres. Donald Trump sa pag-eksport ng PPEs na mga nauna nang naikontrata ng pribadong kumpanyang 3M sa gubyerno ng Canada (Time.com, 2020). Nagpakita naman ng maayos na paraan ng pagharap sa krisis ang mga bayan ng Vietnam, Venezuela, Cuba, South Korea, Taiwan at Australia na itinulak ng kagyat nilang pagpapatupad ng mass testings at pakete ng suportang pang-ekonomya sa populasyon. Sa Vietnam kung saan malaki ang produksyon ng bigas halimbawa, nagpairal ng “Rice ATM” sa mga piling lugar para sa libreng bigas sa kanilang populasyon kailan man kailanganin sa panahon ng krisis (Lee, Cnn, 2020). Samantala’y tinawid naman ng mga doktor ng sosyalistang Cuba ang mga bayang nangangailangan ng tulong sa kabila ng dinadanas nitong embargo ng US sa mga materyal na kailangan sa produksyon ng medisina at iba pang kasangkapang medikal. Sa ngayon, 15 bayan na ang tuwirang tinutulungan o natulungan na ng Cuba kabilang ang Italy, China, Grenada, Suriname, Nicaragua, Venezuela, Jamaica at Angola (telesurenglish.net, 2020). Mas malala ang epekto ng krisis sa atrasadong mga bayan. Sa Ecuador, inilalabas na lamang ng bahay at iniiwan sa lansangan ang mga nasawi. Nanganganib ang pagputok ng malawakang transmisyon sa Africa at India laluna sa mga lugar ng mga maralitang komunidad na mahina ang sistema pangkalusugan. Sa mga lugar na ito, ilan na rin ang namatay sa pagsubok sa mga gamot sa virus sa labas ng mga ospital. Sabi ng mga mananaliksik, aabot sa isang taon hanggang isa’t kalahating taon ang pagtuklas at pagsubok ng bisa ng bakuna na papawi sa Covid-19. Para mapawi nang tuluyan ang panganib, bilyun-bilyong tao ang dapat mabakunahan. Sa ngayon, 115 mga proyekto na ang nag-uunahan sa pagtuklas ng bakuna, lima ang pumasok na sa clinical trial (RFI english, 2020). Hanggang wala itong lunas, magpapaulit-ulit lang ang lockdown o mahigpit na kwarantina. Ngunit ito ang ironya o balituna ng mapagsamantala at mapang-aping sistemang nangingibabaw daigdig, sa inabot nang pag-unlad ng siyensya, mas nauunang napapaunlad ay ang nakakasira ng kalikasan at nakakapuksa ng tao. Sa gayun humahabol na lamang ang pagtuklas ng lunas sa mga sakit na luwal at pinapalala sa sistema ng lipunan na ang higit na nakakarami sa tinatamaan ay masang anakpawis na pinagkakaitan ng disenteng sahod at pamumuhay. Lahat ng mga bayan sa daigdig na nagpatupad ng total o partial lockdown na nagpanatili sa bahay ng halos 4 bilyong tao, ay nagsabing ang mga hakbang na ito ay para antalahin o i-delay lamang ang pagkalat ng virus. Nahaharap ngayon ang mga estadong tinamaan ng pandemya na magpatupad ng “delicate balance” o mahirap na pagtitimbang sa patuloy na pag-iingat para sugpuin ang pagkalat ng virus sa isang banda at limitadong pagbabalik ng ekonomya para agapan ang nagaganap nang resesyon o higit pa’y pag-atras ng pandaigdigang ekonomya sa kabilang banda. Pilipinas ang may pinakamaraming kaso ng Covid 19 sa buong Southeast Asia, sunod ang Malaysia at Indonesia sa huling mga tala, Abril 15 (Abs-cbn news). “New Normal” Ayon sa WHO, napakalaki ng panganib ng muling pagputok ng malawakang transmisyon kapag tinanggal nang wala sa panahon ang mga rekstriksyon sa populasyon, bagay na hinihingi na ng mga negosyante dahil sa patuloy na epekto sa ekonomya ng pagtigil ng produksyon. Sabi rin ng WHO, kailangan ng test, test, test para matukoy at maibukod ang mga carrier na karamihan ay walang sintomas ng sakit. Susi ito para maagapan o higit pa’y maiwasan ang pagdagsa (surge) ng may sakit at nang sa gayon ay unti-unting humupa o pumatag (plateau o flattening) ang arawang tantos ng mga bagong nagpopositibo sa Covid-19. Sa kabilang panig, papataas ang bilang ng gumagaling bawat araw sa mga may Covid-19. Sa Pilipinas, ayon sa punong tagapagpatupad ng National Action Plan na si dating Gen. Carlito Galvez, mas