TIYAKIN ANG LIBRENG BATAYANG SERBISYO PARA SA MAMAMAYAN!
Ang BGH ay nag-iisang pampublikong ospital ng Baguio City para sa 318,676 populasyon nito na mabilis na lumaki. Ang lohikal dapat na hakbang ay magdagdag ng ospital sa halip na ipasa ito sa pribadong korporasyon. Subalit, gugulatin tayo ng balitang isasapribado ito kasama ng 25 pang ospital sa buong bansa. Mas, maaga pa naisapribado na ang mga National hospitals gaya ng Lung Center, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Heart Center, Philippine Children's Medical Center. Ibinukas na rin sa bidders ang Philippine Orthopedic Center noong Enero nitong taon. Sa mga naunang pribatisasyon ng National hospitals, lubusang naitsapwera ang mga walang pera! Ang BGH ay nag-oopereyt na simula pa 1902. Limitado man ang kapasidad, sa pagdaan ng panahon, ito ang naging takbuhan ng mga mahihirap na mamamayan na walang pambayad sa pribadong ospital. Target din ng pribatisasyon o "Corporatization" sa ilalim ng iba't-ibang iskema ng Public-Private Partnership (PPP) o Private Sector Participation (PSP) ang Baguio City Market, ang ating mga parke (Burnham Park, Wright Park, Bayan Park, Botanical/Centennial Park, Dominican Heritage Hill Development), at ang Asin Mini Hydro Power Plant. Nakapaloob din dito ng pagpapaganda daw ng mahahalagang landmarks ng lungsod gaya ng Convention Center, Athletic Bowl at Maharlika. Ang mga proyektong ito ay nakapaloob sa naaprubahang Annual Investment Plan (AIP) ng lungsod nito lamang Abril 22,2013. ANG PUBLIC-PRIVATE PARTNERSHIP SA TUWID NA DAAN Ang mga gubyerno ng mahihirap na bansa o "papaunlad daw na bansa" ay iniengganyo ng gubyerno ng malalaking bansa at mga dambuhalang lending institutions na isagawa ang PPP upang hikayatin ang paglahok ng pribadong sektor sa "pagpapaunlad" daw ng mga larangang magiging mahalaga sa pagtuntun sa "economic development" ng mahirap na bansa. Halimbawa nito ay ang Water System, power generation and distribution, sanitation and waste management, ospital, eskwelahan, railway at kalsada, at mass housing. Sa nakaraan, ang larangang ito ay sulong hawak o pinangangasiwaan ng gubyerno sapagkat ito ay mahahalagang serbisyo na dapat tinitiyak ng gubyerno na tatamasa ng kanyang mamamayan. Kapos daw sa pondo at rekurso ang gubyerno at walang kasanayan para tiyakin ang epektibo at efficient na paggana ng mga ito, kung kayat ibinubukas sa pribadong sektor. Pero kadalasan, sa PPP o partnership na ito, ang "public sektor" o gubyerno ang namumuhunan o nagbibigay ng panimulang pinansya o kapital. Ang "private sector" naman ang nagbibigay ng expertise, nagdadala ng makabagong teknolohiya, at nangangasiwa sa mga larangang dapat sana ay direktang pinangangasiwaan ng gubyerno. Sa iilang pagkakataon, pumapasok din ang private sector sa pagbibigay ng kapital. Ang sumusunod ang ilan sa mga tampok na iskema ng PPP: "build-operate-transfer," gaya ng iskemang papasukin sa ating mga parke at major landmarks at "design-build-lease," gaya naman ng iskema sa Baguio City Market. Matagalan ang mga partnership na ito. Halimbawa, ang "design-build-lease" na pinanalunan na ng Uniwide sa public market ng lungsod ay aabot hanggang 30 taon at walang depenidong panahon para sa pagbabalik nito sa pagmamay-ari natin o ng mamamayan ng Baguio. Anumang pagtatambol natin sa tuwid na daan ni Pnoy, tiyak na sa baku-bakong daan at sa bangin tayo dadalhin ng iskemang public-private partnership! BAKIT PINAPASOK NG GUBYERNO ANG PPP? Ang PPP ay nakabalangkas sa mga pandaigdigang mga patakaran (o neoliberal policies) na ipinatutupad ng mga bansa ng mga dambuhalang monopolyo o super-higanteng mga korporasyon. Ang PPP ay nakapaloob sa patakarang SAP o Structural Adjustment Programs. Iniuutos ng SAP sa mga "umuunlad na bansa" o mahihirap na bansa na: una, magtipid ng gastos, at ikalawa, taasan ang kolekson ng buwis. Kailangang iwasan ng gubyerno ang "deficit" para matiyak nito ang pagbabayad ng utang at mapaganda ang credit rating para muling makautang. Huwag kalimutan, tayong mamamayan ang nagbabayad ng utang! Sobrang tindi ng pandaigdigang krisis ng sistemang kapital-sandamakmak na produksiyon ng kung anu-anong produkto pero wala namang bumibili dahil laspag ang mamamayan at walang kapasidad bumili. Ito ang dahilan kung bakit kailangang buksan sa kapitalista pati mga larangang dapat na hawak ng gubyerno- gaya ng basic utilities and basic services (edukasyon, kalusugan, pabahay, kalsada, etc.) Ito ang dahilan kung bakit tanggal nang tanggal ng subsidyo sa edukasyon at batayang serbisyo, habang bayad naman tayo ng bayad ng buwis at panay ang pag-iimbento ng kung anu-anong buwis na hindi naman natin mapakinabangan. Ito ang dahilan kung bakit kailangang isapribado ang pampublikong edukasyon at mga ospital, ang kuryente, ang kalsada at mga parke, at lahat na ng pag-aari ng gubyerno at mamamayan. BAKIT DELIKADO ANG ISKEMANG PPP NG GUBYERNO? Hindi maganda ang resulta ng lahat ng isinapribado na ng gubyerno. Ang unang negatibong karanasan ng mamamayan dito ay mula sa pagsasapribado ng MWSS ( dating NAWASA) noong Agosto 1997. Hindi umunlad ang serbisyo ng patubig. Hindi kinakabitan ng linya ng tubig ang mahihirap na komunidad. Hindi rin kayang ma-access ng mahihirap na mamamayan ang pribado nang serbisyo at mga gamot ng Philippines Children Medical, ng National Kidney and Transplant Institute at lalo na ng Philippine Heart Center. Kada minuto ang pagtaas ng presyo ng langis simula ng isapribado ang petron. Inuunti-unti ang iskema ng pribatisasyon ng mga state Colleges and Universities gaya ng UP Baguio at Benguet State University sa pamamagitan ng pagdodoble o pagtitriple ng matrikula nito. Kaya nga may Kristel Tejada at maraming iba pa na nawalan ng karapatang mag-aral. Wala tayong mapapala sa pribatisasyon gaano man pagandahin ang iskema at pagpapakete nito. Ang tumatakbong kaisipan sa pribadong sektor ay tubo at sandamakmak na tubo. Hindi serbisyo. Anumang bahagi ng batayang pampublikong serbisyo na ipapasa natin sa pribadong sektor ay ibabalangkas sa kung paano ito pagkakakitaan para sa tubo. Maaaring sa ilang pagkakataon ay magiging efficient ang serbisyo, pero kaya ba nating bayaran ito? Ang anumang impak din ng pribatisasyon, lalo na sa mga government institution ay ang pagkakatanggal sa trabaho ng mga manggagawa at empleyado nito. Dagdag sa sanlaksa na nating walang trabaho. Pero higit dito ay ang pagkakait sa mamamayan ng mga batayang serbisyo. Sa bawat sentimo na kinukuha sa atin para sa buwis, dapat tiyakin ang balik serbisyo nito sa mamamayan. Ang karapatang magbuwis ng gubyerno ay nakatuntong sa kanyang responsibilidad na ibigay ang batayang serbisyo sa kanyang nasasakupan. Ang ultimong responsibilidad ng anumang gubyerno ay sa kanyang mamamayan at hindi sa sinumang kapitalista. Ang tungkulin ng gubyerno ay tiyaking tinatamasa ng kanyang mga mamamayan ang mga batayang karapatan nila - sa edukasyon, kalusugan, pabahay; hindi ang pagtiyak sa pagkakamal ng tubo ng kapitalista. PRIBATISASYON, PPP AT MGA BAGONG HALAL NA OPISYAL Nitong nakaraang eleksiyon, ginawa nating panukat ang tindig ng mga kandidato sa mga nakaumang na plano ng pribatisasyon sa BGH, sa palengke at sa mga parke ng Baguio. Ngayon, mapatutunayan kung sino ang sinserong kakampi natin sa pagtutol sa pribatisasyon at sino ang sumasakay lamang para makakuha ng buto. Ipaabot natin sa mga bagong halal na opisyal ang ating kampanya sa pagtutol sa pribatisasyon. Itambol natin ang epekto nito lalo na sa mga maralitang mamamayan. Kailangan nating tiyakin sa bagong City Council na mananaig ang nauna nang City Council Resolution na humaharang sa pribatisasyon ng BGHMC. I-lobby natin sa ating bagong Congressman na dalhin ang laban na ito hanggang sa Konggreso upang hindi makalusot sa anumang titulo at pagkakapakete ang laman ang House Bill 6069 at Senate Bill 3130 noong 15th Congress na nagtutulak sa pribatisasyon o Corporatization ng BGHMC at 25 iba pang public hospital sa bansa. Ipaabot natin hanggang kay Pangulong Pinoy ang kapahamakang inaabot at aabutin ng mamamayan sa kanyang iskemang Public-Private Partnership o Private Sector Participation. Tutulan ang pribatisasyon! Unahin ang kapakanan ng mamamayan, hindi ng kapitalista at mga korporasyon! Ipagtanggol ang karapatan ng mamamayan sa mga batayang serbisyo at sa buhay! SERBISYO PARA SA TAO HUWAG GAWING NEGOSYO! Kilusan-KPD North Luzon May 06,2013
0 Comments
We are the members of Malaya Lolas, the organization of surviving victims of mass rape by soldiers of the Japanese Imperial Army in Mapanique, Candaba, Pampanga in the Philippines. Our harrowing experience happened as part of a completely planned attack at our barrio (village) on November 23, 1944.
Filipino Women Unite and Stand Up for their Rights! Paglilinaw sa Kasapian ng KAISA KA: |
Archives
November 2013
Categories
All
|