Press Statement October 31, 2010 Reference: Bb. Lotlot S. Dela Cruz -# 09178606650 Pangging Santos – #09156484638 Yuen Abana - # 09162811934 Remember Nicole, Terminate the VFA We commemorate tomorrow the fifth anniversary of the rape of Nicole. As we, the members of the women-led alliance, Task Force Subic Rape, remember that heartrending day, we are greatly dismayed that the Aquino government seems to be bent on merely refining the agreement rather than on effecting its termination as expressed in the Joint Resolution No. 3 of Congress. Nicole's case is the first rape case committed by an American soldier that prospered in court and even got a conviction since the establishment of an American military base in Subic in 1901. But the conviction of L/Cpl Daniel Smith, Nicole’s rapist, was hardly executed because not long after the handing down of his sentence, US officials engaged Philippine government officials into transferring Smith from a Philippine jail to the US Embassy and eventually exonerating him. Nicole’s case made many people realize what campaigners for sovereignty had been warning about the VFA since the 1990’s. It is mainly for the protection of US soldiers. Some of its provisions on purpose were made ambiguous to give the US government more legroom for maneuver while preventing outright outrage from patriotic Filipinos. While Nicole reminded the world of many other victims/survivors of military sexual violence who have yet to find justice. Nicole’s case once again made us see the stark reality of Philippine-American relations: it has never been equal, is never mutually beneficial. Thus, we have never asked for the refinement of the VFA. However the Philippine government tries to refine it, US troops’ presence will always amount to intervention in our internal affairs, to the Philippine government’s subservience to US sovereignty and to compromising, in an unprincipled way, our national interest, the wellbeing of our people, the protection of our environment and the safety and dignity of our women. The detriments far outweigh the benefits the Filipino people are getting from the VFA. The US soldiers’ assistance during typhoons, their medical and dental missions and their infrastructure projects are all part of their unconventional warfare. The grants and equipment our military gets are paltry. The US military machinery and US big business are gaining a lot from the Philippines in terms of information about the country’s resources and the actual excavations these soldiers have done. Overall, the US is benefiting from having positioned in this part of Southeast Asia for its continued economic and military supremacy. We ask President Aquino, serve the Filipino people, not US interests. Terminate the VFA now!
0 Comments
: Matuwid na Pagtahak sa Lihis Daan (Na Inilatag ng mga Nagdaang Rehimen) Pambungad Sa harap ng matinding krisis kapwa sa ekonomiya at pulitika ng bansa, ang dating rehimen ni GMA ay labis-labis na nahiwalay sa mamamayan. Sa totoo, sa buo nyang panunungkulan ay hindi nagawa ni Gloria na maiangat ang kumpyansa ng taumbayan sa kanyang paggugubyerno. Kinapos man ang maraming pagtatangka, kapwa mula sa elite at hanay ng mamamayan, na mapabagsak ang rehimeng GMA sa extra-konstitusyunal na pamamaraan, malinaw pa rin na ekspresyon ng diskontento ng mamamayan ang naging resulta ng nakaraang eleksyon. Hindi nakapaggumiit si GMA sa kanyang mga balakin na isabotahe ang eleksyon sa pamamagitan ng sopistikadong pandaraya at huling pagtatangka para sa chacha. Marami rin sa kanyang mga kaalayado ang itinakwil ng taumbayan sa mga posisyong kanilang tinakbuhan. Ngunit naobliga man na mag-iba ng maniobra, tiyak tayong hindi pa tapos ang paghahangad ni GMA na hawakan, kundi man ay patuloy na magkaroon ng kontrol sa malaking tipak ng paggugubyerno’t kapangyarihan. Katulad naman ng inang si Cory, si PNoy ay binigyan ng mandato popular ng taumbayang umaasa sa ‘pagbabago’ – kabuhayan para sa marami, matatag na trabaho, abot-kayang pabahay, edukasyon at serbisyong-pangkalusugan, pagwawakas ng korapsyon, panunupil at iba pang paglabag sa mga karapatan. Dahil ang pinanggagalingan ay sitwasyon ng krisis at talamak na korapsyon, ang mga islogang ‘kung walang korap, walang mahirap’ at ‘tuwid na daan’ ay yinakap ng mamamayan. Pero TAYO ay walang naging ilusyon, sa simula’t simula, na si PNoy ang maghahatid sa atin ng pagbabago, laluna kung ang usapin ay pundamental na pagbabago sa sistema at lipunan. Itinatakda ng uring kanyang kinabibilangan ang tindig na kanyang dadalhin at interes na kakatawanin sa mga usaping panlipunan. Ang kanyang mga ginawa sa Unang 100 Araw ay mas magpapahigpit pa ng ating nauna nang pagsusuri sa kanya. Ang Unang 100 Araw ay hindi isang ‘dress rehearsal’. Ang mga prayoridad, programa at polisiya na kanyang ipinatupad ay malinaw na salaminan ng haharapin nating sitwasyon sa anim na taon ng kanyang panunungkulan. Ito ang kailangang mailinaw sa mamamayan, laluna sa mga namamag-asa kay PNoy. Ang Unang SONA ni PNoy: Isang Rehimeng ‘Pro-Business’ at Maka-Dayuhang Kapital Hindi man natin inaasahan ang agad na malalaking ‘paglihis’ ni PNoy sa baluktot na daan ng mga dating rehimen, ni hindi rin natin narinig sa SONA ang ninanais nating ‘immediate doable reforms’ na maaari sanang iprayoridad ng bagong administrasyon – mga repormang kagyat na kinakailangan sa ekonomya at pulitika – patikim o patanaw man lang na ang mamamayan ay mayroong maaasahang ‘pagbabago’. Sa SONA, malinaw na inilatag ni PNoy ang magiging ubod ng kanyang paggugubyerno (core of governance) – 1.) Sa pulitika: Anti-Corruption at 2.) Sa ekonomiya: Public-Private Partnerships (PPP). Ang kanyang mga inihanay na ‘priority bills and programs’ ay pawang pumapatungkol dito. Totoong talamak ang korapsyon sa bansa at mabuting inisyal na hakbang ang pagbubuo ng komisyon para litisin at habulin ang mga korap sa lipunan, ngunit ang korapsyon ay hindi ang puno’t dulo ng mga usapin ng lipunan. Kailangang harapin ang ugat nito – ang sistemang nag-aanak ng korapsyon at katiwalian, ng kahirapan at pagdarahop, ng marami pang sakit ng lipunan. Malaking kabalintunaan naman ang isiping ang pribado – mga negosyo at mamumuhunan ang magsasalba sa ating ekonomiya. Nagmula mismo kay PNoy na ang ‘public-private partnerships’ ang magiging ‘new and creative approach’ para solusyunan ang kakapusan ng pondo para sa mga proyektong pang-ekonomya at maraming pangangailangan ng mamamayan. Kaya ito ang magiging programa nya sa industriya, agrikultura, serbisyo gaya ng edukasyon, pangkalusugan, imprastruktura, maging sa patuloy na modernisasyon ng militar at kapulisan. Ang Public-Private Partnership ay pagpapatuloy lamang ng pagpapatupad ng mga patakarang liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon ng mga nagdaang rehimen. Marami sa mga suliraning kinakaharap natin sa usapin ng kawalan ng akses sa mga pangunahing pangangailangan at mataas na presyo ng mga serbisyo’t bilihin ay produkto ng ‘PPP’. SA PPP, muli nanamang inihahain ni PNoy ang bansa sa kamay ng mga negosyo at tinitiyak ang kanilang patuloy na pagkita dito habang ang mamamayan ang pumapasan ng bigat ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin at serbisyo. Kung mayroon mang labis na natuwa sa SONA, ito ay ang mga malalaking negosyante sa bansa na kinakatawan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Employers Confederation of the Philippines (ECOP), Management Association of the Philippines (MAP), Financial Executives of the Philippines (FINEX), Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCII), Makati Business Club, Bankers Association of the Philippines at ng Philippine Stock Exchange (PSE). Matapos ang SONA, agad silang naghain ng kanilang ‘wishlist’ kay PNoy, kasama ang panukalang pag-aamyenda sa Labor Code.[1] Nagpahayag din sila ng pagsuporta sa ‘economic team’ ng administrasyon na binubuo nina Finance Secretary Cesar Purisima (head), na naging trade and industry secretary sa panahon ni Gloria; National Economic Development Authority (NEDA) chief Cayetano Paderanga Jr., Trade and Industry Secretary Gregory Domingo, at Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares. Ang pagsuportang ito ay indikasyon na nasa ‘mabubuting kamay’ ang pagnenegosyo sa bansa. Ang kailangan natin ay isang gubyernong hawak ang ekonomiya - magtitiyak sa sariling produksyon ng pagkain at mga batayang pangangailangan ng mamamayan, magpapaunlad sa agrikultura, magtitindig ng pambansang industriya, magbibigay ng abot-kayang serbisyong panlipunan. Sa halip na ipaubaya sa pribado, ang dapat ipatupad ng gubyerno ay itakwil ang mga sosyo-ekonomikong patakaran na mas nagsisilbi sa malalaking dayuhang kapital na siyang nagsasadlak sa ekonomiya ng bansa sa krisis. Ang U.S. State Visit: Pagpapatuloy ng Di Pantay na Relasyong RP-US at ng Freemarket at Neoliberal Paradigm Alam nating hindi iisnabin ni U.S. Pres. Obama si PNoy sa pagbisita nito sa Amerika. Bago pa man ang kanyang pagkapanalo sa eleksyon, alam na nating sya ang binasbasan ng U.S. para sa pagpapatuloy ng relasyon at ‘pagtutulungang’ R.P.-U.S. sa bansa. Kung mayroon mang ipinapakita ang naging resulta ng U.S. visit, ito ay walang iba kundi ang pagtitiyak na walang magbabago sa dating kaayusan sa ekonomiya at pulitika ng bansa – isang pulitikang mapagtangkilik sa interes ng among U.S. at ekonomiyang nagtataguyod sa ‘free market’ at neoliberalismo. Patunay dito ang nakuha ni PNoy na US$ 434M grant mula sa Millenium Challenge Corporation (MCC). Maging ang mga US observers ay nagsasabing ito ang pinakamalaking indikasyon ng pagsuporta ng US sa administrasyong Aquino at pagnanais nitong patuloy na mapaunlad ang relasyon sa bagong gubyerno ng Pilipinas. Ang MCC ay isang ‘American aid program aimed at fighting global poverty’. Binuo ito sa panahon ni George W. Bush at ngayon ay si US Sec. of State Hillary Clinton ang tumatayong Chairman of the Board. Layunin nito ang promosyon ng mga patakarang neoliberal sa ‘development programs’ ng bansang tumatanggap ng ‘aid’. Wala itong pinag-iba sa mga nagdaang ‘structural adjustment programs’ at ‘poverty alleviation programs’ ng IMF-WB na nagtali sa ekonomiya ng bansa sa mga patakarang liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon na lalong nagsadlak sa ekonomiya sa krisis. Maging ang laman ng mga talumpati ni Aquino sa United Nations at Citibank Economic Conference sa New York ay indikasyon ng pagiging tagapagtaguyod nito ng ‘free market’ at neoliberal na kaisipan. Dito, muli niyang ipinahayag ang pagbibigay-diin ng kanyang administrasyon sa public-private partnerships (PPP) at mga kasalukuyang hakbang para sa pagsasakatuparan nito gaya ng mga probisyon sa 2011 General Appropriations Act[2]. Siempre, umani si PNoy ng labis na papuri dito laluna mula sa malalaking negosyo. Ayon mismo sa kanya, ang naiuwi nyang $2.4B (labas ang MCC grant) ay dahil sa kanyang mensahe na ang Pilipinas ay ‘open for business’.