Ang Pampulitikang Sitwasyon at ang Eleksyong 2010 at Ating Mga Tungkulin I. Pagsusuri sa Kasalukuyang Pampulitikang Sitwasyon Sa Hanay ng mga Elitista at Reaksyunaryo Ang hugis ng pulitika sa kasalukuyan ay pangunahing nagpapakita sa pag-aabala ng lahat ng pulitiko at mga partidong elektoral para sa eleksyong 2010. Tukoy na kung sino ang magsisipaglabanan sa pagkapresidente, bise presidente at sa iba pang pusisyon kapwa sa pambansa at lokal na antas. Hindi nabuo ang kaisahan ng reaksyunaryong oposisyon gayundin ng naghaharing koalisyon para sa paghirang ng kandidato sa pagkapresidente. Kahit naging malakas ang panawagan ng pagtakbo ni Noynoy, at maging matapos itong magpasyang tatakbo, hindi nito naimpluwensyahan ang mga pangunahing personahe sa ibang paksyon ng oposisyon na bawiin ang kandidatura. Tuloy ang pagtakbo nina Erap, Villar at Bro. Eddie. Hindi rin napuspos ang pagsasanib ng Lakas-CMD at KAMPI. Maraming hindi pabor sa pagpili kay Gibo Teodoro bilang standard bearer ng administrasyon. Naglipatan ang maraming mga personahe at pwersa nito sa bakod ng LP at NP sa pagtayang dehado ang kandidato ng administrasyon kay Noynoy at Villar. Ang maniobra ng kampo ni GMA ay naging lantaran sa panibagong pagtatangka na ilusot ang chacha. Si GMA ay tatakbo bilang kongresista sa Pampanga. Samantala, inihahabol ng kanyang mga alipures sa Kongreso, sa pangunguna ni Rep. Prospero Nograles ang pag-apruba sa chacha. Ang bagong panukalang HB 6975 ay naglalayong buuin ang Concon bilang paraan ng pag-aamyenda sa Konstitusyon. Ang paghahalal sa mga delegado ay isasabay sa eleksyon ng barangay sa Oktubre 25, 2010 at ang pormal naman na pagsisimula ng sesyon ng 303 halal na delegado ng Concon ay sa unang lunes ng Nobyembre 2010. Mahigpit na suportado ni GMA ang panukalang ito at sa katunayan ay inilagay ito bilang isa sa mga priority bills ng Kongreso. Nasa second reading na ito sa mababang kapulungan at tinatayang maipapasa bago ang pagsasara ng 14th Congress sa Pebrero 5. Nakakasa na rin ang patawag na special session ng Kongreso at Senado para sa pag-aapruba sa mga maiiwang priority bills ng administrasyon kapag nagtapos na ang sesyon. Ngayon palang ay nangangampanya na si GMA, hindi lang para sa pagka-kongresista ng kanyang lalawigan, kundi para sa pagtitiyak ng kanyang pwesto bilang punong ministro kapag natuloy ang pagpapalit ng porma ng gubyerno (na matagal nang kaisahan ng mga elitista sa chacha). Samantala, bagamat makipot, nananatiling posibilidad ang pakanang no proc, no win o failure of elections. Anumang banta o pakana dito ay pangunahing sa rehimeng GMA magmumula. Habang papainit ang sitwasyon, mula sa pagsisimula ng kampanyahan hanggang sa takdang araw ng eleksyon sa Mayo 10, dapat na maging alerto pa rin sa posibleng pihit ng sitwasyon, laluna kung magaganap ang matinding karahasan at dayaan. Sa antas pambansa hanggang lokal, ang nangingibabaw pa din ay ang makitid na pananaw at linya ng paglalabanan ng mga personalidad at karakter. Nakamarka pa rin ang pulitika ng mga patron (patronage politics) na siyang katangian ng reaksyunaryong pulitika sa Pilipinas. Ang ganitong manipestasyon ng tradisyunal na pulitika ng mga patron (patronage politics) ay malakas na dinadala ng karamihan sa mga nagnanais na kumandidato sa iba’t ibang antas kung saan ang nangingibabaw ay ang mga personal na interes, personal na ugnayan at katapatan ang nagpapasya ang hindi ang interes ng partido at lalong hindi ang interes ng malawak na masa ng mamamayan. Sa Hanay ng Mamamayan Tumatagos na din sa hanay ng mamamayan sa lahat ng sektor ng lipunan ang mga pagkilos at kaabalahan kaugnay ng eleksyon 2010. Mayroong partikular na kabuluhan ang eleksyong 2010 sa punto na nagdudulot ito ng pagkakataon na muling buhayin sa hanay ng mamamayan ang pag-asa ng pagbabago. Ang hangarin sa pagbabago na pangunahing itinataguyod ng pulitikalisadong seksyon, laluna ng peti-burgesya (middle class), ay lampas sa simpleng pagpapalit ng tao at labanan ng mga personalidad. Ang ganitong pag-asa ay sumibol sa pagkamatay ni Cory Aquino. Ang paglalamay at, laluna, ang paglilibing sa kanya ay naging okasyon sa pagpapamalas ng mamamayan ng pagkamuhi at protesta sa rehimeng GMA. Si Cory ay ginawang simbolo ng galit at