Kampanya Para sa Pagsasabatas ng Reproductive Health Kabuluhan ng Isyu: Lubhang mainit ngayon ang isyu ng reproductive health. Nakasalang sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang mga panukalang batas tungkol dito, may panimulang paghikayat ang bagong presidente at aktibong isinusulong ang pagpapasa nito, pangunahin na ng mga grupo ng kababaihan. Samantala, agresibo ang simbahan sa pagkontra sa panukalang ito. Mula 2007 hanggang 20010, matinding pinagdebatihan sa Kongreso ang panukalang batas tungkol sa reproductive health o RH Bill. Natapos ang ika-14 na Kongreso nang hindi ito naipapasa, pangunahin dahil pa sa malakas na presyur ng simbahan. Samantala, hindi rin gasinong naintindihan ng maraming mamamayan ang pinagdidebatihan at hindi rin makapili ng papanigan. Mahalagang aktibong lumahok sa usaping ito ang KAISA KA. Sangkot sa usaping ito ang reproductive rights na sa pangunahin ay usapin ng kababaihan dahil sa mahabang panahon, wala silang kontrol sa kanilang sekswalidad at kakayahang reproduktibo samantalang kababaihan ang nagbubuntis at nanganganak. Samakatwid, sangkot din dito ang usapin ng kabuuang pagsasakapangyarihan (empowerment) sa kababaihan. Bilang isang samahang kababaihang nagsusulong ng paglaya ng kababaihan, hindi pwedeng mawala ang KAISA KA sa bulwagan ng labanan tungkol dito. Ang mga Naunang Panukala Kaugnay ng Reproduksyon Ngayon lang nagkaroon ng totoong RH Bill sa Kongreso. Sa kalahatan ang mga naunang patakaran at panukalang batas ay panay nakatuon sa pagkontrol o pangangasiwa sa populasyon. Agresibong isinulong ng rehimeng Marcos ang Family Planning bilang development strategy mula 1972 hanggang sa kanyang pagkaalis sa pwesto noong 1986. Pinondohan ito, tinodo ang propaganda at may isang lebel ng pamimilit sa pagsasakatuparan nito. Samantala, sa panahon ng unang Presidente Aquino, bahagyang inasikaso ito. Sa pagiging sobrang masunurin sa Simbahang Katoliko, ang Family Planning ay naging maliit na bahagi na lang ng social welfare and health programs. Isinulong ni Ramos ang Population Management program. Aktibo ang pangangampanya ng DOH sa ilalim ng noo’y kalihim Flavier. At dahil ginamit na ang katagang reproductive health sa Cairo Declaration (1994) at sa Beijing Platform (1995), tinawag na rin itong RH Program. Bahagi rin ng pagpapagaan sa kahirapan ang naging pagsulong ng RH sa panahon ni Estrada. Pinaglaanan din ito ng pondo mula sa pambansang badyet. Sa panahon ni Arroyo, family planning program lang ang kanyang sinuportahan sa pambansang antas. Hinayaan niya ang mga lokal na yunit ng gubyerno na magpatupad ng mga komprehensibong programa sa RH. Sa panahon niya isinampa sa Kongreso ang magkakasunod na mga panukalang batas kaugnayng reproduksyon. Pero kahit ang huling isinampa, ang Reproductive Health and population Development Act of 2008 ay nakatuon pa rin sa paglutas ng mabilis na lumalaking populasyon na itinuring na siyang ugat ng malaganap na kahirapan. Sa esensya, population management ang hakbanging iyon na nakamaskara lamang bilang RH. Ang Reproductive Health at Reproductive Rights Ang pagtitiyak ng RH, habang bahagi ng pagsasakatuparan ng karapatan sa kalusugan (right to health), ay bahagi ng pagsasakatuparan ng reproductive rights. Ito ang nabuo sa mahabang panahon ng pagsusulong ng mga peminista ng karapatang repoduktibo na humantong na sa mga pandaigdigang kumperensya, sa World Health organization at sa United Nations (UN). Ganoonman, sa mga pag-uusap sa UN, iba pang mga internal na kumperensyang nauukol sa debelopment, nakasentro ang talakayan sa RH at RR sa usapin ng pangangasiwa ng pertilidad. Sa maraming paggamit ng mga katagang ito, napapakitid na ang kahulugan ng RH na parang katulad lang ng “family planning”, o pag-aagwat ng panganganak. Samantala, ang makitid na paggamit naman ng RR ay simpleng karapatang gumamit ng iba’t ibang paraan ng pagkokontrol ng pertilidad. Pero, patuloy din naming umunlad ang depinisyon ng RR at RH sa proseso ng paggamit nito lalo na noong idaos ang Fourth World Conference on Women sa Beijing Dinidipini ng KAISA KA ang dalawang katagang ito sa sumusunod: Reproductive Health--Ito ang kalagayang may kumpletong pisikal, mental at sosyal na kagalingan sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa sistemang reproduktibo at sa mga paggana at proseso nito mula pagkasilang hanggang kamatayan. Kung gayon, pinapakahulugan na sa kalusugang reproduktibo, may kasiya-siyang sex-life ang mga tao, at mayroon silang kakayahang magkaanak sa angkop na idad.. Batay dito, kabilang sa mga usapin kaugnay ng RH ang sumusunod: 1. impormasyon, edukasyonat pagmamatnubay tungkol sa RH