(Unang Borador) Modyul para sa Pagtalakay sa Global Warming at Climate Change (December 2009) Introduksyon Ang Global Warming at dulot nitong Climate Change ang isa sa pinakamalaking usapin ngayon na kinakaharap ng mamamayan ng daigdig. Isang usaping nangangailangan ng kagyatan at pangmatagalang solusyon sa pinakamaagang panahon. Milyun-milyong mamamayan na sa daigdig ang matinding dumaranas ng epekto ng climate change dulot ng global warming -- pagkawala ng buhay at kabuhayan; pagkawala ng seguridad sa pagkain at mapagkukunan ng ligtas na tubig; pagkasira di lang ng mga bahayan at istruktura kundi ng buo-buong nasyon, laluna sa mga rehiyon ng Africa, Arctic, Asya at mga maliliit na islang-nasyon sa Pasipiko. Patuloy pa rin sa pagtaas ang greenhouse gas emissions na siyang salarin sa global warming at patuloy sa paglaki ang konsentrasyon ng greenhouse gases na ito sa kalawakan. Nagpapatuloy ang banta ng panganib na maaari pang idulot ng pagkasira ng ozone; pag-init ng mundo; pagkatunaw ng glaciers, ice sheets at sea ice; pagtaas ng tubig-dagat at iba pang kaganapan sa kalikasan na di pa nasaksihan sa kasalukuyang panahon. Mahalaga na maintindihan natin kung ano itong global warming at ang resulta nitong climate change para maipaliwanag ang mga kaganapang may kinalaman sa kapaligiran at kalikasan; ang dalas at tindi ng mga sakuna dulot ng kalamidad at ang laki at lawak ng epekto nito. Higit dito, dapat nating tuntunin kung paano umabot sa kasalukuyang proporsyon ang greenhouse gases sa kalawakan ng mundo (earth’s atmosphere) na nagresulta sa kasalukuyang global warming at climate change; kailan ito nagsimula at patuloy na lumala sa kasaysayan; ano ang mga pangunahing dahilan o salik nito; at, sino ang may malaking pananagutan. At sa dulo, makita ang mga tunay na solusyon at wastong pagharap o pakikitungo sa usapin. Lalamanin ng modyul na ito ang sumusunod: I. Ang Global Warming at Climate Change i. Ang Global Warming ii. Ang Greenhouse Effect at Epekto Nito sa Global Warming iii. Ang Climate Change iv. Mga Umaapekto sa Pagbabago ng Klima – Mga Natural na Salik at Gawa ng Tao v. Mga Implikasyon ng Global Warming at Climate Change II. Sino ang May Pananagutan at Dapat Singilin sa Kasalukuyang Global Warming at Climate Change? III. Iba’t ibang Pagtugon sa Usapin ng Global Warming at Climate Change i. Ang UNFCCC at Kyoto Protocol ii. Mga Maling Solusyon mula sa North IV. Ang Ating mga Panawagan at Tungkulin Panlipunang Hustisya at Pagbabago ng Sistema ang Tunay na Solusyon I. Ang Global Warming at Climate Change i. Ang Global Warming Mas higit na masaklaw ang usapin ng “global warming” kaysa pagkatunaw ng Antarctic ice sheets at pagtaas ng lebel ng tubig-dagat (sea-level rise). Ang “global warming” ay kinatatangian ng pagtaas ng karaniwang temperatura ng mundo kaya’t nagdudulot ng pangkalahatang pag-init ng kalawakan, ng kalupaan at karagatan (global heating of the atmosphere, land and oceans). Pinatutungkulan din nito ang mga usapin ng: malakihan o ganap na pagbabago sa klima o panahon sa mga lugar sa daigdig (global climate change) di makalkula o paiba-ibang klima o panahon (global climate variation) matitinding mga kaganapang may kinalaman sa weather patterns sa iba’t ibang panig ng daigdig (tsunami, hurricane, atbp) global ocean acidification[1] pagkasira ng ozone layer ng mundo Iniulat naman ng United Nations Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) ang mga panganib na kaakibat ng climate change: pagkasira ng kalupaan kasalatan sa tubig at pagbaba ng kalidad ng tubig suliranin sa suplay ng pagkain at malaganap na kagutuman pagkalat ng mga sakit at pangkalahatang pagbagsak ng antas ng kalusugan ng tao Nuong 2001, naiulat na ng IPCC na tumaas ng 0.6 degrees Celsius ang temperatura ng mundo (global average surface temperature) sa buong panahon ng ika-dalawampung siglo (twentieth century). Ang 1990’s ang naitalang pinakamainit na dekada na dinanas ng mundo sa loob ng sampung libong taon. Sa pagpasok ng panibagong siglo, ang mga senyales ng global warming ay damang-dama at malawakan na. Ang sampung (10) pinakamaiinit na taon ay naitala lahat sa panahon mula 1990 – 1998 bilang pinakamainit, sumunod ang 2002, 2003, 2001 at 1997. Tinataya ng IPCC na maaari pang tumaas ng nasa pagitan ng 1.4 hanggang 5.8 degrees Celsius ang temperatura ng mundo pagdating ng 2100. ii. Ang Greenhouse Effect at Global Warming Sa syentipikong pag-unawa, ang global warming ay resulta ng malakihang konsentrasyon o bolyum ng greenhouse gases (GHG) sa kalawakan. Ang greenhouse gases ang bumubuo sa 1% ng kalawakan ng daigdig (earth’s atmosphere). Sinasalo at Ikinukulong nito ang infrared radiation mula sa init ng araw habang tinitiyak na may sapat at katamtamang init na pumapasok at namamantini sa daigdig para magpatuloy ang buhay dito. Ang penomenong ito ang tinatawag na ‘greenhouse effect’. Kahit may malaking papel ang greenhouse gases sa greenhouse effect, na mahalagang rekisitos sa pagkakaroon at pagpapatuloy ng buhay sa daigdig, ang konsentrasyon nito sa kalawakan ay mapanganib. Kapag nagkaroon ng malakihang bolyum ng GHG sa kalawakan ng daigdig, mangangahulugan ito na mas maraming infrared radiation ang makukulong at mananatili sa daigdig, na syang nagiging sanhi ng pagtaas ng temperatura dito at resulta nitong pag-init. Mayroong tatlumpu’t anim (36) na elementong nabibilang sa greenhouse gases – ilan dito ay water vapor, carbon dioxide (CO2), methane (CH4), nitrous oxide (N2O), hexaflourocarbons (HFCs), perflourocarbon (PFC), sulfur hexaflouride (SF6). Sa malakihang bolyum nito, ang maituturing na pinakamapanganib ay ang CO2. Sa kasalukuyan, ang