paglaban ng mamamayan sa rehimen. Nag-aanyo ito ngayon sa nauna nang kampanya na itinutulak ng dalawang pinakamalaking radio-tv media network at ng Simbahan para sa malinis at matapat na eleksyon at responsableng pagboto. Makabuluhang maituturing din ang nadedebelop na kilusan ng mga First Time Voters o mga kabataang bagong botante. Gayung makitid sa mga panawagang “bantay boto” at “malinis at tapat na eleksyon”, positibo na itong panimula ng kanilang pagsangkot sa mga usaping lampas sa campus para tumungo sa pagkakaroon ng kamalayang panlipunan at pampulitika. Maliit at mahina pa ang pwersang nagdadala ng bagong pulitika na nakasalalay sa malawak na masa ng mamamayan at sa pagtataguyod ng kanilang interes. Pero ang lumalakas na clamor para sa pagbabago na lampas sa pagpapalit ng personahe na pangunahing dala ng panggitnang uri at may malakas na batak sa kabataan ay matutuntungan para sa pagpupukaw para sa bagong pulitikang nakatuntong sa tunay na interes ng malawak na masa at nakasalalalay sa lakas nito. II. Ang Ating Pakikitungo at Tungkulin Mainit na usapin na ngayon ang eleksyon at nararapat lamang na mapakitunguhan natin ito. Gayunpaman, mahalaga na makita at maipwesto ito sa mas malaking sitwasyong pambansa na nagaganap, laluna sa gitna ng patuloy na krisis pang-ekonomya. Mula dito, ang ating pangkalahatang mga tungkulin at kampanyang masa ay nakapatungkol sa pagharap sa buong sitwasyon at partikular sa gaganaping eleksyon 2010 at mga magiging kaganapan kaugnay nito. Idinidiin natin sa ating mga tungkulin ang sumusunod: 1) Ang pangkahalatang pakikitungo ay ang pagtutulak sa mga batayang isyu ng mamamayan (sektoral, lokal, mga isyung pulitikal at pang-ekonomiya) sa gitna ng malakas na agos ng eleksyon. Ø Bubuuin at itatambol natin ang isang people’s agendana naglalaman ng ating mga pangunahing isyu’t usapin at nagtataguyod sa ating mga pangunahing panawagan tulad ng demand ng mga manggagawa at mga guro para sa kanilang sahod, benepisyo at karapatan; ng mga magsasaka at mangingisda para sa makatarungang presyo ng kanilang produkto, pagpapababa sa gastos sa produksyon, karapatan sa pagbubungkal ng lupa at iba pa; mga isyu ng kababaihan laban sa double standard, karahasang sekswal, iba pa; pagpapabasura sa mga makadayuhan at anti-mamamayang tratado, kasunduan, mga batas at patakaran gaya ng VFA/MLSA/MDT, JPEPA, Human Security Act, atbp; Ø Sa paghahapag natin ng ating pagsusuri, pagsikapan natin na maipakita sa mamamayan na hindi sa pamamagitan ng eleksyon at ireresulta nito makakamit ang pagresolba sa ating mga suliranin gaya ng pinatunayan na ng maraming nagdaang eleksyon. Ipaunawa natin sa kanila na ang higit na mahalaga ay ang nagsasariling pagkilos ng mamamayan para sa kalutasan ng mga suliranin ng bayan at ang progresibong alternatiba sa kasalukuyang bangkaroteng reaksyunaryong sistema; Ø Partikular sa mga kandidato, hahamunin natin ang kanilang tindig sa mga isyu at karaingan ng mamamayan. Itutulak natin ang mga kandidato sa iba’t ibang antas na magkaroon ng malilinaw na tindig at pagkampanya sa mga nabanggit na mga tampok na isyu ng mamamayan. Ang mga tindig nila sa usaping ito ang magiging sukatan ng pagtangkilik o pagbabasura sa kanila ng mamamayan; 2) Habang itinatambol ng ating mga organisasyon ang mga isyu ng mamamayan sa pamamagitan ng malaganap na mga porum, cultural activities, media events, atbp., nilalayon din nating itayo ang isang makinaryang magpapalaganap ng partikular na anti-trapo at anti-elitistang linya sa eleksyon at ng ‘bagong pulitika’ na nagtataguyod sa mga aspirasyon ng mamamayan. Maaari itong tawaging ‘kilusan para sa pagbabago’ o ‘kilusan para sa bagong pulitika’. Ang ’Kilusan para sa Pagbabago’ Mahalagang mabuo ang isang ‘kilusan para sa pagbabago’ na nakatuntong sa pagtataguyod ng tunay na interes ng masa at nakasalalay sa tunay na lakas nito bilang malakas na kontra-agos ng ‘tradisyunal na pulitika ng patron at angkan’ na nakapokus sa mga personaheng kandidato sa darating na eleksyong 2010. Ang kilusang ito ay naglalayon na maging sentro ng eleksyon ang tunay na isyu ng mamamayan at bumuo ng malakas na constituents na nagtatakwil sa tradisyunal na eleksyong nakabatay sa mga patron at angkan na katangian ng eleksyon sa Pilipinas