sa iba’t ibang yugto ng buhay 2. access sa RH services and supplies lalo na ng mga mahihirap pre-natal, maternity, post natal care fertility management (kasama na ang pag-asikaso sa problema ng infertility) prevention of abortion and management of abortion-related complications std care menopausal problems 3. proteksyon laban sa mga nagsasapanganib sa RH (hazards) lalo na sa lugar ng trabaho 4. proteksyon laban sa panggagahasa at iba pang karahasang sekswal 5. paggagamot ng mga sakit sa suso, kanser sa matris at iba pang malalang problema sa kalusugang reproduktibo 6. nutrisyon ng ina at sanggol Reproductive rights: karapatang-tao ng kababaihan na magkaroon ng kontrol at magpasya tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa kanilang sekswalidad at kalusugang reproduktibo nang walang pamimilit, diskriminasyon at karahasan. Itinatakda ng pantay na relasyon sa pagitan ng kababaihan at kalalakihan sa usaping sekswal na relasyon at reproduksyon, kasama na ang buong pagrespeto sa integridad ng tao, ang pagkakaroon ng paggagalangan, pagpapahintulot at pinagsasaluhang responsibilidad sa sekswal na pag-uugaliat sa mga resulta nito. Dahil karapatang tao ito pangunahin ng kababaihan, sentral dito ang karapatan sa mulat na pagpili (informed choice) at pagpapasya. 1. karapatang magkaroon ng RH 2. karapatang magpasya kung magkakaanak o hindi, kung kanino, kung kailan at ilan basta’t walang tinatapakang karapatan ng iba 3. karapatang pagpili ng makakasama nang walang diskriminasyon at pamimili 4. karapatang magkaroon ng kontrol sa sariling katawan, pangunahin sa usaping sekswal at kakayahang reproduktibo Ang Mahahalagang Nilalaman ng Kasalukuyang RH Bill Nasa sentro ng panukalang batas sa RH ang pagsusulong at proteksyon sa karapatang tao ng kababaihan. Naglalayon itong mapabuti ang kalusugan ng mga ina at mapababa ang bilang ng namamatay nang dahil sa panganganak. Pero, inaasahang ang maibibigay na kakayahan sa mga pagpartner, at lalo na, sa babae na planuhin ang panganganak ay magbibigay sa kababaihan ng mas mabuting opurtunidad na makapag-aral, makaempleyo at makatayo sa sarili sa puntong kabuhayan. May malaking konsiderasyon ang panukalang batas sa kakulangan ng kakayahan ng maraming kababaihan na mag-access ng mga serbisyo at suplay na pang repro health. Kung wala ang prubisyon tungkol sa paglalaan ng pondo ng gubyerno para rito, hindi matatamasa ng mas maraming kababaihan ang kanilang karapatan. Itinakda ng panukalang batas ang sumusunod na pangangalagang reproduktibo:
Wala ring prubisyog magpipilit sa sinuman na gumamit ng anumang paraan ng pag-manage ng kayang pertilidad. Hindi nagliligalisa ng aborsyon ang kasalukuyang RH Bill. Pero may malinaw na prubisyon ito para bigyan ng mahusay na pangangalagang pangkalusugan ang mga nagkaroon ng aborsyon. Maaaring may mga puntong mababago pa sa ilang probisyon sa proseso ng pagdidebate at pagla-lobby sa kongreso. Kaya mahalaga ang pagbabantay ng mga kababaihan para hindi matanggal ang mga bahaging maganda at pabor sa kababaihan at sa mamamayan. (Minamabuting pag-aralan ng mga kasapi ng KAISA KA ang mismong panukalang RH Bill sa huling inabot na porma nito.) Ang Ating Kampanya Ikakampanya natin ang pagpapasa ng RH Bill. Gagawin natin ang kampanyang ito sa buong panahong di pa ito naipapasa sa Kongreso kaya sa kasalukuyan, itatakda muna nating pang-isang taon ang ating kampanya. Layunin ng ating kampanya ang: 1) magamit ang isyu ng RH Bill para makapagpalawak ng abot ng ating propaganda tungkol sa ating tindig sa kalusugan at karapatang reproduktibo at maimarka sa pandama ng madla ang pusisyon ng KAISA KA tungkol dito at 2) makapagpalakas ng ating organisasyon at 3) makaambag nang malaki sa pagkakapasa ng batas sa RH. Partikular na mga layunin natin ang sumusunod:
Ang Unang Yugto: Pag-iisa ng buong kasapian tungkol sa isyu at sa ating mga hakbangin. Kasama sa mga gawain sa panahong ito ang sumusunod
Tatagal ang yugtong ito mula Enero hanggang Abril, 2011. Ang Ikalawang Yugto: Puspusang pagsasagawa ng gawaing edukasyon/propaganda sa mga target na organisahin at sa madla. Kabilang dito ang sumusunod: 1. Pagmamaksimisa ng gamit ng mga progama sa radyo. 2. Pagsasagawa ng mga pagkilos, maaaring maliit pero, maktatawag ng pansin ng midya. 3. Pagpapagana ng mga sinanay na kampanyador sa pagpapaliwanag, at pag-oorganisa. 4. Tatagal ang yugtong ito mula Mayo hanggang Setyembre. Maaaring isagawa ang mga tungkulin sa ikatlong yugto sa panahon ng ikalawang yugto lalo na kapag pinabibilis nga Kongreso ang proseso ng pag-aapruba ng RH Bill. KAISAKA Campaign Paper February 2011
1 Comment
|
Archives
November 2013
Categories
All
|