[3] Ang laki ng halaga ng mga naisarang investment deals sa US ay nagpapakita na malaki ang kumpyansa ng bansang US at gubyerno nito na mapapangalagaan ang kanilang interes sa ilalim ng administrasyong Aquino. Ang US ay isa sa tatlong pangunahing mamumuhunan sa bansa at pinanggagalingan ng imports. Para pa rin sa US, nananatili ang Pilipinas bilang isa sa pinakaestratehikong lugar para sa prodyeksyon ng US military hegemony sa rehiyon ng Asya. Mga Prayoridad,Programa’t Polisiya ni PNoy: Matuwid na Pagtahak sa Lihis na Daan (na inilatag ng mga nagdaang rehimen) Ang KPD, bilang isang pampulitikang pwersa ay nagbuo at naghain ng isang ’reform agenda’ para sa administrasyong Aquino bilang pagharap sa ilang mahahalaga at kagyat na usapin ng mamamayan, kung sinsero ito na simulan ang ’pagbabago’. Ang laman ng ating agenda ay kumbinasyon ng mga usaping kinakailangan nang ihain at patampukin dahil sa malalaking implikasyon nito sa ekonomya at pulitika ng bansa bagamat hindi pa maaasahan ang agarang solusyon at mga isyung hinahangad natin ang kagyat at malinaw na hakbang ni PNoy. Liban sa mga una nang nabanggit sa laman ng SONA at niresulta ng US Visit ni Pnoy, ang nilalaman ng ating agenda ang magiging pamantayan natin ng pagsukat kung may ’tuwid na daan’ bang patutunguhan sa ilalim ng administrasyong Aquino. 1. Ang tuwid na daan ay magtatakwil sa mga anti-mamamayang patakaran at programa ni Gloria Arroyo na nagkokompromiso sa ating ekonomya, patrimonya’t soberanya. a. Kaugnay ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Mutual Logistics Support Agreement (MLSA) at ng Presensya ng U.S. troops – F Ang pinakamataas na na inabot ng pagpusisyon ni Pnoy sa VFA ay ang pagsasabing bukas siya na i-review ito. Napakainam na sana ng pagkakataon ng paghahain sa Senado ng resolusyon para ipawalambisa ang kasunduan[4] para likhain ang momentum para sa tuloy-tuloy na pagpapabasura dito. Isa din sana ito sa naging ‘urgent concern’ ni Pnoy nang magtungo siya sa US. Ngunit hindi napag-usapan ang presensya ng tropang kano dito at ng VFA. Wika ni Pnoy, mas maraming ‘immediate concerns’ gaya ng investments na dapat unahin at may susunod pa namang pagkakataon para ihain ito. Wala ding narinig mula kay PNoy nang dumating nitong Setyembre (sa pangalawang pagkakataon sa taong ito) ang 100,000 ton nuclear-powered super carrier USS George Washington para mag-tour, sa kabila ng malinaw na ‘nuclear-free provison’ ng Konstitusyon. Ang pagpayag sa pagpasok sa karagatan ng bansa ng isang US nuke-powered battleship gaya ng USSGW ay malinaw na paglabag sa Konstitusyon. b. Kaugnay ng mga WTO commitments gaya ng tariff at subsidies cut at kaugnay ng mga di-pantay na trade agreements na pinasok ng bansa pati na ang mga nakabinbin pa gaya ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA), RP-China Agricultural Agreements, EU-Philippines Partnership Cooperation Agreement (PCA) – Walang binabago ang gubyerno ni PNoy kaugnay ng mga komitment nito sa WTO at iba pang kasunduang pangkalakakan. Sa katunayan, ang ‘track’ nito ay ang pagpapasigla pa ng dating kaayusan. Ipinupuspos nito ngayon, sa pamamagitan ng Dept. of Trade and Industry, ang pakikipagnegosasyon sa mga mayor na trading partners ng bansa gaya ng US, China, New Zealand, Australia at mga bansa sa ASEAN para sa bilateral o regional pacts. Isa din ito sa mga mayor na agenda ng delegasyon ni PNoy sa US. Sinabi ni Trade Undersecretary Adrian Cristobal na layunin ng bansa ang pagpapalakas pa ng trade and investment ties nito sa US.[5] Nagkaroon din ng pag-uusap sa pagitan ni Cristobal at ni Asst. US Trade Representative Barbara Weisel at kasama sa mga napag-usapan ang mga isyu ng US kaugnay ng intellectual property rights, labor standards, excise taxes on wines and spirits, at customs facilitation. Sa bahagi naman ng Pilipinas, ipinahayag nito ang intensyon na pumaloob sa Trans-Pacific Partnership (TPP) Agreement. Ang TPP agreement ay nilagdaan nuong 2005 na may orihinal na tatlo lamang na kasaping bansa – Chile, New Zealand, Singapore. Ang US ay pumaloob dito taong 2008. Sa ngayon, kasama na dito ang mga bansang Australia, Brunei Darussalam, Peru at Vietnam. Layunin ng TPP free trade agreement ang pagpapababa sa lahat ng taripa (ng mga kasaping bansa) sa zero pagdating ng 2015. Nagpapatuloy ang JPEPA, sa kabila ng mga kontrobersyal na usapin dito gaya ng pagiging labis na makaisang-panig. Ang RP-China Agricultural Agreements ay nakabinbin nga ngunit tuluy-tuloy ang pagpasok ng mga korporasyong Tsino sa pagnenegosyo laluna sa agrikultura. Nagkasundo na ang EU at Pilipinas sa isang Partnership Cooperation Agreement (PCA) bilang balangkas ng bilateral trade agreement sa pagitan ng EU-RP sa hinaharap. Pormal itong pinirmahan sa ginanap na Asia-Europe Meeting sa Brussels ngayong Oktubre. c. Hinggil sa tax incentives na ibinibigay sa mga dayuhang negosyo sa Pilipinas Ang public-private partnerships na core program ni PNoy ay swak na swak sa interes ng mga dayuhang mamumuhunan. Sinabi mismo ni PNoy sa harap ng mga malalaking negosyante sa Citibank Economic Conference sa New York City na ‘measures to promote a conducive business atmosphere in the country are slowly being realized. Among these measures are the simplification of the process of establishing business, improving infrastructure and relaxing regulations on air travel to and from the country.’ Ang tunguhin ng gubyerno ay lalo pang pagpapagaan o pagpapadali ng mga proseso para sa dayuhang pagnenegosyo sa bansa gaya halimbawa ng ibinibigay na income-tax holiday at duty-free importation of capital equipment sa mga dayuhang korporasyon sa pagmimina, na nakasaad sa Investment Priorities Plan ng gubyerno. d. Sa usapin ng foreign debt – Nagpapalit-palit na ang mga rehimen, nagpaulit-ulit ang krisis – ang bawat isa, mas malala sa dati, pero walang binabago sa ‘foreign-investment led at debt-driven’ na katangian ng ekonomiya na syang nagsasadlak sa bansa sa krisis. Ang siklo ng pag-utang at pagtitiyak ng pagbayad dito taun-taon sa pamamagitan ng automatic debt appropriations ay isa sa malaking pumipiga sa yaman ng bansa. Isa sa mga kagyat na panawagan natin ay ang pagpapatupad ni PNoy ng moratorium sa pagbabayad utang, mahalaga itong rekisito para kagyat na magkaroon ng pondo para ipatupad ang mga reporma para sa mamamayan. Marami na ring grupo ang naghain ng ganitong panawagan buhat nang maupo si Noynoy. Maging sa hanay ng lehislatura (mula sa mga progresibong partylist at ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone) ay may nananawagan hinggil sa ‘relaxing debt payment terms’ hanggang sa ‘moratorium’ at i-rechannel ang pondo sa mga pangangailangan sa pagpapaunlad ng industriya, agrikultura at mga serbisyo. Pero tila di ito naririnig ng gubyerno. Sa inihain ni PNoy na 2011 National Budget, lumaki pa ng P80.99 Bilyon ang inilaan para sa debt servicing. Ang automatic appropriation para lamang sa pagbabayad ng interes ay P357.09 Bilyon. Halos kasinglaki ito ng budget na P361.1 Bilyon na nakalaan para sa economic services (combined) - agriculture and agrarian reform, communication, roads and other transportation, water resources development and flood control, power and energy.Mas malaki ito sa budget para sa edukasyon na P206.3 Bilyon na sinasabi sa Konstitusyon na dapat na bigyang prayoridad at paglaanan ng pinakamalaking pondo ng gubyerno. Nakipagkasundo na rin ang gubyerno ni PNoy sa World Bank para sa ‘suporta’ ng WB sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga bagong ‘loans and technical assistance’. Liban sa pakikipagkita ni PNoy kay Obama ay ang pakikipag-usap nito kay WB President Robert Zoellick para sa panghingi ng infrastructure funding at karagdagang official development assistance. e. Hinggil sa Mining Act of 1995 – Hindi tutol si PNoy sa mining. Sa katunayan, sa naganap na Mining Philippines 2010 Conference and Exhibition nitong Setyembre sa Manila Hotel, sinabi nya na "Mining is a very attractive investment area in the Philippines primarily because of the vast source of natural resource available in the country.” Ang Pilipinas ay sinasabing panglimang ‘mineralized country in the world in terms of minerals per unit of area land’. Pumapangalawa ang bansa sa South Africa sa gold production at pumapangatlo sa copper. Sa Asya, panglima tayo sa nickel at pang-anim sa chromite deposits at may potensyal na maging isa sa mga malalaking ‘mining powers’ sa mundo. Pero ang lahat ng yamang ito ay nauubos ng mabilis hindi para sa kapakinabangan ng ating ekonomiya at mamamayan kundi para sa pinakamalalaking dayuhang korporasyon sa pagmimina na nag-ooperate ngayon sa bansa. Ilan sa pinakamalalaking transnational mining corporations sa daigdig ay nagmamay-ari ng pinakamalalaking commercial mining projects sa bansa.[6] Ayon mismo sa Dept. of Environment and Natural Resources (DENR), may mga bagong mining investments na nagkakahalaga ng $9 Bilyon ang nakapila na para sa rehistrasyon sa Bureau of Investments. Napakakwestyonable din ng paghirang kay Ramon Paje bilang DENR Secretary. Si Paje ay isa sa maituturing na mining honchos ng administrasyon ni GMA. Bilang dating Executive Director ng Minerals Development Council (MDC), siya ang nanguna sa pagbebenta at pagsasapribado ng mga lupain sa pagmimina at mineral facilities sa bansa gaya ng gold-rich Mt. Diwalwal sa Compostela Valley, Davao del Norte. Sa kasalukuyang nagaganap, malinaw na ipinagpapatuloy lamang ni PNoy ang polisiya para sa pagpapasigla ng pagmimina sa bansa na laman ng Mining Act of 1995 at EO 270. Kasama ang pagmimina sa Top 5 sectors na prayoridad ng gubyerno, ang iba pa ay turismo, business process outsourcing (BPOs), infrastructure at agribusiness. f. Sa EPIRA, BNPP at programa sa enerhiya – Ang ‘public-private partnership’ ay umaayon sa nilalayon ng EPIRA. Ang implementasyon ng Republic Act (RA) 9136 o Electric Power Industry Reform Act (Epira) of 2001 ang nagresulta sa malawakang pribatisasyon ng power generation at transmission sa bansa. Gaya ng nilalayon ng PPP na ipasagot sa pribado ang pagpopondo ng malaking bahagi ng pinagkakagastusan ng gubyerno gaya ng utilities at iba pang serbisyo, ginawa ng EPIRA na ilipat ang state monopoly sa industriya ng enerhiya sa kamay ng mga pribadong korporasyon at nilikha rin nito ang maraming sakit sa ulo nating mamamayan kaugnay ng kuryente gaya ng patuloy sa pagtaas ng halaga nito at ng maraming pang-aabuso at manipulasyon ng mga korporasyong sila na ngayong nagpapatakbo sa buong industriya. Sa halip na baguhin ang dating lihis na kalakaran, hinihikayat pa ngayon ni PNoy ang mas marami pang negosyante’t korporasyon para mamuhunan sa hydropower plants at iba pang energy facilities. Sinabi din nito na bagamat hindi niya plano na muling buhayin ang BNPP dahil sa mga usapin sa geological stability at safety at patuloy na pagtutol ng mamamayan, hindi naman nagsasara ang kanyang gubyerno sa nuclear option. Sa katunayan, inatasan na nito ang Dept. of Energy at NAPOCOR sa pagtutuluy-tuloy ng feasibility studies sa labingtatlong (13) posibleng sites na maaaring pagtayuan ng mga plantang nukleyar sa bansa.