sa ating lipunan, kalayaan ba'y totoo? kung mga gahaman ang nakaupo sa pwesto? pinagsisilbihan malalaking imperyo. buhay at karapatan, unti-unti naaabo.
kalayaa'y sadyang mailap. hindi mabanaag sa likod ng ulap. sa gitna ng laot, hindi maapuhap. tulad ng buhangin, di makuyom sa palad.
kalayaan, ika'y isang hiyas. batong dyamante ang iyong katulad. sa pagdaan ng panahon, marami ang nangahas, na masilayan ka sa labas ng rehas.
kalayaan, kailan kita mahahagkan? ang iyong mga ngiti, kailan masisilayan? katumbas man nito'y buhay at kamatayan di kailanman titigil, hanggang mahimlay sa iyong kandungan.
Iniratsada na ng Konggreso ang Con Ass sa pamamagitan ng HB 1109!
Walang pangimi sa planong pambababoy sa ating Konstitusyon ang rehimeng US – Arroyo.Sadyang nagkukumahog ang seksyon ng naghaharing uri na maipwesto ang ekstensiyon ng kanilang mga termino.Subalit maliban dito, ang higit na masakit sa matagal nang planong CHACHA ay ang pagsagasa sa ating soberanya at patrimonya.Ibig sabihin, iaalay ng elitistang gobyerno ang anumang natitira pa nating yaman at pag-aari.Ibubukas ito sa kontrol ng dayuhang kapital!
Habang patuloy na bibilugin ang ating mga ulo sa mga seremonyas at pagdiriwang ng araw ng kalayaan! At hayaang patuloy na magkunwari na “malaya na tayo.”
Ano ang dapat gunitain sa Hunyo 12?
Sa ilalim ng gubyernong Arroyo, walang dahilang ipagdiwang ang Hunyo 12! Sa halip, ipinupwersa sa atin ng mga huling kaganapan na maalab na gunitain ang mga ipinaglaban at kagitingan ng ating mga ninuno na humantong sa Hunyo 12.
Kawalan ng lupa ng mga magbubukid, kagutuman ng mamamayan, kontrol at panunupil ng dayuhan, pagsasamantala at pang-aapi ng mananakop at mga kakutsabang ilustrado, pagsasamantala sa kababaihan, at laganap na kamangmangan.Ito ang mga dahilan nag pag-aalsa ng ating mga ninuno.Ito ang nagtulak sa kanila upang puspusin ang pakikibaka at kamtin ang kalayaan.Ito ang dapat nating gunitain sa Hunyo 12!
Paano tayong magdiriwang kung hanggang sa kasalukuyan ay ito pa rin ang nagdudumilat na katotohanan?
Sa gitna ng pandaigdigang krisis – pinansiyal ng sistemang kapitalismo, agaw – buhay naman ang masang anakpawis!
Hindi na totoo ang “isang kahig, isang tuka.”Sa buhay ng masang anakpawis, “walang tigil na kahig, wala pa ring matuka!” O kaya nama’y “gustong-gustong kumahig para may matuka” pero walang oportunidad para makakahig!
Sa Cordillera, 1,900 manggagawa kaagad ang nawalan ng trabaho sa unang bulto ng tanggalan noong Enero 2009. Sa darating na Hulyo, magtatanggal ng 300 manggagawa ang Moog.Idagdag ito sa 500 manggagawa ng TI na natanggal na nuong Pebrero.Sa buong bansa, mahigit 100,000 na ang natanggal o mga manggagawang nabawasan ang oras ng paggawa.
Simula pa 2002 – 2003 ang tuloy-tuloy na economic displacement sa mga magbubukid ng Cordillera lalo na ng Benguet dahil sa pagdagsa ng imported na gulay.Sing-aga ng 2002, ang produksiyong agrikultural ng Cordillera ay bumaba na ng 48.8%! Ang kalakhan ay napupwersang magpatuloy sa pagtatanim kahit paulit-ulit na lumulubog sa utang.Dumarami naman ang bilang ng magbubukid na nagiging malamanggagawa o kaya nama’y sumasama sa walang katiyakang buhay ng mga OFWs.
Wala pa man ang CHACHA, buong puso nang ibinigay sa kontrol ng Hapon ang malaki-laking bilang ng agrikultural na lupain at marine resources sa pamamagitan ng JPEPA (Japan Philippine Economic Partnership Agreement).
