KAMPANYANG MASA NG KPD (HULYO 2010) I. Kagyat na Pakikitunguhang Sitwasyon: Unang 100 Araw ni PNoy Nagsimula na ang panunungkulan ng bagong halal na Presidente Noynoy ”P.Noy” Aquino. Gaya ng mga nagdaang pakikitungo natin sa mga bagong halal na pangulo ng bansa, magiging mahalaga ang unang 100 araw nito upang itampok ang mga pinakamahahalagang isyu at usapin ng panahon, iugat sa at para ilantad ang kalikasan ng (mapang-api at mapagsamantalang) lipunan, gayundin ang likas na katangian ng sistemang pampulitika at estadong sumusuhay dito (sa lipunan). Para sa pinakamaagang panahon, kahit man di sing-ikli ng 100 araw, ay maipareyalisa sa pinakamalawak na mamamayan na wala sa iisang tao; pangulo man o ministro, si P.Noy man o iba, sinsero man siya o tuso, ang tunay (genuine) na ipagbabago ng lipunan. Ang tunay na pagbabago ay nasa kapasyahan at pagkilos ng mamamayan. –Sila ang tatapos sa pagsasamantala, kaapihan at inhustisyang dinaranas nila. –Sila ang tanging may kakayahang baligtarin ang mundo. –Sila, tanging sila, sa gabay at pamumuno ng abanteng seksyon/uri nito lamang tunay na mababago ang lipunan. Kung kaya, ang KPD ay walang ilusyon na ang mga pundamental na pagbabagong kinakailangan ng bansa ay itataguyod ni P.Noy. Sa katunayan, siya ang pinili ng imperyalistang US at ng elite na naghaharing uri bilang kinatawan ng kanilang interes. Ngunit kinikilala natin ang popular na mandatong ibinigay sa kanya ng taumbayan, isang mandatong kumakatawan sa ’clamor for change’. Ang paulit-ulit na mga salita ni P.Noy na ’kayo ang aking boss’ at ’di ko kayo bibiguin’ ay pagkilala na ipinanalo siya ng taumbayang naghahangad ng pagbabago. Gagamitin ito ng mamamayan para hingin kay P.Noy na maging matapat sa adkain sa pagbabago at singilin siya kapag tinalikuran niya ito. Kaiba sa naging pakikitungo natin kay GMA na paglalantad agad sa kanya ang ating nilayon sa mga unang araw pa lamang ng pagkaluklok niya sa poder (matatandaan ang ating GMA countdown...) dahil sa mahaba nang track record niya (sa konggreso at senado) ng pagiging subok at matapat na tagapagtaguyod ng imperyalistang interes. Ang Unang 100 Araw ni P.Noy sa pagkapangulo ay tiyak na ’honeymoon’ ng gobyerno niya sa mamamayan, ngunit hindi lang iyon, layon nating hamunin siyang kagyat na magpatupad ng makabuluhang reporma tulad ng pangako niya nuong panahon ng eleksyon. Ngunit higit sa paghamon kay P.Noy, kailangan niyang totohanin na ’boss’ nga nya ang mamamayan; kailangan ang malakas na presyur mula sa ’boss’ para totoong magpatupad ng mga pagbabago at reporma. Kaya layunin ng ating kampanya na ipakita at ilinaw sa mamamayan na kailangan ang patuloy na paggigiit at pagkilos para magkaroon ng mga konkretong pagbabago, at laging pagpapaalala sa gobyerno ni P.Noy (every step of the way) na anumang pasya/galaw niya na taliwas sa kapasyahan ng mamamayan ay magiging mga kaso ng kataksilan sa mamamayan. ’Ika nga, ang kanyang magiging tindig at mga hakbang ”will make or break his administration”. Habang patuloy nating inihahapag ang ating mga pagsusuri at alternatibong tindig sa mga usapin sa ekonomya’t kabuhayan, demokrasya’t karapatang pantao, patrimonya’t soberanya at sa pandaigdigang imperyalistang kaayusan na