[7] Sinabi ni PNoy na sa pangkalahatan ay ninanais nyang isulong ang ‘clean at renewable energy’ bilang mahalagang aspeto ng kanyang programa. Ngunit sa pagtungo nito sa US, ang pinakamalaking investment na naisara nito ay ang mula sa American Energy Solutions (AES), sa halagang $1 Bilyon para sa pagpapalawak pa ng kapasidad ng Masinloc Coal Fired Thermal Power Plant. Nakakuha din ito ng dagdag na $1B halaga ng bagong investments para pa rin sa pagpaparami at operasyon ng mga plantang de uling mula sa Aboitiz. g. Hinggil sa Charter Change – Noon at ngayon, malinaw ang tindig ni PNoy sa Chacha - hindi sya sang-ayon kung ang nakasalang ay ang usapin ng pagpapalawig ng termino ng dating presidenteng si GMA o kaya’y ang paggamit naman dito ngayon bilang maniobra para sa pangarap nitong maging Speaker of the House. Liban sa nabanggit, pabor sya sa pag-aamyenda ng Konstitusyon, kahit maganap pa ito sa ilalim ng kanyang panunungkulan kung ito ang kailangan, gaya halimbawa, bilang hakbang daw para sa pagkakaroon ng kapayapaan sa Mindanao.[8] Pero mas marami pang malalaking usapin na nakasalang sa Chacha – mga usaping ang apektado ay ang buong bansa at mamamayan. Sa kasalukuyan, patuloy nating tinitindigan na hindi ang ChaCha ang behikulo sa pagtahak sa daang matuwid at para sa pagbabago kundi ang pagpapanatili at pagsasabuhay ng mga nasyunalistang probisyon sa Konstitusyon na nagpoprotekta sa pambansang ekonomya’t patrimonya (Art. 12) at nagtataguyod sa mga karapatang sibil (Article on Bill of Rights). Ang dapat na gawin ni Pnoy ay itaguyod ang nakasaad sa Konstitusyon at gawing batayan ng pagpapabasura sa iba pang mga kasalukuyang batas, patakaran at mga bagong pagtatangka na lumalabag dito. 2. Ang tuwid na daan ay maghahango sa mga maralitang Pilipino sa kahirapan at makapagtitiyak na ang bawat pamilyang Pilipino ay nabubuhay ng may dignidad. a. Sa usapin ng pambansang industriyalisasyon at paglikha ng sapat at marangal na trabaho para sa masang anakpawis – Malinaw sa programa ng administrasyon ni PNoy na ang prayoridad nito ay ang pagkita ng gubyerno mula sa pagtitiyak naman ng kita para sa mga dayuhan at lokal na malalaking kapitalista’t negosyo. Sa proseso ay nasasakripisyo ang pagpapaunlad ng sariling mga industriya at ang kapakanan at karapatan ng mga manggagawa kapalit ng baluktot na konsepto ng ‘national interest’. Nasa turismo, serbisyo at agri-business ang diin ng gubyerno sa economic program nito. Ang industriyang ninanais nitong paunlarin ay ang industriya ng pagmimina na pinaghaharian ng malalaking dayuhang kapital. Nakahain din kay PNoy ngayon ang wishlist ng mga kapitalista sa bansa na ang pangunahing nilalaman ay ang pag-aamyenda sa Labor Code. Ang ilan sa mga nais amyendahan, na may malaking epekto sa manggagawa ay: Article 100, na nagbabawal sa pagtatanggal o pagpapaliit ng mga benipisyong natatanggap ng mga manggagawa at sa halip ay payagan ang pagbibigay ng leeway sa mga kapitalista para sa ‘wage adjustments during tough economic times’; Article 106-109, probisyon sa contracting at subcontracting – ninanais na palitan dahil taliwas daw ito sa promosyon ng ‘dynamic and flexible work arrangements’. Pero gayung di pa naaamyendahan, lansakan na ang pagsasagawa ng labor contracting na naglilibre sa mga kapitalista sa mga restriksyon na dapat ay ipinapataw ng gubyerno para sana proteksyunan ang manggagawa. Walang binabago si PNoy sa mga kasalukuyang polisiya at programa na lalo pang nagpapatibay sa patakaran ng kontraktwalisasyon na nag-alis sa karapatan ng manggagawa sa ‘security of tenure’. Gayundin, patuloy nitong ginagamit ang mga dati nang mapanupil na pamamaraan sa pagresolba ng mga sigalot sa paggawa na pumapabor sa mga kapitalista, gaya nalang halimbawa ng Assumption of Jurisdiction tulad ng sa kaso ngayon ng PAL labor dispute. b. Kaugnay ng programa para sa pagpapaunlad ng agrikultura; ng usapin sa repormang agraryo at pangisdaan – Mukhang di lang lihis kundi masukal pa ang landas sa agrikultura at repormang agraryo sa ilalim ni PNoy. Ayon sa Dept. of Agriculture, ang diin ng kasalukuyang administrasyon ay ‘to invest more on infrastructure to maximize the agriculture production potential’. Samantalang binawasan ang pondo para sa seed support program sa magsasaka, ang pag-iibayuhin ay ang suporta para sa pagsasagawa ng mga kinakailangang imprastruktura gaya ng mga farm-to-market roads, communal irrigation systems, potable water systems, mga tulay at iba pang imprastruktura na kritikal sa pagpapataas ng produksyon. Pero ang magsasaka ba ang makikinabang sa mga ito gayong makailang-ulit nang sinabi ni PNoy (mula pa sa panahon ng kampanyahan) na ang magiging core ng kanyang programa sa agrikultura ay ang pagpapaunlad ng agribusiness sa ilalim ng planong PPP? Hindi nakapagtataka kung mismong sa kaso ng Hacienda Luisita ay atubili si PNoy na mabigyan ito ng pinal na resolusyon pabor sa mga magsasaka. Sa totoo’y walang nais baguhin ang pamilya Cojuangco sa kalakaran sa Hacienda[9]. Nakaayon ang plano sa Hacienda sa disenyo ng agribusiness. Ang kawalan ng kapasyahan ni PNoy sa kaso ng Hacienda Luisita ay malinaw na indikasyon din ng kahihinatnan ng repormang agraryo sa ilalim ng kanyang administrasyon – mananatiling walang laman ang programa dito at kung mayroon mang batas na may ilang probisyong pumapabor sa magsasaka gaya ng CARPER, mananatili itong walang pangil para maging instrumento para maibigay sa magsasaka ang kahilingang lupa. Ang programang PPP din ang magtitiyak, di lang para sa mga asyendero at lokal na negosyante sa agrikultura, kundi lalo’t higit sa mga dayuhang mamumuhunan, ng patuloy na monopolyong pribadong kontrol sa malalawak na lupain sa Pilipinas. Maganda sana ang layunin ng Agri-Pinoy Program ng DA, ang banner program ng administrasyon sa agrikultura. Nilalayon daw nitong wakasan ang importasyon ng bigas at kamtin ang food security sa loob ng tatlong (3) taon. Pero gaano man katuwid ang nilayon, hindi ito maaabot kung ang programa at pamamaraang ipatutupad ay baluktot. 3. Ang tuwid na daan ay magtitiyak sa batayang panlipunang serbisyo at programa para sa panlipunang kagalingan. Sa mata ng IMF-WB, ‘very good’ si PNoy sa pagbibigay prayoridad sa pag-abot sa mga target para sa poverty alleviation at hunger reduction na nakasaad sa Millenium Development Goals[10]. Ito din ang naging batayan ng Millenium Challenge Corporation (MCC) sa pagbibigay nito ng $434 Milyon grant sa gubyernong Aquino. Kalakhan ng pondong ito o $334.4 Milyon ay mapupunta sa mga proyektong pang-imprastruktura na kritikal sa paglago ng pagnenegosyo sa bansa. $54.3 Milyon naman ay mapupunta sa computerization ng Bureau of Internal Revenue para sa pagpapadali ng pagpoproseso ng pagnenegosyo sa bansa. Ito ang laman ng programa ni PNoy para sa pagpawi ng kahirapan sa bansa. Marami rin ang agad na bumatikos sa malaking budget na inilaan nito para sa Dept. of Social Welfare and Development (sa 2011 Proposed National Budget) na $34 Bilyon kung saan ang $29 Bilyon ay nakalaan para sa dole-out program nitong 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Ang laman ng 4Ps ay ang pagbibigay ng conditional cash transfers (CCT) sa halagang P1,400 (kada buwan) sa matutukoy na 2.3 milyon mahirap na pamilyang Pilipino. Madaling makita na hindi ito ang makakasolusyon sa kahirapan. Ang dapat na bigyang prayoridad ay ang pag-aangat ng produktibidad ng bansa sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa agrikultura at sariling industriya at ang paglikha ng trabaho para sa mamamayan – mga pangmatagalang solusyon ang kailangan at hindi panakip-butas gaya ng CCT. Kung ang 2011 Proposed National Budget ni PNoy ang pagbabatayan at masusing susuriin, kapuna-punang hindi nito nabigyan ng prayoridad ang batayang serbisyong panlipunan. Prayoridad pa rin nito ang pagtupad sa komitment sa pagbabayad-utang – ito ang malaking dahilan ng pagtaas ng halaga ng 2011 budget kumpara sa dati sa halip na pagdaragdag ng pondo para sa batayang serbisyo. Ang isa pang malaking pinaglaanan ng pondo ay ang mga proyektong pang-imprastruktura na nagkakahalaga ng P 249.7 Bilyon. Samantala, lumiit ang health budget mula P40B sa P38.6B. Ang budget sa edukasyon ay tumaas ng 12.9%, mula sa dating P172.9B sa P206.3B. Ang alokasyong ito ay halos nakalaan sa mga pangangailangan sa batayang antas ng edukasyon. Ngunit kasabay nito, inilalarga na ang mga paghahanda para gawing 12 years ang batayang edukasyon (Kinder o K + 12 program). Nahuhuli na daw kasi tayo sa maraming mga bansang umuunlad na nagpapatupad ng 12-year basic education. Ito daw ang solusyon sa pagtitiyak ng mga de kalidad na high school graduate, na may kapasidad na agad na makapagtrabaho kahit di pa man nakatungtong sa kolehiyo. Kaya pala, hindi prayoridad sa buong plano sa edukasyon ang antas tersaryo. Ang pondong P23.4B para sa State Colleges and Universities (SCUs) ay 1.7% mas mababa kumpara sa kasalukyang budget. Taun-taon ay bumababa ang budget para dito dahil ang antas tersaryong edukasyon ay malaking ipinauubaya sa pribado. Ito ang dahilan kung bakit patuloy ang pagkawala ng kakayahan ng mga pamilyang Pilipino na mapag-aral sa kolehiyo ang mga anak. Maging ang 12-year basic education ay nakabalangkas sa isang pro-market corporatist educational system. Sa esensya ay walang binabago sa katangiang komersyal at maka-elitista ng edukasyon. Napakaliit naman ng pondong inilaan para sa pabahay na nasa P5.7B lamang o 0.3% ng kabuuang budget. Mas mababa ito kumpara sa budget ni GMA sa serbisyong pabahay. Tuluy-tuloy din ang demolisyon ng mga maralitang komunidad gaya ng North Triangle sa Quezon City na matagal nang may nakahain na petisyon na ipabasura ang Exceutive Order na pinirmahan ni GMA na nagdedeklara sa North at East Triangles bilang QC Central Business District (QC-CBD), nang walang konkreto at malinaw na plano para sa may 35,000 pamilyang naninirahan dito. 4. Ang tuwid na daan ay kumikilala sa karapatan ng mga kababaihan laban sa lahat ng anyo ng diskriminasyon at pagsasamantalang pisikal, sosyal pulitikal at ekonomiko. May ilan nang usaping pangkababaihang lumutang sa unang 100 araw ni PNoy, pero walang masyadong naririnig mula sa kanya, liban sa pagsasabing bukas sya sa Reproductive Health Bill dahil ang posisyon nya ay para sa “free and informed decision” sa mga pamamaraan ng family planning. Pero ang hinihintay sa kanya ng mga kababaihang nakikipaglaban para sa isang tunay na RH Bill ay ang pagpusisyon ng tiyak at walang pag-aalangan laluna sa gitna ng matinding pressure mula sa hirarkiya ng simbahang katoliko sa bansa. Nakatutuwang naisampa na kapwa sa Kongreso at Senado ang mga malinaw na pinaunlad na mga panukalang batas tungkol sa reproductive health. Kung bubuksan lang ng mga taong simbahan at mamamayan sa pangkalahatan, ang kanilang isipan, makikita nila kung paanong makakatulong sa pagsasakapangyarihan ng kababaihan, makakapagpabuti ng kalusugan ng ina ng bata at ng bansa sa kabuuan ang tunay na batas sa reproductive health. Dapat ay huwag magpa-pressure si PNoy sa mga obispo at dapat ay magbigay siya ng matibay na tindig para dito. Ganito rin sana ang ating inaasahan sa kanya sa gitna ng mga usaping kinakaharap ngayon ng mga kababaihan sa hanay ng paggawa gaya ng mahigpit na rekomendasyon ng ECOP kay PNoy na tanggalin na ang Art. 130 ng Labor Code na pumapatungkol sa pagbabawal sa pagtatrabaho sa gabi ng mga kababaihan at pagbibigay ng dagdag na kumpensasyon sa kanila kapag di ito maiiwasan. Gayundin, sa kaso ng PAL kung saan mas maraming babaeng flight attendants at cabin crew ang apektado ng mga paatakaran ng PAL management tulad ng maagang retirement age na 40. Kailangan pa rin nating itulak ang mahigpit na implementasyon