CO2 ang may kinalaman sa 60% ng paglala ng greenhouse effect na dinaranas natin dulot ng pagdami ng GHG sa kalawakan. Ang konsentrasyon ng CO2 sa kalawakan ay tumaas ng 30% mula pagsisimula ng industrial age, mula sa bolyum na 280 parts per million (ppm) tungo sa 367 ppm pagdating ng taong 1998. Sa pinakahuling pagsukat (Setyembre 2009), nasa 384.78 ppm na ito o 2 ppm pagtaas kada taon. Ang maituturing na nasa “safe level” pa ng CO2 sa kalawakan ay 350 ppm o mas mababa dito. Kontribusyon ng GHG sa Greenhouse Effect (2004) Ang kalakhan ng GHG emissions na nagpalala sa greenhouse effect, laluna mula sa pagsisimula ng rebolusyong industriyal, ay dulot ng mga aktibidad na gawa ng tao. Ang pangunahing dahilan dito ay ang emisyon ng CO2 mula sa fossil fuel combustion o proseso ng pagsunog ng fossil fuels gaya ng uling (coal), langis (oil) at natural gas. Laluna sa pagpasok ng daigdig sa yugto ng imperyalismo, ang kapasidad ng tao (malalaking industriyalisadong mga bansa) na magsunog at gumamit ng fossil fuels ay lumaki sa gahiganteng proporsyon. Ito ang sisira sa natural na balanse ng carbon cycle. Ang labis-labis na emisyon ng CO2 ang sinasabing pangunahing salarin sa global warming. Ang global warming ay tumungo na sa pagbabago sa klima ng mundo o climate change. iii. Climate Change Ang klima o climate ay pumapatungkol sa panahon o weather na karaniwang kondisyon (average weather) sa isang lugar sa mas mahaba-habang saklaw na panahon. Sa karaniwan ay tatlumpung (30) taon o mas matagal pa. Pinatutungkulan din ng klima ang istatistika ng temperatura, humidity, atmospheric pressure, hangin, bolyum ng tubig-ulan, atmospheric particle count, at iba pang meteorological elements sa isang tiyak na rehiyon sa mahaba-habang panahon. Ang klima sa isang lokasyon ay naaapektuhan din ng tereyn, taas ng lugar, ice o snow cover, at gayundin, ng karatig na mga katubigan at ang kanilang pagdaloy (currents). Ang panahon (weather) ay ang kasalukuyang kondisyon ng mga kaparehong elemento sa loob ng maikli-ikling panahon – isang araw hanggang dalawang linggo. Sa madaling pag-intindi, kapag sinabing climate change, ito ay pumapatungkol sa pagbabago sa klima ng mundo at ng mga lugar sa mundo. Dahil ang pinag-uusapan ay klima at hindi simpleng panahon o weather lang, ito ay kapwa malawakan (large-scale) at matagalan (long-term). Kinatatangian ito ng pangkalahatan at matagalang pagbabago o pag-iiba sa weather patterns sa lokal, rehiyunal at pandaigdigang antas. Ayon naman sa depinisyon ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC), ito ay “ang pagbabago sa klima na iniresulta ng mga aktibidad ng tao (direkta o di direkta) na nakapagdudulot ng pagbabago sa komposisyon ng kalawakan (global atmosphere), na kasama ng mga natural na dahilan (natural climate variability), ay naobserbahan sa paglipas ng maraming taon”[2]. iv. Mga Umaapekto sa Pagbabago ng Klima – Mga Natural na Salik at Gawa ng Tao Sa tulong ng paglalapat ng syensya sa pagsusuri sa mga ice cores sa northern hemisphere, natunton ng mga syentista ang temperatura ng mundo at komposisyong kemikal ng kalawakan sa nakalipas na 650,000 taon. Nasuri nila na ang mga sinaunang pagbabago sa klima (climate change) na naganap sa kasaysayan ng mundo ay dulot pangunahin ng mga natural na salik, gaya ng: · plate tectonics[3] (paggalaw ng tinatawag na tectonic plates na nagpapabago sa pusisyon ng kalupaan at mga erya ng katubigan na syang nagreresulta sa topograpiya ng daigdig) · orbital at solar variations[4] (pagbabago sa pag-ikot ng mundo na nakaaapekto sa layo at lapit nito sa araw) · volcanism[5] (natural na proseso kung saan ang mga elemento mula sa crust o mantle ng mundo ay ibinubuga palabas gaya ng pagputok ng mga bulkan, paglitaw ng geysers, hot springs, atbp) · ocean variability[6] Sa loob ng nakalipas na 1,300 taon (humigit-kumulang), naganap sa kasaysayan ng mundo ang mga pagbabago sa klima o climate changes gaya ng Medieval Warm Period at ang Little Ice Age (100 taon ang nakaraan) kung saan hindi naranasan ng buong Europa ang tag-init o summertime. Gayundin, sinabi ng mga syentista na kalakhan sa mga ito ay dulot ng mga natural na salik. Ngunit sa pagpasok ng industrial age hanggang sa abutin nito ang yugto ng imperyalismo, 150 taon mula sa kasalukuyan, naobserbahan ang mabilis na pagtaas sa temperatura ng mundo na hindi pa nangyari sa nakalipas. Mula 1850, tumaas na ng 1 degree Celsius ang temperatura ng daigdig. Ito ay nagresulta sa pag-init ng mundo maging ng kalawakan nito. May mga scientific evidences na nagpapakita na kaakibat ng pagtaas ng temperatura sa kalawakan, nagkakaroon din ng pag-init ng karagatan, nagsisipagtunaw ang glaciers, ice sheets at sea ice, at resulta nito’y tumataas ang lebel ng tubig-dagat. Nagpapatuloy ang ganitong kondisyon sa kasalukuyan, na siya natin ngayong tinatawag na global warming. Nagsisipagtunaw ang malalaking tipak ng yelo sa Greenland at Antarctica ice sheets. Nasa mahigit sa 2 trilyong tonelada na ng yelo ang natunaw sa mga lugar na ito, kasama ang Alaska, mula 2003. Nuong 1980, nasa 7 milyon sq. kms. (kilometro kwadrado) ang sukat ng Summer Arctic sea ice. Nuong 2006, nasa kulang 5 milyon sq. kms. na lamang ito. Ang pagkatunaw ng yelo ang maituturing na pangunahing dahilan ng pagtaas ng lebel ng tubig-dagat (sea-level rise). Mula 1880, ang sukat ng sea-level rise ay umabot na sa 20 cms. Sinasabi ng mga syentista na, kaiba sa mga climate changes na naganap sa sinaunang panahon (gaya ng pagkakaroon ng ice ages) na mga natural na salik ang pangunahing dahilan, ang kasalukuyang global warming at climate change ay dulot pangunahin ng tinatawag na