nagpapanatili sa neo-kolonyal at malapyudal na katangian ng ating lipunan, ihain natin sa administrasyong Aquino ang mga kahilingang maaari nitong kagyat na mapakitunguhan – mga reporma para kahit paano’y ibsan ang kahirapan, kagyat na bigyang solusyon ang kawalan ng trabaho’t kabuhayan at kakapusan sa batayang serbisyo; gayundin, ang kagyat na pagharap sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, korapsyon, at iba pa. Sa Unang 100 Araw ni PNoy, kailangang marinig niya ang malakas na boses ng mamamayang humihiling ng pagbabago. Ipaabot natin kay PNoy: ”Tahakin ang Tuwid na Daan! Maglingkod sa Mamamayan! Pagbabago, Simulan na at maging Puspusan!” II. Ang Ating Agenda at Mga Kahilingan (Immediate Demands) Sa unang 100 araw ng bagong pamahalaan, ilunsad natin ang isang kampanyang magtatambol sa nilalaman ng Agenda ng Mamamayan at pag-demand sa administrasyong Aquino na simulan na ang pagbabago sa pamamagitan ng pag-address sa ilang mahahalaga at kagyat na usapin ng mamamayan. Ang ating kampanya ay magsisimula sa unang araw pero hindi matatapos sa ika-isang daang araw nito. Inaasahan nating may mga tiyak na mga kagyat na usaping bibigyan ng pansamantalang solusyon, mayroong masisimulan ang mabubuway na hakbang tungo sa kalutasan at mayroon (at tiyak na marami at malalaki pa) na nangangailangan ng matinding pakikibaka ng malawak na bilang ng masa para unti-unti makatulak ng matatag na hakbang pasulong. Ang katangian ng kampanya ay kumbinasyon ng prop-ed, sa mga usaping kinakailangan nang ihain at patampukin dahil sa malalaking implikasyon nito sa ekonomya at pulitika ng bansa pero hindi pa maaasahan ang agarang solusyon at taktikal na mga laban sa mga isyung hinahangad ang kagyat at malinaw na hakbang ni P.Noy. 1. Ngayon pa lang ay ihain na natin ang pagpapawalang bisa (undo) sa mga batas at Executive Orders (EOs) at pagpapabasura sa mga balakin na nagkokompromiso sa ating ekonomya, patrimonya’t soberanya at yumuyurak sa mga kalayaang sibil at karapatang pantao kasabay ng paghahain ng mga alternatibang tunay na makabayan, makamamamayan, makatarungan at mapagkalinga sa kapaligiran. a. Ibasura ang Visiting Forces Agreement (VFA) at Mutual Logistics Support Agreement (MLSA); Hilingin ang pag-pull out ng tropang kano sa Mindanao at saan mang lugar na sakop ng teritoryo ng bansa na may presensya nila; b. Repasuhinang mga pinatutupad na kasunduan sa pakikipagkalakalan na pinasok ng bansa pati na ang mga nakabinbin pa gaya ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA), RP-China Agricultural Agreements, EU-Philippines Partnership Cooperation Agreement (PCA) at kagyat na iutos ang pagpapawalambisa kapag nakitang makaisang panig at dehado tayo at lumalabag sa mga probisyon sa Konstitusyon; c. Repasuhin/baguhin ang Investment Incentive Act at Financial and Technical Assistance Act para sa mga dayuhang negosyo sa Pilipinas.; d. Moratorium sa pagbabayad utang at i-divert ang pondo para dito sa pagsasaayos at pagpapatupad sa mga kagyat na kinakailangang reporma. e. Ipatigil ang pagsasapribado ng mga natitira pang government-owned and controlled water at power utilities para tiyakin ng bagong pamahalaang P.Noy ang pag-agapay sa pangangailangan ng mamamayan para