ng mga batas na pumapabor sa kababaihan at kanilang mga anak gaya ng Republic Act 9262 o Law on Violence Against Women and their Children, RA 8972 o Solo Parents Welfare Act, Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 (RA 9208), Anti-Sexual Harassment Act of 1995 (RA 7877), Anti-Rape Law of 1997 (RA 8353) at magpatupad ang gubyerno ni PNoy ng mga tiyak na maaasahang mekanismo para magkapangil ang mga ito. 5. Ang tuwid na daan ay tatapos sa malaganap na represyon at pagsupil sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan at magtataguyod sa mga kalayaang sibil at karapatang pantao. Wala pang hakbang si PNoy sa mahigpit na rekomendasyon ng mga human rights groups na bawiin nito ang mga EO ni GMA na may implikasyon sa kalayaang sibil at karapatan ng mamamayan gaya ng calibrated preemptive response (CPR), EO 464 o executive privilege at iba pa. Gayundin, ang pagpapareview man lang sa Human Security Act. Sa kabila ng pagsasabing hindi niya hahayaang maganap ang extra-judicial killings (ejk) sa ilalim ng kanyang administrasyon, nagtutuluy-tuloy pa rin ito (may 16 kasong naitala sa unang 100 araw) kasabay ng iba pang kaso ng enforced disappearances, arbitrary arrests and detention at iba pang paglabag sa karapatang pantao. Tumampok din ang mga kaso ng torture. Liban sa Ampatuan massacre case, wala pang gaanong inuusad ang pagbibigay-hustisya sa mga biktima laluna ng ejk[11] at disappearances at pagreview sa mga kaso ng political prisoners hanggang pagpapalaya sa mga tunay na walang sala[12]. Bagamat may integridad ang bagong hirang na Secretary ng Dept of Justice Leila de Lima, puno ang kamay nito, laluna nang pumatong ang usapin ng hostage crisis. Ang Commission on Human Rights (CHR) naman ay lalong mapapaliit pa ang kakayahan na isulong ang programa nito para sa promosyon at proteksyon ng karapatang pantao laluna ang agarang pag-iimbestiga sa maraming kaso ng paglabag at probisyon ng serbisyo legal sa mga biktima at pamilya nila, sa pagbabawas pa ng pondo para dito sa 2011 National Budget sa P266.9M mula sa P285.89M. 6. Ang tuwid na daan ay magwawakas sa tradisyunal na pulitikang nakabatay sa mga patron at angkan. Tatapusin ang paghahari ng mga trapo at elitista at magtataguyod ng isang paggugubyernong tunay na may pananagutan at mapagkalinga sa mamamayan. Kung mayroon mang isang kapuna-puna sa katangian ng bumubuo sa gubyerno ni PNoy, ito ay ang pagsasama-sama ng mga taong pinakamalalapit sa kanya (in terms of personal relations) at mga pinagkakatiwalaang personahe na nakatulong sa kanyang kandidatura. Sa madaling sabi, mga kaibigan, kaklase, taong malapit sa pamilya Aquino at mga pinagkakautangan ng loob. Sa kanyang plataporma noong panahon ng kampanyahan, sinabi ni PNoy na itatransporma nya ang paggugubyerno “from presidential appointees chosen mainly out of political accommodation to discerning selection based on integrity, competence and performance in serving the public good: a civil service based on merit and not political patronage.” Pero sa yugto palang ng paghirang ng mga taong bubuo sa gabinete, nakita agad kung ano nga ba ang pinakabatayan sa pagpili. Siempre, marami sa mga napili ay mula sa kapartidong Liberal Party at Hyatt 10 (mga dating miembro ng gabinete ni GMA na nagsipagresign sa panahon ng Hello Garci at naging masugid na tagasuporta ng kampanya ni Noynoy). Ang iba pa sa gabinete ay mga personal na kaibigan gaya nina Executive Secretary Paquito Ochoa, Presidential Spokesperson Edwin Lacierda at DILG Undersecretary Rico E. Puno. Kalakhan ay mga bagito sa pulitika at paggugubyerno, at lumalabas na kapos ang kakayahang makitungo sa mga usaping panlipunan. Kapuna-puna din ang naging papel ng mga kapatid ni PNoy na si Ma. Elena “Ballsy” Aquino-Cruz at Aurora Corazon “Pinky” Aquino-Abellada sa search committee. Gayung di opisyal na miembro nito, nakaupo sila at hiningan ng suhestyon. Sinasabing sila ang naging mapagpasya sa pagkakahirang muli kay Dept. of Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo na kilalang malapit sa pamilya Aquino (sa kabila nang nauna na itong naipangako kay dating DTI Secretary Juan Santos ng Hyatt 10. Ang iba pang maituturing na kaso ng ’utang na loob’ ay ang pagkakahirang kay Education Secretary Armin Luistro ng La Salle brothers; mga miembro ng pamilya Abad[13], mga kaklase (Ateneo Law School Class of 1985) at mga kapwa Atenista[14]. Sa kulang-kulang sa tatlong buwan ng panunungkulan, tumatampok na ang kawalang kakayahan (incompetence) at di-episyenteng pamumuno ng mga miembro ng gabinete ni PNoy. Nahamon kaagad ang unang tatlong executive orders nito sa Korte Suprema. Lalo ring pinatampok ang kawalang kakayahan nito ng palpak na pagharap sa nakaraang hostage crisis. Agad namang nasalang ang kaseryosohan ng administrasyon na puksain ang korapsyon sa maagang paglabas ng iskandalo ng jueteng payola na sangkot mismo ang ilang opisyal ng bagong administrasyon. Ang dating Kamag-anak Inc. ay may bagong bersyon - Kaklase Inc.at Utang-na-Loob Inc. Pero hindi ba’t kung mayroon mang labis na pinagkakautangan ng loob si PNoy sa kanyang pagkapanalo, ito ay ang taumbayan? Sa nangyayari, mukhang mahirap paniwalaang ang mamamayan ang kanyang ’boss’. 7. Ang tuwid na daan ay magwawakas sa korapsyon at katiwalian sa gubyerno. Magandang unang hakbang ang pagbubuo ngTruth Commission para imbestigahan ang mga kaso ng korapsyon sa gubyerno laluna ang kinasangkutan ni GMA, kasama na ang pandaraya sa eleksyong 2004 at ang mga kaso ng pagnanakaw tulad ng NBN-ZTE. Sa SONA, inianunsyo rin ni PNoy ang mga iregular na paglulustay ng salapi ng dating gubyerno ni GMA sa huling anim na buwan ng panunungkulan nito. May sinimulan na ring tugisin na indibidwal na tax evader. Gayundin, ipinag-utos ni PNoy ang pagbubuwag ng sampung (10) ahensya sa ilalim ng Office of the President[15] para sa streamling ng budget at pagbabawas na rin ng dagdag na mga sources ng korapsyon. Mukha namang di bumibitiw si PNoy sa kanyang programa na anti-corruption. Hindi nga ba’t isa ito sa kanyang ‘core of governance’. Pero dapat ay makita pa natin ang pag-usad mula sa nasimulan nang mga pagsisikap. Patuloy na nababarahan ang Truth Commission at nakapamamayagpag pa ang mga dapat ay unang patungkulan at tugisin nito – GMA at mga alipores. Ang mga sinampolan na ahensya (gaya ng MWSS) at indibidwal na tax evaders (gaya ni Villarica), bagamat may mga tiyak na kaso, ay hindi pa ang pinakamalalaki. Kailangang tugisin ang pinakamalalaki (gaya ng GSIS, Lucio Tan atbp) para marami ang matakot at maniwalang seryoso ang gubyerno sa pagpuksa ng korapsyon, katiwalian at pandaraya. Kailangan ding bantayan maging ang mga nasa loob mismo ng kanyang administrasyon (marami dito ay naging parte din ng mga nagdaang rehimen). Hindi magandang pangitain na sing-aga ng unang 100 araw ay lalabas ang isyu ng jueteng payola na sangkot ang ilang mataas na opisyal at close-in ni PNoy, na ayon kay Bishop Oscar Cruz ay tumatanggap diumano ng di bababa sa P2 Milyon kada buwan. Dapat maging pursigido at walang puknat si PNoy kung ninanais nyang maging hallmark ang pagpuksa ng korapsyon sa ilalim ng kanyang administrasyon. Walang ‘pangil’ ang kampanya laban sa korapsyon hangga’t ang mga malalaki ay patuloy na nakapagmamaniobra para iligtas ang kanilang sarili at patuloy na nakakaiwas ang mga korap na kakampi. Kung ating susuriin ang mga prayoridad at programa ng gubyernong Aquino, masasabi nating “Hindi matanaw ang ‘tuwid na daan’ at kung mayroon mang matuwid, ito ay ang patuloy na pagtahak sa dating lihis na daan na inilatag ng mga nagdaang rehimen.” Titindi pa ang krisis sa pagtampok ng kawalang kakayahan at di-episyenteng pamumuno ng kasalukuyang gubyernong Aquino. Pangunahing lilikhain ito ng kawalang kapasyahan ng gubyerno na magpatupad ng mga kagyat na reporma laluna sa ekonomiya para sa kapakanan ng mamamayan at patuloy na pagpapatupad sa mga programa’t patakarang nagreresulta sa krisis. Para maging tagapagtuyod ng pagbabago, kinakailangang humiwalay ni PNoy sa landas ng neoliberal na ekonomiya, ng pulitika ng pyudal na patronahe, ng kulturang kolonyal at maka-elitista. Ito ang tanging matuwid na daan para sa tunay at ganap na pagbabago. Kailangang ang mamamayan ang patuloy na maggiit sa pagbabagong ninanais. At kung walang magbabago sa kasalukuyang maling prayoridad at programa ni PNoy, kailangang magawa natin ang pinakamaagang paglalantad sa kanya upang ihanda ang mamamayan sa paglaban sa bagong mapagsamantala at mapang-aping rehimen. ###### [1]Sinabi ng ECOP na kailangang kagyat na amyendahan ang Labor Code kung ninanais ng gubyerno na sumigla ang public-private partnerships sapagkat ang kasalukuyang Labor Code ay naglalaman ng mga probisyong “archaic and counter-productive that hinders new investments and limits avenues by which businesses can exercise management prerogative.” [2]Public-Private Partnerships (PPP) provisions in the 2011 General Appropriations Act: Setting up of a PPP Center attached to the NEDA. The Center will provide technical assistance and help facilitate the development of PPP proposals for high impact projects. Provision of P500 million to DPWH and P100 million for DOTC for the conduct of their own feasibility studies on PPP. Provision of P15 billion under DPWH, DOTC, and DA to comprise NG counterpart requirements for PPP projects (e.g., for right of way) [3] Ang mga naisarang investment deals ay mula sa ss: Coca-Cola ($1B), American Energy Solutions ($1B), at ang iba pa - Pfizer, Hewlett-Packard, General Electric, JP Morgan Chase, Luen Thai Holdings Ltd., Sutherland Global Services Inc., Century Properties, Headstrong Corp., SPi Global at Affinity Express. [4]Joint Resolution No. 3 filed by Sen. Miriam Defensor-Santiago, expressing the sense of Congress as a whole to terminate the VFA and directing the Secretary of Foreign Affairs to give the notice of termination to the United States (August 2010) [5]May kasalukuyang Trade and Investments Framework Agreement (TIFA) sa pagitan ng US at Pilipinas. [6]BHP Billiton, ang pinakamalaking korporasyon sa pagmimina ngayon sa daigdig; Anglo-American, pumapangalawa sa daigdig; Brazil’s Vale do Rio Doce, pinakamalaking iron-ore producer at exporter; Xstrata Queensland Limited (United Kingdom-Swiss company), pang-apat na pinakamalaki sa copper mining; Phelps Dodge ng US; Sumitomo ng Japan, isa sa pinakamalaking producer ng nickel; Lafayette Mining Limited (New Zealand-based) [7]Luzon: Mapalan Point, Morong (Bataan),San Juan (Batangas), Padre Burgos (Quezon), Palicpican, Ternate (Cavite), Port Irene/ Matara Point at Rakat Hill (Cagayan); Visayas: Talusan Point, Sipalay (Negros Occidental),Tagbarungis, Inagauan (Palawan),Concepcion, Tanabag (Palawan),Cansilan Point, Bayawan (Negros Oriental),Baluangan, Cawayan (Negros Oriental); Mindanao: General Santos,Saranggani,Piacan Point at Cauit Point , Siocon (Zamboanga del Norte) [8]Isa ito sa mga tinukoy na rekisito ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) para maging ganap ang MOA-AD [9] “continuing what we have here is the way to go. Sugar farming is a kind of business that has to be done plantation-style.” Fernando Cojuangco, pinsan ni PNoy at isa sa mga tagapamahala ng Hacienda Luisita. [10]The UNDP Millennium