malamang ang selective o modified community quarantine o ang kumbinasyon ng ilang pagluluwag at pagpapanatili sa lockdown sa ilang mga bayan/syudad at mga komunidad matapos ang April 30. Gagawin ito upang patuloy na sugpuin ang pagkalat ng sakit kasabay ng paghahabol ng pamahalaan na pataasin pa ang kakayahang harapin ang kasalukuyang health emergency. Ito na ang bunga ng malalang kapabayaan ng pamahalaan sa sistema ng pampublikong kalusugan. Sa katunayan bago ang pagputok ng pandemya, binawasan pa ng Kongreso ang badyet sa kalusugan para sa 2020. Sa pusibleng pagluluwag ng restriksyon sa ECQ sa ilang bahagi ng Luzon at iba pang lalawigan sa April 30, “new normal” na ang iiral. Habang unti-unting bumabalik ang mobilidad ng populasyon, binubuksan ang sistema ng transportasyon at kakayaning tipo ng hanapbuhay, ipaiiral ang patakaran ng pag-angkop na makapagpapabagal sa pagkalat pa ng virus, kabilang ang pagsusuot ng face mask, social distancing, at mga tuntunin sa sanitasyon gaya ng regular na paghuhugas ng kamay at paliligo. Magkagayunman hindi pa nilalahad ng gubyerno ang Rt o real time effective reproducible number o ang bilis ng pagkalat ng COVID 19 (virus transmission rate) sa isang panahon (time) and tiyak na populasyon. Mahalaga ito upang maging malinaw na batayan sa mga polisiya upang angkupan ang bilis ng pagkalat ng sakit sa isang banda at kapasidad ng sistemang pangkalusugan sa Pilipinas sa kabilang banda tulad ng bilang ng intensive care beds at kagamitang-pangkalusugan. Para makuha ang Rt, kinakailangang ang maagap at mahigpit na contact-tracing at mass testing (kapwa para sa nagpapakita ng sintomas at maging sa tinuturing na asymptomatic o walang sintomas) para agad maihiwalay ang may sakit. Ngunit kulang ito kung walang regular na sapat at masustansyang pagkain, ehersisyo at pagpapa-araw.Ang mga ito ay hindi maihihiwalay na rekisitos sa pag-iwas at pagsugpo sa sakit sa hanay ng mamamayan. Bukod pa ito sa patuloy na naitataas ang kakayahan sa mass testing ng mga ospital at iba pang mga pasilidad na itinayo para dito. Ang naturang pasilidad din ang magpapatupad ng maramihang pagbabakuna sa panahong mayruon nang garantisadong lunas sa Covid-19. Pinaka-bulnerable sa banta ng muling pagkalat ng sakit ang mga maralitang komunidad sa Metro Manila at iba malalaking mga syudad at bayan sa labas nito. Sa mga komunidad na ito na laganap ang karalitaan at walang maayos na sistema ng sanitasyon―maikukumpara ang kundisyong ito sa mga punung-puno na bilanguan na ang kaibahan lamang ay nakalalabas ang populasyon― na imposible ang social distancing na pinaka-importanteng sangkap sa “new normal.” Mahihirap at siksikang mga komunidad Sa tala ng pamahalaan (2010), may 1,502,336 pamilyang Pilipino ang kabilang sa informal settler families (ISFs) o “iskwater” sa sariling bayan; 10% o isa (1) sa bawat 10 Pilipino, 39% nito ang nasa Metro Manila. Sa kanilang mga pamayanan, walang sapat na hanapbuhay, nagsisiksikan sa mga barung-barong, wala o kulang sa makatao at ligtas na tahanan at pamayanan. Karaniwan na sa mga komunidad na ito ang walang legal na serbisyo ng tubig at kuryente. Isa sa pinakamataong syudad sa daigdig ang Metro Manila, higit na malaki sa New Delhi, Tokyo at Paris. Ito rin ang sentro ng buhay pang-ekonomya, pulitikal at kultural ng bansa. Dito nalilikha ang halos 70% ng pang-ekonomyang kita ng Pilipinas. Dito rin pinaka-konsentrado ang mahihirap na populasyon― 2.5 milyon sa 13 milyong populasyon nito ang nakatira sa mga impormal na komunidad (slums), 3.1 milyon ang mga walang tahanan (homeless). (pcij, 2020) Matatagpuan ang mga impormal na komunidad sa Metro Manila sa gilid ng mga estero at ilog, sa paligid ng mga sentro ng transportasyon at palengke, mga malalaking pribadong lupain at mga tiwangwang na lupang pag-aari ng pamahalaan. Sa