mga anthropogenic factors[7]o mga aktibidad na gawa tao. Ilan sa mga halimbawa at pinagmumulan nito ay: Industriya - polusyon sa hangin at katubigan mula sa ibinubugang usok nito; - hindi tamang pagtatapon ng mga basura nito (waste disposal practices); Agrikultura – kumbersyon ng mga kakahuyan para maging kaparangan at pastulan at ang paggamit ng slash and burn technique o pagkakaingin; - polusyon sa kalupaan at katubigan dahil sa malawakang paggamit ng kemikal sa abono’t pestisidyo; Pagmimina – pagkawala ng topsoil; - polusyon sa tubig dulot ng mine tailings; Konstruksyon – pagkasira ng natural o likas na panirahan dahil sa konstruksyon ng mga gusali at iba pang imprastruktura; - reklamasyon Panirahan – konsentrasyon ng basura sa mga lugar ng panirahan; - pagkasaid ng groundwater Sa mga nabanggit na anthropogenic factors, ang pinakagrabeng umaambag sa pagtaas ng lebel ng CO2 sa kalawakan ay ang mga emisyon mula sa fossil fuel combustion o pagsusunog ng uling at langis. Sa kasalukuyang (2008) kontribusyon ng CO2 sa GHG na 76.7%, ang 56.6% nito ay mula sa paggamit ng fossil fuel. Ang iba pa ay: deforestation (17.3%) at biomass decay (2.8%), Tumindi ang konsentrasyon ng CO2 sa kalawakan nang ang tao ay magsimulang magsunog ng fossil fuel para sa pangangailangan nito sa enerhiya at pagpapatakbo ng mga industriya. Ngayon ay dinaranas natin ang tindi ng epekto nito – sa pagkasira ng mundo at pagkawala ng buhay at kabuhayan ng tao. v. Mga Epekto at Implikasyon ng Global Warming at Climate Change Nakaaalarma na ang mga epekto na dinaranas ngayon dahil sa global warming at climate change. Mayor na manipestasyon nito ang dalas at tindi (frequency at intensity) ng mga kalamidad gaya ng supertyphoons at hurricanes, matindi at malawakang pagbaha, tsunami, malalakas na lindol, heatwaves, matinding tagtuyot (drought) at iba pa. Habang nagpapatuloy at bumibilis ang climate change, patuloy din ang pagtaas ng risgo ng pagkasira di lang ng kapaligiran sa mga partikular na lugar kundi ng buong mundo. Ilan sa malalaking epekto/implikasyon nito ay ang sumusunod: a. Kalamidad o Natural Disasters Magiging matindi (intensed) at malawakan ang mararanasang mga kalamidad. Ang mga bansang nabibilang sa Global South o developing countries ang magiging pinakabulnerable sa epekto ng climate change dahil sa geographic (lokasyon), social at economic factors. Ang mga maliliit na islang-nasyon at maraming komunidad sa Asya at Pasipiko ang dumadanas ngayon ng matinding epekto ng pagtaas ng tubig-dagat. Tataas pa ito lalo’t sa pagtaya ng mga syentista ay magiging ‘ice-free’ na o ganap na matutunaw na ang yelo ng Summer Artic sea sa pagitan ng mga taong 2015 at 2030. Ang katumbas nito ay sea-level rise ng hanggang 0.9 metro pagdating ng taong 2100 (datos ng IPCC). Tinatayang nasa pagitan ng 70-200 milyon katao ang maapektuhan ng matindi at malawakang pagbaha kapag inabot ang ganitong lebel ng pagtaas ng tubig-dagat. Ang kahirapan at kawalan o kakapusan ng serbisyo-sosyal laluna sa pabahay ay nagtutulak din sa marami na manirahan sa itinuturing na mga risk prone areas (tabing-ilog o dagat, gilid ng bundok). Ang bulnerabilidad ng paninirahan sa mga lugar na nabanggit ang isa sa mayor na dahilan sa pagdami ng biktima at laki ng pinsala dulot ng mga kalamidad. Ayon sa datos ng United Nations Development Programme (UNDP), ang bilang ng mga mayor na kalamidad ay tumaas ng apat na beses sa nakalipas na apat na dekada. Sa Asya naganap ang apatnapung porsyento (40%) ng mga kalamidad na ito at pitumpung porsyento (70%) ng kabuuang bilang ng mga nabiktima, sa huling dekada ng ika-20 siglo (1990’s). 2. Implikasyon sa Seguridad sa Pagkain Ang mga pagbabagong nagaganap sa kapaligiran ay matinding umaapekto sa mamamayang pangunahing umaaasa dito para sa ikabubuhay. Sa Asya, nabibilang dito ang 60-80% ng populasyon nito, na ang ikinabubuhay ay maliitang agrikultura – pagtatanim, pagsasaka, pangingisda, pangangahoy, atbp. Sa datos ng United Nations Food and Agriculture Organization, tinatayang nasa 90% ng labinlimang milyon (15M) kataong ang ikinabubuhay ay sa coastal waters ay mga maliliit na mangingisda (small-scale fishers). Ayon naman sa ulat ng World Bank (WB), tinatayang nasa 90% ng 1.1 bilyong nabibilang sa mahihirap na mamamayan ng daigdig ay umaasa sa kagubatan at kabundukan para sa kanilang ikabubuhay. Sa pagkain, ang bigas ang mayor na kinokonsumo ng mamamayan ng daigdig. Ito ang pangunahing kinakain ng higit sa kalahati ng populasyon ng daigdig laluna sa Asya kung saan dalawang bilyong (2B) mamamayan ang dito umaasa para sa kinakailangang arawang sustansya sa katawan. Nasa Asya din ang 90% ng pandaigdigang produksyon nito pangunahin sa China (40%) at India (21%). Ang Asya ang tinatayang isa sa pinakabulnerable sa mga epekto ng climate change at mga kalamidad na resulta nito. Sa mga taong 2000 hanggang 2003, naobserbahan na patuloy sa pagbaba ang produksyon ng bigas at pagliit ng pandaigdigang imbak dito. Nangahulugan ito ng 93 milyong toneladang kakapusan sa produksyon kumpara sa konsumo ng mamamayan (2003). Sa tinatayang pag-init pa ng temperatura at pagtaas ng tubig-dagat, inaasahan ang pagkawala ng malaking tipak ng mga lupaing agrikultural na malaking aapekto sa produksyon at sa ultimo, seguridad sa pagkain. Ang pagtaas sa lebel ng tubig-dagat ng hanggang 1 metro ay tiyak na magpapalubog sa mga lupaing agrikultural laluna sa mababang mga lugar ng China, India, Vietnam, Bangladesh at Cambodia na siyang pinakamalalaking taga-suplay ng bigas sa daigdig. Gayundin, ang El Niño Southern Oscillation (ENSO) na nagdudulot naman ng maagang tagtuyot, ay pangunahin ding tatama sa mga rehiyong sakop ng equatorial belt. Dito din nabibilang ang maraming mga lugar sa Asya. Tinatayang nasa 50% ang maaaring ibagsak sa produksyon sa maraming lugar na ang agrikultura ay umaasa sa tubig-ulan (rain-fed) pagdating ng 2020. Matindi ring maaapektuhan ang mga lugar-pangisdaan at iba pang coastal communities. Ang pangingisda ay malaki ring umaambag sa seguridad sa pagkain. Tatlong bilyong (3B) mamamayan ang dumedepende sa nutrisyon mula sa isda. Ang mga komunidad sa kahabaan ng Mekong river na may produksyon ng higit dalawang milyong (2M) tonelada ng isda kada taon ay dadanas ng matataas na lebel ng pagbaha at gayundin, ng pagpasok ng tubig-alat (saltwater intrusion). 