Development Goals (MDGs) are a set of eight time-bound, concrete and specific targets aimed at significantly reducing, if not decisively eradicating poverty, by the year 2015. The Philippines’ other MDGs goals include reducing poverty incidence by half, achieving universal access to education, and improving maternal and children’s health by 2015. [11]Majority of extrajudicial cases in the country remain unsolved with only a 1.05% successful conviction rate during the period 2001-2010, a recent study conducted by Atty. Al Parreno on The Legal Audit of Cases of EJK in the Phils. [12] 1,207 killings, 206 enforced disappearances, 388 political prisoners (more or less) [13] May apat (4) na Abad sa Aquino Cabinet -- Budget and Management Secretary Butch Abad; asawa nito na si Batanes Rep. Henedina Abad, na napaulat na magiging Vice-chairperson ng Committee on Appropriations ng Kongreso; anak na si Julia, Head of the Presidential Management Staff; anak na si Luis, Chief-of-Staff ni Finance Secretary Cesar Purisima. [14]Liban kna Ochoa at Lacierda, ang iba pang nahirang na mga kaklase ay sinaBIR Commissioner Kim Henares at Eulalio Diaz III, Administrator ng Land Registration Authority; ang iba pang Atenista ay sina Rene Almendras, Secretary of the Department of Energy, Cristino Naguiat, Chairman of the Philippine Amusement and Gaming Corp., Senior Deputy Executive Secretary Jose Amorado, Juan Andres Bautista, Chair of the Presidential Commission on Good Government, Pio Lorenzo Batino, Defense Undersecretary, Michael Frederick Musngi, Deputy Executive Secretary, Francis Tolentino, Chair of the Metro Manila Development Authority. Marami sa kanila ay parte ng grupong Pinoy Lawyers, ang nagsilbing legal arm ng Aquino campaign sa panahon ng eleksyon. [15] Mindanao Development Council, Office of the North Luzon Quadrangle Area, Office of External Affairs, Presidential Anti-Graft Commission, Minerals Development Council, Presidential Anti-Smuggling Group, Luzon Urban Beltway Super Region, Bicol River Basin Watershed Management Project, Office of the Presidential Adviser on Global Warming and Climate Change, at Office of the Presidential Adviser on New Government Centers
PaNDAIGDIGAN at PAMBANSANG SITWASYON Lumang Pulitika, Bagong Rehimen Bago na ang may hawak ng estado, nailuklok mula sa pinakamagastos na eleksyon sa kasaysayan ng bansa. Maliban sa pagiging automated ng canvassing ng boto nuong nakaraang halalan, walang nagbago sa esensyal na karakter ng patronatong pulitika sa bansa. Ito ay nanatiling ribalan ng mga masalapi at makapangyarihan. Ang eleksyon ay isang ‘pambihirang pagkakataong’ ibinigay ng naghaharing-uri para makapamili ang mga pinagsasamantalahang uri kung sino sa mga paksyon ng mga mapagsamantala ang sya namang hahawak sa poder sa isang takdang panahon. Halimbawa, di natinag sa pusisyon ang mga dinastiya sa pulitika tulad nina Marcos (Ilocos Norte), Singson (Ilocos Sur), Ortega (La Union), Joson at Umali (Nueva Ecija), Dy (Isabela), Lobregat (Zamboanga) at Duterte (Davao). Habang talunan ang mga alternative politicians tulad nina Padaca (Isabela) at Panlilio (Pampanga). Gayunman, nagbigay-daan ito sa relatibong ‘mapayapang’ transisyon ng kapangyarihan, isang kapani-paniwalang resulta (credible result) sa pagkapanalo ni Noynoy Aquino. Naiwasan ang tuwirang pagsambulat ng krisis ng pampulitikang sistemang pinatalas ng siyam na taong pamamayagpag ni GMA sa poder. Ibayong napaigting ang tunggalian sa pagitan ng mga paksyon ng mga naghaharing uri sa harap ng maanomalyang pagkakaluklok ni GMA sa kapangyarihan at walang patid na maniobra para makapanatili sa pwesto. Kasama sa mga maniobra nito ay ang pandaraya sa eleksyong 2004 at 2007, panunuhol sa mga matataas na opisyales ng gubyerno’t militar at paulit-ulit na pakanang Charter Change. Bukod pa, ang nagdulot sa ganap na pampulitikang pagkakahiwalay ni GMA ay ang todong pagpapatupad nito ng mga anti-mamamayan at maka-dayuhang polisiya’t hakbang sa pagnanais na masungkit ang suporta ng mga haligi ng reaksyon lal’t higit ang United States. Kung babalikan, ganap na umatras lamang si GMA sa kanyang mga pakanang pigilan ang eleksyon nuong makitang di solidong maasahan ang pwersang militar at pulis habang nagdeklara na ang US at iba pang haligi ng reaksyon na isang mapayapang transisyon ang kailangan. Kasabay nito ang malaganap na sentimyentong anti-GMA na ipinamalas nuong burol at libing ng dating pangulong Cory Aquino. Patunay sa malawakang pagtatakwil ng taumbayan sa rehimeng Arroyo ang pagkatalo ng mga ilang alyado na mahigpit na kakabit ang pangalan sa administrasyon ni GMA tulad nina Gibo Teodoro, Gonzales (Iloilo), Nograles (Davao), Ermita (Batangas), Devanaderra (Quezon), Bolante (Capiz) at Mike Defensor (Quezon City); kasama na din si ‘Villarroyo’ at Legarda na pinaniniwalaang nakipangkasundo kay GMA. Sa kabila nito, nakasungkit naman ng panalo sa kanyang mga kabalen sa 2nd Distrito ng Pampanga si GMA (bilang Kongresista) at mga ka-partido nito sa Lakas –Kampi-CMD mula sa kumbinasyon ng panggigipit at pamumudmod ng salaping-jueteng at perang kanyang ninakaw. Nakalatag ang mga Pananggalang at Bitag ni GMA Marami sa dating tagasuporta at alyado ni GMA ang naglipat-bakod sa takot na madamay sa galit ng mamamayan. Ang mga oportunistang pulitikong ito ay nagtalunan sa bakuran ng Liberal Party o kaya ay sa NP at PMP. At sa pagkawala ni GMA sa panguluhan ay sya namang paghina ng kanyang partido na 22 na lamang ngayon sa Kongreso. Gayunpaman ay nailatag na ni GMA ang depensa kontra sa mang-uusig sa kanyang mga kinasangkutang anomalya. Tiyak na padadaanin nya sa butas ng karayom kung sakaling ito’y tugisin ng bagong administrasyon. Halimbawa na dito ang pagpwesto ni GMA sa ilang mga kasapakat sa pandaraya tulad ni General Bangit at abogadong si Renato Corona, sa mga mayor na pusisyon sa gubyerno (Korte Suprema at AFP) at pagtalaga ng mahigit na tatlong libong “midnight appointees” sa mga susing ahensya ng gubyerno sa huling tatlong buwan ng kanyang panunungkulan. Bagama’t pinawalang bisa ng bagong presidenteng si Aquino sa pamamagitan ng Executive Order #2 at 3 ang maraming appointments ni GMA(kasama na si General Bangit), nananatili pa rin ang mga loyal na tao ni GMA sa pwesto tulad ng Korte Suprema maging sa Punong Mahistrado. At para mas tumatag pa ang depensa ni GMA ay nagmamaniobra ang buong angkan nito na makapwesto sa poder (karamihan ay sa Konggreso) para epektibong makalaban. Matinding Pagkakahati ng Mga Paksyon ng Naghaharing-Uri Sa kasalukuyang pagkakahati-hati ng paksyon ng naghaharing-uri, wala sa mga ito ang ganap na nagdodomina ng kapangyarihan pampulitika-- ang huminang Lakas-Kampi-CMD ni GMA; ang nagpapalakas na LP ni Aquino at ang pagbabalik ng mga Marcos sa pambansang pulitika sa pamamagitan ng NP kasama ang dating mga galamay ni GMA. Hindi rin pahuhuli ang PDP-Laban na nakapwesto sa pagkapanalo ni Binay, at PMP na nakapagpanalo din ng ilang senador at kongresista. Kung gayon, ang bawat paksyon ay abala sa pagsasamantala sa pagkakataon upang ibayong makapagpalakas, lalo’t higit ang LP na partido ng Pangulo. At kahit na ang marami ay nagpahayag ng suporta sa administrasyong Aquino, maaasahan ang mas maigting na tunggalian at maniobrahan ng mga paksyong ito na magbubunga ng mga bagong alaynment at re-alayment sa darating na panahon. Halimbawa ang pagmamaniobra ng paksyong Enrile at paksyong Angara, habang muling binuhay ng mag-inang Arroyo ang Cha-Cha sa Kongreso at pagsusulong ng pagbabago sa paggugubyerno (form of government) bilang unang paksang pagtatalunan sa Lehislatura. Sa kabilang banda, nakatuon ang Gubyernong Aquino sa pagharap sa mga kasong kinasangkutan ni GMA (tulad ng pandaraya sa Eleksyong 2004, pagnanakaw sa pamamagitan ng NBN-ZTE Deal, Hello Garci at Fertilizer Scam) na syang pokus ng kanyang Truth Commission. Tiyak na lalo lamang nitong susuhayan at palalalimin ang bitak sa pagitan ng mga paksyon. Ang pag-anunsyo ng Administrasyong Aquino sa walang pakundangang paglulustay ng salapi ng dating Administrasyong Arroyo nuong nakaraang State of the Nation Address (SONA) ay nangangahulugang di pakakawalan ang pangkat ng Arroyo. Ang Gubyernong Aquino at ang Pangakong ‘Tuwid na Daan’ Ang namuong galit ng mamamayan sa inabot na kalagayan sa ilalim ng rehimeng Arroyo; ang ‘pagbabagong’ ibinandera ng oposisyon at persepsyon (ng mamamayan) na si Aquino ang puspusang kontra-rehimeng GMA ang mga salik na nagbigay daan sa panguluhang Aquino. Kaya kahit hindi nakahanay sa mga ‘presidentiables’ at kahit walang katangi-tangi sa ang 12 taong track record sa Konggreso at Senado, si Noynoy Aquino ay tila bulalakaw na pumaimbulog at naluklok poder. Dahil dito, magsisikap itong magbigay kahit man maliliit na reporma at konsesyon sa mamamayan para suhayan ang pamamag-asa nito sa pangakong ‘tuwid na daan’, gayung sa saligan ay hindi naman lumilihis sa tunguhing neo-liberalismo o ang patuloy na pagbubukas ng ekonomya sa pagpasok ng dayuhang negosyo’t puhunan at paglikha ng paborableng klima (favorable investment climate) para rito. Ang katangiang ito’y sinasalamin ng kanyang gabinete. Kasama ng mga opisyales na may kredibilidad (De Lima sa DOJ, HR Lawyer Gil De los Reyes sa DAR, Jessie Robredo sa DILG, at environmentalist na si Ricardo Alcala sa DA ) ay mga dating opisyales ng nagdaang mga rehimen na napatunayan nang may track record ng walang pangiming pagtutulak ng mga hakbang na maka-dayuhan at anti-mamamayan (Paderanga sa NEDA, Purisima sa Finance, De Jesus sa DOTC, Romulo sa DFA). Mayroon ding mga kinatawan ng malalaking negosyo tulad nina Alberto Lim na dating Executive Director ng Makati Business Club (Tourism), Jose Almendras na dating presidente ng Manila Water at Cebu Holdings ng mga Ayala at ingat-yaman ng Aboitiz Group of Companies (Energy) at Rogelio Singson na dating presidente ng Maynilad ng mga Lopez (DPWH). Bukod pa’y may mga nakatulong sa kanyang kampanya (Abad na dating Education Secretary sa DBM at Luistro na dating president ng La Salle sa DepEd), mayroon ding mga pinalusot na mga career personnel tulad nina Paje (DENR), Baldoz (DOLE), Henares (BIR); at mga kaibigan (Ochoa, Lacierda). –Mga bagito sa pulitika’t paggugubyerno at kapos ang kakayahan sa pagtumugon sa mga usaping panlipunan. Agad na naisalang ang rehimeng Aquino sa Korte Suprema nang kinuwestyon ang unang tatlong executive orders nito--EO #1 (pagbubuo ng Truth Commission na syang tutugis sa mga anomalya ng nakaraang rehimen) na ito daw ay sumasaklaw na sa kapangyarihan ng Kongreso; EO #2 (nagpapawalang-bisa sa midnight appointees ni GMA) na ang mga naitalaga ng March 1 ay di na saklaw ng nubenta-araw na Constitutional Ban sa Presidente sa pag-appoint; at ang EO #3 (ang awtomatikong pagbigay ng Career Executive Officer o CESO Rank III sa mga abugado). Bukod pa, pansamantalang napigil ang ilang mga panukalang programa at patakaran tulad ng pagpataw ng 12% VAT sa toll at ang 250% pagtaas sa singil ng South Luzon Expressway mula Alabang hanggang Calamba. At sa palpak na pagharap sa nakaraang hostage crisis sa Luneta Grandstand sa Maynila na lalong nagpatampok ng kawalang kakayahan (incompetence) ng kanyang gubyerno. Sa Social Weather Station (SWS) Survey bago ang State of the Nation Address (SONA) si