mga impormal na komunidad, patung-patong ang mga barung-barong na karaniwang tirahan ng 2-3 pamilya bawat bubong na umaapaw hanggang sa mg eskinita lalo na kapag mainit ang panahon at tanging pedicab o kaya ay motorsiklo na lamang ang maaaring dumaan sa loob ng komunidad. Nasa Quezon city ang mahigit 30% ng mga impormal na komunidad sa Metro Manila, kasunod lamang ang Taguig na kumakatawan sa 10%. Pinakamalaking kumpol ng mga komunidad na ito sa Quezon city ay matatagpuan sa Batasan Hills at Payatas. Kabilang na ang mga ito sa inilagay sa extreme ECQ dahil sa malaking bilang ng kaso ng transmisyon ng covid 19. Sa labas ng Metro Manila, matatagpuan ang konsentrasyon ng maralita sa mga nakakalat na resettlements at housing projects. Mula 2003–2010, nagtatag ang NHA ng 88 resettlement sites sa buong bansa, 45 ang nasa Greater Manila Area (Bulacan, Pampanga, Cavite, Rizal, Laguna), 43 sa ibang mga rehiyon. Nagtayo din ito ng 60 Medium Rise Buildings (MRB) sa loob ng Metro Manila. Kasunod nito, mula 2010, naglaan ang gubyernong PNoy ng P50 bilyon para sa relokasyon ng 104,000 pamilyang nasa danger zones sa NCR sa loob ng 5 taon. Kaya mula 2012, itinatag ng NHA ang 18 relocation sites sa Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna, at 19 low rise housing at ang CMP ng 22 High Density Housing o HDH sa loob ng Metro Manila. Dalawang metro lamang ang pagitan ng magkakarugtong na bahay (row houses) sa mga naghahating mga kalsadang daang-tao sa bawat bloke sa relokasyon. Sa karaniwan, 40% ng resettlement units ang nagkakaruon na ng kapisan (sharer) sa pagdating ng ika-10 taon ng relokasyon na nagpapakita ng mabilis na pagdami ng pamilya at malaking kakulangan sa pabahay. Walang probisyon sa ekspansyon ang disenyo ng row houses. Malilit ang units, na sa itinakda ng BP 220 (Standards and Technical Requirements for Economic and Socialised Housing Projects in Urban and Rural Areas), ay may minimum floor area na 22 sqm para sa economic housing at 18 sqm para sa socialized housing. Kaya ilang buwan lamang matapos na lumipat, nasa kumon na eskinita na sa kanilang harapan ang kusina, paminggalan at labahan. Wala nang ipinag-iba sa dikit-dikit na barung-barong sa pinanggalinga nilang mga impormal na komunidad. Sa pag-aaral sa katayuan ng 42 relokasyon tirahan ng 135,000 pamilya nuong 2016 sa Pampanga, Bulakan, Rizal, Cavite at Laguna na ang ilan ay itinatag pa nuong 1990s, lumitaw na 7 relokasyon lamang ang may malinis at sapat na maiinom na tubig, 12 ang may serbisyo pero hindi naiinom at 23 ang wala o kulang sa tubig. Sa nasabi ring bilang ng resettlements, 16 ang wala pang matinong serbisyo ng kuryente makaraan ang mahigit 2 taon, 12 ang may kumpletong health centers (1 ang pribado), at 30 ang nasa iba-iba pang antas ng katayuan (2 ang mayruon subalit walang duktor/ medisina, 5 ang may panahunang serbisyo, 4 ang sineserbisyuhan ng baranggay, 10 ang under construction, at 5 ang wala anuman). Isa pang katangian ng mga komunidad na ito ay ang magalaw ang populasyon. Itinatakda ito na kalakhang bahagi ng hanapbuhay ay nasa impormal na sektor, 60-70% ng pamilya ay nasa ganitong hanapbuhay―panahunang manggagawa sa konstruksyon, pagtitingi, pagtitinda ng kung-anu-ano, pamamasada ng pedikab, barkers, kargador, pangangalakal ng basura at iba pang para-paraang hanapbuhay na kung hindi kakahig sabi nga, ay hindi tutuka. Kabilang din sa mga ito ang maliit na mga mangingisdang nasa ilog at pampang. Ang iba pa na may regular o pirmihang kita ay mga manggagawa sa pabrika, serbisyo, security guards, LGU employees o JOs, ilang mga propesyunal at OFWs. Maihahalimbawa dito ang Northville 3, Meycauayan sa pagsisiyasat sa tipo at katangian ng hanapbuhay (2017) ng mga kasapi ng Kilusan ng Maralita sa Meycauayan (KMM), 23.25% ang unemployment at 40.93% ang