sa probisyon ng malinis na tubig at tuluy-tuloy na daloy ng kuryente; f. Pagsikapan at tiyakin ang murang pagkain at bilihin. Magpatupad ng price control sa pinakasaligang pangangailangan at/o suportang presyo para makayang bilhin ng maralitang anakpawis; g. Bawiin ang mga EO ni GMA na may implikasyon sa kalayaang sibil at karapatan ng mamamayan gaya ng calibrated preemptive response (CPR), EO 464 o executive privilege at iba pa. h. Repasuhin ang IPRA at magbuo ng partikular na IRR nito na magtitiyak sa sariling pagpapasya (self determination) at pangangalaga sa mga lupang ninuno at hindi mapupunta lamang kalaunan sa kontrol ng mga dayuhan at malalaking negosyo. 2. Hinggil sa BNPP (Bataan Nuclear Power Plant) a. Tapusin na ang usapin sa isyu ng muling pagbuhay sa BNPP. Ipaalala kay P.Noy na isa sa mga maituturing na legacy ng kanyang inang si Cory ang mothballing nito. Hilingin ang paglalansag sa infrastructure ng BNPP para maging pinal at matuldukan na ang isyung ito. b. Iprioritize at paglaanan ng pondo ang pananaliksik hanggang aktwal na pagdedebelop at paggamit sa iba pang sustainable at renewable sources of energy. c. Kaugnay nito, isagawa ng KPD at NFBM (Nuclear-Free Bataan Movement) leaders ang pakikipagdayalogo at paghahain ng petisyon kay P.Noy. Itulak pa rin ang dati nang plano ng pagpetisyon sa lokal na gubyerno ng Bataan (municipal hanggang provincial) ng pagpapasa ng tiyak na ordinansa para huwag payagan ang pagtatayo ng anumang istrukturang nukleyar saanman sa probinsya (declaring Bataan a nuclear-free zone). Pagsikapang magawa rin ito sa mga karatig-probinsya at iba pang rehiyon/probinsyang kasama sa balak tayuan ng plantang nukleyar ng dating rehimeng GMA. 3. Hinggil sa Kampanyang Anti-Mining a. Ang kampanya laban sa pagmimina sa Zambales ang ating pangunahing iha-highlight para sa kampanyang anti-mining. Tuntungan ang economic at social costs at ang pagkawasak ng kapaligiran dulot ng pagmimina sa Zambales; b. Ito ang gagawin nating kongkretong kaso ng masamang epektong idinulot ng lansakan at walang-habas na pagmiminang binigyang-daan ng Mining Act of 1995; c. Hilingin kay P.Noy ang pagbasura sa Mining Law na nagbibigay karapatan sa mga korporasyong dayuhan na dambungin ang likas-yaman, sumisira sa kapaligiran at nagdi-dislocate sa maraming mamamayan; d. Hilingin kay P.Noy na suportahan ang pagpapasa ng isang Alternative Mining Bill sa Kongreso na inihain ng mga environmental at anti-mining groups at sya rin nating sinusuportahan (tingnan ang nauna nang ipinadala sa lahat na kopya ng bill); e. Maagap na magpetisyon sa lokal na gubyerno (municipal hanggang provincial) na agad na magsagawa ng assessment sa epekto ng pagmimina laluna sa kapaligiran at kabuhayan ng mamamayan at habang isinasagawa ito ay iutos ang pagpapatigil ng mga operasyon sa pagmimina. 