3. Epekto sa Suplay at Kalidad ng Tubig Malaganap na ang nararanasang kakapusan o kasalatan sa tubig (water scarcity. Maraming mga lugar sa China, U.S., India, at Africa ang dumaranas na ngayon ng krisis sa tubig. Ang mga manipestasyon nito ay: · Kakulangan sa ligtas at malinis na tubig na maiinom ng may 884 milyong mamamayan; · Kakapusan sa tubig para sa sanitasyon ng may 2.5 milyon katao; · Pagkasaid ng groundwater dahil sa overpumping; · Sobra at walang pakundangang paggamit ng tubig (overuse) at polusyon sa katubigan na nakaaapekto sa biodiversity; · Mga lokal hanggang panrehiyong sigalot dulot ng agawan sa papaliit na mapagkukunan ng tubig Ang kawalan ng akses sa ligtas at malinis na tubig ay isa sa mga pangunahing dahilan ng kamatayan sa maraming lugar sa daigdig. Ayon sa World Bank, 88% ng maraming sakit ay dulot ng hindi ligtas at maruming tubig at kawalan o mababang antas ng sanitasyon. 4. Panlipunang Dislokasyon (Social Dislocation) Sinasabi ng mga islang-nasyon, na kapag tumaas pa ang temperatura ng mundo sa 1.5 degrees Celsius, na may katumbas na 0.9 metrong pagtaas sa lebel ng tubig-dagat, ay lulubog ang maraming nasyong tulad nila at iba pang mabababang lugar laluna sa Asya at Pasipiko. Nanganganib na maging climate refugees ang buo-buong populasyon ng mga islang-nasyon gaya ng Maldives, Vanuatu at Tuvalu. Magaganap ang malakihang migrasyon dahil sa pagbaha, matinding tagtuyot at mga kalamidad. Papatong pa dito ang dislokasyong dulot naman ng mga so-called “development projects” na lumilikha naman ng mga “development refugees”, gayundin sa mga internal na dislokasyon dulot ng armed conflict. 6. Paglaganap ng mga Sakit Ang climate change at malawakan at malakihang migrasyon dahil sa epekto nito ay malaki ang kontribusyon sa paglaganap ng mga sakit laluna ang may kinalaman sa pagdami ng peste, insekto at mga sakit na air at water-borne. Patuloy sa pagtaas ang porsyento ng nagkakasakit ng malaria, dengue at yellow fever sa buong daigdig, laluna sa Africa. Hindi lang ang pagdami ng lamok na nagdadala nito kundi ang paggalaw ng mga populasyon o migrasyon ang itinuturong dahilan ng paglaganap. Testigo tayo sa paglaganap ng sakit dulot ng mga sakuna’t kalamidad nang, matapos ang hagupit ni Ondoy, ay lumaganap at marami ang nangamatay sa sakit na leptospirosis (rat-borne disease) sa kamaynilaan. II. Sino ang May Pananagutan at Dapat Singilin sa Nagaganap na Global Warming at Climate Change? Ang kasalukuyang global warming, climate change at inabot na antas ng pagkasira ng kapaligiran ay nag-uugat sa isang pandaigdigang sistema ng produksyon na ang layunin ay pagkamal ng tubo (profit-driven). Walang katulad sa kasaysayan ang bilis at tindi ng pagkasira ng kapaligiran nang pumasok ang daigdig sa yugto ng modernong kapitalismo. Sisirain nito ang natural na balanse ng kapaligiran. Titindi ang antagonistikong relasyon sa pagitan ng tao at kalikasan, gayundin, ng tao sa tao dahil sa pagkontrol ng iilan sa kalikasan at mga pakinabang dito. Ang pagkakamal ng tubo ang siya nang magiging dahilan ng paggamit sa kalikasan. Ang sistemang kapitalismo ay kinakailangang patuloy na samantalahin ang kalikasan, likas-yaman at tao, para sa pagpapatuloy ng malakihang produksyon ng mga bagay at serbisyo. Naipakita na ng maraming pag-aaral na naging mabilis ang pagtaas ng emisyon ng CO2 at konsentrasyon ng GHG nang magsimula ang rebolusyong industriyal, at patuloy itong lumala sa panahon ng pagpasok ng kapitalismo sa yugto ng imperyalismo sa huling bahagi ng 1800’s. Gayundin, lalo pa itong tumingkad sa huling apat (4) na dekada sa panahon ng pagpapatupad ng globalisasyon, kung saan ang konsentrasyon ng GHG ay tumaas ng 70% (1970-2004)[8]. Ang mga pinaka-industriyalisadong bansa ang mayor na may sala sa bulto ng mga emisyon at konsentrasyon ng GHG, laluna ng CO2 sa kalawakan. Sila ang may pangunahing pananagutan (historikal at sa kasalukuyan) sa global warming at climate change. Sa mga bansang ito na tinatawag din na Northern Countries, ang U.S. ang may pangunahing historical na pananagutan bilang numero unong tagabuga (emitter) ng CO2 sa kasaysayan (ang China ang nangunguna sa kasalukuyan, pumapangalawa ang US). Ang U.S., na bumubuo sa 14% populasyon ng daigdig, ang salarin sa kulang kalahati (40%) ng emisyon ng CO2.Ang mga bansa sa industriyalisadong “North” ay nasa 20% lamang ng kabuuang populasyon ng daigdig, ngunit, sila ang may kontrol sa paggamit ng 80% ng rekurso ng daigdig. Ang mga mahihirap na bansa o Global South, ay pinagmumulan din ng mga emisyon ngunit ito’y nasa maliit na porsyento lamang kumpara sa ibinubuga ng mayayamang mga bansa. Gayunpaman, ang mamamayan ng Global South ang pinakamalaking tinatamaan at sumasalo sa mga epekto ng climate change. Ang bulnerabilidad ng mahihirap na bansa sa climate change ay pinalalala pa ng mga bangkaroteng sistemang pang-ekonomiya na hindi nagreresolba sa kahirapan, bagkus ay pinatitindi pa ito. Kinatatangian ito