underemployed. Kaya wala pa man ang krisis sa pandemya, usapin na sa mga maralitang komunidad kapwa sa mga impormal, relokasyon at regular na mga komunidad ng manggagawa at maliliit na mangingisda (na kasama sa mga itinuturing na nasa danger zones sa paligd=id ng Manila Bay) ang napakaraming mga isyu ukol sa akses sa batayang serbisyong pangkalusugan at sanitasyon, kakapusan sa hanapbuhay, at kung gayon ang suliranin sa food security. Sa mga komunidad din ng maralita matatagpuan ang pinakamataas na insidente ng malnutrisyon sa mga bata at sa mahinang sanitasyon at proteksyon sa kalukugan ng mga mamamayan. Ito ang dinatnang suliranin ng pagpapatupad ng ECQ sa mga komunidad. Karanasan sa kwarantina May ilang LGUs sa Metro Manila na natatangi ang pagharap sa pagbibigay ng suporta sa mga maralitang komunidad. Kabilang sa mga ito ang Pasig, Valenzulela at Marikina. Naging aktibo rin ang pribadong sektor sa pagbibigay ng tulong. May ilang may kakayanang indibidwal ang nagbibigay ng tulong sa kanilang komunidad o namahagi ng pagkain sa frontliners at kanilang mga kapitbahay. Tumampok din ang mga pagtugon ng ilang LGUs sa mga probinsya gaya sa Gapan, Nueva Ecija. Pero sa nakararami, kapos ang mga suportang relief laluna sa mahihirap na pamilya. May mga pamilyang hindi nadatnan kahit minsan ng ayuda. Naging kondisyon ito sa isang insidente ng protesta na nauwi sa pang-aaresto sa mga taong naghihingi ng pagkain sa Quezon City. Binibigo nito ang diwa ng kwarantina at na-oobliga ang mga kinatawan ng pamilya na lumabas at maghanap ng ikabubuhay gaya ng pamamasada ng habal-habal, pagtitingi, hanggang sa pamamalimos. Nang ipatupad ang RA 11469 o ang Bayanihan Heal as One Act nuong Marso 24, inasahan ng mga komunidad ang pangako na 18 milyong pamilya sa buong bansa ang mabibiyayaan nito at mabibigyan ang lahat ng maralitang pamilya. Pero kaagad na naging problema ng mga LGUs ang quota para sa bibigyan ng social amelioration card (SAC) ng DSWD na rekisito para makatanggap ng tulong na 5k-8k bawat pamilya. Sa mga komunidad ng mangingisda sa Navotas at Malabon na kabilang sa mga pinakamahihirap sa NCR, wala pang nabibigyan ng SAC. Listahan din lamang ang kinukuha sa iba pang komunidad, at pipiliin pa sa mga ito ang bibigyan ng tulong ng gubyerno. Sa Pandi, Bulacan, hindi kabilang sa alokasyon ng LGU ang mga nakatira sa ilang mga resettlements dahil kasama pa umano sila sa listahan ng LGU sa pinanggalingang lugar kahit apat na taon na sila sa relokasyon. Sa Quezon City pa raw nakabilang ang mga ito. Gamit ng DSWD ang sensus nuon pang 2015. Ang natiyak na maipamahagi ay ang pagkakaloob ng tulong sa mga rehistradong 4Ps benificiary. Samantala’y patuloy ang kalituhan kundi man napakatagal na proseso ng mga pantulong na programang gaya ng Pantawid Pasada (DOTR/LTFRB) at TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged /Displaced Workers) sa ilalim naman ng DOLE (Pcij, 2020). Nagbawas naman ng tulong ang Philhealth sa lahat ng magkakasakit ng covid 19 mula Abril 15, sa pagtatapos ng unang deklaradong Luzon ECQ. Mula sa dating sasagutin nito lahat ng gastos sa ospital, nagtakda na lamang ito ng mga package ayon sa iba’t-ibang antas ng karamdaman ng pasyente. Sa Kanayunan at ibang Rehiyon Hirap din sa kabuhayan ang mga nasa sektor ng agrikultura—magugulay, magsasaka at mangingisda. Kung makakalabas man upang magbukid/mangisda, problema ang pagpapadala sa mga palengke at/o pagbebenta sa merkado ng kani-kaniyang produkto. Kundi bagsak presyo ay itatapon na lamang ang mga ito,tulad ng ginawa ng mga magugulay sa La Trinidad, Benguet. Masaklap ay may kasama pang huli o multa dahil di umano sa paglabag sa kwarantin kahit na deklaradong kasama sa “frontliners” ang mga magsasaka, mangingingisda at iba pang food producers ayon sa Department of Agriculture. May mga