4. Hinggil sa pagtataguyod ng Karapatang Pantao a. Agad na hilingin ang pagpapalaya sa mga political prisoners o PPs lalo’t marami sa kanila ay mga kasapi ng lehitimong people’s organizations na hinuli at ikinulong ng labag sa batas; b. Ang kagyat na pagpapalaya sa mga PPs ay magiging confidence-building measure at pagpapapakita din ng sinseridad ng administrasyon ni P.Noy sa pagpapatuloy ng mga usapang pangkapayapaan. (Nuong panahon ni Cory, ito ang unang kautusan sa kanyang unang 100 araw sa poder); c. Para dito, agad na tipunin ng mga chapters na may PPs, ang profile at case status ng mga PPs sa ating mga erya at isentro sa pambansang kalihiman. Agad na makikipag-coordinate ang pambansang sentro sa iba pang mga polblocs na may PPs din para igulong ang kampanya; d. Bigyan ng hustisya ang mga biktima ng extra-judicial killings (ejk), enforced dissappearances at iba pang kaso ng paglabag sa karapatang pantao. i. Hilingin ang pagbubuo ng isang Presidential Commission na mag-iimbestiga sa lahat ng mga kaso ng ejk at enforced disappearances at magbibigay-parusa sa mga sangkot dito; ii. Hilingin din ang mabilis na pagbibigay hustisya sa mga biktima ng Maguindanao Massacre. e. Hilingin na ipag-utos ang kagyat na pagpapasa ng Freedom of Information Bill sa pagbubukas ng bagong Konggreso; f. Hilingin ang resolusyon sa matagal nang kaso ng paghingi ng hustisya para sa mga biktima ng karahasang sekswal nuong WW2 tulad ng Malaya Lolas; g. Kagyat na hilingin ang pagpapatigil ng gyera sa Mindanao at pagpapatupad ng isang rehabilitation program para sa mga biktima ng digmaan at militarisasyon laluna para sa kababaihan at bata (women and children in cases of armed conflict). *Ang letrang f at g ay pangunahing itinataguyod ng KaisaKa. 5. Kampanyang ”Kung Walang Korap, Walang Mahirap” a. Ang Truth Commission para imbestigahan ang mga kaso ng korapsyon sa gubyerno ay unang hakbang lamang. Kailangang tiyaking maparurusahan ang mga sangkot laluna sa mga malalaking kasong tulad ng NBN-ZTE, Fertilizer Scam, atbpa. Mag-sample sa mga malalaki para matakot ang maliliit, gaya ng pagtugis sa mga kaso ng mag-asawang GMA at Mike Arroyo; b. Maglabas ng kautusan para tanggalin ang mga korap at walang silbing mga director, pangasiwaan at iba pang upisyal ng gubyerno na may iniingatang interes maliban sa paglilingkod sa mamamayan; c. Tugisin at parusahan ang mga tax evaders; umpisahan sa malalaki. Ipatigil ang tax amnesty sa mga malalaking tax evaders. 6. Tiyakin ang paglikha ng sapat at marangal na trabaho para sa masang anakpawis. a. Tiyakin ang seguridad sa trabaho at nakabubuhay na pasahod at itigil ang kontraktwalisasyon sa paggawa! Kaugnay nito idemand kay P.Noy na iutos ang pagpapasa ng Security of Tenure Law sa Kongreso at at pagbigo ng pagpapasa ng mga nakasulong na amyenda sa Batas paggawa; b. Lumikha ng trabaho para sa mamamayan! Magbalangkas ng isang Employment Creation Program na tumutugon sa pangmatagalang layunin ng pagpapaunlad ng lokal na produksyon at industriyalisasyon, hindi Emergency Employment Program na pansamantala ang katangian; c. Tiyaking lilikhain ang quality domestic employment para sa kababaihan para hindi sila naoobligang umalis ng bansa; d. Bigyang proteksyon ang mga OFWs! Magbalangkas ng Social Protection Measures na tunay na mangangalaga sa kanilang karapatan at kagalingan (welfare) at gawin itong batayan ng pakikipagnegosasyon sa mga gubyerno ng mga bansa kung saan mayroong OFWs; e. Tiyakin ang karapatan ng mga manggagawa sa pagbubuo ng unyon at sa CBA. Hilingin kay P.Noy na magpakita ng ”goodwill for the labor sector” at hilingin dito ang