Ikwento Natin Ang Buhay ng Taumbayan
Mahahalagang Elemento ng Dula at iba pang Sulatin: Kwento, Nobela, Sanaysay, at maging ng Tula at Kanta Elemento 1 Tunggalian (Conflict) Walang Drama Kung Walang Tunggalian! Sa isang makauring lipunang tulad ng Pilipinas, ang mga uri ay may iba’t ibang interes at ang mga ito ay nagtutunggalian. Tunggalian ang susi sa kanilang pag-iral. Tunggalian ang nagpapalakas o nagpapahina sa kanila. Tunggalian ang bumabaybay sa kanya-kanyang mga suliranin. Tunggalian ang nagbubuo o nagwawasak sa kanila. Tunggalian ang pumupukaw sa kanya-kanyang iba’t ibang pakiramdam. Tunggalian ang humuhubog ng kanya-kanyang iba’t ibang paninindigan. Tunggalian ang nagbibigay ng drama sa kanilang pagkabuhay. Ang tunggalian ay parang titis na sa patuloy na pagkikiskis ay lalong nagdirikit, umaalab, hanggang maglagablab sa kasukdulan (climax). Sa kasukdulan ng tunggalian, na posibleng maging marahas, ay nagagapi, napapatalsik, napapaslang ng isang panig ang katunggali at nayayanig, kundi man lubos na nababago, ang dating panlipunang kaayusan. Iba’t ibang Porma ng Tunggaliang Kinasasangkutan ng Tao: Tao vs Kalikasan Tao vs Kapwa-Tao Tao vs Panlipunang Kaayusan Exercises: A. Laro ng Iba’t Ibang Uri at Sektor at Berbal na Sagutan ng Magkakatunggali B. Dramatisasyonng Iba’t Ibang Sitwasyon ng Tunggalian ng Bubuing mga Pangkat Palihan Elemento2 Tauhan, Paglalarawang-Tauhan at Pagganap sa Isang Katauhan (Character / Characterization) Huwag Hayaang ang Tauhan Ay Mawala sa Kanyang Sarili! Bawat tauhan ay kabilang sa isang depinidong uri o sektor. Ang uri o sektor na kinabibilangan niya ang nagtatakda ng tiyak na lugar niya sa lipunan. Ito rin – ang kanyang uri o sektor, lugar sa lipunan at panlipunang praktika: pakikibaka sa produksyon, tunggalian ng mga uri at syentipikong eksperimento -- ang pangunahing humuhubog sa kanyang pagkatao: pananaw, paninindigan, at mga paraan sa pakikipamuhay -- liban pa sa kanyang pamilya, paaralan at pamayanan. Ito rin ang lumilikha ng kanyang panloob na tunggalian (internal conflict) at ng mga pakikipagtunggali sa iba pang mga tao sa kanyang paligid. Mga Salik na Dapat Isaalang-alang Hinggil sa Tauhan at Paglalarawang-Tauhan: Sosyolohikal na Salik Sikolohikal na Salik Pisyolohikal na Salik Exercises: A. Sino Ako? Isang 2-3-Minutong Monologo ng Isang Tauhan ng Bawat Isang Workshopper. Note: Isusulat ang Paglalarawang-Tauhan at Huhulahan ng iba pang Kalahok kung Sino Ito. B. Dramatisasyon ng mga Pangkat Palihan Ng Nagpapakita ng mga Tauhan at Tunggalian. K. Mga Tauhang Naghihintay ng Aktor/Awtor O Mga Bagong Bida o Bayani sa mga Kwento Ng Buhay ng Taumbayan Elemento 3 Lenggwahe: Dayalogo at Akting (Language: Dialogue & Body Language/ Acting) Ang lenggwahe ang ekspresyon ng kasarilihan at identidad ng isang tauhan. Isang porma ng lenggwahe ay ang berbal o sinasabi -- tulad ng mga dayalogo sa isang dula sa tanghalan, sa pelikula, o sa telebisyon, o sa mga nakapaniping pangungusap ng mga tauhan sa isang kwento o nobela. Ang isa pa’y ang di-berbal na lenggwahe, o ang ekspresyon sa pamamagitan ng katawan o mga bahagi nito -- body language o body movement – o ang bahaging ginagawa o iniaarte (acting part) ng mga tauhan sa isang drama. Nagkukumbina at kumplimentaryo sa isa’t isa ang lenggwaheng sinasabi at lenggwaheng iniaakto upang magpakilala ng buong mga