insidente din ng kapabayaan at kalabisan tulad ng pag-lock down sa Sitio Zapatera, Barangay Luz sa Cebu dahil sa di tamang pagsagawa ng mass testing ng DOH , imbes na masusing alamin at ihiwalay ang ang maysakit sa malusog ay ang kabuuang 9,000 populasyon ng naturang lugar ang naapektuhan. Bagong Normal: Mga Rekomendasyon Hanggang walang bakuna, hindi makakabalik kahit sa kahawig lamang na panahon na wala pa ang pandemyang ito. Napaka-importante ng pag-iingat at pang-angkop, laluna sa mga matataong pamayanan gaya ng maralitang mga komunidad. Nakabuo ang iba’t-ibang salansan ng mga organisasyon ng mamamayan sa mg komunidad na ito. Sa mga impormal na komunidad at mga regular na mga komunidad ng mga manggagawa at mangingisda, tagos ang makinarya hanggang sa mga households na kadalasan ding nagagamit na mga estruktura ng makinaryang pampulitika sa panahon ng eleksyon, liban pa sa mga mandated na HOA at mga sektoral na samahang itinatatag ng lokal na pamahalaan o mga progresibong organisasyon. Ganun din kasinsin ang mga organisasyon sa mga resettlement. Nakabuo ang mga HOAs at tagos ito hanggang mga area at compound. Nakatayo rin ang mga pormal na organisasyon ng mga lokal na transportasyon gaya ng TODA at PODA. Nakatayo maging ang mga sektoral na samahan. Unang hakbang at pinakaimportante sa “bagong normal” na kaayusan ay ang pagkakaisa ng mga organisasyong ito sa antas ng panganib na dadalhin sa komunidad ng virus kung babalewalain ang mga pag-iingat. Napakahalaga kung gayon ng edukasyong nakabatay sa siyensya at tunay na mga impormasyon para abutin ang pagkakaisang ito. Kailangang maging isang kilusang masa ang pagharap sa problema ng pandemya. Kaya habang isinusulong ang kilusang maralita para sa makataong pamayanan, kabilang ang makataong relokasyon, malalagay sa unahan ng kilusang masa ng maralita ang kagyat na tungkuling pakitunguhan ang pandemyang ito sa kanilang mga komunidad habang ang mga solusyong medikal ay hindi pa nararating. Pag-angkop sa mga komunidad Batay sa umiiral na kundisyon, magpapatuloy ang ECQ sa antas na kinakailangan hanggang hindi nagpapakita ng paghupa ang pagkalat ng virus. Sa modified ECQ, maaaring manatili ang lockdown sa Metro Manila― ang epicenter ng outbreak sa Pilipinas, at sa mga probinsya, bayan o syudad na nanganganib na pumutok ang outbreak, kasabay ng pusibleng pagluwag na sa ibang bahagi ng Luzon. Subalit makakayanan lamang ito ng mamamayan kung hindi babara ang supply ng kanilang mga batayang pangangailangan, suspendido ang pagbabayad sa renta at utang, at may alternatibong paraan ng pagbabayad ng utilities. Sa mga komunidad kung saan higit ang panganib ng muling pagputok ng outbreak sa pusibleng pagpapahupa ng restriksyon sa ECQ, higit na kailangan ang pagtutulungan at pagbabantay para biguin ang pagkalat at pamiminsala ng salot na virus. Sa “new normal,” sama-samang isulong ang mga kahilingang ukol sa mga sumusunod: 1. Pursigidong igiit ng mamamayan ang pinaka batayang (most fundamental) kalayaan at karapatan lalo ngayon sa panahon ng health emergency. Igiit ang responsibilidad at pananagutan (accountability at responsibility) ng mga kinauukulan at posibilidad ng legal redresssa lalong madaling panahon. Bagamat hindi sinusupinde ang mga garantiyang konstitusyunal ukol sa karapatan at kalayaan ng mamamayan, nagaganap ang kurapsyon at abuso sa kapangyarihan ng ilang pinuno sa pagpili ng bibigyan ng ayuda, kurapsyon sa procurement ng medical supplies, entitlementsng matataas na opisyal ng gubyerno para mauna sa testing kahit labag sa protocol, insidente ng panggagahasa sa babaeng bilanggo sa panahon ng lockdown sa isang syudad sa NCR, at pagbaril at pagpatay ng pulis sa isang 63 anyos na magsasaka sa checkpoint sa Agusan dahil sa reklamo kaugnay ng food packs sa gitna ng kwarantina. Higit na marami ang