pagbibigay ng malinaw na pusisyong pabor sa isyu ng Hanjin workers hinggil sa karapatang mag-organisa/karapatan sa pag-uunyon at magsagawa ng kongkretong hakbang dito gaya ng pag-uutos sa DOLE na kagyat na aprubahan ang sertipikasyon ng unyon; f. Tiyakin na ang mga pondong mula sa SSS, GSIS at iba pang pondong pampubliko ay nagagamit para sa mga pangangailangang pangkalusugan, hospitalisasyon at pensyon ng mamamayan. *Ang mga manggagawa at mala-manggagawa sa ilalim ng MAKABAYAN ang mangunguna sa pagtatguyod ng mga isyu at kampanyang ito kaagapay ang LUPA, ASSERT at KaisaKa. 7. Itaguyod ang repormang agraryo at pangisdaan gayundin ang rehabilitasyon nito. a. Magsagawa ng isang tunay na programa para sa repormang agraryo na katatampukan ng pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang walang sinasaka. Hilingin kay P.Noy na magbigay ng malinaw na tindig para sa repormang agraryo at iutos ang agad na pagresolba sa mga kasong agraryo pabor sa maliliit na magsasaka; b. Lagyan ng mahigpit na regulasyon ang importasyon ng bigas at iba pang produktong agrikultural na nakakasira sa lokal na produksyon at konsentrahan ang pagpapataas ng produksyon ng palay at iba pang food crops. Para dito, i. Mahigpit na ipatupad ang pasya ng Supreme Court (Hunyo 18, 2010) na ipatupad ang DAR Memo 88 hinggil sa moratorium sa land use conversion ng mga lupaing agrikultural nuong Abril 15, 2008. Parusahan ang sinumang lumabag sa desisyong ito. ii. Ibigay ang nararapat na subsidyo sa agrikultura at magsasaka mula sa pagsisimula ng produksyon hanggang sa pagdadagdag ng pondong nakalaan sa direktang pagbili ng palay at iba pang produkto ng magsasaka; c. Ipawalambisa ang Fisheries Code at magbalangkas ng Kumprehensibong Batas Pampangisdaan na magtitiyak ng kontrol ng mamamayan sa mga katubigan, karagatan at likas na yaman ng Pilipinas; d. Ibigay ang nararapat na subsidyo para sa pangangalaga at pagpapanumbalik ng likas na yaman ng pangisdaan. Tiyakin ang suporta sa mga mangingisda upang maitaas ang kakayanang magamit at mapangalagaan ang pangisdaan; e. Ipatigil ang Reklamasyon ng Manila Bay na labis na nakaaapekto at nagdidislocate sa maraming mangingisda at magbalangkas ng programa para sa tunay na rehabilitasyon ng lawa na kalahok ang mga nakikinabang dito na maliliit na mangingisda. *Ang PKMM at PANGISDA ang mangunguna sa pagsusulong ng mga kahilingang ito na tutugon sa pagpapaunlad ng produksyon at kabuhayan para hanguin ang maralitang magsasaka’t mangingisda sa kahirapan. 8. Kunin kay P.Noy ang malinaw na tindig hinggil sa karapatan ng mga kababaihan laban sa lahat ng anyo ng diskriminasyon at pagsasamantalang pisikal, sosyal pulitikal at ekonomiko. Kailangan mapatunayan ang pagkilala niya sa absolutong karapatan ng kababaihan sa pisikal na integridad nila. Kaugnay nito, a. Tiyakin ang mahigpit na pagpapalaganap at pagpapatupad ng mga naipasang batas para sa karapatan ng kababaihan at bata tulad ng VAWC iba pa; b. Ipawalang-bisa ang mga batas at kalakaran na nagdidiscriminate sa kababaihan tulad ng batas hinggil sa mga anak sa labas, diskriminasyon sa sweldo, promosyon at treyning, sexual harrassment, etc; c. Pinakakagyat para sa kababaihan ang pagpapasa ng isang tunay na