ng bansot at atrasadong ekonomiya, malaganap na pagsasamantala sa mamamayan, pagkasira ng kapaligiran at pagkaubos ng likas-yaman na iniresulta ng mahabang panahong kolonisasyon at pandarambong ng mga bansang mayayaman sa mga bansang mahihirap. Sa patuloy na pagtutulak ng North sa mga mapanira at maling programang pang-ekonomiya (para sa pansariling interes) gaya ng globalisasyon at iba pang neo-liberal na patakaran at patuloy na pagtupad dito ng mga nadodominahang mga bansa sa South, magpapatuloy ang maraming inhustisya sa kapaligiran at sa mamamayan; magiging malayo ang pagbawi mula sa krisis at kalamidad; sisidhi at lalaganap ang kahirapan; at sa di malayong hinaharap, maniningil ang kalikasan. III. Iba’t ibang Pagtugon sa Usapin ng Global Warming at Climate Change i. Ang UNFCCC at Kyoto Protocol Ang mga nagdaang ilang dekada ay naging panahon ng pagbibigay ng malaking pansin sa mga usaping pangkapaligiran sa gitna ng patuloy na pagkasira nito. Habang tumataas ang pangamba sa mga panganib na maaaring idulot ng global warming at climate change, tumaas din ang pagpapahalaga para sa paghahanap ng mga solusyon dito. Iniluwal ng 1992 Rio Earth Summit (Rio de Janeiro, Brazil) ang United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC), isang tratado sa pagitan ng mga bansa ng daigdig para harapin ang usapin ng climate change. Dalawang taon ang iginugol para sa negosasyon para dito matapos ang Rio Summit, hanggang sa ganap itong maratipikahan ng 175 mga bansa nuong Marso 21, 1994. Ang UNFCCC naman ang nagluwal sa Kyoto Protocol, Marrakesh Accord, Bali Action Plan, atbp. Ang lahat ng ito ay naglalayon ng pagsasagawa ng mas malalimang pananaliksik at pag-aaral sa global warming at climate change at pagtutukoy ng mga paraan ng pagkontrol sa kontribusyon ng tao sa global warming at pag-iistabilisa ng konsentrasyon ng GHG sa lebel na hindi tutungo sa pagkasira ng mundo at buhay (mitigation) at gayundin, maghanap ng solusyon para sa pag-angkop ng mga bansa sa patuloy na nagaganap na mga pagbabago (adaptation). Dahil sa pagkilala na ang mga industriyalisadong bansa ang mayor na umaambag sa konsentrasyon ng GHG, at laluna, dahil sa lumalaking presyur ng publiko sa kanilang mga gubyerno, nagkaisa ang mga nasyon na magkaroon ng isang legally binding measure na tinawag na Kyoto Protocol[9]. Ang Kyoto Protocol, na inaprubahan ng mga bansa nuong Pebrero 16, 2005, ay partikular na nagtatakda ng target para sa pagbabawas ng GHG emissions ng may 37 industriyalisadong mga bansa (main contributors to GHG emissions), na magsisimula sa taong 2008 hanggang 2012. Ang ispesipikong nilalayon nito ay pagbabawas ng limang porsyento (5%) sa kanilang emisyon mula sa naitalang GHG emissions nuong taong 1990. Dahil apektado sa pagpapatupad ng mga nilalaman ng Kyoto Protocol ang lahat ng sektor ng ekonomiya, ito ay kinokonsidera bilang pinakamasaklaw at maunlad na kasunduang inabot at inaprubahan patungkol sa kapaligiran at sustenableng pag-unlad. Gayunpaman, hindi pa rin masasabing isang tagumpay ito dahil marami sa mga bansa ay hindi naabot ang mga pinagkaisahang target. Higit dito, ang may pinakamalaking pananagutan sa lahat ng mga industriyalisadong bansa, ang pinakamalaking U.S., ay hindi nagratipika sa nasabing kasunduan. Kahit pa nga masasabing maunlad na ang nilalaman ng Kyoto Protocol, mayroon pa rin itong mga kahinaan na sa totoo’y paborable sa mga industriyalisadong bansa gaya ng: · Emissions Trading o pagpapahintulot ng pagbebenta sa sobrang pinahihintulutang emisyon (excess allowable emission) ng carbon dioxide ng isang bansa sa isa pang bansa na nahuhuli sa target nito ng pagbabawas ng GHG emission; · Binibigyang-daan nito ang Clean Development Mechanism (CDM) na pinapayagan ang mga industriyalisadong bansa (Annex I countries) na maabot ang kanilang target sa pamamagitan ng pagpapatupad/pagsasagawa ng mga emission-reduction projects sa mga umuunlad na bansa (Non-Annex I countries). Ang mga proyektong ito ay magbibigay sa mga bansa sa Annex I ng credit points (credit emission reduction o CER) na maaari nilang maipon kung saan ang isang credit ay may katumbas na 1 toneladang CO2 na maaaring isama sa pagsukat ng target sa Kyoto Protocol. Sa pamamagitan daw ng CDM, ang mga bansa sa Annex I ay kakayaning abutin ang kanilang target sa pagbabawas ng emisyon habang nakakatulong pa sa mga bansa sa Non-Annex I. Ang pagpapatupad ng mga proyekto ay maaaring sa paraan ng pagpopondo, inisyatiba sa pagpapagawa o joint implementation. Ang mga probisyong ito ay nasasamantala ng mga bansang industriyalisado para makasikot at sa ultimo’y makalibre sa pagbabawas ng emisyon. Sa esensya, nakapagbibigay ang mga probisyong ito sa kanila ng “right to pollute” dahil kahit na di sila magbawas o tumaas pa nga ang kanilang emisyon, maaari naman itong mabawi (offsetting emissions) sa pamamagitan ng mga mekanismong nabanggit sa itaas. ii. Mga Maling Solusyon mula sa North May mga itinutulak na panukalang solusyon ang mga industriyalisadong bansa na siyang tutugon daw sa kasalukuyang problema ng global warming at climate change. Naglalagak sila ng malaking pondo para sa pananaliksik, pag-aaral, pagbebenta hanggang pagpapatupad ng samu’t saring proyekto at programa na pumapatungkol dito. Sa totoo, marami dito, kundi man lahat ay mga paraan lamang para makaiwas sa pagbabawas ng GHG emissions ang mayayamang mga korporasyon at bansa. 