insidente ng abuso sa mga lumalabag sa curfew o kwarantina kabilang ang maliliit na kaso ng paglipat-baranggay para sa trabaho o pagbili sa palengke. Maraming kaso ng pagpipiit sa siksikang mga karsel na bumibigo sa layunin ng phisical distancing. May mga menor de edad na ikinulong sa kulungan ng aso ng ilang oras. Nangyari rin ang bastos na parusa sa ilang nahuling bakla sa Pampanga. Sa halip na ikulong at parusahan, pwedeng pangaralan lamang sila o atasan ng community service sa mga susunod na paglabag, sa halip na gamitan ng kamay na bakal o hiyain sa publiko. Sa mulat na pagkundena ng mamamayan sa mga naihanay na kalabisan, marami sa mga kaso ang nabigyang pansin at nauobligang pakitunguhan ng pamahalaan. 2. Igiit ang ibayong proteksyon sa health workers at iba pang frontliners, tiyakin ang pana-panahong testing sa kanila pati ang pagbibigay ng angkop at sapat na supply ng PPEs, hazard pay, transportasyon at proteksyon para sa mga whistleblowers. Sa antas ng komunidad kasama rito ang Baranggay Health Units at mga pwersang nagpapatupad ng kwarantina at namamahagi ng tulong at ayuda sa populasyon; 3. Mass testing sa antas na ng mga komunidad at sa lahat ng sektor na sangkot sa manupaktura at pagpoproseso ng batayang pangangailangan ng mamamayan. Itulak ang paggamit ng rapid o antibody test kits[NC1] na dapat kalangkap (complementary) sa PCR based test (polymerase chain reaction). Sa patakaran ng DOH, lahat ng ginawang antibody tests ay kailangan pa ng confirmatory PCR tests mula sa mga lisensyadong laboratoryo gaya ng RITM. Kulang pa ang suplay ng mga RT test sa bansa lalu na ng PCR based tests. Napag-iiwanan ang kakayahan natin para sa pangalawang tipo ng test na kailangan ng maraming molecular laboratoryo (tulad ng sa Marikina), espesyalistang magsasagawa nito (in-vitro diagnostics) at kaakibat na gamit (consumables tulad gloves, swab, specimen bottles etc.) upang magawang pang-maramihan ang testing. Kailangan nating mapunan ang kakulangang ito para maging epektibo ang isasagawang mass testing. Sa halip na pigilan, dapat ay suportahan ang inisyatiba ng mga LGU na magsagawa ng mass testing at itulak ang mga LGU na gawin ito sa kanilang lokalidad upang mabilis na makita ang totoong latag ng sakit na COVID sa Pilipinas. Dapat ding suportahan ng DOH ang itinutulak ng mga negosyante, sa pangununa ng Concepcion Group of Companies, na mass testinggamit ang higit na mabilis na antibody tests kits. Lubhang kailangan dumaan dito ang lahat ng manggagawa na magbabalik trabaho para muling simulan ang operasyon ng mga negosyo. Ito rin ang hakbang ngayon ng Cavite Provincial LGU na naglaan ng inisyal na P300 milyon para simulan ang testing sa 2 milyon sa 3.8 milyong mamamayan kabilang ang mga manggagawa bago muling paandarin ang lokal na ekonomya. 4. Sa pakikipagtulungan ng Red Cross, mga community health based NGO, ng Philippine Medical Association at iba pang sibikong samahan, maiaangat ang kakayahan ng mga LGU at kinauukulang ahensya ng national government para sistematiko, maagap at masinsin na maisagawa ang contact tracing and surveillance. Kailangang maagap na matukoy ang mga taong posibleng nahawa at mga pamilya at kumunidad nila na posibleng labis na apektado na ng sakit. Dapat na kombinahan ito ng pag-aangat ng pag-unawa ng mamamayan sa mga kalikasan ng Covid-19 at mga sintomas nito upang aktibo silang tumugon at kumilos para sa contact tracing; 5. Sagutin ng pamahalaan ang lahat ng gastos sa hospitalisasyon ng sinumang mamamayan, laluna ng mga maralitang tinamaan ng sakit bunga ng Covid-19. Dapat magtalaga ang lahat ng probinsya, syudad at malalaking bayan ng dedikadong Covid 19 hospital habang tinitiyak na may bukas pang pagamutan para sa iba pang karamdaman. Ibukod ang mga kasong asymptomatic sa hiwalay na quarantine facilities. Imposible