Aquino ay nagtala ng pambihirang 88-porsyentong ‘trust rating’ -- indikasyon ng mataas na ekspektasyon ng mamamayan sa kanyang pangakong ‘tuwid na daan’. Ito pa din ang tono ng kanyang SONA na nanawagan na umpisahan na ang pagbabago. Pero sa harap ng kawalang-kakayahan ni Aquino at ng kanyang binuong gabinete na tahakin ang daan tungo sa makabuluhang pagbabago, nanatiling islogan lamang ang mga katagang ito. Sinasalamin ng kanyang panukalang ‘private-public partnerships’ (na nasa konteksto ng pagtalima sa mga direktiba ng World Bank) at hindi pakikialam sa usapin ng pribadong kontrol sa malalawak na lupain sa Pilipinas (tulad ng ‘hands-off’ stance nito sa kontrobersyal na ‘stock-distribution option’ ng Hacienda Luisita) ang kanyang pagtalima sa balangkas ng neo-liberal globalisasyon at free market paradigm. Mahihirapan ang gubyernong Aquino na maisakatuparan ang inaasahang tuwid na daan ng mamamayan hindi lamang dahil sa ito’y salungat sa lohika ng naghaharing-uri at sa kawalan ng kakayahan ng kanyang gabinete na unawain ang mga usaping nakakaapekto sa mamamayan kundi higit pa, dahil sa patuloy at papalalim pa ang krisis sa ekonomiya at ang katotohanan na kahit pa nangyari ang mapayapang transisyon sa pangungulo, hindi makakamit ang papulitikang istabilidad sa bansa. Ekonomiyang Nasa Krisis Sa pagbaba ni GMA, mapapasakamay ni Aquino ang isang ekonomiyang saklot ng matinding krisis. Hindi maramdaman ang pinangangalandakang ‘lumagong ekonomiya’ sa harap ng nagtataasang presyo ng batayang pangangailangan at singil sa serbisyo (kuryente, tubig at matrikula). Lumalaki man ng 14 % ang bilang ng OFWs na umalis nitong unang anim na buwan ng taon, maliit ang naitalang paglaki ng remittances na 8.7% lamang. Matingkad ang kawalan ng kakayahan ng ating ekonomiya na makapagbigay ng trabaho kung saan 7.5% ang disempleyo (Mayo) habang 20% naman ang kulang sa trabaho o underemployed. Sa mga may trabaho, 55% lamang ang sahuran habang 37% ay self-employed at 10% naman ay di-sahurang nagtratrabahong myembro ng pamilya. Ni hindi maramdaman ang sinasabing paglaki ng Gross Domestic Product (GDP) o kabuuang kinita sa loob ng bansa na 7.9% (1st quarter 2010) at 7.3% (2nd quarter 2010). Ang naturang paglaki, na katulad halos nang paglaki ng GDP makalipas ang eleksyon 2004; ay mula pa sa mga ginastos nuong nakaraang eleksyon—mga ginastos ng kandidato at tagasuporta, mga pumasok na remittances mula sa mga OFWs na syang nagpalobo sa konsumpsyon (consumption). Ito ay panandalian lamang. Tulad nuong eleksyong 2004, tiyak na biglang babagsak ang tantos na ito sa susunod na kwarto ng taon. Sa kabilang banda, bumagal ang paglaki ng kabuuang koleksyon ng gubyerno sa unang kwarto (-11.8% o P109.717 B) kumpara sa nakaraang taon na P 124.468 B. Paspas ginawang ang paggastos ng gobyernong GMA sa unang limang buwan ng taon na pumalo ng P140.244 B o 15.07% mula sa P 121.869 B. Kasabay nito ang paglaki ng depisito sa badyet (kulang sa badyet) na tinatayang aabot ng P 325 B para sa buong taon. Umutang na naman para mapunuan ang kakulangan na ito. Lumaki di umano ang eksport pero lumaki din ang depisit sa kalakalan ng produkto o balance of trade (na dapat ay mas malaki ang iniluluwas o eksport kaysa sa ating iniaangkat o import) na nasa $ 2.308 B mula $2.047 B. Ang resulta: hinihila pababa ang kabuuang balanse sa bayaran (balance of payments)[1] mula $2.019 B naging $1.363 B sa unang kwarto ng taon sa kabila ng paglaki ng remittances. Maging ang paglaki ng Gross International Reserves[2] o kabuuang reserbang ari-arian ay bunga ng pagtaas sa halaga ng ginto, paglaki ng remittances, at pangungutang. Lumiit ang Net International Reserves[3] ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP mula $ 982 M naging $388 M na lamang ito. Kasamang minana ni Aquino ang mga utang ng gubyernong Arroyo. Halimbawa, sa unang apat na buwan ng 2010, umutang ng $ 250 B, € 150 B at ¥ 750 B si GMA. Bukod pa ito sa lokal na pangungutang. Hindi na nakapagtataka na nanatiling P4.458T ang kabuuang utang ng pambansang gubyerno. Abot ang kabuuang utang sa 57% ng GDP ng bansa. Ang P2.537T ay inutang mula sa loob ng bansa at P1.921T mula sa labas ng bansa. Dahil malaki ang kapos o depisito sa pambansang badyet, lalong nagiging makitid ang anumang maniobrang piskal (fiscal maneuvers) ng gubyernong Aquino. --Lalong mahihirapan itong makapagbigay ng konsesyon sa mamamayan. Ang masaklap pa, sa unang anim na buwan pa lamang ay nagastos at/o nakatali (commited) na ang halos nubenta porsyento (90%) ng badyet (kasama na ang pondo sa kalamidad) at sampung porsyento na lamang ang natitira para sa taong ito. Maging ang mga nag-akumulang bayarin tulad ng upa sa Arlegui Mansion ay iniwan na para akuin ni Aquino. Higit pa, ang krisis ng ekonomya sa Pilipinas ay tuwirang apektado rin ng nagpapatuloy at papalalang krisis sa pandaigdigang ekonomya. Ang Lumalalang Krisis sa Pandaigdigang Ekonomiya Hindi pa makabawi ang produksyon ng mga abanteng ekonomiya, makitid ang pamilihan at malaki ang pagkakautang ng mga gubyerno. \s G-7 Countries 2007 2009 2010 Compound Annual Growth Rate (2007-2010) US 62.1 83.2 92.6 14.3% Canada 65.0 82.5 83.3 8.6% Japan 187.7 217.7 227.1 6.6% UK 44.1 68.2 78.2 21.0% France 63.8 77.4 84.2 9.7% Germany 65.0 72.5 76.7 5.7% Italy 103.4 115.8 118.6 4.7% Average 82.2 102.3 110.2 10.3% Ang pakete ng mga stimulus plans na kalakha’y ginamit para maisalba ang mga bangko at mga malalaking institusyon sa pinansya, at mga pautang para isustini ang paggastos ng mamamayan ay paubos na sa maraming bansa. Ang panandaliang siglang dulot nito ay nagbigay daan sa malalaking pagkakautang ng mga tinaguriang pinakamalalaking bansa (tingnan ang tsart) Source: IMF Fiscal Monitor, May 14,2010 ; Chand Carmichael & Co. Pati ang mga maliliit na bansa ay nabaon sa utang tulad ng Portugal (80.22% ng kanyang GDP) at Greece (124.9% ng kanyang GDP). At dahil nga nasa resesyon ang karamihan, lumalaki ang posibilidad na ang mga ito’y papalya sa pagbabayad (risk of default) ng kanilang mga utang kagaya ng nangyari sa Iceland, Ireland,Dubai at Greece at maaring abutin ng Spain, Portugal, Italy, Latvia at Hungary. Ito ang pinagmumulan ng panibagong siklo ng kawalang-kaseguruhan (uncertainty) sa global financial system ng mga bangko sa Europa (Germany, Austria, France) na syang tuwirang kasangkot sa pagpapautang sa mga atrasadong bansang ito. Sa kabilang banda, abala ang mga gubyerno sa pagpapaliit ng kanilang mga gastusin nang sa gayo’y mapaliit ang depisit sa badyet. Ilan sa mga hakbang ay ang pagpataw ng karagdagang buwis sa kanilang mamamayan, paglimita ng pampublikong utang o public debt[4] at pagkakaroon ng magandang credit rating. Sa totoo, malimit ay binababaan ng credit rating (downgrade) ang mga bansang may pagkaka-utang tulad ng ginawa sa Greece, Spain at UK kasabay ng pagpapataas ng interes sa pautang. Walang magagawa ang mga nasabing gubyerno kundi tumalima sa mga makapangyarihang institusyong nagpapa-utang, bunsod ng dominasyon ng oligarkiya sa pinansya (pinagsanib na kapital sa pinansya at industriya, kung saan nangingibabaw ang kapital sa pinansya) sa buong daigdig. At dahil krisis, lumiliit ang pondong maaring ipangutang (shrinking credit supply) na syang pinag-aagawan ng mga gubyernong nagsisikap umangkop sa hagupit ng krisis. Halimbawa, mahigit $16 T ang kailangan ng mga bansang kasapi ng OECD para sa taong 2010. Ang papalaking pangangailangan sa utang kasama ang papalaking risgo ng pagpalya sa pagbabayad ay syang batayan ng nagbabadyang credit crunch o ipitan sa utang sa buong mundo. Ito ang dahilan kung bakit ingat na ingat magpa-utang ang mga pinakamalalaking bangko sa Europa. Ito rin ang problemang kaharap ng US dulot ng pagbagsak ng pamilihan sa bahay nitong nakaraang Mayo. Sa kabila ng pagbibigay ng tax credit ($8,000 sa mga first-time home-buyers), mataas ang tantos ng pumapalya sa utang sa unang kwarto pa lamang. [5] Bukod pa, lumolobo ang bilang ng bahay na naiilit na tinatayang aabot ng 7.6 M hanggang 7.8 M bahay bago matapos ang taon.[6] Ang ibig sabihin, sa bawat dalawang bahay na nailit ay isang bahay lamang ang naibebenta, lumalaki tuloy ang nakatipong non-performing assets/ loans ng mga bangko. Austerity Measures: Hindi Sagot sa Krisis Ang krisis ng dominanteng kaayusan panlipunan sa mundo, ang monopolyo-kapitalismo o imperyalismo, ay kinatatangian ng krisis sa larangan ng pananalapi. Maraming mga bansa sa ngayon ang nagpapatupad ng austerity measures o pagtitipid o paghihigpit sa mga gastusin ng gubyerno. Ang masakit, ginagawa ito ng mga gubyerno para isalba ang mga naluluging malalaking kapital sa pinansya sa ibayong kapariwaraan ng mamamayan ng mga bansa. Ang austerity measures ay may dalawang paraan, ngunit kapwa pahirap sa mamamayan. Una, nagbabawas ng gastusin ang mga gubyerno kung saan ang mga binabawasan/tinatanggal ay serbisyong panlipunan tulad ng serbisyong pangkalusugan, pampublikong edukasyon, serbisyong bumbero, public daycare centers, transport subsidies ng mga estudyante, elderly at senior citizen centers gayundin ang suporta para sa may kapansanan. Pinagpapaliban ang retirement pension, pinapaikli ang saklaw ng unemployment pensions kasama na ang pagbabawas sa sweldo at iba pang benepisyo ng mga empleyado ng gubyerno. Ang tanging hindi tinipid ay ang paggastos sa mga digmang mapanalakay, gastusin sa depensa at seguridad at pambayad utang sa mga dambuhalang bangko. Pangalawa, ang pagpapataw ng mas mataas na buwis at iba pang singilin sa mamamayan para sa karagdagang kita ng mga gubyerno (government revenues). Ang pwersahang pagtitipid na ito sa mamamayang gupo na sa kawalang trabaho at papaliit na kita (shrinking income) ay kabaligtaran ng pagbibigay ng mga tax breaks o kaluwagan sa pagbabayad ng buwis sa mga dambuhalang korporasyon para mabilis itong makabangon. Ang pagtitipid na ito ng mga gobyerno ay nagresulta sa pagkatanggal ng mga empleyado ng gobyerno tulad sa US kung saan papalo ng 2 Milyon ang mga matatanggal na empleyado hanggang 2011 kasama dito ang mga gurong pampubliko, orderlies o tagapangalaga sa mga pampublikong ospital at klinika. Maging mga empleyado sa pampublikong sentrong pangserbisyo para sa mga matatanda, bata at may kapansanan ay tinatanggal kasabay nang pag-atras ng subsidyo sa kanilang mga tanggapan. Malawakan din ang pagbabawas o kaya’y pagpapako sa sahod o wage freeze sa maraming mga bansa sa ngayon. Kung kaya’t higit na mahirap para sa kalakhan ng masang anak pawis sa daigdig na matamasa ang kanilang mga batayang pangangailangan – lalong lumiliit ang pamilihan, na sya namang higit na nagpapalala ng krisis. Hindi iilang mga kilalang ekonomista ang nagbababala nang isang double dip recession[7] o kaya’y ‘pagpasok ng daigdig sa ikatlong depresyon na katatampukan ng mahabang panahon ng matumal na produksyon’, ayon sa ekonomistang si Paul Krugman. \s Makikita ang patunay sa matumal na produksyon sa datos ng disempleyo ng mga industriyalisadong bansa. (Tignan ang tsart.) US:Matumal na Ekonomya, Lumolobong Disempleyo Sa US, tinataya na 15.2 M ang walang empleyo noong Abril (9.7% ) habang 25.8 M ang kulang sa empleyo (16.5%). Kabilang sa kulang sa empleyo (underemployed) ang 625 libong walang trabaho na tumigil na sa paghahanap ng trabaho o discouraged