1. NUCLEAR BILANG OPSYON “New nuclear plants are badly needed to deal with the climate issue”. Ito ang sinabi ni John W. Rowe, chief executive officer ng Exelon (ang pinakamalaking nuke operator ngayon sa U.S.) at chairman ng Nuclear Energy Institute. Ito rin ang malawakang ipinalalaganap na propaganda para sa pagpapatanggap at pagpapasigla pa ng industriya sa enerhiyang nukleyar. Sa G-8 Hokkaido Summit sa Japan nuong July 2008, kinilala ng G-8 ang importansya ng nuclear power bilang solusyon sa climate change. Sinabi mismo ng kinatawan ng Japan na “to accomplish this goal of tackling global warming, increasing dependence on nuclear energy is the best option”. Carbon-free daw ang enerhiyang nukleyar kaya’t environment-friendly. Kakatwang sa pagsasabi nito, binabalewala ang mga trahedyang naganap sa kasaysayan ng mga plantang nukleyar na puminsala sa kapaligiran at higit, kumitil sa buhay ng maraming mamamayan dahil sa pagka-expose sa radiation. Tahimik din ito sa usapin ng dami ng emisyon ng CO2 sa buong proseso ng pagpapatupad sa proyekto ng enerhiyang nukleyar – mula ekstraksyon ng uranium na gagamitin bilang panggatong, konstruksyon ng mga planta, operasyon ng mga ito, hanggang pagtatapon ng basura o radioactive waste mula sa mga plantang nukleyar. 2. TRANSISYON SA AGRO-FUELS Ang agro-fuels ay tipo ng fuel (panggatong para lumikha ng kuryente) na nalilikha mula sa mais, tubo, soy at iba pang tanim gaya ng jathropa at palm. Ang halimbawa nito ay ethanol. Sinasabi ng mga nagtataguyod nito na ito na ang ‘next big thing’ sa usapin ng renewable energy at pagharap sa global warming at climate change. Ipinalalaganap ang sumusunod na propaganda na ang agro-fuels ay: “Clean and Green” Hindi magreresulta sa Deforestation Magdadala ng pag-unlad sa kanayunan Hindi lilikha ng kagutuman Hindi totoong “clean and green´ang agro-fuels. Sa totoong bagay nga, ang mga industrial agro-fuels ay kumakain ng malaking bolyum ng petroleum-based fertilizers, na dahil sa malawakang paggamit nito na karaniwang umaabot sa 45 milyon tonelada kada taon, ay nakapagpadoble ng emisyon ng nitrous oxide sa kalawakan. Sa paglikha ng isang litro ng ethanol, gagamit din ng tatlo hanggang limang (3-5) litro ng tubig, habang labingtatlong (13) litro ng waste water naman ang nalilikha. Tumataas din ang antas ng pagkakaroon ng erosion sa kultibasyon ng fuel crops gaya ng soy. Gaya ng nukleyar, ang “mabuting” aspeto lang nito ang ipinapakita, ngunit ikinukubli naman ang malalaki at mapanganib na epekto nito. Dahil liban sa pagkasira ng balanse ng kapaligiran, sisirain din nito ang balanse sa sistema ng paglikha ng pagkain. Imbes na ang silbi ng pagtatanim ng mais at iba pa ay para sa pagkain, iko-convert ito para maging ethanol. Malakihang kumbersyon din ng lupaing agrikultural ang ginagawa na ngayon para pagtaniman ng jathropa, palm oil, soy at iba pa. Ang nakataya ay ang seguridad sa pagkain laluna ng mga bansang mahihirap kung saan malawakang nagaganap ang ganitong proyekto na dominado ng mga transnasyunal at mayayamang bansa gaya ng Tsina. 3. GEO-ENGINEERING SOLUTIONS Ang geo-engineering ay ang intensyunal, malakihang manipulasyon ng sistema ng klima sa pamamagitan ng artipisyal na pagbabago sa kalikasan ng karagatan, lupa at maging ng kalawakan gaya ng: a) solar radiation management (blocking or reflecting sunlight) gaya ng cloud whitening, space sunshades at albedo enhancements[10]; b) carbon dioxide removal and sequestration gaya ng biochar, genetic engineering of algae, ocean upwelling or downwelling enhancement[11]; c) weather modification gaya ng cloud seeding at hurricane suppression or redirection Malaki ang potensyal na makalikha pa ng pagkasira sa kapaligiran ang geo-engineering solutions dahil ang ganitong teknolohiya ay dumadagdag pa sa emisyon ng ghg sa kalawakan, lalong nakapagpapabago sa weather patterns, nakakasira sa ozone layer, nakaaapekto sa biodiversity. Liban sa mga nabanggit, ang mas kritikal na usapin dito ay kung sino ang magkakaroon ng kontrol sa manipulasyon ng sistema ng klima? Sino ang gagawa ng desisyon at magtatakda kung kinakailangan na ang ganitong klaseng interbensyon – kailan at saan isasagawa? Tiyak na hindi ang mga mahihirap na nasyon at mamamayan na matindi nang dumaranas ng epekto ng climate change. 4. REDD (Reduction of Emission from Degradation and Deforestation in Developing Countries) Ang REDD ay isang panukalang ipinipilit ng mga bansa sa North sa mga bansa sa South (developing countries). Ang mga kagubatan (na marami pang natitira sa South) ay malaki ang abilidad na ikulong ang pangunahing ghg, ang carbon dioxide. Ninanais ng mga bansa sa North na ang REDD ay makapagbigay sa kanila ng oportunidad na mapanatili ang kasalukuyang lebel o higit pa, ng kanilang emisyon ng ghg.Sa pamamagitan ng REDD, maaaring mapalaganap ang carbon trade. Ibig sabihin, bibili ang North ng carbon credits sa South, mula sa pagpopondo sa REDD at iba pang “forest-conservation efforts” kapalit ng karadagang ghg emission allowance. Hindi solusyon sa global warming at climate change ang carbon credit trade sa pagitan ng North at South. Ang mga bansang pangunahing ghg emitters ay gagamitin lamang ang kanilang kapangyarihan sa pinansya para makabili ng carbon credits sa mga kagubatang nasa mahihirap na nasyon, nang hindi nasosolusyunan ang aktwal na pagbabawas ng ghg emissions sa kanilang mga bansa. Ang katumbas ng REDD ay pagbibigay ng higit na pollution rights sa mga mauunlad na bansa. Kaya naman ang mga pangunahing tagapagtaguyod ng REDD ay ang US at global financial institutions gaya ng World Bank at ADB. Nakasalang ang REDD sa pag-uusap sa UN climate change negotiations at may mga bansang tumututol sa maling solusyong ito gaya ng Bolivia, Brazil, China, El Salvador, Paraguay, at Tuvalu. Sa halip na REDD, dapat na ang maging panawagan natin ay GREEN o Genuine Reduction of Emission from the