Sa Araw ng Kalayaan, maitataas na ang bandila sa Marawi, sabi ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at ni Presidente Duterte. Matatapos na di umano ang kaguluhang dulot ng Maute Group na binansagang “teroristang grupong dikit sa ISIS”.
Samantala, patuloy ang pagpapaulan ng bomba sa naturang syudad. Mahigit 176,920 libong pamilya na ang “bakwit, kalakhan ay napadpad sa mga karatig probinsya para sa panadaliang kaligtasan. Ilang libo pang sibilyan ang ipit sa bakbakan, at halos 200 ang sibilyang napatay. At sa bawat gusali o bahay na pinadadapa ng bomba dahil sa paghahanap sa Maute, lalong nailalagay sa alanganin ang muling pagbangon ng ating mga kababayan sa Marawi. Habang may mga investor na naka-abang na sa “rehabilitasyon ng mga komunidad sa Marawi” tulad ng San Miguel Corporation (SMC) na pag-aari ni Ramon Ang (kilalang malapit kay Presidente Duterte). Halos isang buwan na ang naturang deklarasyon ng Martial Law o Batas Militar sa Mindanao kasama ang Palawan, Basilan at Tawi-tawi sa bisa ng Proclamation 216. Sinuspinde din ang Writ of Habeas Corpus sa buong rehiyon. Ang naturang deklarasyon ay inamin na ni Duterte na solong pinagpasyahan, ni hindi nirekomenda ng AFP sapagkat under control na nito ang sitwasyon sa Marawi nuong Mayo 23, araw ng deklarasyon ng kanyang Martial Law. Sa ginawa nito, tinotoo nya ang ang matagal nang panakot sa mga kritiko lalo na sa madugong kampanya laban sa droga na nilabusaw na ang usapin ng due process at rule of law. Walang umiiral na batas-batas para sa mga pipitsugin -- walang imbestigasyon o nakakasuhang pulis kung sila ma’y mapapatay sa “buy bust” o “entrapment.” Sa kabilang banda, sapagkat umaasta bilang pinakamalaking patron sa buong bansa, hindi magagalaw ang mga kakilala at kapanalig! Nagbanta itong palalawigin pa ang saklaw ng Martial Law kung may makitang indikasyon ng “terorismo” sa Luzon at Visayas! Nakakatakot, sapagkat ang estado ang nagtatakda kung sino ang terorista. Ang kanyang Martial Law, ay tulad ng kay Marcos kundiman higit pang malupit. Apektado ang nasa 200,000 taga Marawi, ang 22 milyong kababayan natin sa Mindanao at maging ang nasa Luzon at Visayas! Para sa mga Mindanaoan, nilimitahan ang malayang pagkilos at pagbyahe. aarestuhin na maging ang mga sama-samang pagkilo! Ubra na di umano ang warrantless arrest at seizuressabi ng Presidente… kasabay ng pahayag na ubra nang-reyp ang sundalo! Pilit naman nagbibigay ng kaseguruhan sa publiko ang AFP na aayon ito sa nakasaad sa Saligang Batas. Sa ngayon, panay na nililigawan ang AFP, sapagkat alam nitong nakasalalay sa pagsunod ng mga ito, ang pagtatagumpay ng kanyang pagnanasang isentro sa kanya ang kapangyarihan. Isang awtokratikong paghahari na ang kinikilalang batas ay ang kanyang sarili. Ang ipinalalaganap ay kultura ng pamamanginoon/ pagkatakot sa panginoon at pagdepende dito kaysa ang mga demokratikong institusyon at ang silbi ng magkakahiwalay na kapangyarihan ng ehekutibo, lehislatibo at hudikatura at ang nagsisilbing “check and balance” ng bawat isa. Kaalyado ang mga namumuno sa Kamara at Senado, kung kaya’t hindi magawang magpatawag ng pulong upang isalang ang merito ng deklarasyong Martial Law ni Duterte. Nilabag ang nakasaad sa Konstitusyon na pangkontra sa abuso sa kapangyarihan. Hindi maalis sa ating mamamayan na mangamba sapagkat mayron tayong buhay na karanasan na napasailalim tayo sa diktaturya at binuksan nito ang matinding abuso sa demokratikong karapatan at kagalingan ng mamamayan. Gayunpaman, nabasag ang puting lagim ng sama-sama at organisadong pagkilos ng mamamayan na nanindigan sa kanilang lehitimong interes. Ito ang aral na ating panghahalawan habang sinisikap nating gawing totoo ang Araw ng Kalayaan para sa tunay na kasarinlan at demokrasya. ### KILUSAN PARA SA PAMBANSANG DEMOKRASYA June 12, 2017
0 Comments
Leave a Reply. |
Categories
All
|