katauhan o pagkatao. Hindi lang; ang masinop na kumbinasyon ng dalawa ang lumilikha ng mga interesante’t makapangyarihang mga tauhan. Ang Lenggwaheng Pangteatro ay kinukumpleto ng mga ss: Disenyo ng Produksyon (Kabilang ang Sets &Props at Costumes) Inilalarawan nito ang panahon at lunan ng buong dula at ng mga partikular na yugto’t tagpo. Nagtatakda din ito ng depinidong konteksto ng lenggwaheng sinasabi at lenggwaheng iniaarte. Musika at iba pang Tunog Nagpapatingkad ito sa kalagayan ng isip at pakiramdam ng partikular na mga tauhan. Nag-aambag sa kalinawan ng kondisyong mental, sikolohikal at moral ng partikular na mga yugto’t tagpo. Nagbibigay ng ritmo’t pulso, at puso’t kaluluwa sa dula o baha-bahagi nito. Ilaw Hindi lang simpleng inililinaw nito kung ang tagpo’y nagaganap sa araw o gabi. Pinatitingkad din nito ang kalagayan ng isip at pakiramdam ng tauhan ang kondisyong iniluluwal ng mga pangyayari. Pinahuhupa o pinasusukdol din nito ang nagaganap na tunggalian sa gitna ng paghahamok ng liwanag at mga anino. *Samantala, sa iba pang mga porma ng panulat – kwento, nobela o sanaysay – lenggwahe o mga salita ang pangunahing bihis ng mga idea at tunggalian ng mga ito, ng mga tauhan at paglalarawang-tauhan at ng kanilang mga isipin at sinasabi, pakiramdam, aktitud at aksyon, problema at iba’t iba pang kalagayan, ng mga lunan at iba’t ibang panahon, atbp., atbp. Exercises: A. Dramatisasyon ng mga Pangkat Palihan Re Kumbinasyon ng Dayalogo at Pag-arte. B. Pagrebyu sa Pagkakasulat ng mga Tagpong Isinadula; Critiquing K. Remounting ng mga Tagpo; w/ Improvisation ng Musika at iba pang Tunog, at ng Ilaw Elemento4 Katarsis O Pagpupurga / Pagpapadalisay ng Emosyon (Catharsis) Touched Ka Ba? Ito ang panukat kung ang dula ay nakatagos sa manunuod. Nakihalakhak ba ang manunuod – nakigalit? nakiiyak?-- sa mga tauhan habang ipinalalabas ang dula? Nakilungkot ba sa kabiguan? Nakipagdiwang sa tagumpay? Kapag nabasag ang harang sa pagitan ng tanghalan at ng lugar ng mga manunuod at pumaloob ang kaisipan at damdamin ng manunuod sa mga yugto’t tagpo ng dulang itinatanghal, walang-alinlangang ang dula ay nakaantig o nakatagos sa manunuod. Catharsis! Exercises: Paano ba aantig/tatagos sa mga manunuod? A. Mabisang Paghawak sa Emosyon B. Pagdulog sa Kaisipan K. Dramang Walang Damdamin D. Living Theatre Elemento5 Estetiks O Sensibilidad: May Sentidong Artistiko at Intelektwal (Aesthetics) Kumbinsido Ka Ba? Bawat dula – o bawat obra ng panulat – ay may itinataguyod na sensibilidad. Isang kamalayang suportado ng mga sentido sa pagtingin, pandinig, panlasa, pang-amoy at pandama. Kaalamang hinango sa kongkretong reyalidad – ng mga tao, at kanilang mga kalagayan, suliranin, pakikibaka at mithiin; ibig sabihi’y hinalaw sa tunay na mga karanasan ng mga taong may depinidong mga lugar sa lipunan at depinidong mga panlipunang praktika. Bawat obra ay salamin ng panlipunang katotohanan. Ang pagiging artistiko o makasining nito’y nasa pagiging matapat at makatotohanan sa pinaghanguang reyalidad. Ang labas dito’y kalabisan. By: Levy Balgos dela Cruz Teatrong Bayan Reprinted by Serve – Net For Summer Youth Camp 2010 Albis Elem. School, Sitio Bangho, Daclan, Tublay, Benguet
1 Comment
7/2/2023 03:25:46 am
En iyi bilecik ilan sitesi burada. https://bilecik.escorthun.com/
Reply
Leave a Reply. |
Archives
June 2013
Categories
All
|