Bangkarote Tapos na ang Paghihintay sa mga Pangako, Dapat nang Wakasan ang Malupit na Gobyernong Pabigat na sa Mamamayan. Inilantad ng kasalukuyang pandemya at ng mga hagupit ng kalamidad ang inutil, korap, kontra-mahirap, bangkarote, mapanupil, makadayuhan, sakim sa kapangyarihan at utak-diktador na si Rodrigo Duterte. Makaraang bigyan ng Kongreso ng dagdag na namang kapangyarihan at P360 bilyong pondo sa Bayanihan Act 1, nanatili ang mabilis na pagkalat ng COVID19 na nakahawa na ng mahigit 400,000 at namatay na 8,000. Iginupo ng halos walong buwang militaristang kwarentenas—pinakamahaba sa daigdig— ang ekonomya ng Pilipinas. Bumulusok ang GDP sa negatibong (-) 16.9% nuong ikalawa at (-) 11.5% sa ikatlong kwarto ng 2020. Hindi pa tiyak kung kailan matatapos ang krisis na ito. Pitong milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, umabot sa 17.7 milyon sa kasagsagan ng kwarentenas sa Covid 19 (PSA, Abril 2020). Walumpung porsyento ng mamamayan ang nagsabing naging salat ang kanilang pamumuhay sa nakaraang taon; 30.7% ng pamilya o 7.6 milyong bubong ang nagsabing nakaranas sila ng hindi sinadyang gutom sa nakalipas na tatlong buwan. Wari’y asin sa makirot na sugat, pinagpyestahan pa ng mga korap na tauhan ni Duterte ang pondo para tugunan ang epekto ng pandemya: P15 bilyon ang ninakaw ng mga kawatan sa Philhealth; bilyun-bilyon ang anomalya sa pagbili ng test kits at PPE; pinagpartehan kahit ayudang abono sa magsasaka; lumala pa ang kurapsyon sa pagawaing bayan, imigrasyon, adwana, rentas internas at maging sa mga piitan. Sa mahihirap ibinubunton ni Duterte ang sisi, mula sa pagkalat ng sakit hanggang krimen. Nang manalasa si Ulysses, sinisi niya naman ang mga “iskwater” sa panot na bundok at sa mga pagbaha dahil dito, kahit lantarang mga minahan at pagtotroso ang sanhi ng mga pagguho at pagkalubog sa putik ng mga pamayanan. Pananagutan din ng NIA ang kapos sa abisong pagpapakawala ng tubig sa mga dam. Mahihirap na nga ang nasisisi sa kapalpakan ng pamahalaan, sila pa rin ang biktima ng mga proyektong “pangkaunlaran” gaya ng mga reklamasyon sa katubigan, demolisyon sa tatamaan ng proyektong impraistruktura, at sa nagpapatuloy na PUV Modernization Program na magpi-phaseout sa tradisyunal na mga dyipni. Mahihirap din ang tuwiran at hindi tuwirang magpapasan sa dagdag pang buwis upang bayaran ang utang ng gobyerno at gastusan ang badyet ng pamahalaan. Pinatunayan na nga ng pandemya ang napakasamang epekto ng neokolonyal na ekonomyang eksport-import at programang neoliberal, tuloy pa rin sa pagpapatupad dito ang rehimen. Wala nang pag-asang makamit ang seguridad sa pagkain dahil sa Rice Tariffication Law. Tuloy ang mapaminsalang pagmimina at iba pang proyektong magwawasak sa kalikasan gaya ng Kaliwa Dam at coal fired power plants. Tuloy ang pagpapapasok at insentibo na dayuhang puhunan, kakumpitensya ng maliliit na negosyong Pilipino. At habang pakitang-tao sa paghahabol sa Hague Ruling sa WPS, matamlay naman ang pagharap sa panggigipit ng mga Tsino sa mga mangingisdang Pilipino sa pinag-aagawang karagatan. Sawa na ang mga manggagawa sa pangako ni Duterte. Hindi niya winakasan ang kontraktwalisasyon, manapa’y sa bisa ng DO 174, mas pinatibay niya ang kontraktwal na paggawa. Pinaigting din ang panunupil sa mga manggagawa sa pagtatatag ng Joint Industrial Peace Council Office sa economic zones gamit ang mga binuong MASA MASSID para subaybayan at pigilan ang mga manggagawang aktibo sa pag-oorganisa ng unyon. Kinumbinahan ito ng red-tagging gaya ng karanasan ng Action and Solidarity for Empowerment of Teachers (ASSERT) nang idaos ang Certification Election para sa unyon ng guro sa Gitnang Luzon nuong 2019. Gaya ng iba pang organisasyong progresibo ng mamamayan, target din ng kabubuong Anti Terror Law ang mga organisasyon at kilusang manggagawa. Kapangyarihan ang ikinasisiya ni Duterte, at katuwang ang mga labi ng pangkating Marcos at Arroyo, iwinawasiwas nila ito sa lahat ng pagkakataon. Ito, at ang kawalang paggalang sa karapatang pantao ang sanhi ng malaganap na pagpatay ng Oplan Tokhang at sa mga pang-aaresto, pagkukulong at pamamaslang sa mga aktibista. Ginagatungan niya gamit ang fake news at bayarang trolls kahit ang mumunting pagkakaiba ng opinyon upang hatiin at pagbangayin ang mamamayan at pagharian ito ng kanyang kamay na bakal. Patok sa kanya ang deklarasyon ng batas militar sa Mindanao, at nag-aabang siya ng tiyempong mangyari ito sa buong bayan. Binubusog ng ganitong mga pakana ang katangian niyang diktador at para tularan ang idolo niyang si Marcos. Tiraniya ang tanging paraan niya upang pasunurin mamamayan. Pananatili sa poder ng kanyang pamilya at pangkatin ang ultimong layon ng kanyang mga pampulitikang galaw. Bangkarote ang sistemang neokolonyal na kinakatawan at pinangangalagaan ni Duterte. Inutil at walang kakayahang mamuno ang kanyang rehimeng patuloy na nangungunyapit sa posisyon, hinahatak nito ang bayan sa kumunoy ng krisis habang pabigat nang pabigat ang kanilang kasalanan sa sambayanan. Malaon nang tinapos ng manggagawa ang pamamag-asa sa kanyang mga pangako ng tunay na pagbabago. Inilantad na nga ng pandemya, ng krisis sa ekonomya at mga kalamidad ang tunay na mukha ng tirano, na iretoke man sa mabangong numero ng mga sarbey ay i-aalingasaw ang mabaho niyang hiningang niluom sa pagkakait ng katarungan sa bumabangong mga bangkay ng mga pinaslang ng kanyang rehimen. Tanging sa soberanong kapangyarihan ng bayan— sa pagpapasyang lumaya sa kondisyong ito, kasama ang iba pang mamamayan, makakamit ang tunay na pakinabang sa pinagpaguran ng ating paggawa at sa yamang likas na para sa atin, sa isang lipunang tunay na malaya, walang anumang anyo ng dayuhang kontrol, walang tirano’t mapang-api. Manggagawa at Mamamayan, Magkaisa at Magpasya! Tiranikong Rehimeng Duterte, Wakasan na! Kinabukasang Ligtas sa Kalamidad, Kahirapan at Kawalang Katarungan, Ngayon Na! #TiranyaWakasan #JunkTerrorBill #ScrapJIPCO #DO174Ibasura
0 Comments
Leave a Reply. |
Categories
All
|