workers. Sa pagtaya ng US Department of Labor, 22% (18 M) ng 79 M mamamayang edad 25- 65 ang walang anumang trabaho! Nakakabahala ang mga naturang tantos na syang pinakamataas na mula ng World War II, dagdag pa ang lumalaking bilang ng long-term unemployed o dalawampu’t pitong linggo o higit pa na walang trabaho, na 6.8 M (45.5 % ng disempleyo). Sila’y umaasa sa $350 kada linggo bilang pensyon ng walang trabaho (unemployment pension) na hanggang Nobyembre. Halos walang bagong trabahong nalilikha. Lumiit pa nga ng 125 libo ang mga trabaho habang patuloy naman ang pagbabawas ng mga manggagagawa (8 libong manggagawa ang tinanggal mula Mayo-Hunyo). Gayundin, maliit ang kapasidad ng pribadong sektor na magdagdag ng trabaho. Mayroong 33 libong trabahong naidagdag nuong Mayo at 83 libong trabaho naman sa sumunod na buwan. Ngunit sa pagsusuri ng Automatic Data Processing maliit na bahagi lamang ang bagong trabaho (13,000). At sa harap ng kabi-kabilang anunsyo ng tanggalan (hal. pharmaceutical giant Merck – 15 libong manggagawa at telecomm giant Verizon – 11 libong manggagawa) ay sya namang pagsasanib-sanib ng kapital upang makairal sa harap ng tumitinding krisis. Kung kaya’t pumapalo na sa double-digits (13%) ang tantos ng disempleyo sa US. Malinaw na lalo lamang magigipit ang milyong mamamayan sa daigdig na kapos o walang pinagkakakitaan sa pagtanggal ng mga subsidyong panlipunan at pagpataw ng karagdagang buwis. Natural na babagal ang paglaki ng mga ekonomya. Ayon sa ulat ng IMF, ang paglaki ng pandaigdigang ekonomya ay papalo lamang ng 4.6% sa 2010 at 4.3% naman sa susunod na taon, kung saan sa mga abanteng bansa magmumula ang kalahati ng naturang paglaki. (tingnan ang tsart) Bansa o Rehiyon %Paglaki ng Ekonomya (2010) %Paglaki ng Ekonomya (2011) US 3.3 2.9 UK 2.5 2.1 Eurozone 1 1.3 Brazil 7.1 4.6 Asia 7.5 7.0 Japan 2.4 1.8 India 9.4 8.4 China*** -- 9.6 *** di pasok ang epekto ng austerity measures na kasalukuyang pinatutupad sa China Source: IMF Kung ating babalikan, bunsod ng walang hangganang ispekulasyon para sa hanggang-langit na kita ng dambuhala at oligarkiya sa pinansya ang kasalukuyang krisis. Iniresulta nito ang malawakang tanggalan ng trabaho, pag-ilit ng mga bahay hanggang dumulo sa pagkait ng kakayahang mabuhay sa milyun-milyong mamamayan ng daigdig. Hindi pinalampas ng mga imperyalista ang pondong publiko, ang labis na halagang nakaipon sa kamay ng estado, na siyang ginamit upang i-bail out ang mga dambuhalang institusyon sa pinansya. Patunay dito ang datos ng US Federal Reserve kung saan ang tantos ng kita ng mga malalaking korporasyon ay pumalo sa 43% sa unang kwarto ng 2010. At ngayon, ang malaking pampublikong utang na ito ang sya namang pagmumulan ng panibagong krisis. Ito ang pilit na ipinapapasan sa balikat ng masang anak pawis ng daigdig lalo na sa mga manggagawa at mala-manggagawang syang tuwirang lumilikha ng bagong halaga mula sa kanilang pagpapagal, sa anyo ng mga austerity measures at pinalalaking pagbubuwis. Sa madaling sabi, sa pamamagitan ng ibayong pagsasamantala at pang-aapi; sa paraang ekonomiko at ekstra-ekonomiko (ang estado sa pagtataas ng buwis at singilin at pagtitipid) pipigain ang papalaking panlipunang labis na halaga para ipansuhay sa higit pang nakonsentrang kapital na ngayo’y binabayo ng sariling nilikhang krisis. Ang pormula nang mataas na disempleyo,pinaliit na pasahod, pinalaking koleksyon ng labis na halaga (increased taxation or increased extraction of surplus), papaliit na serbisyong panlipunan at probisyon para sa panlipunang seguridad na syang kakaharapin ng masang anakpawis sa daigdig ay pormula din ng pagkitid na pamilihan. Ito ang pormulang muling pagmumulan ng ibayo pang krisis ng labis na produksyon. At kung gayo’y ibayong hirap din para sa mamamayan ng daigdig sa darating na panahon. Lalong tumatalas ang kontra-manggagawang katangian ng pandaigdigang sistemang kapitalista na umabot na sa kanyang rurok at mabilis na nabubulok. Patuloy na nakakairal sa kapinsalaan ng masang inaapi’t pinagsasamantalahan sa daigdig. Tulad nang isang parasitiko, na pabigat sa masang anakpawis, kinakailangan lamang na makapagtipon ng sapat na lakas ang mamamayang inaapi’t pinagsasamantalahan para tuluyan nang mapawi ang bulok ng sistemang ito. Malawakang Paglaban ng Uring-Manggagawa at Mamamayan ng Daigdig Ang kalunos-lunos na kalagayan sa buhay ng mamamayan sa iba’t ibang bayan tulad ng Europa, Amerika, at maging Africa ay sinasagot ng malawak na protesta. Mga Pagkilos Laban sa Austerity Measures, Karapatan ng mga Manggagawa Sa France, dahil sa austerity measures ng gobyerno, kumilos ang isang milyong empleyado noong Mayo 21, na sinundan pa ng protesta ng dalawang milyong manggagawa sa ospital, tren, koreo, (maging ang mga estudyante ay kumilos) nuong Hunyo 24. Sa Greece, ang papatindi at papaigting na galit ng mamamayan sa austerity measures ay sumusuhay sa papalakas na kilusang masa. Mula sa nagpupuyos na damdaming tungo sa sama-samang pagkilos. Ang ika-anim na pangkalahatang-welga noong Hulyo na nagsimula pa nuong Marso ay nagparalisa sa 80% ng serbisyong publiko at ilampung libo ang natipon sa mga demonstrasyon. Habang sa Spain noong Hunyo 6, 2.3 milyong manggagawa sa serbisyo (75%) ang lumahok sa mga welga at demonstrasyon laban sa patakarang pagtitipid o austerity measures; kasunod nito ,Hunyo 28, may 7,500 na mga manggagawa sa riles (Madrid Metro) ang nag-welga sa usapin ng pagbabawas ng sahod. Paralisado ang buong operasyon na ang bawat araw ay may halos 2 milyong pasahero. Sa Portugal, nagprotesta ang ilampung libong mamamayan sa Lisbon (kabisera ng Portugal) laban din sa hakbang na pagtitipid at pagtataas ng buwis ng gubyerno. Sa Denmark naman, noong Hunyo 8 ang pagkilos ng halos 80,000 manggagawa at kabataan ang tugon sa naka-ambang tanggalan ng 20,000 mangagawa sa serbisyo; sa pinaiksing suporta sa walang trabaho(unemployments benefits) mula 4 na taon tungong 2 taon na lamang; 5% na pagkaltas sa benepisyo para sa mga bata; at ang mga pagpataw ng gubyerno ng karagdagang singilin. Sa Romania, pinakamalaganap at tuloy-tuloy ang mga kilos-protesta magbuhat ng kanilang idineklarang sila’y tatahak na sa kapitalistang landas nuong 1989. · May 19 – nagprotesta ang 40,000 manggagawa, mga guro, estudyante, pensyonado, at mga kabataang ina sa Victory Square sa Bucharest laban sa austerity measures na idineklara ng konserbatibong gubyernong Emil Broc. Ang pakete nito ay naglalaman ng 25% bawas-sahod, pagbawas sa pension, pagbawas sa benepisyo sa panganganak, at ang iba pang programang pang-kagalingan ng mamamayan. · May 31- naglunsad ng pambansang welga ang may 7,000 na manggagawang pangkalusugan, mga guro, manggagawa sa pampublikong transportasyon na nagparalisa ng serbisyo ng kalahating araw. · Hunyo 1 - 14,000 ang lumabas sa kalsada mula sa iba’t ibang syudad ng Bucharest --Prefectures of Alba, Arges, Bacau, Bistrita, Botosani, Buzau, Calarasi, Damvobita, Dolj, Galati, Lasi, Mures at Timis. · Hunyo 2 – sinundan ito ng iba pang syudad: Gorg, Cluj, Constanta, Targu, Jiu, Arad, at Sibiu kung san may karagdagang 13,000 ang lumabas sa kalsada. Ang umiigting at higit na militanteng protesta ay umaabot sa panawagang pagtatanggal sa Gubyernong Broc. Sa China, ang pagkilos ng uring manggagawa ay nagsisimulang gumulong. Mula sa welga ng may 1,900 manggagawa sa planta ng transmission parts ng Honda at lumaganap ito noong Hunyo sa iba’t iba pang planta ng mga automotive parts - Welga ng 460 manggagawa ng exhaust systems sa Foshan Fengfu Autoparts Co. na isang joint-venture na kumpanya na pag-aari ng Honda subsidiary YUTAKA GIKEN ang TAIWAN’s Fuwei Industrial Co habang work-stoppage ang mga manggagawa ng Honda Lock (Guangdong) plant sa Zhongshan Welga ang manggagawa ng Merry Electronics sa Shenzhen, isang pabrika ng Audio components na pag-aari ng mga Taiwanese. Nag-welga din ang 2,000 manggagawa sa isang pabrika ng mga produktong industriyal, ang KOK International sa syudad ng Kunshan sa Silangang probinsya ng Jiangsu. Ang malawakang protestang ito ay para hilingin ang makataong pagtrato, pagtataas ng sahod, ang mahusay na kondisyon sa paggawa, hanggang sa pag-aayos ng unyon. Ang malawakan, mapangahas at matatagumpay na mga pagkilos ay nagbibigay ngayon ng inspirasyon sa mga mangagagawa para ilaban at igiit ang kanilang karapatan, sa ganung tunguhin ang lokal na gubyerno at mga kumpanya ay nagtutulak ng ilang konsesyon para mapigilan ang malalawak na pagkilos ng mamamayan. Halimbawa sa kumpanyang Foxconn na may 400,000 manggagawa na binigyan ng 122% pagtataas ng sahod matapos ang malaganap na balita ng dumaraming pagpapakamatay ng mga manggagawa nito. Ang lokal na gubyernong Shenzhen ay nagtaas ng 10% sa minimum sahod. Sa mga industriyalisadong bansa kung saan maingat ang pakikitungo ng gubyerno sa pag-atake sa manggagawa ay may mga puta-putaking (sporadic) paglabang nagaganap. Sa Canada, Hulyo 9 naglunsad ng welga ang may 32,000 na mga guro(nabibilang sa 9 na union sa ilalim ng Federation Autonome de l’Enseignement(FAE) sa mga publikong eskwelahan sa probinsyang Quebec para itulak sa kanilang gubyerno ang mas mahusay na mga kondisyon sa trabaho. Samantala, sa syudad ng Montreal ang 5,500 manggagawa ay naglunsad ng welga para ipwersa ang lokal na gubyerno sa isang kasunduan sa kanila na nabinbin mula pa noong Agosto 2007. Sa US, noong Hunyo 24 ang 12,000 rehistradong narses ng Minnesota ay naglunsad ng kauna-unahang malaking welga ng narses sa kasaysayan ng US para ipagtanggol ang kanilang kondisyon sa pagtatrabaho gayundin ang pangangalaga ng kanilang pasyenteng maapektuhan ng bagong patakaran ng pagtitipid. Sa Michigan, nag-rali ang 4,000 guro laban sa pag-atake sa pampublikong edukasyon sa ilalim ng panawagang “Enough is Enough” na pinamumunuan ng Michigan Education Association, ang malaking unyon ng guro sa Michigan na kabilang sa National Education Association. Maraming makabuluhang pagkilos na nagaganap sa iba’t-ibang panig ng daigdig. Asahan nating sa paglala ng krisis lalo lamang nailalantad sa mamamayan na wala ngang magandang kinabukasang natatanaw, kasabay ng pagmumulat sa pagkilos, paglaban at pagtatanggol sa kanilang karapatan para mabuhay. Ispontanyo pa ang kalakhan ng mga pagkilos at protesta at nakapangingibabaw pa ang mga mapagkumpromisong aristokrata-sa-paggawa sa loob ng unyon at pederasyon sa iba’t ibang panig ng bayan sa daigdig. Ang masahol na kalagayan ng pamumuhay na likha ng matinding krisis at ng mahabang karanasan sa pakikibaka ang nagsisilbing panggatong sa nag-aalab at higit pang lumalaganap na pakikibaka ng uring manggagawa at ng mamamayan sa buong daigdig. Sa iba’t ibang panig ng daigdig, nagpapanibagong-sigla ang mga kilusan ng mamamayan at mga rebolusyonaryong manggawa para pumagitna at mamuno sa mamamayan tungo sa minimithing pagbabago. Represyon sa Harap ng Matinding Krisis Ang mga protesta’t pagkilos ng mamamayan ay hinaharap ng marahas na dispersal, sa katunayan ang malalaking burgesya ay nananawagan sa paggamit ng kapangyarihan ng estado upang supilin mismo ang mamamayang lumalaban. Ang krisis ay nakalilikha ng iba’t ibang pampulitikang sigalot sa iba’t ibang bayan sa daigdig at pati ang pretensyon sa demokrasya’y nasasagasaan ng kaguluhan dulot ng krisis. Maging