Ayon sa pinakahuling sarbey ng NCSB (National Statistics Coordination Board) apat sa anim na probinsiya ng Cordillera ay kasama sa pinakamahihirap na probinsiya sa bansa: ika-apat ang Apayao, ika-siyam ang Abra, ika-labing isa ang Kalinga at ika-16 naman ang Ifugao.
Ang Apayao ang may pinakamataas na poverty incidence sa Cordillera (57.5%).Sinusundan ito ng Abra (50.1%) at ng Ifugao (30.9%).Ang bayan ng Kibungan sa Benguet at ang Asipulo, Mayoyao na mga bayan ng Ifugao ay kasama sa pinakamahihirap na munisipalidad ng bansa.
Ayon sa 2008 data ng CHEd, mula sa 100 Grade One pupils, 66 lamang ang nakakatapos ng Grade Six, 58 sa 66 ang nakakapasok ng first-year hayskul at 43 lamang ang nakakatapos ng hayskul. Sa 43, 23 ang nakakapasok sa kolehiyo at 14 lamang nito ang nakakagradweyt.At masuwerte na kung makapagtrabaho agad ang 14.Kung makapasok man, tiyak na kontraktwal ang bagsak nila!
Samantala, walang pagsidlan ng yaman ang naghaharing uri!
Patuloy na masarap ang buhay ng mga nilalang na siyang may likha ng matinding krisis!Sa mga plano ng bailout o pagsagip sa mga nababangkaroteng institusyon, ang mga kriminal ang isinasalba ng sistemang ito habang patuloy na ginigipit ang bumubuhay sa bansa.Ginigisa tayo sa sarili nating mantika!Patuloy nating pinagugulong ang ekonomya at kapitalismo habang ang ating likhang yaman ay pinagpapasasaan ng mga may-ari ng kapital!
Tunghayan ang pinakamayayaman sa bansa.Henry Sy, may-ari ng SM Prime Holdings, may net worth na 3.1 bilyong dolyar.Lucion Tan, may-ari ng PNB, Fortune Tobacco, Asia Brewery, PAL, UE, Allied Bank at Tanduay Holdings, may net worth na 1.5 bilyong dolyar! Jaime Zobel de Ayala, may-ari ng Ayala Corporation, may net worth na 1.2 bilyong dolyar! Andrew Tan, may-ari ng Emperador Distillers Incorporation, Megaworld Corporation, may net worth na 700 milyong dolyar! Tony Tan Caktiong, may-ari ng Jollibee, may net worth na 690 milyong dolyar!
John Gokongwei Jr., may-ari ng Cebu Pacific, Robinsons, may networth na 680 milyong dolyar! Eduardo Cojuangco Jr, may-ari ng San Miguel Corporation, may net worth na 610 milyong dolyar! Manny Villar, kasalukuyang Senate President, may-ari ng Palmera and Camella Homes, may net worth na 425 milyong dolyar!
Para kanino ang CHACHA?
Agaw-buhay ang masang anakpawis.Abala naman ang gubyernong Arroyo, hindi upang sagipin sila.Natataranta ang rehimen kung paano palalawigin ang kanyang termino, patuloy na pagsilbihan ang ang naghaharing uri, at ang interes ng US at dayuhang kapital.
Titiyakin ng charter change na alisin ang anumang natitirang probisyon nito na nakikitang sagka sa kalakalan at dayuhang pamumuhunan.Ito ang tunay na agenda ng conass at chacha! Ito ang tunay na adyenda ng US at dayuhang kapital!
Sino ang magsasalba sa atin?
Matagal nang itinuro sa atin ng kalakaran ng pulitika ng bansa na hindi pwestado ang adyenda ng mamamayan sa elitistang pulitika.Itinuro na rin sa atin ng kasaysayan na ang interes ng masang anakpawis at ng buong mamamayan ay dapat ipaglaban mismo ng kanyang hanay at hindi ninuman.Hindi ito kusang ibibigay.
Matapos nating mapanood ang balasubas na “Larong ConAss” ng Konggreso,huwag na nating hayaang paulit-ulit at paulit-ulit tayong insultuhin at balasubasin! Mahigpit nating hawakan ang mga aral ng ating kasaysayan.Buhayin at pag-alabin ang diwa ng Hunyo 12 at ang mapanlabang tradisyon ng mamamayang Pilipino!
Isulong ang interes ng sambayanan! Tutulan ang ConAss!Tutulan ang charter change!Wakasan ang elitistang paghahari! Kapangyarihan sa mamamayan!