at sa darating na eleksyong 2010. Ang adyenda ng malawak na masa ang magiging electoral platform at magiging parametro sa pamimili ng kandidado. Ang kilusang ito ay hindi lamang magbubuo ng people’s agenda na gagawing electoral platform at parametro sa pagpili ng mga kandidado at magpupukaw at mage-educate sa mga botante kundi magbabantay din sa proseso ng eleksyon hanggang sa mga presinto sa aktwal na botohan at gagawa ng mga kaukulang hakbang sa anumang anumalya at dayaan na lilitaw sa proseso. At higit sa lahat gagawin nitong komplimentaryong aspeto ang mga pakikibakang isinusulong ng masa para palakasin ang kilusan sa pagbabago. Ang ‘kilusan sa pagbabago’ na nais nating simulan ay naglalayong matipon ang lahat ng naunang pagsisikap na tulad ng ginagawa ng dalawang mayor na television networks, mga traditional o church formations na nakasentro sa pangangalaga ng sanctity of votes at mga bagong sumulpot at susulpot na pagsisikap na kaugnay nito tulad ng edukasyon para sa mga bagong botante at iba pa. Kasama rito ang kilusan ng mamamayan na nagsusulong ng pakikibaka para itaguyod ang isyu ng mga sektor at seksyon ng mamamayan tulad ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, guro, estudyante at iba pa. Mga Patakaran Hinggil sa Pakikitungo sa Eleksyon: 1) Kaugnay ng Endorsement at Support Ø Ang ating mga pampulitikang organisasyon ay hindi natin ginagamit na makinarya sa eleksyon. Batay rito, ang pag-endorso at pangangampanya sa mga kandidato at partylist sa kabuuan, kung mayroon mang mapagpapasyahan, ay hindi magiging tuwiran. Ø Sa pambansang antas ay malinaw na ‘no formal endorsement’ ang patakaran ng KPD ngunit magbubukas tayo hanggang ‘open support’ pero walang aktibong pangangampanya bilang organisasyon sa antas lokal sa mga kandidatong pwersa, kaibigan o kaalyado (independent man o kahit naka-tie up sa traditional political parties); Ø Bentahe sa mamamayan kung may mananalo sa lokal na pamahalaan, konggresista at/o senador na maka-mamamayan, progresibo at makabayang kandidato bukod pa sa mga party list na progresibo. Makapagtutulak sila ng makabuluhang pagbabago sa anyo ng mga progresibong lehislatura at mga ordinansa at makasusuporta sa mga balakin at aktibidadng mamamayan. Kaya kapag may napagpasyahang itaguyod at suportahang kandidato, minamabuti natin na pansamantalang mag-deploy ng mga organisador/operator para sa kampanya (hindi mga high profile KPD leaders and members) at konkretong magbigay ng suporta sa mga hiwalay na makinaryang itinayo para sa kanilang kampanya. 2) Kaugnay ng Ilang Susuportahang Kandidato Ø Ang pambansang sentro ang may tungkuling mag-evaluate at magpasya kung may susuportahang kandidato sa pambansang antas--- senador at konggresista. (Ang nakabababang kapulungan o konggreso ay isang pambansang mekanismo/sangay ng estado kahit pa ang paraan ng pagpili at paghahalal ay nasa antas ng distrito); Ø Rehiyunal at mga lokal na sentro ang may tungkuling mag-evaluate at magpasya kung may susuportahang kandidato sa lokal na antas ngunit kailangang maisumite sa pambansang sentro kung sinu-sino, ang mga batayan ng kapasyahan ng pagsuporta sa kanila at prosesong pang-organisasyong dinaanan bago umabot sa pagpapasya; Ø Susuportahan ang kandidato matapos mapatunayang konsistent na maka-mamamayan at progresibo batay sa ebalwasyong ginawa ng antas ng organisasyong pinaghapagan; Ø Nirepaso at may pagsang-ayon ang kagyat na nakatataas na antas ng organisasyong pinaghapagan. 3) Kaugnay ng Partylist Groups Ø magkakaroon tayo ng shortlistng mga partylist groups na maaaring suportahan; Ø ang shortlist ay nakabatay sa kung sinumang partylist ang nagdadala ng isang plataporma na pinakamalapit sa ating mga pinaninindigan at yaong mayroon tayong aktwal na pampulitikang relasyon sa kasalukuyan; Ø kapag napinal na ang shortlist, ikakampanya natin sa kasapian ang pagsuporta sa mga napiling partylist groups; ang iskema ay paghahati sa bilang ng kabuuang pwersang buboto para sa pantay-pantay na boto sa bawat partylist group na susuportahan (maaaring sektoral ang hatian). Ilan pang partikular na taktika kaugnay ng ilang susuportahang kandidato (lalo sa lokal na antas kung saan mas nagiging posible ito:
0 Comments
Leave a Reply. |
Categories
All
|