North. IV. Ang Ating mga Panawagan at Tungkulin Panlipunang Hustisya at Pagbabago ng Sistema ang Tunay na Solusyon Hindi sa pamamagitan ng mga paraang ipinapanukala ng mga industriyalisadong bansa at dambuhalang korporasyon – silang mga pangunahing salarin sa pagkasira ng mundo, tunay na masosolusyunan ang global warming at climate change. Tanging pagtatakip, pagsikot at pag-iwas sa malalaking pananagutan ng North ang layon ng mga solusyong pilit ipinatatanggap sa maliliit at umuunlad na mga bansa sa South. Ang pinakawastong mga solusyon ay dapat na magmula sa South - silang pinakaapektadong mga mamamayan at nasyon, pinakadumaranas ng matinding epekto ng global warming at climate change at pinakanaghahangad ng pagbabago. Kaya ang wastong pagharap sa usapin ay dapat na nakatuntong sa mga usapin ng pagbibigay hustisya at pagbabago sa mga sistemang panlipunan at pang-ekonomya na nagresulta sa malawakang di pagkakapantay-pantay at kahirapan sa maraming mamamayan at nasyon ng daigdig. Ang mga sistemang panlipunan at pang-ekonomya sa mahihirap na mga bansa ay itinakda ng pangkasaysayang pagpapailalim sa mga makapangyarihan at kapitalistang mga bansa. Ito ay sistemang pinaiiral ng mga bansang nagdodomina sa mga bansang dinodominahan na kinatatangian ng: a) pangkasaysayan at nagpapatuloy na pandarambong sa likas yaman at pagsasamantala’t pagsira sa ekolohiya’t kapaligiran ng mamamayan at nasyon sa South ng mga bansa sa North, mga dambuhalang korporasyong multi-nasyunal at transnasyunal, at mga lokal na elitistang kasabwat nila; b) patuloy na pagpapatupad ng maling mga patakaran at polisiyang pang-ekonomya na – mapanira sa kapaligiran at ekolohiya; mapanghimasok sa patrimonya’t soberanya ng mga nasyon; nagpapalala sa kahirapan ng maraming mamamayan samantalang nagpapasasa ang iilang makapangyarihan sa lipunan; at nagpapalala sa bulnerabilidad ng mamamayan sa mga krisis at kalamidad Ang wastong pagharap sa climate change ay dapat na magtaguyod ng komitment para sa: pandaigdigang pagkakapantay-pantay; makatarungang paghahatian sa yaman ng daigdig; pagbabahaginan ng teknolohiyang makatutulong sa tunay na rekonstruksyon ng kapaligiran; pagbabasura sa kasalukuyang mga patakarang neoliberal at export-market-oriented na patuloy na pinaiiral sa South; at pagtataguyod sa mga alternatibong paraan at solusyon para kamtin ang sustenableng pag-unlad ng mga bansa sa South na nakabatay sa panlipunang hustisya at soberanya Gayundin, dapat na maging sentro din ng panawagan ang usapin ng paniningil sa North o malalaking kapitalistang mga bansa, mga dambuhalang korporasyon at mga kasabwat nilang lokal na elitista, sa kanilang pangkasaysayan at nagpapatuloy na pananagutan sa climate change at pagkasira ng mundo. Dapat ipanawagan ang pagtupad sa sumusunod: 1) Sa usapin ng mitigasyon[12]: aktwal na pagbabawas sa CO2 emissions ng mga bansa sa North (domestic reduction) at hindi sa pamamagitan ng carbon trading - mangangahulugan ito ng pagbabago sa kanilang istilo ng pamumuhay (polluting way of life) at mga patakarang pang-ekonomya na mapanira sa kapaligiran at mapangwasak sa ekonomya ng maliliit na nasyon; ang kinakailangang imantini na bolyum ng ghg ay 350 parts per million (ppm) at 1.5”C naman ang lebel ng temperatura upang di na lumala pa ang global warming at climate change at mapigilan ang ganap na pagkawasak ng daigdig 2) Sa usapin ng adaptasyon[13]: ang mga programa para sa adaptasyon ng South ay dapat na pondohan ng North dahil sa kanilang malaking pananagutan sa climate change; ang pondo para sa adaptasyon ay hindi dapat sa porma ng pautang o aids at dapat na walang katambal na mga kondisyon at imposisyon 3) Sa usapin ng teknolohiya: ang mga teknolohiyang magagamit para sa pagpapagaan ng impak ng climate change, makatutulong sa mga programa sa adaptasyon at rekonstruksyon ng kapaligiran ay dapat na ibigay ng North sa South; dapat tiyaking ang mga teknolohiyang ito ay totoong malinis (hindi gaya ng mga maling solusyong nauna nang binanggit dito) at dapat tiyakin na ito’y libreng maaakses ng South 4) Sa usaping ng pinansya: dapat na dumaloy ang pondo mula sa mayayamang mga bansa patungo sa mahihirap at nangangailangang mga bansa; kailangang maglaan ng pondo, na magmumula sa mayayamang mga bansa, para sa mga programa sa rekonstruksyon at adaptasyon sa mahihirap na mga bansa; hindi dapat magkaroon ng papel ang mga IFI’s gaya ng World Bank at Asian Development Bank sa global climate fund and adaptation programs sa climate change Ang Ating Mga Partikular na Panawagan: Kapitalismo – Salarin sa Krisis at Climate Change! Wakasan Na! Baguhin ang Sistema! Moratorium sa Pagbabayad Utang! Pondo para sa Adaptasyon at Tunay na Rekonstruksyon! Ibasura ang Patakarang Export-Dependent at Import-Oriented! World Bank and ADB, Out of Climate Fund! No to False Solutions to Climate Change! No to Nuke, Coal and REDD! Scrap REDD! Go GREEN (Genuine Reduction of Emmission from the North)! ######## · Ang modyul na ito ay inihanda ng Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (KPD) para magamit bilang gabay sa pagpapalaganap at pagpaparami ng mga diskusyon at pag-aaral hinggil sa climate change. [1] Ang karagatan ay nagsisilbing ‘giant carbon sink’ sa pagsipsip nito sa 1/3 hanggang kalahati ng carbon dioxide (CO2) emissions mula sa tao o mga aktibidad na gawa ng tao. Pero ang labis-labis na CO2 ay umaapekto sa balanse ng dagat at nagreresulta sa pagtaas ng lebel ng acidity nito. Ayon sa mga ginawang pananaliksik, marami sa mga lamang-dagat (marine species) ang hindi kayang mabuhay sa kondisyon ng mataas na lebel ng acidity ng dagat. [2] “a change of climate which is