Reproductive Health Law upang mapangalagaan ng batas ang karapatan niyang pagpasyahan ang sariling katawan; d. Maaari na ring simulang itulak ang malilinaw na implementing rules para sa kapapasang Magna Carta of Women nitong nakaraang Konggreso. *Ang KaisaKa ang pangunahing nagsusulong ng mga kahilingang ito kasabay na nangunguna rin ang Kaisaka sa pagharap sa mga isyung pulitikal at pang-ekonomiko na may matinding implikasyon sa kondisyon ng kababaihan, mga bata at matanda gaya ng gyera’t militarisasyon, VFA, edukaasyon, health care, at iba pa. 9. Ilagay sa unahan ang edukasyon dahil ang edukasyon ay kapangyarihan. Ang mamamayang may wastong kaalaman ang yaman at puhunan para sa pagbabagong panlipunan. Sa balangkas ng pagsusulong sa reoryentasyon ng sistemang pang-edukasyon para maging tunay na makabayan at maka-mamamayan, kagyat na itulak ang mga sumusunod: a. Gawing nangungunang prayoridad sa budget ng bagong administrasyon ang edukasyon! Hilingin kay P.Noy na gawin niya itong ‘hallmark’ ng kanyang paggugubyerno. b. Pangunahing ilaan ang pondo sa pagpapaunlad ng pampublikong edukasyon (mula basic hanggang tertiary) na mangangahulugan ng pagpaparami pa ng mga pampublikong paaralan sa elementary at hayskul; c. Ilimita sa ilan lamang ang mga State Colleges and Universities (SCUs) ngunit gawing mahusay at masaklaw ang operasyon at sistema sa iba’t ibang panig ng bansa; d. Palakasin ang mga technical schools na ang mga kasanayang ibinibigay ay tunay na sasalamin sa pangangailangan sa pambansang industriyang dapat pagsikapan; e. Pagmomodernisa ng mga pasilidad, imprastruktura at kagamitan, pagsasaayos ng curriculum na tunay na makatutugon sa reoryentasyong hinahangad at paghahasa sa mga guro; f. Itaas ang sahod ng mga guro at tiyakin ang genuine social insurance nila. Kaugnay nito ipag-utos ang kagyat na pag-aayos sa mga reklamo ng mga guro sa GSIS gaya ng illegal deductions at penalties. g. Ipag-utos ang pagpapatigil sa pagtataas ng matrikula ng mga pribadong educational institutions laluna sa antas tersaryo. *Ang ASSERT at YND ang mangunguna sa pagtataguyod ng mga kahilingan at kampanyang ito. 10. Iprayoridad ang kalusugan. Tiyakin ang kalusugan ng lahat ng mamamayan na may diin sa pagpapabuti at pagpapalakas ng primary health care system/program. a. Dagdagan ang alokasyon para sa pampublikong kalusugan, gayundin ang pagpapatigil sa pribatisasyon ng mga pampublikong pagamutan; b. Ireporma ang PhilHealth system tungo sa universal quality health care; Palakasin ang mga rural health units at ipag-utos ang pagdaragdag sa sahod at pagtitiyak sa benipisyo ng mga Pilipinong duktor, nurse, iba pang health workers bilang unang hakbang sa pagpapahinto sa migrasyon ng health professionals o kaya’y pagtatrabaho sa mga pribadong health institutions. . c. Pag-aralan natin ang posibilidad ng pagsusulong ng isang taktikal na laban para kamtin ang universal health care. Makipag-ugnayan tayo sa mga grupong may pangunahing taya sa usaping pangkalusugan para sa pag-draft ng isang legislative bill para dito at kumausap ng mga progresibong mambabatas para itulak ito. Ito ang maaaring tuntungan ng ilulunsad na kampanya. 