ang pagbubukod ng kahit isang tao sa loob ng bahay sa maralitang komunidad (home quarantine), na karaniwang iisa lamang ang kwarto o wala pa. Sa mga kaso sa komunidad, buong pamilya ang dapat maging batayan ng pag-aalaga, at hindi sa batayan ng indibidwal na pasyente; 6. Itatag at paunlarin ang community-based health care system. Malaganap na ilunsad ang mga pagsasanay ng community health workers, pagsasanay sa accupuncture, herbal medicines, pangangalaga sa maysakit at pag-iwas sa sakit, ituro sa mamamayan ang mga batayang sangkap sa pangangalaga sa kalusugan at kalinisan (hygiene). Sa kagyat, ipatupad ang mahigpit na hakbangin sa sanitasyon at mga pag-iingat. Pagtiyak na may sapat na tubig, may batayang pangangailangan sa sanitasyon gaya ng sabon, hygiene kits, facemasks, at iba pa: a. Paglalagay ng sinks at hand washing stations sa mga estratehikong bahagi ng mga komunidad kabilang ang mga labasan at pasukan ng mga tao; b. Mandatory na pagsusuot ng face mask; c. Paggamit ng clear plastic sheeting bilang pananggalang sa droplets sa mga tindahan, mga tanggapan at iba pang matataong lugar; d. Pag-iwas sa pagtitipon ng malaking bilang ng mga tao at iba pang paraang makakayanan sa pagpapatupad ng social/physical distancing; e. Regular na mga aktibidad sa disinfection sa buong komunidad; f. Pagpapairal ng mga pangkalahatang tuntunin sa sanitasyon gaya ng paglilinis ng mga kanal, pagtatapon ng basura at iba pa; g. Tuluy-tuloy na diseminasyon ng napapanahong impormasyon hinggil sa Covid-19. 7. Sa pakikipagtulungan ng mga teacher, counselor, psychologist, psychiatrist at mga estudyante ng psychology at mga aktibo sa larangan ng teatro, sining-biswal at panitikan, ang mga LGU at barangay ay maglunsad ng mga psycho-social stress debriefing para sa mga bata at kabataan at sa mga senior citizens at mga pamilya at kamag-anak ng mga nasawi sa Covid-19 upang matulungan silang makaigpaw a buryong, lungkot at/o marahas na reaksyon sa sitwasyon. 8. Maglunsad ng gender-sensitive at child sensitive na mga aktibidad para sa mga magulang upang maiwasan o mabaka ang domestic violence laluna sa ganitong sitwasyong “new normal.” Magtatag ng GAD- VAW desks sa antas ng komunidad para sa tungkulin sa monitoring, dokumentasyon at kagyat na pakikitungo sa mga kaso. 9. Pagtitiyak sa akses ng mga kababaihan sa family planning methods at pasilidad para sa paanakan (kasama ang mga ospital at birthing centers) lalu sa gitna ng kwarantin. 10. Iangat ang kakayanan ng mga maralita at sektor na bulnerable na harapin ang krisis na ito — pagtiyak sa health benefits, regular na ayuda gaya ng food packs, cash grants, at pagpapahintulot sa pwede pang mga pang-ekonomyang aktibidad nang may pag-iingat (gaya ng pangingisda sa Manila Bay o iba pang katubigan at pagdadala nito sa pamilihan). Ilunsad ang claim making campaign sa makakayanang anyo ng pagkilos at mga protesta gaya ng streamers hanging sa mga bahay, barrage of radio-phone in, posting sa social media at iba pa. 11. Magsagawa ng mga lokal na ekonomikong aktibidad para tugunan ang kakapusan sa pagkain at pangangalaga sa kalusugan ng mamamayan: a. Maaring mag-hire ang LGUs mula sa komunidad para sa trabahong kailangan sa panahon ng emergency gaya ng pagpapakete ng mga kailangan sa relief operations sa munisipal o baranggay at makalikha ng hanapbuhay sa lokalidad sa halip na umasa lamang sa tulong ng gubyerno; b. Pagpopondo ng LGUs sa mga lokal na aktibidad gaya ng pagtatatag ng mga patahian (facemasks at iba pa) at iba; c. Pahintulutan ang hanapbuhay ng pagluluto at pagtitinda ng ulam at mga kakanin. d. Paghikayat sa urban gardening, kasama ang pagtuturo ng hydrophonics o walang lupa na paghahalaman, sa loob ng mga area compound laluna sa resettlements, at pag-aalaga ng 45 days na manok sa maliliit na kulungan para sa dagdag na pangsustini sa pagkain; e. Pagtiyak ng sapat na supply ng karaniwang gamot at mga bitamina mula sa baranggay health units at patuloy na monitoring; f. Pag-oorganisa ng feeding programs at community kitchen laluna para sa mga bata at populasyong bulnerable. g. Pagpapahintulot ng talipapa sa mga barangay bilang komplementaryo sa mobile palengke; h. Pagtutulak sa LGUs na tuwirang bilhin ang huli ng mga mangingisda at produkto ng mga magbubukid para sa relief food packs at mobile palengke. 