attributed directly or indirectly to human activity that alters the composition of the global atmosphere and which is in addition to the natural climate variability observed over comparable time periods.” [3] Sa loob ng mahabang panahon ng pag-iral ng mundo, nagpabagu-bago ang topograpiya nito dahil sa tinatawag na plate tectonics. Ang topograpiya ay nakaiimpluwensya sa klima. Depende sa topograpiya ng isang lugar, kung ito ba ay mabundok o matubig o ma-yelo, nag-iiba-iba din ang klima dito. [4] Dahil dito, nagkakaroon ng pag-iiba-iba sa bolyum ng sinag mula sa araw na maaaring umabot sa mundo at gayundin, sa distribusyon nito sa iba’t ibang panig ng mundo. Dahil dito, naaapektuhan ang klima – ang mga lugar na di gaanong nasisinagan ng araw sa isang takdang panahon ay natural na magiging malamig at mainit naman sa inaabot nito. [5] Ang mga prosesong ito ay nakapagpapasingaw o nagpapakawala ng mga gases at iba pang particles sa kalawakan na nakaaapekto sa klima. Sa kalakhan ay mayroon itong ‘cooling effect’ dahil bahagya nitong nababarahan ang transmisyon ng solar radiation papasok sa daigdig. [6] 90% ng bagong init na pumapasok sa kalawakan ay hinihigop ng karagatan. Ngunit may mga bagong pag-aaral na nagpapakita ng pagkabawas (kumpara sa dati) ng kakayahan ng karagatan ng daigdig na humigop ng init. Dahil ito sa malawakan at matagalang kondisyon ng pag-init ng karagatan. Ang pag-init o paglamig ng karagatan at ang kakayahan nito na humigop ng init, ay umaapekto sa pagbabago ng klima. [7] Ang terminonganthropogenic ay pumapatungkol sa mga epekto, proseso o bagay na resulta ng mga aktibidad na gawa ng tao. Ang salitang ito ay unang ipinakilala ni Paul Crutzen, isang atmospheric scientist, nuong mid-70’s. Una itong ginamit sa konteksto ng usapin ng polusyon mula sa mga industriya. [8] IPCC report, 2008 [9] Ang Protocol ay isang internasyunal na kasunduan na makatitindig sa sarili ngunit kadugtong ng isang tratado. Ibig sabihin, ang Kyoto Protocol ay umaalinsunod sa mga prinsipyo at layunin na inilatag ng UNFCCC, na siya namang tratado. Mula sa mga prinsipyo at layuning ito, nagdaragdag ng mga bagong komitment para sa pagpapahigpit pa ng mga naunang kaisahan at idinedetalye ang pagpapatupad sa mga ito. [10] Cloud whitening : Spraying seawater through unmanned ships to make clouds “whiter” by increasing the condensation nuclei in clouds, thereby reflecting more of the sun’s rays back to space. Space sunshades: Trillions of small free-flying spacecrafts launched a million miles above the earth or space mirrors, made from a reflective mesh of aluminum threads and placed between the Earth and sun. Albedo enchancements: increasing the reflectiveness of the Earth’s surface by planting shinier crops, painting roofs and roads, or covering desert regions with white material. [11]Biochar: Burning huge quantities of biomass through pyrolysis (low oxygen) and burying the concentrated carbon in soil, a proposal backed by the corporate-driven International Biochar Initiative. Genetic engineering of algae: Genetically engineered algae, covering urban buildings, open ponds, or the surface of the ocean would be used to capture carbon dioxide. Ocean upwelling or downwelling enchancement: Using giant pipes to bring up nitrogen or phosphorous enriched waters (relative to carbon) to the surface to cool surface waters and enhance ocean sequestration of C02. [12] Mitigasyon ay ang pag-ampat o pagpigil sa paglala ng global warming at climate change. [13] Adaptasyon ay tumutukoy sa abilidad o kapasidad ng mamamayan sa South (na syang pinakaburnerable sa mga epekto ng climate change) na makaangkop at patuloy na mabuhay sa gitna ng sitwasyon ng climate change.
26 Comments
malyn of batangas
9/26/2011 10:01:25 am
thanks a lot. Nakatulong ito ng malaki sa research na ginagawa ko about climate change.. God bless and more power.
Reply
NHICE
2/24/2013 04:27:08 am
THANKS... KASI MAY PROJECT NA AKO.........
Reply
Hush
8/1/2013 02:38:44 am
Salamat sa info
Reply
tang
3/8/2014 05:32:57 am
thnks..
Reply
cristel
8/12/2014 02:40:27 am
tnx sa lahat ng info...thats great !!!!
Reply
mark anthony catapang
9/20/2014 03:34:19 pm
Tnks s mga impormasyon n aking nakuha dïto ...ang laking tlong nito s aking ginawang research...
Reply
ann
2/10/2015 03:25:40 am
sino po ang author nito?
Reply
gab
1/24/2017 05:56:56 am
dennis robles
Reply
komprehensibong pagtalakay .. \salamat po..
3/23/2015 10:30:55 am
Reply
jayrobz 30
7/10/2015 03:41:15 pm
thank you very much
Reply
charchar
9/3/2015 12:43:47 pm
yehey .. para sa essay .. may natutunan na ko .. haha .. pahirap na essay yan ..
Reply
liezel
3/9/2016 04:42:15 pm
sinu author
Reply
copina
10/11/2016 04:44:36 pm
sino ang author nito please
Reply
mia
11/4/2016 07:07:47 pm
sino po author
Reply
Tesla
3/15/2017 04:54:18 pm
Salamat! laking tulong nito sa aking research paper!
Reply
Rhaven Rhea Nabat
6/11/2017 08:43:18 am
Thanks po sa information... May ideas na po ako para sa reporting namin....
Reply
MONICA
6/19/2017 07:52:43 pm
THANKS PO SA INFORMATION SA WAKAS MAKAKAPAG REPORT NARIN AKO
Reply
mark angob
6/30/2017 07:52:35 pm
thank you kasi akoy may proyekto na
Reply
Gail ann
10/15/2017 01:17:04 pm
Maraming maraming salamat po kuya makakasign na ako sa aking clerance thk you very much god bless you po
Reply
larry
3/23/2018 05:15:52 am
HELLO TRADERS
Reply
Reyhanie Reyrie Rey
7/2/2018 04:08:43 am
thanks a lot dahil dito andami kong nasagutan about sa climate change thanks a lot...😘😘😘
Reply
Eryl
10/3/2019 11:41:13 am
D
Reply
Leave a Reply. |
AuthorKilusan is a quarterly publication of Kilusan para sa Pambansang Demokrasya. Archives
January 2021
|