Biguin ang Pagkukonsolida ng Tiranikong Paghahari! Ilang araw na lamang eleksyon na. Mayo 13, magpapasaya para sa kinabukasan ng bayan ang milyun-milyong botante. Anu-ano mga usapin at linyang batayan sa pagpapasaya? Demokrasya laban sa Tiraniya. Soberanya ng bayan laban sa paghahari ng dayuhan. Kalayaan at karapatan laban sa panunupil. Paghahari ng batas laban sa paghaharing diktador. Demokrasyang bayan laban sa dinastiyang pulitikal. Ito ang mga isyung batayan at linya sa pagpapasya o pagboto. Nakareserbang Konstitusyong Duterte-Arroyo Ang mga isyung nabanggit sa unahan ay sistematikong natitipon sa nakareserbang Konstitusyong Duterte-Arroyo. Lantad ang layon ng rehimeng Duterte na konsolidahin ang paghahari nito. lihim na iniratsada sa House of Representatives (HoR), sa pamumuno ng ganid-sa-kapangyarihang Gloria Macapagal-Arroyo, ang panukalang konstitusyong ipapalit sa Konstitusyong 1987. Tinawag itong Resolution of both Houses (RBH) No. 15 at sinalang sa pagboto ng plenaryo ng HoR nuong Disyembre 11, 2018. Sapagkat pabor sa mga dinastiyang pulitikal, ipinasa ang panukalang Konstitusyong Duterte-Arroyo ng HoR na dominado ng mga miyembro ng mga angkang pulitikal. Bumoto ng YES ang 224; 22 ang nag-NO; at, 3 ang hindi bumoto. Sapagkat higit sa 2/3 ng mga representante ang YES, itinuring ang RBH no. 15 na pinagpasyan ng HoR bilang Constituent Assembly o ConAss! Botong YES ng 16 lamang na senador ang kailangan para ihapag ang Konstitusyong Duterte-Arroyo sa referendum-plebiscite ng mamamayan na isasabay sana sa botohan sa Mayo 13. Subalit tinutulan ito ng mga senador. Sa gayon, malalagay sa balikat ng susunod na Senado ang pagpapasya sa Konstitusyong Duterte-Arroyo. Kaya mapagpasya ang pagpili ng mga botante, laluna sa mga senador, sa Mayo 13. Tutol ang 67% ng mamamayan sa pagbabago ng Konstitusyong 1987 at tutol sa pederalismo ang 62%. Kaya iniwasan ng mga kandidato ni Duterte na isalang ito sa pangangampanya. Kabalbalan, kasinungalingan, pakulo, pang-aaliw at hungkag na pangako lamang ang mga buladas nila sa kampanya. May mapapala ba ang mamamayan sa mga kandidatong bulag ang katapatan at sunud-sunuran kay Duterte? Hindi dapat makabalik ang mga re-eleksyonistang senador na may record ng korapsyon; nagtaguyod at bumoto ng YES sa mapaminsalang TRAIN law; pumabor sa martial law at pagpapalawig nito; pumabor sa pagluluwag ng importasyon ng bigas; pumayag sa death penalty at sa pagbaba sa edad na 12 anyos ng maaring akusuhan nang krimen; at, pabor sa charter change at pederalismo. Dapat ipakita ng mamamayan ang pagtutol sa cha cha at pederalismo sa pagtatakwil ng mga kandidato ng rehimeng Duterte. Disenyo ng Konstitusyong Duterte-Arroyo Kapahamakan sa bayan at mamamayan ang idudulot ng Konstitusyong Duterte-Arroyo. Inaalis nito ang term limit ng mga senador, representante at opisyal ng lokal na gubyerno. Lalong patitibayin nito ang paghahari ng mga dinastiyang pulitikal, tulad ng mga pamilyang Duterte, Marcos, Cayetano at Binay. Tahasang kontra-demokratiko ang Konstitusyong Duterte-Arroyo. Mayruon itong Artikulo IV – “Kalipunan ng mga Tungkulin” (Bill of Duties) na halaw sa Artikulo V- “Mga Tungkulin at Obligasyon ng Mamamayan” ng Konstitusyong Marcos (Konstitusyong 1973). Sagka