11. Balangkasin ang isang matibay na programang pabahay para sa mga maralitang komunidad. Kaugnay nito, a. Tiyakin ang programang pabahay na abot-kaya ng maralita at mayroong saligang pangangailangan tulad ng tubig, kuryente at pangangalagang pangkalusugan at malapit lamang sa lugar ng trabahuhan (workplace), paaralan at ospital. b. Hilingin kay P.Noy na maglabas ng EO para sa 3-taong moratorium sa demolisyon ng mga iskwater; i. Bahagi tayo ng isang malawak na pagsisikap para makatipon ng isang milyong pirma para sa kahilingang ito kaya’t pagsikapan natin na makapag-ambag ng malaki dito; ii. Gayundin, ilunsad ang mga lokal na pagkilos sa mga komunidad na naruon tayo para sa pagpapatampok ng panawagan na tiyak na makaaabot kay P.Noy. c. Magbigay ng subsidyo sa bawat maralitang household na kumukonsumo ng 10 cubic meter sa tubig at mga households na kumukonsumo ng 100 kwh minimum na gamit sa kuryente *Bagama’t dala ito ang lahat ng sektor sa kalunsuran, ang LUPA, kaagapay ang MAKABAYAN at PANGISDA (sa mga erya sa NCR na may ganitong usapin) ang pangunahing magtataguyod ng kampanyang ito. 12. Iutos ang pagpapasa ng Anti-Dynasty Law na magbabawal at tatapos sa pag-iral ng mga dinastiyang pulitikal at magbibigay-dagok sa feudal patronage system based on clan. Gayundin, iutos ang kagyat na paglalansag ng mga private armies. Hilingin na agad na magbigay si PNoy ng malinaw na tindig dito. a. Ilapit sa mga organisasyon ng mga abogado tulad ng Flag, Ateneo Lawyers Group, UP Lawyers Group at iba pa at sa mga progresibong mambabatas ang pagsisiyasat at pagbubuo ng panukalang batas na magwawakas sa mga dinastiyang pulitikal. (Anti-Dynasty Bill); b. Ilapit sa mga journalists ang pagbubuo ng in-depth study hinggil sa dinastyang pulitikal sa bansa; ang ugat at kasaysayan, bakit ito malalim na nakaugat sa pyudal- na-patronatong- nakabatay-sa-angkan na sistemang pulitikal sa bansa. Ilabas sa mga broadsheets, sa mga programa sa TV at itambol bilang kagyat na usapin; c. Engganyuhin ang academe na paksain sa mga unibersidad, mga porum at seminars ang usapin ng dinastyang pulitikal para mabuo ang bastyon ng malakas na kaisipang kontra-agos laban dito. 13. Hinggil sa Charter Change, nananatiling ‘NO’ ang ating pusisyon. Hindi papayag ang mamamayan at hindi rin mabubuo ang consensus ng naghaharing uri ng ganito kaaga (kahit gawin pa itong kaengga-engganyo para sa mga nakapwesto sa poder via Con-con) dahil sa nagdudumilat na maitim na balak ni GMA na sikutan ang mga criminal at sibil na pananagutan niya at ng kanyang pamilya at para makabalik sa sentro ng kapangyarihan. a. Dapat makarating kay P.Noy na hindi ang ChaCha ang behikulo sa pagtahak sa daang matuwid at para sa pagbabago kundi ang pagpapanatili at pagsasabuhay ng mga nasyunalistang probisyon sa Konstitusyon na nagpoprotekta sa pambansang ekonomya’t patrimonya (Art. 12) at nagtataguyod sa mga karapatang sibil (Article on Bill of Rights). b. Sa halip ay hilingin sa kanya na itaguyod ang nakasaad sa Konstitusyon at gawing batayan ng pagpapabasura sa mga kasalukuyang batas, patakaran at mga bagong pagtatangka na lumalabag dito. Gaya ng nauna nang nabanggit, ang lahat ng pagsisikap sa prop-ed ay dapat na umabot sa pinakamalaking bilang ng mamamayang kayang pagkaisahin para angkinin at