12. Tiyakin ng mga LGU; ng DTI, DA, ERC, MWSS sa NCR at sa labas ng NCR, ng mga Water District, na napatutupad ang price control sa mga batayang pangangailangan sa pagkain, gamot, medical supplies, mga panlinis, singil sa kuryente at tubig, etc. 13. Pahusayin ang internet connectivity sa mga komunidad para sa napapanahong monitoring sa kondisyong populasyon at mapabilis ang daloy ng impormasyon at tulong mula sa labas. Kailangan itong igiit, at kaya ito ng mga LGUs, gaya ng ginawa sa Manila sa tulong ng PLDT para sa survey sa kung anung tulong at ilang pamilya ang nangangailangan. Importante ang kunektibidad sa “new normal.” Mahalaga rin ito sa pagpaloap/pagtugis sa cash grants, food aid at iba pa. 14. Ipagpatuloy ang pag-aaral ng o pagtuturo sa mga mag-aaral sa batayang edukasyon (elementarya at sekundarya), laluna sa publikong edukasyon, sa paraan at sistemang angkop sa sitwasyong “new normal”. 15. Sa tulong ng LGU, patuloy na gawin ang screening ng mga pumapasok o lumalabas sa komunidad. Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (KILUSAN)
———————————————————————-- Sanggunian: Afp, 2020. New York governor says 'worst is over' as coronavirus toll tops 10,000. Agence France-Presse. Apr 14 2020. https://news.abs-cbn.com/overseas/04/14/20/new-york-governor-says-worst-is-over-as-coronavirus-toll-tops-10000 NYT, 2020. A Deluged System Leaves Some Elderly to Die, Rocking Spain’s Self-Image. The New York Times. March 22, 2020. https://www.nytimes.com/2020/03/25/world/europe/Spain-coronavirus-nursing-homes.html Time.com, 2020. After Trump Bans All N95 Mask Exports, Canadians Remind U.S. That They Helped Americans After 9/11, Time.com. April 6, 2020. https://time.com/5816072/canada-n95-mask-ban-reaction/ Rfi english, 2020. The race to find a Covid-19 vaccine: too little, too late?; http://www.rfi.fr/en/science-and-technology/20200413-the-race-to-find-a-covid-19-vaccination-too-little-or-too-late Almar, 2017. Iskwater. Alyansa para sa Makataong relokasyon. Powerpoint PCIJ, 2020. In Metro Manila, Fighting COVID-19 Requires Helping the Poor—Now. Philippine Center for Investigative Joaurnalism; Fernandez, et al. https://pcij.org/article/3895/saving-metro-manila Msn News, 2020. The Philippines Now Has the Most Number of COVID-19 Cases in Southeast Asia. Anri Ichimura. April 13, 2020. https://www.msn.com/en-ph/news/national/the-philippines-now-has-the-most-number-of-covid-19-cases-in-southeast-asia/ar-BB12xS74?li=BBr8Mkn Telesurenglisnh.net., 2020. Cuba is willing to send more medical brigades to the world. April 13, 2020. https://www.telesurenglish.net/news/cuba-is-willing-to-send-more-medical-brigades-to-the-world-20200413-0001.html WHO, 2020. WHO head: 'Our key message is: test, test, test'. BBC news. March 16, 2020. https://www.bbc.com/news/av/world-51916707/who-head-our-key-message-is-test-test-test Lee, CNN, 2020. 'Rice ATMs' provide free rice for people out of work in Vietnam due to the coronavirus crisis. Alicia Lee, CNN. April 13, 2020. https://edition.cnn.com/2020/04/13/world/coronavirus-vietnam-rice-atm-trnd/index.html Rappler, 2020. Cavite set to conduct mass coronavirus testing. Rappler. Com. April 12, 2020. https://www.rappler.com/nation/257727-cavite-province-set-to-conduct-mass-coronavirus-testing
0 Comments
Leave a Reply. |
Categories
All
|