ang artikulong ito, na sumusunod sa Artikulo III – “Kalipunan ng mga Karapatan” (Bill of Rights) sa mismong pagtamasa ng mamamayan ng mga karapatan laluna ang karapatang maghapag ng mga karaingan sa gubyerno at mga opisyal nito. Isinasaad nito na dapat maging matapat ang mamamayan sa gubyerno at estado at ipinahihiwatig na bawal batikusin o punahin ang sinumang opisyal ng gubyerno, laluna ang presidente. Wala itong artikulo hinggil sa Katarungang Panlipunan at mga Karapatang Pantao. Kung gayon, walang garantiya sa mga batayang karapatan ng mamamayan sa trabaho o hanapbuhay, karapatan sa lupang mabubungkal at pagmumulan ng ikabubuhay; walang pagkilala at garantiya sa karapatan ng kababaihan, kabataan, mga bata, katutubong Pilipino at sa mga karapatan ng mamamayan sa pagbubuo ng organisasyon at sa sama-samang pagkilos at paghahapag ng mga karaingan. Lalong ibinubukas para dambungin ng mga dayuhan ang likas na yaman ng bansa. Pwede nang pagnegosyohan ng mga dayuhan ang serbisyong panlipunan kabilang ang mga institusyon ng edukasyon at kultura at pasilidad sa transportasyon at komunikasyon. Hindi pa man napagtitibay ang Konstitusyong Duterte-Arroyo, ibinabalato na ni Duterte sa mga dayuhan, laluna sa mga Chinese, ang mga yamang likas, karagatan at kalupaan ng Pilipinas, pati mga trabaho na dapat na unahin ang mga Pilipino. Bukod dito, sa 3-taong yugto ng transisyon (Transitory provisions), may kapangyarihan si Duterte na hirangin ang bagong commissioners ng Civil Service Commission, Commission on Audit at Commission on Elections isang taon makaraan ang ratipikasyon ng Konstitusyong Duterte-Arroyo ayon sa seksyon 12, Artikulo XVII nito. Gayundin, sa seksyon 13 ng parehong artikulo, maaaring muling hirangin sa anumang posisyon sa anumang opisina, ahensya o korporasyong pag-aari/kontrolado ng gubyerno ang sinumang natanggal o naalis sa posisyon bunga ng naturang reorganisasyon. `Higit sa lahat, mariing insulto at pagbabalewala sa mandato ng mamamayan ang pag-aalis kay Bise-Presidente Leni Robredo sa linya ng papalit kay Duterte sakaling siya ay mamatay, magbitiw at mawalan ng kapasidad sa panahon ng transisyon (2019-2022). Ang presidente ng Senado ang papalit kay Duterte. Kaya todo ang pangangampanya ni Duterte para sa paboritong alalay na si Bong Go at iba pang kandidato nito sa pagkasenador. Biguin ang mga pakana ng mapanupil, kontra-mamamayan at maka-dayuhang rehimeng Duterte Nanlilinlang ang rehimeng Duterte at mga galamay nito para makakuha ng boto. Pinakikitid at lalong pinabababaw nila ang mga usapin. Mga walang kawawaang pakulo, pang-aaliw at tahasang kasinungalingan ang kanilang pangangampanya. Tulad sa nakaraan, sa dulo ng kampanya tiyak na bubuhos ang perang pambili ng boto. Lalabas ang mga i-endorso ng mga relihiyon, personalidad, artista at iba pang maiimpluwensya. Lalong matatabunan ang mga isyu at karaingan ng mamamayan. Gawin nating araw ng pagpapasya para sa kinabukasan ng bayan ang Mayo 13! Mamamayan ang dapat magpasya para sa kanilang kinabukasan, hindi ang iilang tirano at hari-harian.
0 Comments
Leave a Reply. |
AuthorWEDECIDE espouses alternative politics. It is a people's electoral campaign advancing people's issues and agenda. ArchivesCategories
All
|