isulong ang mga kampanya para sa kagyat na mga kahilingang reporma. Kaalinsabay, tiyakin natin ang pagkakaorganisa nila sa anumang pormasyong mayroon tayo – issue-based, broad, sektoral o direkta sa kpd habang tuluy-tuloy na iminumulat sila sa mas malalaking usapin ng lipunan at mga tunay na solusyon dito. Ang mga taktikal na laban at pakikibakang masa ay dapat na maging tunay na pagsisikap ng masa. Maging mapanlikha tayo sa pag-iisip at paglulunsad ng mga porma ng pagkilos na magagawang lahukan ng nakararami. III. Kagyat na mga Tungkulin at Prosesong Pang-Organisasyong Isasagawa 1. Tiyakin ang unipikasyon ng lahat ng balangay, affiliates at kasapi sa binuong plano sa kampanya ng KPD. Gamitin sa unipikasyon ang dalawang papel ng KPD; ang Post-Election Paper (Ang Resulta ng Eleksyong 2010 at Ang Ating Mga Tungkulin), ang papel sa kampanyang masang ito at mga partikular na papel na inilabas/ilalabas ng mga sektor at balangay. Tiyakin ang mahigpit na pagkakaisa ng lahat ng lider at kasapi ng KPD sa pagsusuri, taktika at mga hakbang sa kampanyang masa. 2. Agad na magbuo ng detalyadong action plan ang mga pormasyong sektoral, local chapters, at pinamumunuang campaign at sectoral formations tulad ng NFBM, DEFEND-Zambales, Kilos Manila Bay, Task Force Hanjin at iba pa. Kailangang abutin sa pagpaplano ang mga tiyak na aktibidad at pagkilos na isasagawa laluna sa mga tinukoy na taktikal na laban. Kailangang mabilisan ito lalo’t ang kagyat na pinakikitunguhan natin ay ang Unang 100 Araw ni PNoy. Ang dati nang mga red letter dates ay gawing okasyon ng pagpapakilos sa mga ispesipikong usapin. 2. Bagamat ang ating diin ay ang pagpapatingkad sa sariling gulong ng kampanya at pagbubuo ng mas malalapad na pormasyon (broad formations) na tayo ang nagtitimon, panatilihin at pagbutihin ang engagement sa mga broad formations na ating nilalahukan na nagkakampanya sa mga mahahalagang usaping pulitikal gaya ng Stop the War! Coalition at Citizens Peace Watch para sa VFA at Gyera; Kampanya para sa Makataong Pamumuhay (KAMP) para sa kagalingang panlipunan; Alternative Mining Bill Network at iba pa. Ang ilang malalaking laban ay pangunahing padadaluyin sa broad na pagsisikap na ito na pinagsasamahan ng iba’t ibang polblocs kabilang tayo. Depende sa takbo ng isyu at gulong ng kampanya, maaari nating tingnan ang posibilidad ng pagbuhay sa mga dati nating itinayong broad formations tulad ng Reject ChaCha Movement! (RCCM). Kung kinakailangan, papangunahan din ng ating mga sectoral formations ang pagbubuo ng broad formations sa mga ikinakampanyang isyu at dini-develop na taktikal na laban. 3. Pagplanuhan at paghandaan ang SONA bilang malaking okasyon para sa pagpapatampok ng ating Agenda. #######
4 Comments
3/21/2011 09:53:29 am
Your blog is so great . I'd like to read the information about it, so how does it work? Do you want to know the MBT shoes ? MBT shoes on hot sale ! Absence to love is what wind is to fire. It extinguishes the small; it inflames the great.
Reply
Mary
8/23/2016 01:54:26 pm
Kami ay ang United Nations Development Organization Job Opportunity:
Reply
Leave a Reply. |
AuthorKilusan is a quarterly publication of Kilusan para sa Pambansang Demokrasya. Archives
January 2021
|