ang mga liberal na burges ay nabababala sa peligro sa demokrasya hatid ng krisis -- ang mga paglaban at panunupil. Papatindi ang pagyurak ng karapatang sibil at mga pampulitikang karapatan sa iba’t ibang panig ng daigdig, lalo na sa US. --Ang pasista at mapanupil na paghahari na ang nagiging kalakaran. Ang kanang tunguhin ay likas sa isang nauubusan na ng diskarte—yayakapin ang pasismo at panunupil para patuloy na makapaghari. Kaya ang monopolyo-kapital sa pamamagitan ng estado nito ay hindi mangingiming gamitin ang kahuli-hulihang baraha para magarantyahan ang dominasyon nito sa daigdig. Kaalinsabay ng umiigting na tunggalian ng mga burges na gubyerno at ng mga mamamayan nito ay tumitindi rin ang ribalan sa pagitan ng imperyalista. Ang mga balatkayo nilang pagkakaisa ay araw-araw na inuuk-ok ng kaniya-kaniyang maniobra para isalba ang mga sariling monopolyo-kapital sa krisis. Malinaw ang banggaan na ipinakikita sa kanya-kanyang pagsaklaw ng impluwensya at ang matinding pagpiga dito tulad ng labanan sa salapi (currency war) o ang labanan sa kalakalan (trade war). Halimbawa, sinamantala ng monopolyo-kapital ng France at Germany ang krisis ng Greece sa pamamagitan ng paggamit ng pondong European Bail-out Fund para sa kanilang kontrata sa industriyang militar. Gayundin ang ginawa nilang pambabraso sa maliliit na bansa sa Silangang Europa tulad ng Hungary, Latvia para patibayin ang nagingibabaw na papel nila sa Europa gayundin ng kaakibat ng pagbawi ng Euro na nadodominahan nila. Ang US pa rin ang pinaka-agresibo sa buong daigdig sa paggamit ng dahas upang igiit at pangalagaan ang kanyang interes at hegemony sa daigdig. Ang gerang pananalakay nito sa Gitnang Silangang Asya ay mas pinasaklaw pa -- mula Iraq, Afghanistan, Yemen at nakaamba sa Iran. Gayundin na nagbabanta sa Somalia. Nagagamit nito ang mga war exercises para makapambraso at muscle flexing sa Silangang Asya (katuwang ang South Korea) at sa Karagatang Timog Tsina (katuwang ang Vietnam) laban sa kanyang mga karibal tulad ng China at Japan. Samantala, nagbabalak ang junior partner nito ngayong Australia na magtayo ng base militar, bahagi ng pagpapalakas sa Indian Ocean. Ang magkatuwang na pagpapalakas ng pwersang militar sa Karagatang Asya (Pasipiko, Timog China, at Indian) ay malinaw na nakatutok sa China na pumapangalawa na ngayong pinakamalaking ekonomya sa daigdig, at agresibong nagpapalakas ng kanyang pang-ekonomiyang pwesto sa iba’t ibang bayan sa Asya at Latina Amerika, kasabay ang pagpapalakas ng kanyang pwersang militar. Ang malalaking kapital ng China ay tumatawid ng karagatan, maging kalupaan,- upang patibayin ang pwesto nito sa maliliit na bayan sa Asya at Latina Amerika. Sa katunayan, ang China na ngayon ang pangunahing partner sa kalakalan ng mga bansa sa Timog Silangang Asya. Tumatalas ang mga Mayor na Kontradiksyon Mula sa ganap at lubusang pangingibabaw ng kapital sa pinansya at ng walang pakundangang pag-iral ng kontra-produktibo, parasitiko, at ispekulatibong operasyon nito, lumitaw ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista na walang kahalintulad sa nakaraan sa pinsalang dulot nito sa uring manggagawa at masang anakpawis ng daigdig. Inilalantad nito ang sagad-sa-butong kabulukan ng sistema. At sa pagyanig ng buong sistemang kapitalista, kasabay na tumatalas ang mga mayor na kontradiksyon ng imperyalismo – ang kontradiksyon sa pagitan ng dambuhalang monopolyo kapital at ng uring manggagawa ng daigdig; kontradiksyon sa pagitan ng mga monopolyo-kapitalismo at ng mga neo-kolonyang patuloy na pinipiga; at kontradiksyon sa pagitan ng mga dambuhalang monopolyong kapital na tumutuntong sa at sinusuhayan ng kaniya-kanyang pambansang kapangyarihan. Binubuksan ng kasalukuyang krisis ang isang bagong panahon sa pagsulong ng sangkatauhan. Mabilis nitong binabago ang kompigurasyon ng pandaigdigang sistema, pagbabagong katatampukan ng pinaigting na ribalan at labanan sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan sa iba’t ibang mga larangan. Binubuhay ng krisis at pananalasa ng imperyalismo ang paglaban ng mga bansang api. Ngunit higit sa lahat, inaalis ng krisis ang tuntungan ng pang-ideolohiyang opensiba ng kapital. Mula sa nakaraang panahon ng dominansya ng aroganteng islogang “ang kapitalismo’y patuloy na iiral” (Capitalism is here to stay) makaraan ang malaganap na pansamantalang pag-atras ng kilusaang proletaryo, bumubungad ang panahon ng pagpapanumbalik-sigla (resurgence) ng pandaigdigang kilusang proletaryo. Sa gitna ng kontradiksyon, inilalatag ang mga kundisyon ng panunumbalik-sigla (resurgence) ng pandaigdigang kilusang mangagagawa at kilusang mapagpalaya sa ilalim ng panawagang Manggagawa at mamamayan sa daigdig, magkaisa at lumaban! Walang mawawala kundi ang ating tanikala! Ang Ating Pakikitungo Nakatitiyak tayo na lalo lamang titindi ang krisis na bumabalot sa pandaigdigang sistemang kapitalista. Ang katangian ng ating ekonomyang export oriented at import dependent ay bulnerable sa pagbulusok ng pandaigdigang ekonomiya. Maging ang implikasyon nito sa ekonomya ng Pilipinas na mahigpit na nakakawing at nakasandal dito ay hindi panandalian, sa halip ay pangmatagalan. Ang masaklap pa, ang kawalang kakayahan at karanasan (ineptitude) at hindi mahusay (inefficient) na pamamahala ng rehimeng Aquino ay lalo lamang magpapalala ng epekto nito. Bukod pa, bagahe ng administrasyong Aquino ang kanyang populistang tindig sa kagustuhan nitong madaliin ang mga programa’t patakarang tumatalunton sa lumang daan ng neoliberal at free market paradigm. Sa malao’t madali, ang buong lokal na reaksyon ay dapat na kumumpas ayon sa kahingian ng sitwasyon na ipatupad ang imperyalistang dikta nang pinag-ibayong pagpapalaki ng kita ng gubyerno kasabay ng pagtitipid o austerity measures. Ito ang pagmumulan ng pagtindi ng krisis sa sistemang pampulitika ng bansa. Sa ganitong kalagayan, ang hamon sa ating hanay ay malinaw sapulin at mahigpit na mapanghawakan ang interes ng masang anakpawis, habang mulat tayong nagbubuo at nagpapalakas ng isang kilusan ng mamamayan para sa masugid na pagtataguyod sa pakikibaka sa mga isyu at kahilingan nila. Likhain ang inisyatiba ng masa sa pagkilos at pakikibaka. Sikaping makapagbuo ng pinakamalawak na pagkakaisa para sa pagtataguyod ng mga isyu. Kinakailangang sa bawat isyung susulpot sa pambansang antas man o sa antas lokal, ay magawa nating mahigpit na maiugnay sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Itinataas natin sa proseso ang kanilang pag-unawa sa kanilang kinakaharap na suliranin at nililinang ang kanilang kapasyahang kumilos at lumaban. Hikayatin ang masa sa organisadong pagkilos. Gayundin, matiyagang ihapag sa masa ang ating pagsusuri sa krisis ng kapitalistang sistema, at ang ating panawagan at pakikitungo dito. Igiit sa gubyernong Aquino at iba pang kinauukulan ang tindig ng mamamayan kaugnay ng mga isyung umaapeko sa kanilang buhay. Ang kanilang pahayag kaugnay ng pagbabago ay syang magiging tuntungan para ilaban ang mga ito. Upang makamit natin ang layuning magpalakas kinakailangan ang sumusunod:
b. Pagpapaunlad ng istilo at paraan ng pag-aaral sa layunin ng 1. Pagtataas ng kaalamang teoretikal at pang-organisasyon ng KPD at kasaping sektoral nito 2. Pagpapalalim sa pag-unawa sa mga umiiral na kalagayan sa kani-kanilang lugar ng gawain sa hanay ng masa; 3. Mabilis na malampasan ang mga limitasyon sa gawain, pursigidong pagpapatupad sa mga tungkulin at gawain at pagkakabisa (mastery) at pagkukusa sa pagpapatupad ng mga ito. (end) [1] BOP includes all monetary transactions between one country to the world. These transactions include payments for the country's exports and imports of goods, services, and financial capital, as well as financial transfers. [2] The actual level of GIR is a measure in dollar equivalent of the available foreign exchange resources to meet essential import requirements. The GIR in terms of equivalent months of imports shows how many months of importation can be covered by the current level of the reserves. It is computed as the ratio of GIR to the average imports of goods and services for the immediately preceding 12 months. Basic data are sourced from the BSP. [3] Net International Reserves is International reserves minus that have been borrowed from the International Monetary Fund and other Governments. [4] Ito ay pagkakautang ng anumang ahensya o lebel ng gubyerno (national hanggang lokal) [5] 6.25% ng utang ay pumalya na ng 60 araw, 7.8% naman ng prime borrowers ang pumalya sa pagbabayad habang 4.15% naman ang pumalyang mga pautang sa commercial real estate. [6] Mahigit 300,000 bahay buwan-buwan sa nakaraang labing-anim na buwan ang nadaragdag sa bantang maiilit. [7] Double dip recession ay worst case scenario para sa mga ekonomista. Ito ay kinatatangian ng resesyon (negative growth sa GDP) na sinundan ng maikling panahon nang pagbawi ( sa loob ng isa-dalawang kwarto) at muling babalik sa resesyon.
PRESS RELEASE October 7, 2010 Contact Person: Chester Amparo , Secretary General, KPD ( 717 32 62 /0922 876 5851) PNoy 1st 100 Days: Far from (Promised) Righteous Path “His one hundred days is not a practice run or dress rehearsal but a window to the direction of his six year reign.” This was the statement of Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (KPD) Secretary General Chester Amparo in reaction to the President’s accomplishment report for his first one hundred days. “What we saw is not the righteous path that he promised in his campaign” pointed out Amparo. According to KPD, the Aquino government has yet to come up with a comprehensive housing program as demolitions continue to dispossess thousands of families and leave them with no where to go. The group added that he is able to allot funds to give conditional cash transfers to two million families but has yet to come up with a comprehensive anti-poverty program that would really uplift our kababayans from poverty such as providing steady and decent jobs. “And while he is willing to lengthen the number of years in school with the K-12 program, he has slashed the budget for state colleges and universities; he may have formed a Truth Commission but has yet to deliver justice for the anomalies committed by the past GMA regime,” said Amparo KPD pointed out that Pnoy has no firm commitment or marching orders in relation to human rights and human rights protection. For instance, less than one percent of the EJK cases have been resolved and these rights violation continue as torture, enforced disappearance and harassment still happen. KPD added that Pnoy’s actions in relation to Hacienda Luisita and the labor row in PAL shows that he is more likely to side with big business rather than his humble bosses – the poor farmer and worker. “We have yet to see Pnoy depart from the neoliberal economic agenda religiously followed by the former Arroyo regime where the role of private sector and foreign investment was emphasized while removing government subsidy and support for social services and local investments.” said Amparo. “We urge Pinoys to pressure Pnoy to align his priorities along his promises to the people-his bosses rather than his commitments to big business or foreign investors, “ ended Amparo. |
Categories
All
|